The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2003
Priesthood, mga Susi, at Kapangyarihang Magbasbas

Priesthood, mga Susi, at Kapangyarihang Magbasbas

ELDER MERRILL J. BATEMAN
Ng Panguluhan ng Pitumpu

Inaasahang gagamitin ng mga marapat na mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila para basbasan ang iba, simula sa sarili nilang pamilya.

ELDER MERRILL J. BATEMANIsa sa mga kagila-gilalas na ebidensya ng Panunumbalik ang patotoo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery hinggil sa paraan ng pagbabalik ng priesthood at ng mga kapangyarihan nito sa daigdig. Sa bawat pangyayari, ang priesthood at ang mga susi ng priesthood ay ibinalik ng mga banal na mensaherong humahawak nito noong unang panahon. Si Juan Bautista ang nagbalik ng Aaronic Priesthood kasama ang mga susi ng pagsisisi at binyag.1 Hindi lamang Melchizedek Priesthood ang ibinalik nina Pedro, Santiago, at Juan kundi pati na "mga susi ng kaharian."2 Bumalik sina Moises at Elijah dala ang mga susi ng "pagtitipon" at "pagbubuklod."3 Ang paglalarawan ng pagbabalik ng priesthood ay kagila-gilalas dahil akmang-akma ito sa paraan sa Biblia ng panunumbalik noong mga unang dispensasyon. Halimbawa, tingnan ninyo ang panunumbalik at paglipat ng mga kapangyarihan ng priesthood noong panahon ng Tagapagligtas.

Nang patapos na ang Kanyang ministeryo, ipinangako ni Jesus kay Pedro "ang mga susi ng kaharian,"4 batid na malapit nang lumisan si Jesus at kailangan ng mga Apostol ang mga susi ng priesthood kung sila ang mangangasiwa sa gawain kapag umakyat na Siya sa langit. Para matanggap nila ang mga susi, itinala ni Mateo na isinama ni Jesus sina "Pedro, Santiago at Juan . . . sa isang mataas na bundok" kung saan "nagbagong-anyo Siya sa harap nila" at sina Moises at Elias ay "napakita sa kanila."5 Kasunod nito'y ipinahayag ng Tagapagligtas na nasa mga Apostol na ngayon ang mga susi para mangasiwa sa ministeryo.6 Sinabi ni Propetang Joseph Smith na "ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias, ang mga susi kina Pedro, Santiago at Juan, sa bundok, nang Siya'y magbagong-anyo sa harap nila."7

Ang huwaran ng panunumbalik ng priesthood na inilarawan ni Mateo ang siyang sinunod sa ating dispensasyon. Ang mga apostol at propeta na inatasan ng Panginoon na humawak ng mga susi sa mga naunang dispensasyon ang nagbalik nito sa lupa sa simula ng dispensasyong ito.

Sa kabaligtaran, ang mga ministro ng ika-19 na siglo sa paligid ng Palmyra, na hindi nakaunawa sa naganap na pagtalikod sa katotohanan, ay naniwala sa kakaibang proseso sa pagtanggap ng priesthood. Naniwala sila na ang kapangyarihang mangaral ay tawag mula sa Diyos doon sa mga taong basta naniniwala kay Cristo. Di nila naunawaan na mahalagang tanggapin ang priesthood mula sa taong may awtoridad sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.8 Hindi rin nila naunawaan ang layunin o pangangailangan sa mga susi ng priesthood.

Ang priesthood ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na ipinagkatiwala sa tao. Ang mga susi ng priesthood ang karapatan para pangasiwaan ang paggamit sa kapangyarihang iyon. Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang mga susing kailangan sa pamamahala sa buong Simbahan. Hawak din ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang mga susi ng kaharian at kumikilos sa utos ng Pangulo. Ang mga stake president, bishop, at mga pangulo ng templo, misyon, at korum ay binigyan ng mga susi para gabayan ang Simbahan sa sakop nilang lugar. Ang mga tagapayo nila ay walang hawak na mga susi "subalit tumatanggap ng ipinagkatiwalang awtoridad sa pagbibigay sa kanila ng tungkulin at gawain."9

Ang priesthood at mga susi nito ang nagbubukas ng pintuan sa mga basbas ng Pagbabayad-sala. Dahil sa kapangyarihan ng priesthood, nabibinyagan ang mga tao para sa ikapapatawad ng kanilang mga kasalanan, na ginawang posible ng dakilang awa ng Tagapagligtas. Ang isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magkaloob ng Espiritu Santo. Sa pagkakaloob ng Espiritu Santo, ang miyembro ay nalilinis sa pamamagitan ng apoy, naaakay sa katotohanan, naaaliw, dinadalisay, at pinagpapala sa maraming paraan bilang mga kabahagi ng bunga ng Pagbabayad-sala. Mabibigkis ng awtoridad ng pagbubuklod ang isang lalaki, isang babae at kanilang mga anak magpakailanman, na ginawang posible ang kadakilaan sa kabilang buhay—muli, isang pagpapala mula sa Tagapagligtas.

Inaasahang gagamitin ng mga marapat na mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila para basbasan ang iba, simula sa sarili nilang pamilya. Isa sa mga dakilang pamana ng Panunumbalik ay ang isang amang inorden sa Melchizedek Priesthood na may karapatang basbasan ang kanyang kabiyak at mga anak kapag naudyukan at kapag hinangad nilang magpabasbas.

Maraming taon ang nakararaan, nagkaroon ng di-malilimutang karanasan ang aming pamilya hinggil sa kahalagahan at kapangyarihan ng basbas ng ama. Baka gusto ninyong malaman ang tungkol dito.

Noong handa nang mag-aral ang panganay namin, nagpasiya kami ni Sister Bateman na bigyan ng basbas ng ama ang bawat bata sa simula ng pasukan sa taong iyon. Gagawin ito sa family home evening na idaraos bago magsimula ang pasukan. Hindi namin malilimot nang pumasok sa ikatlong grado ang panganay naming si Michael. Noong nakaraang bakasyon sumali siya sa Little League baseball. Gustung-gusto niya ang larong ito. Nang mag-family home evening kami bago magpasukan, sinabi ni Michael na hindi niya kailangan ng basbas. Nakumpleto na niya ang unang taon niya sa Little League, at ang basbas ay para sa mas nakababatang mga anak. Nagulat kami ni Sister Bateman. Hinimok namin siya, at iminungkahing makatutulong ang basbas sa pag-aaral niya. Magiging proteksyon ito sa kanya. Matutulungan siya nitong makitungo sa kanyang mga kapatid at kaibigan. Bigo ang aming panghihikayat at bahagyang pagsusumamo. May edad na siya. Dahil naniniwala kami sa kalayaan sa pagpili, hindi namin ipinilit ang basbas sa walong-taong-gulang na bata. Lahat ng bata maliban kay Michael ay tumanggap ng basbas sa taong iyon.

Normal ang takbo ng pasukan sa taong iyon. Si Michael at iba pang mga bata ay magaling sa paaralan at tuwang-tuwa ang pamilya kapag magkakasama kami. At sumapit ang Mayo, at simula na ng Little Leage baseball. Kasunod ng huling araw sa eskuwela, nagtawag ng pagsasanay ng team ang coach ni Michael. Sabik na sabik si Michael. Matutupad na ang pangarap niya. Siya ang unang catcher na magpapasimula sa laro. Ang baseball field ay ilang kanto lang mula sa aming tahanan. Naglakad ang mga bata at ang coach patungong baseball field, at tumawid sa mataong daan. Kasunod ng praktis, lumakad na pauwi ang mga bata at ang coach. Patakbong inunahan ni Michael at ng isang kaibigan ang coach at iba pang mga bata. Nang malapit na sila sa tawiran, walang lingong tumawid si Michael sa harapan ng kotseng minamaneho ng isang 16-na-taong-gulang na binatilyo na noon lang nagmaneho. Alam ba ninyo ang kaba ng binatilyo? Tinapakan niya ang preno at lumiko para iwasan ang bata. Sa kasawiang-palad, tumama ang harapan ng kotse kay Michael at tumilapon siya sa daan.

Di nagtagal, nakatanggap kami ni Sister Bateman ng tawag mula sa pulis. Malubha ang lagay ni Michael, at sakay ng ambulansya patungong ospital. Kailangan naming magmadali. Bago umalis, tinawagan ko ang isang kaibigan at hiniling na magkita kami sa ospital at tumulong sa pagbabasbas. Ang 20-minutong biyaheng ito na ang pinakamatagal sa aming buhay. Taimtim naming ipinagdasal ang buhay ng aming anak at ipaalam sa amin ang kalooban ng Panginoon.

Pagparada namin malapit sa pinto ng emergency room, nakita naming palabas ang isang pulis na kasama ang binatilyong umiiyak. Nakilala kami ng pulis at ipinakilala ang binatilyong drayber ng kotse. Alam na namin ang kuwento kaya inakbayan namin siya at sinabing alam naming wala siyang kasalanan. Pumasok kami sa ospital para hanapin si Michael. Pagpasok namin sa kanyang silid, abalang-abala ang mga doktor at nars sa pag-aasikaso sa kanya. Dumating na ang kaibigan ko, at hiniling naming maiwan kaming dalawa sa loob ng dalawa o tatlong minuto para basbasan siya. Ang kaibigan ko ang nagpahid ng langis, at ako ang nagbasbas. Nang ipatong ko ang aking kamay sa ulo ni Michael, nakadama ako ng aliw at kapayapaan, dumaloy ang mga salita at pangako. Pagdaka'y isinugod siya sa operating room.

Sa sumunod na apat na linggo, lumagi si Michael sa ospital na may benda ang ulo at may suhay ang binti. Tuwing Miyerkoles, dinadalaw siya ng mga kasama niya sa Little League matapos ang laro at nagrereport sa kanya. Tuwing Miyerkoles, naiiyak si Michael habang ikinukuwento ng mga bata ang laro. Makaraan ang apat na linggo, sinementuhan ang katawan ni Michael mula dibdib hanggang daliri ng paa. Dalawa o tatlong beses namin siyang isinamang manood ng laro ng kanyang mga kaibigan. Apat na linggo pa ang lumipas, at pinalitan ang semento ng mula lang sa kanyang balakang hanggang daliri ng paa. Dalawang araw bago magsimula ang pasukan, inalis na ang huling semento. Nang magtipon ang pamilya nang sumunod na gabi para sa basbas sa pagpasok sa eskuwela, nakatataka ba kung sino ang humingi ng unang basbas? Ang siyam-na-taong-gulang na batang lalaki, na tumanda nang kaunti at tumino nang husto, ang nauna sa pila.

Sa paglipas ng mga taon naunawaan ng aming mga anak na hindi laging napipigilan ng basbas ng priesthood ang mga aksidente, ngunit alam din nila na hindi lang iisang uri ng proteksyon ang dulot ng priesthood. Ngayon, mga apo na namin ang tumatanggap ng mga basbas ng priesthood. Ang tradisyon ay nasa ikalawa at ikatlong henerasyon. Naniniwala kami na ang nakaugaliang ito, tulad ng pamilya, ay mananaig sa kawalang-hanggan.

Labis akong nagpapasalamat sa 14 na-taong-gulang na si Joseph Smith na nagtungo sa kakahuyan at nagtanong kung aling simbahan ang tama. Habang panahon akong magpapasalamat sa sagot na natanggap niya at sa kasunod na panunumbalik ng priesthood at ng mga susi nito sa pamamagitan ni Juan Bautista; nina Pedro, Santiago, at Juan; at ng iba pang mga banal na sugo. Gamitin nawa natin ang dakilang kapangyarihang ito para basbasan ang lahat ng anak ng Diyos, simula sa sarili nating pamilya, ang dalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa D at T 13; Joseph Smith— Kasaysayan 1:68-72.

2. Tingnan sa D at T 27:12-13.

3. Tingnan sa D at T 110:11-16.

4. Tingnan sa Mateo 16:19.

5. Mateo 17:1-3.

6. Tingnan sa Mateo 18:18; D at T 7:7.

7. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 158.

8. Tingnan sa Christian Churches of America: Origins and Beliefs ni Milton V. Backman, Jr., binagong ed. (1976, 1983), 54-55.

9. Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Mga Pinuno ng Pagkasaserdote at Pantulong na Samahan (1999), 206.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy