The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2003
"Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin"

"Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin"

ELDER WILLIAM W. PARMLEY
Ng Pitumpu

Ang utos na "Pumarito ka, sumunod ka sa akin," at ang tanong na "Ano ang gagawin ni Jesus?" ay nagbigay ng mabisang patnubay sa pamumuhay.

ELDER WILLIAM W. PARMLEYTayo ay mga disipulo ni Jesucristo. Sa mga salita ni Nephi, "Naniniwala tayo kay Cristo, . . . nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo" (2 Nephi 25:24, 26). Sa mga naniniwala saanmang dako, ang anim na pinakamapangyarihan Niyang mga salita na umantig sa atin ay "Pumarito ka, sumunod ka sa akin" (Lucas 18:22; tingnan din sa Mateo 16:24; Marcos 1:17; Lucas 9:23). Nang tanungin ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalagang utos, tumugon si Jesus:

"Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo: ito ang unang utos.

"Ang pangalawa ay . . . Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito" (Marcos 12:30-31).

Gamit ang batayan ng dalawang kautusang ito, talakayin natin kung paano Siya masusunod nang husto.

Ang halimbawa ng pagmamahalan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Ama ay laging nakikita. Ang madalas, mahaba, at taos pusong mga dalangin ng Tagapagligtas ay nagpakita ng maimpluwensyang halimbawang susundin natin. Ang pag-ibig ng Ama sa Kanyang Anak ay laging nakikita, lalo na noong binyagan Siya ni Juan: "At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan" (Mateo 3:17).

Nakita ang pagkakaisa ng dalawa nang sabihin ng Tagapagligtas na, "Ako at ang Ama ay iisa" (Juan 10:30). Ang pag-unawa na baka panandaliang magkaiba ang kalooban Niya at ng Ama sa Getsemani (tingnan sa Mateo 26:39) ay nagpapaalala sa atin na maaaring hindi laging masasagot ang ating mga dalangin sa paraang gusto natin.

Gayunpaman, ang panalangin ay makapangyarihang alituntunin sa pagkilos. Sinabi ng Tagapagligtas na kung ang tao ay sumasampalataya at walang alinlangan, "lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin" (tingnan sa Mateo 21:21-22). Ang pagmamahal natin sa Tagapagligtas ay dapat samahan ng pagkilos: "Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos" (Juan 14:15).

Isunod nating isipin ang pangalawa sa mga dakilang utos, "Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili" (Mateo 22:39), o ang mas mataas na antas nito na itinuro sa mga Apostol, "Na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa" (Juan 13:34). Bagamat ang pag-anyaya sa kapitbahay sa hapunan ay magandang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal, pumili ang Tagapagligtas ng mas mahirap na halimbawa nang magtanong ang abogado sa Kanya, "At sino ang aking kapuwa tao?" (Lucas 10:29).

Sinundan iyon ng pamilyar na kuwento na may isang lalaking naglalakbay mula Jerusalem patungong Jerico na ninakawan at binugbog at iniwan sa tabing-daan na halos patay na. Tiningnan lang siya ng Levita at ng saserdote at dumaan sila sa kabila. Datapuwat isang Samaritano, na inaayawan ng mga Judio, ang naawa at nag-alaga sa kanya. Hindi tinanong ng Samaritano ang angkan nito bago tinulungan. Winakasan ni Jesus ang makapangyarihang kuwentong ito sa pag-uutos na "humayo ka, at gayon din ang gawin mo" (Lucas 10:37).

Sa bawat malaking siyudad, may mga inaapi at iniiwan sa tabingdaan—ang mga palaboy, dukha, gutom, at maysakit. Sinasabi ng ilan na kapag nilimusan sila ay ipambibili lang nila ito ng droga o alak, at dahil dito'y nakakaya nilang ituloy ang klase ng buhay na pinili nila. Kay daling husgahan ang mga taong ito at gaya ng mga kaibigan ni Job, inakala na ang mga pagkakamali nila sa buhay ang naging dahilan ng matindi nilang pagdurusa (tingnan sa Job 22; Mosias 4:17).

Bago tayo magwalang-bahala gaya ng Levita at saserdote, isipin natin ang utos ng Tagapagligtas na "Pumarito ka, sumunod ka sa akin." Alalahanin na ang Tagapagligtas ay walang tirahan, suot Niya ang kaisa-isa niyang damit, at madalas gutumin. Ano ang gagawin Niya? Walang dudang maaawa Siya at tutulungan sila.

Maraming paraan para tulungan ang palaboy, pati na sa pagbibigay ng panahon, pagkain, at pera sa mga kawanggawa, libreng pakain, o sa mga ahensyang tumutugon sa mga problemang ganito. Gayunpaman, sa tingin ko'y dapat din natin silang kaawaan. Ang mga itinakdang alituntuning pangkapakanan ay angkop na patnubay. Tandaan na laging nasa atin ang mga dukha (tingnan sa Marcos 14:7).

Binigyang-diin muli ng Tagapagligtas ang alituntuning ito nang talakayin Niya ang Araw ng Paghuhukom at ang paghihiwalay ng mga tupa sa mga kambing:

"Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

"At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

"At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

"At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa" (Mateo 25:37-40).

Binigyang-diin ni Pedro ang kahalagahan ng ganitong uri ng pag-ibig sa kapwa nang sabihin niya, "Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka't ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan" (I Ni Pedro 4:8).

Gayundin ang pahayag ni Mormon sa utos na ito:

"Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—

"Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya" (Moroni 7:46-47).

Kapwa itinuro at ipinakita ni Jesus ang maraming personal na katangiang dapat nating gayahin sa pagsunod natin sa Kanya. Ang mga katangiang ito ay mapagmahal, mababang-loob, mapakumbaba, mahabagin, gutom sa katwiran, madasalin, maawain, at dalisay ang puso. Huwag na huwag nating huhusgahan ang iba, kundi gawin sa ating kapwa ang nais nating gawin nila sa atin. Itinuro Niyang dapat tayong maging asin ng lupa at liwanag ng sanlibutan. Sinabi Niyang ang iniisip ng tao ay singhalaga ng kanyang ginagawa. Sinabihan Niya tayong patawarin ang lahat, pati na mga nagkasala sa atin, at mahalin ang ating kaaway. Hindi lang tayo dapat maging tagapamayapa, kundi magalak din tayo kahit inuusig. Pinayuhan Niya tayong maglimos, at mag-ayuno at manalangin nang lihim. Itinuro Niyang ibaling natin ang kabilang pisngi, at lumakad pa ng isang milya. Sinabihan Niya tayong mag-ipon ng kayamanan sa langit sa halip na sa lupa. (Tingnan sa Mateo 5-7.)

Habang pinag-iisipan nating mabuti ang buong kahulugan ng pariralang "Pumarito ka, sumunod ka sa akin," maliwanag na maaaring marami pa tayong dapat matutuhan at gawin bago natin ganap na masunod ang utos na iyon. Kapansin-pansin, gayunman, na sa loob ng unang 30 taon ng Kanyang buhay sa Nazaret, hindi Niya hinangad na mapuri kahit namuhay Siyang walang kasalanan (tingnan sa Mateo 13:54-56; Marcos 6:2-3). Dapat iyong makahikayat sa atin na gumawa ng mabuti sa tahimik at mapakumbabang paraan na walang hangad na mapuri. Ang utos na "Pumarito ka, sumunod ka sa akin," at ang tanong na "Ano ang gagawin ni Jesus?" ay nagbibigay ng mabisang patnubay sa pamumuhay. Ang pagtutuon ng pansin sa mga patnubay na ito ay tutulong sa ating lahat na maging tulad ni Cristo sa isip at gawa.

Sa Tagapagligtas, na ating huwaran, personal akong nagpapatotoo na Siya'y buhay. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy