The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2001
Sa Panahon Natin Ngayon

Sa Panahon Natin Ngayon

President Gordon B. Hinckley

"Nakasalalay ang ating kaligtasan sa pagsisisi. Ang lakas natin ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos."

President Gordon B. Hinckley

Minamahal kong mga kapatid, mapagpakumbaba kong tinatanggap ang pagkakataong ito. Patnubayan nawa ako ng Espiritu ng Panginoon sa aking sasabihin.

Kabibigay pa lang sa akin ng isang maikling sulat na pasalakay na ang missile ng Amerika. Hindi ko kailangang ipaalala sa inyo na mapanganib ang ating panahon. Nais kong magsalita tungkol dito at sa ating kalagayan bilang mga miyembro ng Simbahang ito.

Alam na alam ninyo ang mga naganap noong ika-11 ng Setyembre, wala pang isang buwan ang nakararaan. Dahil sa masama at marahas na pagsalakay na iyon napilitan tayong makidigma. Unang digmaan ito ng ika-21 siglo. Sinasabing sa kasaysayan ng tao naging hitik ng digmaan ang huling siglo. Ngayo'y sangkot tayo sa isa pang mapanganib na gawain, ang simula at wakas ay hindi natin batid. Sa unang pagkakataon mula nang maging isang bansa tayo, sinalakay ang Estados Unidos sa mismo nitong lupain. Ngunit hindi lamang Estados Unidos ang sinalakay. Pag-atake ito sa mga mamamayan at mga bansang mapayapa sa lahat ng dako. Planadong-planado ito, tahasang isinagawa, at malaking pinsala ang ibinunga. Tinatayang mahigit 5,000 inosenteng tao ang namatay. Marami rito ay mula sa ibang bansa. Malupit ito at tuso, isang napakatinding kasamaan.

Kamakailan, kasama ang ilang pambansang pinuno ng mga relihiyon, inanyayahan ako sa White House upang makipagpulong sa pangulo. Prangka siya at tuwirang nagsalita sa amin.

Sa gabi ring iyon nagsalita siya sa Kongreso at sa bansa sa di maipagkakamaling wika hinggil sa pasiya ng Amerika at mga kaibigan nito na tugisin ang mga teroristang responsable sa pagpaplano ng kahindik-hindik na bagay na ito at sinumang kumukupkop sa kanila.

Ngayon ay nasa digmaan na tayo. Pinakilos na ang malalaking puwersa at magpapatuloy ito. Nagkakasunduan ang magkakaanib. Hindi natin alam kung gaano katagal ang labanang ito. Hindi natin alam kung ano ang katumbas nito sa buhay at salapi. Hindi natin alam kung paano ito isasagawa. Maaari nitong maapektuhan ang gawain ng Simbahan sa maraming paraan.

Ang pambansang ekonomiya ay pinagdurusa. May problema na nga ito, dinagdagan pa nito. Maraming nawalan ng trabaho. Sa ating mga miyembro, maaapektuhan ang mga pangangailangang pangkapakanan at gayundin ang ikapu ng Simbahan. Maaari nitong maapektuhan ang programang pangmisyonero.

Tayo'y pandaigdigang organisasyon na. May mga miyembro tayo sa mahigit 150 bansa. Inaakala kong mas hihirap pangasiwaan ang napakalawak na pandaigdigang programang ito.

Tayong mga mamamayang Amerikano ay matatag sa pagsuporta sa pangulo ng ating bansa. Ang nakatatakot na puwersa ng kasamaan ay kailangang harapin at panagutin sa kanilang mga ginawa. Hindi ito away ng Kristiyano at Muslim. Nasisiyahan ako't nabibigyan ng pagkain ang mga nagugutom sa bansang sinasalakay. Pinahahalagahan natin ang mga kapatid nating Muslim sa buong mundo at umaasang hindi magdurusa ang mga sumusunod sa kanilang mga doktrina. Hinihiling ko lalo na sa ating mga miyembro na huwag makisangkot sa pagpapahirap sa mga inosente. Bagkus, atin silang kaibiganin, tulungan, kalingain, at suportahan. Ang mga terorista ang kailangang tugisin at lipulin.

May nalalaman tayo sa Simbahang ito tungkol sa gayong mga grupo. Binanggit sa Aklat ni Mormon ang mga magnanakaw ng Gadianton, isang napakasamang lihim na organisasyong sumumpang maghahasik ng lagim at pangwawasak. Noong kapanahunan nila, ginawa nila ang lahat, sa anumang paraan, na pabagsakin ang Simbahan, linlangin ang mga miyembro, at kontrolin ang lipunan. Gayon ang nangyayari sa kasalukuyan.

Mamamayan tayong mapayapa. Mga tagasunod ni Cristo na noon at ngayon ay siyang Prinsipe ng Kapayapaan. Ngunit may mga panahong dapat nating panindigan ang tama at kagandahang-asal, ang kalayaan at sibilisasyon, tulad nang tipunin ni Moroni ang kanyang mga tauhan sa kanyang panahon upang ipagtanggol ang kanilang mga asawa, anak, at kalayaan (tingnan sa Alma 48:10).

Sa programa sa telebisyon ni Larry King noong isang gabi, tinanong ako kung ano ang palagay ko sa mga taong sa ngalan ng relihiyon ay gumagawa ng kasamaan. Ang sagot ko, "Hindi nagbibigay ng proteksyon ang relihiyon laban sa kabuktutan, kasamaan, sa mga gayong bagay. Hindi itinataguyod ng Diyos na sinasamba ko ang gayong klaseng gawain. Siya'y Diyos ng awa, ng pag-ibig, ng kapayapaan at katiyakan, at umaasa ako sa Kanya sa mga oras na tulad nito para sa ginhawa at kalakasan."

Ang mga miyembro ng Simbahan dito at sa ibang bansa ay kasali ng marami pang iba sa isang malawakang gawaing pandaigdig. Sa telebisyon nakikita natin ang mga hukbo na iniiwan ang kanilang mga mahal sa buhay, di batid kung makababalik pa sila. Naaapektuhan nito ang mga tahanan ng ating mga miyembro. Nagkakaisa bilang Simbahan, kailangan tayong manalangin at hilingin ang mga puwersa ng Makapangyarihan sa ngalan ng mga makikibaka sa labanang ito.

Walang nakaaalam kung gaano ito tatagal. Walang nakatitiyak kung saan mangyayari ang labanan. Walang nakaaalam kung ano ang kakailanganin nito bago ito matapos. Nagsimula tayo ng isang gawaing hindi natin nalalaman sa ngayon kung ano ang laki at uri.

Ganap na ipinauunawa sa atin ng ganitong mga okasyon na maselan ang buhay, ang kapayapaan, at ang mismong sibilisasyon. Ang ekonomiya lalo na ay madaling maapektuhan. Paulit-ulit tayong pinayuhan hinggil sa pag-asa sa sariling kakayahan, hinggil sa utang, hinggil sa pagtitipid. Marami sa mga miyembro ang baon sa utang dahil sa mga bagay na hindi kailangan. Noong kabataan ko, pinayuhan ako ng aking ama na magtayo ng isang disenteng tahanan, sapat para sa mga pangangailangan ng aking pamilya, at gawin itong maganda at kaakit-akit at nakasisiya at ligtas. Pinayuhan niya akong bayaran kaagad ang utang ko rito upang, anuman ang mangyari, may masisilungan ang aking asawa't mga anak. Pinalaki ako sa gayong klaseng doktrina. Hinihimok ko kayong mga miyembro ng Simbahang ito na iwasan ninyo ang utang hangga't maaari at mag-impok para sa biglaang pangangailangan.

Hindi natin mapaglalaanan ang lahat ng pangangailangan. Ngunit mapaglalaanan natin ang maraming pangangailangan. Hayaan nating ipaalala ito ng kasalukuyang kalagayan.

Tulad ng ipinapayo namin sa loob ng mahigit 60 taon, magtabi tayo ng pagkain na magagamit natin sa oras ng pangangailangan. Ngunit huwag tayong mataranta o magpadalus-dalos. Maging mahinahon tayo sa lahat ng oras. At, higit sa lahat, mga kapatid ko, sumulong tayo nang may pananampalataya sa Buhay na Diyos at sa Kanyang Mahal na Anak.

Dakila ang mga pangako hinggil sa lupaing Amerika. Sinabi sa atin nang buong katiyakan na ito "ay piling lupain at anumang bansa ang mag-aangkin nito ay magiging malaya mula sa pagkaalipin, at sa pagkabihag, at sa lahat ng ibang bansa sa silong ng langit, kung pagsisilbihan lamang nila ang Diyos ng lupain, na si Jesucristo" (Eter 2:12). At ang pinakamahalaga rito ay ang—pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

Ang Konstitusyong ipinamumuhay natin na hindi lang tayo pinagpala kundi ginawa pang huwaran ng ibang konstitusyon, ay pambansang pananggalang natin na binigyang-inspirasyon ng Diyos na tiyakin ang kalayaan at kasarinlan, katarungan at pagkakapantay-pantay sa batas.

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Hindi ko gustong maging negatibo, ngunit nais kong ipaalala sa inyo ang mga babala sa banal na kasulatan at ang mga turo ng mga propeta na nasa atin tuwina.

Hindi ko malimot ang dakilang aral ng panaginip ng Faraon tungkol sa matataba at payat na baka, at mapipintog at tuyot na uhay ng mais.

Hindi mapalis sa isip ko ang mga nakakatakot na babala ng Panginoon na nakatala sa ika-24 na kabanata ng Mateo.

Pamilyar akong tulad ninyo sa mga makabagong pahayag na darating ang panahon na ang daigdig ay lilinisin at magkakaroon ng di-mailarawang hirap, na may pagtangis at pagdadalamhati at pananangis (tingnan sa D at T 112:24).

Hindi ako nananakot. Ayaw kong maging negatibo. Alam kong magiging mabuti ang lahat. Hindi ako naniniwalang dumating na ang panahon na aabutan tayo ng mapangwasak na kalamidad. Dalangin kong hindi pa sana. Marami pang dapat gawin para sa Panginoon. Tayo, at ang ating magiging mga anak, ay kailangang gumawa nito.

Tinitiyak ko sa inyo na tayong responsable sa pamamahala ng mga gawain sa Simbahan ay magiging mahinahon at maingat tulad ng dati. Ang mga ikapu ng Simbahan ay sagrado. Inilaan ang mga ito sa paraang itinakda ng Panginoon. Napakalaki at napakalawak na ng ating organisasyon. Marami tayong isinasagawang malawak at magastos na mga programa. Ngunit tinitiyak ko sa inyo na hindi tayo sosobra sa ating kinikita. Hindi natin ilalagay sa pagkakautang ang Simbahan. Iaakma natin ang ating ginagawa sa mga magagamit na naririyan.

Napakalaki ng aking pasasalamat sa batas ng ikapu. Ito ang batas ng Panginoon sa pananalapi. Itinakda ito sa ilang salita sa ika-119 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Mula ito sa Kanyang karunungan. Sa bawat lalaki at babae, bata at anak sa Simbahang ito na nagbabayad ng tapat na ikapu, malaki man o maliit, nagpapasalamat ako sa pananampalataya na nasa inyong mga puso. Ipinaaalala ko sa inyo, at sa mga di nagbabayad ng ikapu ngunit dapat, na nangako ang Panginoon ng kamangha-manghang mga pagpapala (tingnan sa Malakias 3:10–12). Nangako rin Siya na "siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito" (D at T 64:23).

Ipinahahayag ko ang pagpapahalaga sa mga nagbabayad ng handog-ayuno. Singhalaga lang ito ng dalawang kainan ng nagbibigay sa loob ng isang buwan. Nagiging tungkod ito ng ating Programang Pangkapakanan, na nilayon upang tulungan ang mga nangangailangan.

Ngayo'y hindi na bago sa ating lahat ang pinakamatinding digmaan, alitan, pagkamuhi, pagdurusa. Ang labanang nakikita natin ngayon ay isa pang pagpapahayag ng labanang nagsimula sa Digmaan sa Langit. Ang sabi sa aklat ng Apocalipsis:

"At nagkaroon ng pagbabaka sa langit; si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka;

"At hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit.

"At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.

"At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo" (Apoc. 12:7–10).

Nakakatakot siguro ang labanang iyon. Ang mga puwersa ng kasamaan ay lumaban sa mga puwersa ng kabutihan. Ang mapanlinlang, ang tala sa umaga, ay natalo at itinapon, at nagtangay ng ikatlong bahagi ng hukbo ng langit.

Nagbigay pa ng dagdag na kaalaman ang aklat ni Moises at ang Aklat ni Abraham tungkol sa malaking paligsahang ito. Nakuha sana ni Satanas ang kalayaan ng tao sa pagpili at inangkin ang lahat ng papuri at karangalan at kaluwalhatian. Salungat dito ang plano ng Ama na sinabi ng Anak na tutuparin Niya, na siyang naging dahilan ng pagtungo Niya sa lupa at paglalaan ng Kanyang buhay para magbayad-sala sa mga kasalanan ng sangkatauhan.

Mula sa panahon ni Cain hanggang sa ngayon, ang kaaway ang naging pinakautak ng teribleng labanang nagdulot ng matitinding pagdurusa.

Siya ang nagpasimula ng pandaraya at terorismo. At magpapatuloy sila hanggang sa bumalik ang Anak ng Diyos upang mamuno at maghari na may kapayapaan at kabutihan sa piling ng mga anak ng Diyos.

Sa mga nagdaang siglo, napakaraming kalalakihan at kababaihan ang nabuhay at namatay. Ilan ang maaaring mamatay sa labanang darating. Sa atin, at taimtim nating pinatototohanan ito, hindi ito magwawakas sa kamatayan. May buhay sa kabila nito na kasingtiyak ng buhay rito. Sa tulong ng dakilang plano na naging pinakadahilan ng Digmaan sa Langit, patuloy na mabubuhay ang tao.

Itinanong ni Job, "Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?" (Job 14:14). At sinabi niya: "Talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya'y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:

"At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma'y makikita ko ang Dios sa aking laman:

"Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba" (Job 19:25–27).

Ngayon, mga kapatid, gawin natin ang ating tungkulin anuman iyon. Maaaring mawala ang kapayapaan nang ilang panahon. Mababawasan ang ating kalayaan. Maaabala tayo, o magdurusa sa anumang paraan. Ngunit babantayan ng ating Diyos Amang Walang Hanggan ang bansang ito at lahat ng sibilisadong mundong umaasa sa Kanya. Ipinahayag Niya, "Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon" (Awit 33:12). Nakasalalay ang ating kaligtasan sa pagsisisi. Ang lakas nati'y nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

Maging mapagdasal tayo. Manalangin tayo para sa katwiran, para sa mga puwersa ng kabutihan. Tulungan natin ang mabubuting kalalakihan at kababaihan anuman ang kanilang paniniwala at saanman sila naroon. Maging matatag tayo laban sa kasamaan, sa tahanan man o sa ibayo. Mamuhay tayo nang marapat sa mga biyaya ng langit, at baguhin ang ating buhay kung kinakailangan at umaasa sa Kanya, ang Ama nating lahat. Sinabi Niya: "Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios" (Awit 46:10).

Delikado ba ang mga panahong ito? Oo. Ngunit walang dapat ikatakot. Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa ating puso at sa ating tahanan. Maaari tayong maging mabuting impluwensiya sa mundo.

Tulungan nawa tayo at pagpalain ng Diyos sa langit, na Maykapal, sa pagtahak natin sa iba't ibang landas sa walang-katiyakang panahong darating. Umasa nawa tayo sa Kanya nang buong pananampalataya. Marapat nawa tayong umasa sa Kanyang Mahal na Anak na ating dakilang Manunubos, sa buhay man o sa kamatayan, ang aking dalangin sa Kanyang banal na pangalan, maging sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy