The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2003
Ang Kalagayan ng Simbahan
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  

Ang Kalagayan ng Simbahan

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY

Simula pa lang ito. Kakaunti pa lang ang nagagawa natin. Abala tayo sa gawain para sa kaluluwa ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako.

PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
  Mahal naming mga kapatid sa buong mundo, binabati namin kayo sa pangalan ng ating Manunubos. Ipinararating namin sa inyo ang aming pagmamahal at pagbabasbas. Pinupuri ko kayo sa ginagawa ninyo para isulong ang gawain ng Panginoon.

Paulit-ulit kong pinag-iisipan ang pag-unlad at epekto ng gawaing ito. Iniisip ko ang pulong na iyon ng iilang tao sa bahay ni Peter Whitmer noong ika-6 ng Abril, 1830. Dito itinatag ang Simbahan, at dito nagsimula ang gawaing naghatid sa kasalukuyang kalagayan nito.

Dumanas ang ating mga miyembro ng pang-aapi at pang-uusig; naranasan nila ang mataboy at iba pang uri ng kasamaan. At mula sa lahat ng ito'y may maluwalhating bagay na namamasdan ngayon.

Sa pagsisimula ng gawaing ito ay ipinahayag ng Panginoon:

"Makinig, O kayong mga tao ng aking simbahan, ang wika ng tinig niya na nananahanan sa kaitaasan, at kung kaninong mga mata ay nakatuon sa lahat ng tao; oo, katotohanang sinasabi ko: Makinig kayong mga tao na mula sa malayo; at kayong nasa mga pulo ng dagat, sama-samang makinig.

"Sapagkat katotohanang ang tinig ng Panginoon ay sumasalahat ng tao, at walang sinuman ang makatatakas; at wala ni isa mang mata na hindi makakikita, ni tainga na hindi makaririnig, ni pusong hindi maaantig. . . .

"At ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito.

"At sila ay hahayo at walang makapipigil sa kanila, sapagkat ako, ang Panginoon ang nag-utos sa kanila" (D at T 1:1-2, 4-5).

Walang dapat ipag-alinlangan ukol sa responsibilidad natin sa mga tao sa mundo. Walang dudang sumusulong tayo sa pagtugon natin sa responsibilidad na ito.

Habang nagsasalita ako sa inyo ngayon, na karamihan sa mga miyembro ng Simbahan, saan man kayo nakatira, ay maririnig ako. Isang himala ito. Sino ang mag-aakala noong kasisimula pa lang ng Simbahan na magkakaroon tayo ng ganitong oportunidad?

May malakas tayo ngayong kongregasyon sa bawat estado ng Estados Unidos at sa bawat lalawigan ng Canada. Mayroon din tayo nito sa bawat estado ng Mexico, sa bawat bansa sa Gitnang Amerika at sa lahat ng bansa sa Timog Amerika. May malalakas tayong kongregasyon sa Australia at New Zealand at sa mga isla ng Pasipiko. Matatag na rin tayo sa mga bansa sa Silangan. Tayo ay nasa lahat ng bansa sa Kanlurang Europa at marami sa Silangang Europa, at gayundin sa Aprika.

Nakikilala tayo dahil sa kahanga-hanga nating mga programa at sa malaking kabutihang dulot ng mga ito.

Kamakailan ay iniulat ng isang pahayagan sa California: "Sa mga puting polo, backpack at bisikleta ay makikilala ninyo agad sila, bago pa ninyo makita ang Aklat ni Mormon.

"Magkakapareho sila, at may magandang dahilan iyan.

"Ang grupo ng mga binatang—misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw— ay disiplinado habang nagmimisyon sa buong mundo.

"Sa loob ng dalawang taon, nag-uukol sila ng 60 oras bawat linggo sa paggawa ng mga gawain ng Simbahan, pagdarasal, pag-aaral, at pangangaral sa iba ng Ebanghelyo na dahilan kung bakit nila iniwan ang kanilang pamilya, mga kaibigan at ang maginhawa nilang mga tahanan.

"Nakakaugnay lamang nila ang kanilang mga mahal sa buhay sa mga sulat at dalawang tawag sa telepono sa loob ng isang taon.

"Matipid silang namumuhay, sa pribadong tirahan at apartment kasama ang kompanyon nila, gumigising ng alas 6 N.U. para mag-aral at humingi ng patnubay sa gagawin nila hanggang gabi. . . .

"Sabi nila, ang buhay na ito'y isang sakripisyo—at 'pinakamasayang' bahagi ng kanilang buhay" (Priscilla Nordyke Roden, "Answering the Call," San Bernardino County Sun, ika-26 ng Ago. 2003, p. B1).

Maaaring ganito rin ang maisusulat tungkol sa ating mga misyonerong naglilingkod sa mahigit sa 120 bansa.

Isang himala na may mga 60,000 tayong katulad nila, karamihan sa kanila'y bata pa, nagbibigay ng kanilang panahon at patotoo sa mundo.

Nakipagkita ako kamakailan sa isang grupo ng mga misyonero na papauwi na kinabukasan. Mula sila sa iba't ibang panig ng mundo, mula Mongolia hanggang Madagascar. Malinis at masaya at masigla sila. Nagpahayag sila ng pagmamahal sa Simbahan, sa kanilang mission president, at sa kanilang mga kompanyon. Kahanga-hanga at kakaiba ang programang ito ng Simbahan.

Gayon din naman ang iba pa nating mga programa.

Pinuri tayo kamakailan ng mga pahayagan sa pagbibigay natin ng tatlong milyong dolyar para mabakunahan laban sa tigdas ang mga bata sa Aprika. Ang perang ito'y di galing sa ikapu. Ito'y mula sa kontribusyon ng matatapat na miyembro sa pagkakawanggawa ng Simbahan sa mga nangangailangan. Sumama na tayo sa American Red Cross, United Nations Foundation, Centers for Disease Control and Prevention, sa United Nations Children's Fund, World Health Organization, at sa Pan American Health Organization para mabakunahan ang 200 milyong bata at maiwasan ang pagkamatay sa tigdas ng 1.2 milyong tao sa susunod na limang taon. Sa kontribusyon pa lang natin ay mababakunahan na ang tatlong milyong bata.

Kamangha-mangha at kahanga-hangang bagay ito. At gayon din ang bawat isa sa mga programa natin sa pagkakawanggawa.

May isa pa.

Noong Marso, 2001, ibinalita namin na bumubuo ang Simbahan ng planong tutulong sa ating mga returned missionary at sa iba pang mga kabataan. Ito'y para makapag-aral sila't makapagsanay upang magkaroon ng magandang trabaho sa mga bansang di gaanong maunlad at kakaunti lang ang mga oportunidad.

Inimbita natin ang mga gustong tumulong na magbigay sa pondong tinawag na Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon, na itinulad sa Perpetual Emigration Fund noong ika-19 na siglo. Narito ang maikling ulat sa nangyayari sa planong iyon.

Dahil sa bukas-palad ninyong kontribusyon, natugunan natin ang lumalaking pangangailangan sa mga pautang. Sa ngayon nakapagpautang ang Simbahan sa 10,000 mga dalaga't binata sa Latin America, Asya, Aprika at ibang lugar sa Simbahan. Nangako silang magbabayad ng kanilang mga utang upang matamasa rin ng iba ang oportunidad na dinaranas nila.

Marami na ang nagtapos at tinatamasa nila ang bunga ng kanilang pinag-aralan. Sa ngayon may 600 kabataan na ang nagtapos sa kanilang pag-aaral. Karamihan sa kanila ay nakakita na ng magandang trabaho. Marami pang magtatapos at makapagtatrabaho sa kanilang komunidad sa mga darating na buwan. Malaki ang magagawa nila para sa mundo, magkakaroon sila ng pamilya, at maglilingkod sa Simbahan. Marami na ang nakagagawa nito.

Halimbawa, si Patrick ang unang estudyante ng Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon na nakatapos sa Jamaica. Dahil sa napag-aralan niya sa management nakakuha siya ng magandang trabaho sa national airport, at maganda ang kanyang hinaharap. Agad niyang sinimulan ang pagbabayad ng utang.

Si Flavia, ay isang sister mula sa mahirap na bahagi ng Timog Amerika. Hindi siya makahanap ng oportunidad para matustusan ang pag-aaral at magkaroon ng regular na trabaho, hanggang sa matulungan siya ng PPP at nag-aral siya ng komputer. Sa tulong ng LDS Employment Services, nakapagtrabaho siya sa isang magandang kumpanya pagkatapos niyang mag-aral. Sabi niya: "Nasa financial consulting ako ngayon sa isa sa malalaking ospital sa Recife gamit ang isang [makabagong] sistema sa komputer. Isa ako sa grupong gumawa ng sistemang pinansyal sa kumpanya."

Marami ang ganitong mga halimbawa. Ikinagagalak naming iulat na maganda ang takbo ng plano at unti-unting lumalawak ito habang lalo tayong natututo. Maganda ang mga naunang ulat tungkol sa pagbabayad ng mga utang. Muli, salamat sa inyong kabutihang-loob, interes, at dalangin para sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon.

Noo'y sinasabi na hindi lumulubog ang araw sa British Empire. Ang kahariang ito ngayon ay naglalaho na. Ngunit totoong hindi lumulubog ang araw sa gawaing ito ng Panginoon dahil naiimpluwensiyahan nito ang buhay ng mga tao sa buong mundo.

At simula pa lang ito. Kakaunti pa lang ang nagagawa natin. Abala tayo sa gawain para sa kaluluwa ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako. Walang hangganan ang gawaing ito. Sa banal na patnubay ng Panginoon ay magpapatuloy ito. Ang mga bansang sarado sa atin ngayon ay mabubuksan balang-araw. Nananampalataya ako rito. Iyan ang paniniwala ko. Ito ang aking patotoo.

Ang maliit na batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2:31-45; D at T 65:2).

Sa mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako, habang natitipon tayo sa malaking kumperensyang ito, sinasabi kong basbasan nawa kayo ng Diyos. Laging manampalataya; tuparin ang inyong mga tipan. Lumakad sa liwanag ng ebanghelyo. Itatag ang kaharian ng Diyos sa mundo.

Kahanga-hanga ang kalagayan ng Simbahan at patuloy pang gaganda ito. Uunlad ito at lalakas.

Tayo'y mga pangkaraniwang taong may di pangkaraniwang gawain. Tayo'y mga lalaking may hawak ng priesthood ng buhay na Diyos. Ang mga nauna sa atin ay nakagawa ng mga kahanga-hangang gawain. Oportunidad at hamon para sa atin ang ipagpatuloy ang dakilang gawaing ito, at ang kahihinatnan nito ay di natin halos maisip.

Maraming salamat mga kapatid, sa inyong pananampalataya at katapatan. Salamat sa inyong pagmamahal sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Nabubuhay tayo sa mundo. Gumagawa tayo rito sa mundo. Ngunit kailangang hindi tayo pasakop sa mundo habang ginagawa natin ang gawain ng Panginoon at hangaring itayo ang Kanyang kaharian sa lupa. Magsama-sama tayo sa malaking pandaigdigang kumperensya ng kalalakihan at kababaihan na magkakapatid at mga anak ng Diyos.

Sa susunod na dalawang araw maririnig nating magsalita ang marami sa amin, hindi sila sinabihan kung ano ang dapat talakayin, at bawat isa sa kanila ay sumamo sa Panginoon para masabi nila ang bagay na makatutulong, magbibigay-sigla't inspirasyon sa lahat ng nakikinig.

Basbasan nawa kayo ng langit. Nawa'y maging matapat kayo sa dakila at maluwalhating layuning inyong niyakap. Ito ang aba kong dalangin, sa ngalan ng ating Manunubos, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

Ngayon may sorpresa kami sa inyo. Gusto kong papuntahin dito sa pulpito si Brother David B. Haight. Narito ang magaling na matandang mandirigma. Siya'y 97 anyos na. Siya ang pinakamatagal na nabubuhay na Apostol sa kasaysayan ng dispensasyong ito. Kailan lang ay nagkasakit siya at medyo nahirapan. Pero gusto niyang dumalo ngayong umaga para kumaway at magpasalamat sa inyo dahil sa mahal na mahal niya kayo. At sa kanya, mahal na kaibigan, sinasabi nating, pagpalain ka ng Diyos at pagalingin. Mahal ka namin, sinasang-ayunan ka namin, ipinagdarasal ka namin. Mapasaiyo nawa ang mga pagpapala ng langit, mahal na Brother Haight. Salamat.

Elder Haight: Salamat.

Pangulong Hinckley: Gusto mo bang kumaway sa mga taong ito?

Elder Haight: Oo. Kailangan. Kumakaway na ako. Salamat, salamat. Natutuwa akong makasama kayo.

Pangulong Hinckley: Salamat.

Elder Haight: Salamat.

Pangulong Hinckley: Aalis na siya. Manonood na lang siya sa telebisyon. Napakadakila niyang sundalo sa hukbo ng Panginoon. Maraming salamat sa iyo, Brother Haight.

 
 NextArrow icon acting as a button to Next Page  
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy