President Gordon B. Hinckley
"Sa kabila ng mga pahirap sa paligid natin, sa kabila ng mga nakagagalit na bagay na nakikita natin halos kahit saan, sa kabila ng mga labanang laganap sa buong mundo, maaari tayong magpakabuti."
|
|
Mahal kong mga kapatid, saan man kayo naroon, malugod namin kayong tinatanggap sa malaking pandaigdigang kumperensyang ito ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Natitipon tayo ngayon sa ating kahanga-hangang bagong Conference Center sa Salt Lake City. Di magtatagal at mapupuno na ang gusali. Labis akong natutuwa na mayroon tayo nito. Pinasasalamatan ko ang inspirasyong ipagawa ito. Napakapambihirang gusali nito. Sana ay narito tayong lahat. Ngunit hindi ito maaari. Lubos akong nagpapasalamat na mayroon tayong telebisyon, radyo, cable, satellite transmission, at Internet. Naging napakalaki nating pandaigdigang Simbahan, at maaari na ngayong sama-samang lumahok ang mga miyembro sa mga pulong na ito bilang isang malaking pamilya, na nangungusap sa maraming wika, na natatagpuan sa maraming lupain, ngunit iisa ang pananampalataya at doktrina at binyag.
Ngayong umagang ito hindi ko halos mapigilan ang aking damdamin habang iniisip ko ang mga ginawa ng Panginoon para sa atin.
Hindi ko alam kung ano ang ginawa natin bago tayo isinilang sa mundo upang maging marapat sa mga kahanga-hangang pagpapalang tinatamasa natin ngayon. Dumating tayo sa lupa sa dakilang panahong ito sa mahabang kasaysayan ng sangkatauhan. Kahanga-hanga ang panahong ito, ang pinakamainam sa lahat. Habang iniisip natin ang pag-usad ng sangkatauhan, mula sa panahon ng una nating mga magulang, hindi natin mapigilang magpasalamat.
Ang panahon ng ating buhay ang kaganapan ng panahong binanggit sa mga banal na kasulatan, kung kailan sama-samang tinipon ng Diyos ang lahat ng elemento ng mga nagdaang dispensasyon. Mula nang magpakita Sila ng Kanyang Pinakamamahal na Anak sa batang si Joseph, umagos ang nakapupuspos na kaliwanagang ibinuhos sa mundo. Bumaling ang puso ng mga tao sa kanilang mga ninuno sa pagtupad sa mga salita ni Malakias. Natupad ang pangitain ni Joel kung saan ipinahayag niya:
"At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain:
"At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu.
"At ako'y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok.
"Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.
"At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinabi ng Panginoon, at sa nangalabi ay yaong mga tinatawag ng Panginoon" (Joel 2:2832).
Mas maraming tuklas ang siyensiya sa panahong ito kaysa lahat ng nagdaang kasaysayan ng sangkatauhan. Lalong umunlad sa ating panahon ang transportasyon, komunikasyon, medisina, pampublikong kalinisan, ang paggamit ng atomika, ang milagro ng kompyuter, kasama ang lahat ng pagbabagong nagaganap dito. Noong kapanahunan ko, nasaksihan ko ang sunud-sunod na pagdaan ng mga kahanga-hangang milagro. Binabalewala namin ito.
At, kasabay ng lahat ng ito, ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang sinaunang priesthood. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan at kaharian sa nakalipas na isa't kalahating siglo. Pinamunuan Niya ang Kanyang mga tao. Pinalakas Niya sila sa kabila ng matinding pag-uusig. Pinapangyari Niya ang kahanga-hangang panahong ito ng ating buhay.
Simula pa lang ng makapangyarihang lakas para sa kabutihan ang nakikita natin na siyang kauuwian ng Simbahang ito. Gayunpaman ay namamangha ako sa naisakatuparan na.
Dumami na ang ating mga miyembro. Naniniwala akong lumago ito sa pananampalataya. Napakaraming nawawala sa atin, ngunit napakatatag ng matatapat. Sinasabi ng mga nagmamasid sa atin na nakikilala na tayo bilang relihiyon. Hindi tayo nagbabago. Ang pagkaunawa ng daigdig tungkol sa atin ang nagbabago. Pareho pa rin ang itinuturo nating doktrina. Pareho pa rin ang organisasyon. Gayon pa rin ang sinisikap nating gampanang mabubuting gawain. Ngunit nawawala ang dating poot, naglalaho ang dating pag-uusig. Mas nabibigyang-kaalaman ang mga tao. Natatanto nila ang mga pinaninindigan at ginagawa natin.
Subalit kahanga-hanga man ang panahong ito, puno ito ng panganib. Nalilibutan tayo ng kasamaan. Kaakit-akit ito at nakatutukso at nagtatagumpay sa maraming pagkakataon. Ipinahayag ni Pablo:
"Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.
"Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan.
"Walang katutubong —pag-ibig], mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,
"Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;
"Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito" (2 Kay Timoteo 3:15).
Nakikita natin ngayon ang lahat ng kasamaang ito, mas laganap at pangkalahatan, kaysa rati, gaya ng ipinaalala sa atin kamakailan lang ng nangyari sa New York City at Washington, at Pennsylvania, na ipahahayag ko bukas ng umaga. Nabubuhay tayo sa panahong gumagawa ang mararahas na tao ng kakila-kilabot at nakamumuhing mga bagay. Nabubuhay tayo sa panahon ng digmaan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kayabangan. Nabubuhay tayo sa panahon ng kasamaan, pornograpiya, imoralidad. Lahat ng kasalanan ng Sodoma at Gomorra ay laganap sa ating lipunan. Ang ating mga kabataan ay hindi naharap kailanman sa mas malaking hamon. Hindi pa kami nakakita ng gayong kalinaw na kahalayan kahit kailan maliban ngayon.
Kaya nga, mga kapatid, nagtitipon tayo sa malaking kumperensyang ito upang patatagin at palakasin ang isa't isa, tulungan at pasiglahin ang isa't isa, hikayatin at patatagin ang pananampalataya, alalahanin ang mga kahanga-hangang bagay na bigay sa atin ng Panginoon, at palakasin ang ating paninindigang labanan ang kasamaan anuman ang anyo nito.
Naging malaking hukbo na tayo. Mayroon na tayong kabuluhan. Pinakikinggan na tayo kapag tayo ay nagsasalita. Naipamalas na natin ang ating lakas sa pagharap sa kahirapan. Ang lakas natin ay nasa ating pananampalataya sa Maykapal. Walang anumang bagay sa silong ng kalangitan ang makapipigil sa gawain ng Diyos. Darating ang kahirapan. Maliligalig ang daigdig sa digmaan at mga balita ng digmaan, ngunit ang kaharian ng Diyos ay susulong.
Narinig na ninyo ang mga dakilang salitang ito na isinulat ni Propetang Joseph: "Walang di-banal na kamay ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga manggugulo ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magtipon, ang kasinungalingan ay maaaring makapanirang-puri, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkadakila, at may kalayaan, hanggang makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat lugar, makadaan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap" (History of the Church4:540).
Tayo ay binigyan ng Panginoon ng adhikaing ating isinasagawa. Ang adhikaing iyon ay ang itayo ang Kanyang kaharian, na siyang dakilang layunin ng maraming kalalakihan at kababaihang may pananampalataya, integridad, pagmamahal at pagmamalasakit sa sangkatauhan, na sumusulong upang makalikha ng mas mabuting lipunan, na nagdudulot ng mga pagpapala sa ating sarili at sa iba pa.
Kapag naunawaan natin ang ating katayuan at adhikain, hindi tayo makapagyayabang. Hindi tayo makapagmamagaling. Hindi tayo magiging hambog o makasarili. Kailangan nating tulungan ang buong sangkatauhan. Lahat sila ay anak ng ating Diyos Amang Walang Hanggan, at pananagutin Niya tayo sa gagawin natin sa kanila. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon. Nawa'y palakasin at patatagin Niya tayo sa mabubuting gawa. Nawa'y magningning ang ating pananampalataya tulad ng sikat ng araw sa umaga. Nawa'y sundin natin ang Kanyang mga banal na kautusan. Nawa'y ngitian Niya tayo nang may pagtatangi. At habang sumusulong tayo, nawa'y tulungan natin ang sangkatauhan upang sila ay pagpalain, na pinasisigla ang mga inuusig at inaapi, pinakakain at dinaramitan ang nagugutom at nangangailangan, minamahal at pinakikisamahan ang mga nakapaligid sa atin na maaaring hindi kabahagi sa Simbahang ito. Itinuro sa atin ng Panginoon ang paraan. Ibinigay Niya ang Kanyang salita, ang Kanyang payo, ang Kanyang patnubay, oo, ang Kanyang mga kautusan. Nagampanan natin itong mabuti. Marami tayong dapat ipagpasalamat at ipagmalaki. Ngunit maaari tayong magpakabuti, nang higit pa.
Mahal na mahal ko kayo, mga kapatid ko sa dakilang layuning ito. Mahal ko kayo sa inyong kinahinatnan at sa maaari ninyong kahinatnan. Sa kabila ng mga pahirap sa paligid natin, sa kabila ng mga nakagagalit na bagay na nakikita natin halos kahit saan, sa kabila ng mga labanang laganap sa buong mundo, maaari tayong magpakabuti.
Hinihiling ko ang mga pagpapala ng langit sa inyo sa paghahayag ko ng aking pagmamahal sa inyo at ipinagkakatiwala sa inyo ang mga dakilang mensaheng inyong maririnig mula sa pulpitong ito sa susunod na dalawang araw, at iniiwan ko ito sa sagradong pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.