ELDER SHIRLEY D. CHRISTENSEN
Ng Pitumpu
Mga propeta at apostol ang namumuno sa gawaing ito ngayon habang lumalaganap
ito sa buong mundo.
Sa pagtingin ko sa malaking kongregasyong ito'y naiisip ko di lamang ang mga nasa Conference Center, kundi kayo ring nakikibahagi sa kumperensyang ito na nasa mga meetinghouse at tahanan sa buong mundo. Kayo ma'y malapit o malayo, mahalaga kayo sa gawain ng Panginoon at sa pagtatayo ng Simbahan sa inyong lugar.
Nagkakaisa tayo sa pagmamahal sa ating Diyos Amang Walang Hanggan. Iginagalang natin ang pangalan Niya at ng Kanyang Bugtong na Anak, na Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Jesucristo. Sa kumperensyang ito'y ibabahagi sa atin—sa kapangyarihan ng Espiritu Santo—ang damdaming magdaragdag sa ating pagsampalataya sa Ama at sa Anak, at sa pagmamahal natin sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Lalo tayong ilalapit nito sa Kanila kapag nadama natin ang Kanilang presensya sa ating buhay, at inasam nang buong puso na malaman ang Kanilang kalooban at maging tulad Nila.
Ang mensahe ko't patotoo sa inyo ay mga propeta at apostol ang namumuno sa gawaing ito ngayon habang lumalaganap ito sa buong mundo. Tinawag sila ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag. Tunay silang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Mahal sila ng Panginoon, at bilang mga miyembro ng Simbahan iginagalang natin sila at tinitingala bilang mga lingkod ng Diyos na buhay. Ang tawag ng mga propeta ngayon ay singlinaw noong una, at ang patotoo ng mga propeta ay magpapatuloy hanggang sa magbalik ang Panginoong Jesucristo upang maghari sa kaluwalhatian.
Nabubuhay tayo sa kagila-gilalas ngunit mapanganib na panahon. Sa buong mundo, ang katatagan ng bawat bansa at ng buong daigdig ay tila humihina. Nakikita natin ang pagtatalo at poot sa mga lider at bansa, awayan sa mga komunidad, at pagtatalo sa mga pamilya. Ang solusyon sa mga kasamaan ng daigdig ay makikita sa pag-unawa sa mga doktrina at turo ng Panginoong Jesucristo, at sa pagsasabuhay ng bawat tao sa mga alituntuning ito. Ang banal na mga doktrina at turo ay malinaw na naituro ng mga propeta, kapwa noon at ngayon, ayon sa pagpapakilos ng Espiritu Santo. Kapag naririnig natin ang mga katotohanang iyon, ipinadarama ito sa ating puso't isipan ng Espiritu ding iyon.
Sa pagtingin natin sa papel ng mga propeta, mahalagang maunawaan na, una, ang mga propeta ay tinawag ng Diyos at pinatototohanan Niya sa daigdig ang pagtawag sa kanila. Ang sinaunang Aklat ni Abraham ay naglalarawan ng pangyayari noon sa buhay bago ito habang nakamasid ang Diyos sa mga espiritung nilikha Niya: "At nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong mga tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang" (Abraham 3:23).
Tungkol kay Samuel, na propeta ng Lumang Tipan, itinala ng banal na kasulatan na "si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita. At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon" (I Samuel 3:19-20).
Binanggit ng Aklat ni Mormon ang Tagapagligtas sa sinaunang Amerika nang bigyang-diin Niya ang kahalagahan ng mga propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan:
"At ngayon, masdan, sinasabi ko sa inyo na nararapat ninyong saliksikin ang mga bagay na ito. Oo, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo na masigasig ninyong saliksikin ang mga bagay na ito; sapagkat dakila ang mga salita ni Isaias.
"Sapagkat tunay na siya ay nangusap na tumatalakay sa lahat ng bagay hinggil sa aking mga tao na sambahayan ni Israel; . . .
"At lahat ng bagay na kanyang sinabi ay nangyari na at mangyayari, maging alinsunod sa mga salitang kanyang winika. . . .
". . . Saliksikin ang mga propeta, sapagkat marami roon ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito" (3 Nephi 23:1-3, 5).
Pangalawa, ang papel ng mga propeta ay magturo tungkol kay Cristo at magpatotoo sa Kanyang kabanalan at Kanyang misyon. Si Adan, na unang propeta, at ang asawa niyang si Eva, ay narinig ang tinig ng Panginoon at pinasimulan ang huwaran ng susunod na mga dispensasyon. Ito ang nakatala ukol sa mahalagang pangyayaring iyon "Pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.
"At si Eva na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.
"At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae" (Moises 5:10-12).
Tinuruan ni Helaman, na sinaunang propeta sa Amerika, ang mga anak niyang sina Nephi at Lehi: "At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak" (Helaman 5:12).
Marahil ang pinakamabisang patotoo ukol sa Tagapagligtas sa dispensasyong ito ay ibinigay noong 1832 nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon:
"At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!
"Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—
"Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya ang mga daigdig ay nililikha at nalikha" (D at T 76:22-24).
Ang pangatlong katangian ng mga propeta ay ang mga turo nila ay nakatala at itinuturo ng kasunod na mga propeta at guro sa mga tao sa mundo.
Sinabi ng Panginoon kay propetang Moises ng Lumang Tipan, "Sampahin mo ako sa bundok, at dumoon ka: at ikaw ay bibigyan ko ng mga tapyas na bato, at ng kautusan, at ng utos na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila" (Exodo 24:12).
Ang buhay na mga propeta ngayon ng Panginoon ay nagbigay ng gayunding kabisang patotoo nang magpatotoo sila sa daigdig noong 1995 tungkol sa banal na katangian ng kasal at ng pamilya:
"Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. . . .
"Ipinapahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos. . . .
"Kami ay nananawagan sa mga may-pananagutang mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang ang pangunahing yunit ng lipunan" ("Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo," Liahona, Okt. 1998, 24).
Sa huli'y ibinigay rin nila ang kanilang personal na patotoo, bilang mga Apostol ng Panginoon, ukol sa misyon ni Jesucristo:
"Taimtim kaming nagpapatotoo na ang Kanyang buhay, na siyang tampulan ng buong kasaysayan ng sangkatauhan, ay hindi nagsimula sa Betlehem o nagtapos sa Kalbaryo. Siya ang Panganay ng Ama, ang Bugtong na Anak sa laman, ang Manunubos ng daigdig. . . .
"Nagpapatotoo kami na darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo. . . . Mamamahala siya bilang Hari ng mga Hari at maghahari bilang Panginoon ng mga Panginoon, at ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya. At bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso" ("Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol," Liahona, Abr. 2000, 2-3).
Kung titingnan ang pinakabatayan ng mga ito, ang mga doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nilayon na maghatid sa kaluluwa ng bawat tapat na tao, na magtatanong sa Diyos nang may pananalig, ng personal na patotoo tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas at sa papel ng mga propeta mula pa noon hanggang sa ngayon. Nagpapatotoo ako na patuloy ang pagpapalit ng mga propeta mula kay Joseph Smith, na unang propeta ng dispensasyong ito, hanggang kay Gordon B. Hinckley, na propeta ng Panginoon ngayon. Iyan ang pinatototohanan ko. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.