The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2001
Manindigan

Manindigan

Virginia U. Jensen
Unang Tagapayo sa Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society

"Huwag nating kalimutan na nagtatatag tayo ng pundasyon, para sa at kasama ng ating pamilya, sa bato na ating Manunubos."

Virginia U. Jensen

Gumugol ang bunso kong anak na babae at ang kanyang asawa ng ilang taon sa paghahanap ng pinakamahusay na tulong ng medisina at siyensiya upang magkaanak. Nag-ayuno, nagdasal, at umasa sila.

Sa wakas ay nakamit din nila ang matagal na nilang inaasam, at nagdalantao na ang anak ko. Kamakailan, nag-iskedyul ng masinsinang eksaminasyon ang duktor upang malaman ang kalagayan ng sanggol. Lubhang nag-alala ang anak ko sa nalalapit na eksaminasyon. Habang papalapit ang araw na ito, nalaman niyang hindi pala siya masasamahan ng asawa niya, at humiling na samahan ko siya. Sabi niya, "Inay, matapos ang lahat ng pinagdaanan namin, kapag nagkaproblema, kakailanganin ko po ng kasama."

Natuwa ako na masilayan ang isang taong mamahalin at pahahalagahan ko sa walang hanggan. Nais kong tiyakin sa kanya na magiging ayos ang lahat; ngunit sa puso ko'y nag-aalala rin ako.

Matapos tingnan ng duktor ang video ng technician, pumunta siya sa amin para sabihin ang resulta. Sabi niya, "Sana lahat ng sanggol ay perpektong tulad nito!" Hindi ko halos mapigilan ang sarili ko. Pagsakay namin sa kotse hindi ko na napigil ang sarili ko at napaiyak ako. Umiyak ako dahil nais ko'y ganoon rin ang marinig ng lahat ng nagdadalantaong ina. Umiyak ako para sa mga babaeng gustong magkaroon ng sanggol ngunit hindi magkaroon. Umiyak din ako para sa lahat ng babaeng gustong magkaroon ng mga anak ngunit hindi makatagpo ng asawa. At sa huli, umiyak ako sa pasasalamat na may kasamang paghahangad na makapaglaan sana ng karapat-dapat na tahanan ang aming pamilya para sa sanggol na ito.

Nabanggit ng makatang Ingles na si Wordsworth ang ilan sa nadama ko tungkol sa apo ko at sa tahanan nang ipaalala niya sa atin na:


"Ang ating pagsilang ay isa lamang pagtulog at paglimot . . .
. . .bakas ang ulap ng kaluwalhatian ng ating pinagmulan
mula sa Diyos, na ating tahanan."
(William Wordsworth, "Ode: Intimations of Immortality from Recollections of Early Childhood")

Sagrado ang mga tahanan natin dito sa lupa dahil sa koneksiyon ng mga ito sa ating Ama sa Langit at sa tahanan natin sa langit. Muling ipinaalala sa akin ng karanasan ko sa aking anak ang priyoridad at kahalagahan ng tahanan at pamilya. Ipinaalala rin nito sa akin na bilang mga babae na may likas na katangiang magmahal, mag-aruga, at magturo, tinawag tayo upang protektahan at pagpalain ang lahat ng bumubuo ng ating pamilya. Habang nagpapadala Siya ng mga sanggol sa lupa, gusto ng Panginoon, anuman ang kalagayan natin, na tayo'y manindigan at di-matinag at magpatuloy sa paglikha ng matatatag na tahanan na makatatagal laban sa kasamaan. Tungkulin nating ipagtanggol ang tahanan at pamilya saanman tayo naroroon sa mundo.

"Alam ko nang buong puso na ang pinakamainam na lugar para maghanda sa. . . buhay na walang hanggan ay sa tahanan," sabi ni President David O. McKay ("Blueprint for Family Living,"Improvement Era, Abr. 1963, 252.) Ngunit paano natin palalakihin ang mga bata sa mundong nagiging tulad na ng Sodoma at Gomora?

Isinalaysay muli ni President Howard W. Hunter ang makasaysayang kuwentong ito na tumutulong sa akin upang masagot ang katanungang ito.

Ang huli at ang nagpasyang labanan sa digmaan noong panahon ni Napoleon ay nangyari noong ika-18 ng Hunyo, 1815, malapit sa Brussels, Belgium, sa nayon ng Waterloo. Ang kilala ngayon bilang Labanan sa Waterloo ay itinuturing sa makabagong kasaysayan na nakapagpabago sa pulitikal na hangganan at balanse ng kapangyarihan sa Europa. Sa kritikal na sandali ng napakahalagang labanang ito sa pagitan ng puwersa ng emperador ng Pranses na si Napoleon at magkakaalyansang puwersa sa ilalim ng pamumuno ng heneral ng Britanya na si Arthur Wellesley, na mas kilala bilang Duke ng Wellington, isang nag-aalalang opisyal ang nagmamadaling nagtungo sa opisina ng Duke na may mensaheng kung hindi aatras ang kanilang hukbo, tiyak na mapasasailalim sila sa mas maraming hukbong Pranses.

Ipinag-utos ng Duke na, "Manindigan!"

"'Ngunit lahat tayo'y masasawi;' sagot ng opisyal.

"'Manindigan!' ang sagot uli ng Duke."

(Tingnan saThat We Might Have Joy,ni Howard W. Hunter —1994], 148)

"Manindigan!" iyon ang utos ng Duke; at nagbunga ito ng tagumpay. Sa utos na ito—manindigan—nakakukuha ako ng lakas ng loob at payo. Mga kapatid, nasa gitna tayo ng isang matinding labanan para sa isipan, puso, at maging ng kaluluwa ng ating mga anak, apo, at iba pang miyembro ng pamilya. Sa labanang ito ay mas makapangyarihan ang ating mga armas at pananggalang kaysa sa hukbo ng Duke ng Wellington. Dahil ang lakas natin ay mula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa bisa ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Upang magtagumpay kailangan nating magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at manindigan sa ating mga pinaniniwalaan.

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol sa mga Lamanita na "nagbalik-loob sa totoong pananampalataya; at ayaw nilang iwanan ito; sapagkat sila ay matitibay, at matatatag, at di matitinag, bukal sa loob nang may buong pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon" (3 Ne. 6:14).

Ang inyong malakas at matibay na pananampalataya at kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa Kanyang plano para sa inyo at inyong pamilya ang magiging malakas na proteksiyon ninyo laban sa magkakaibang pananaw at masasamang impluwensiya. Ang pagsunod at katapatan ninyo sa mga walang hanggang tipan at kautusan ay magdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa kabila ng kaguluhan sa mundong ito. Sa pamamagitan ng pananampalataya, makapaninindigan kayo, at makalilikha kayo ng tahanang karapat-dapat para sa mga anak ng Ama sa Langit.

Minsan habang naglalakbay ako sa lugar na puno ng karahasan at kaguluhang panlipunan, natunugan ng isang sensitibong pinuno sa priesthood ang takot ko at nagbahagi siya sa akin ng ilang salita na pumawi sa takot ko.

Noong bata pa siya, nang biglang nabalo ang kanyang ina at naghirap sila ay napalakas ng mga salitang nabasa niya sa isang lumang aklat:

"Sinabi ko sa lalaking nakatayo sa pinto ng bagong taon, 'Bigyan mo ako ng ilawan upang makalakad ako nang ligtas sa di ko batid na hinaharap.'

"At sumagot siya:

" 'Pumasok ka sa dilim at magpaakay ka sa Diyos. Mas mainam ito kaysa ilawan, at mas ligtas kaysa sa kilalang daan.'" (SaThe Oxford Dictionary of Quotations,ni Minnie Louise Haskins, ika-4 na edisyon, inedit ni Angela Partington —1996], 328).

Nakabangon muli ang ina ng aking kaibigan at lumikha ng matatag na pundasyon sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito. Napalakas din ako sa oras ng pag-aalala ko sa pagsulong sa walang katiyakan, taglay ang kaalaman na kasama ko ang Panginoon at higit na mainam ito kaysa anumang proteksiyon sa mundo.

Upang manindigan dapat nating malaman sa kaibuturan ng ating kaluluwa na ang Panginoon ang susuporta sa atin kung matatag tayong nakatayo sa bato na ating Manunubos. Ang ideyang ito'y nasa ikalimang kabanata ng Helaman. "At ngayon,. . . tandaan, tandaan na sa bato na ating manunubos, na si Cristo, ang anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humahampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa. . .dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak" (Helaman 5:12).

Mga kapatid, tiyak ang mga pangako ng Panginoon. Ibinigay Niya ang buhay Niya para sa ating kaligtasan.

Upang makapanindigan tayo at matulungan ang iba na manindigan, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat nakatanim na mabuti sa ating puso at itinuturo sa ating tahanan. Sa inyong tahanan bigyan ang inyong mga anak at mahal sa buhay ng espirituwal na pananggalang na kakailanganin nila sa pag-alis nila araw-araw at paglayo sa inyong tahanan. Turuan ang mga mahal ninyo sa buhay kung paano nila magagamit ang mga kapangyarihan ng langit sa pamamagitan ng ayuno at panalangin. Ituro sa kanila na ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath ay magliligtas sa kanila sa mundo. Turuan silang maging masunurin. Turuan silang maghangad ng pagsang-ayon ng Diyos, hindi ng tao. Turuan sila na ang daan lamang pabalik sa tahanan natin sa langit ay tanging sa pagmamahal at pagsunod sa Tagapagligtas at sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan at kautusan. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ang kaalaman sa plano ng kaligtasan ay mga sandatang magagamit ng mga miyembro ng inyong pamilya upang magtagumpay sa masasamang puwersa ni Satanas.

Sa ating mga tungkulin bilang asawa, ina, lola, kapatid, at tiya, kailangan nating manindigan bilang mga huwaran. Dahil mahal natin sila, kailangan nating bigyan ang mga miyembro ng ating pamilya ng malakas at mabuting halimbawa na maaari nilang sundan. Sa lahat ng ating ginagawa at sinasabi, sa pananamit, sa paggamit ng ating oras, sa lahat ng pagpiling ginagawa natin, ipinakikita natin kung ano ang pinaniniwalaan natin at ito ang mga halimbawang ginagaya nila.

Isinulat ni Lucy Mack Smith, ina ng propetang Joseph Smith, sa kanyang talaarawan na noong tagsibol ng 1803 siya at ang kanyang asawa ay naging lubhang abala tungkol sa relihiyon. Isinulat niya ang paghahanap niya mismo ng katotohanan, "nagtungo ako sa di kalayuang kakahuyan, kung saan ay nagdasal ako sa Panginoon . . . na makita ko ang tunay na ebanghelyo" (History of Joseph Smithby His Mother, inedit ni Preston Nibley —1958], 43). Tila pamilyar ba ito sa inyo?

Makaraan ang labimpitong taon, sa tagsibol ng 1820, sa paghahanap ng katotohanan ng propetang Joseph Smith nagkaroon siya ng "matibay nahangaring humingi sa Diyos." Kaya "nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka" (JS—1:13–14).

Nagkataon lang ba na pinili ng mag-ina ang kakahuyan upang humiling sa Diyos na ihayag ang katotohanan sa kanila? Nabiyayaan ng dalangin ni Joseph Smith ang buong mundo sa panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nabiyayaan ng mabuting halimbawa ng isang babae na nanindigan sa kanyang pananampalaya ang maraming tao.

Bagama't nagagalak akong maging asawa at ina, alam kong di ito laging madaling gawin. Nakatutuwa ang nadama ng isang batang babae sa elementarya nang hilingan sila ng guro, na kaibigan ko, na lumiham sa Diyos. Sabi ni Sharon, "Mahal kong Diyos, alam ko pong mahirap para sa inyong mahalin ang lahat ng tao sa mundo. Lima lang po kami sa pamilya pero di ko kayang mahalin silang lahat." Malamang na masasabi rin ng mga miyembro ng pamilya ko na hindi ako madaling mahalin. Gayunma'y sang-ayon ako sa sinabi ni Elder Loren C. Dunn, "Walang mas mahalaga o mas tatagal pa kaysa sa pamilya." ("Our Precious Families,"Ensign, Nob. 1974, 9.) Gaano man kahirap minsan ang buhay pamilya, ang gawain natin sa pamilya ang siyang pinakamalahaga. Kapag pinanghihinaan kayo ng loob at ang nagaganap sa pamilya ninyo ay taliwas sa inaasahan ninyo, manindigan nang may pananampalataya at gayahin ang sinabi ng isa pang batang babae sa sulat niya sa Diyos: "Mahal kong Diyos, ginagawa ko po ang lahat ng aking magagawa." Huwag hayaang masira o maapektuhan ng mga kahirapang likas sa buhay pamilya ang pagmamahalan sa inyong pamilya.

Patatagin ang ating sarili sa pananampalataya at manindigan sa mga pinaniniwalaan natin. Huwag nating kalimutan na nagtatatag tayo ng pundasyon, para sa at kasama ng ating pamilya, sa bato na ating Manunubos. Magpaakay tayo sa Diyos. Sa tulong ng Panginoon ay magkakaroon tayo ng mabuti at matatag na tahanan.

Dalangin kong nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon sa inyong mga pagpupunyaging manindigan sa pagtatangol sa tahanan at pamilya sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy