The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Gospel Library General Conference
Conferences
Oktubre 2003
Isa Ka Bang Banal?

Isa Ka Bang Banal?

ELDER QUENTIN L . COOK
Ng Pitumpu

Kung nais nating maging mga Banal sa ating panahon, kailangang ihiwalay natin ang ating sarili sa masasamang ugali at nakapipinsalang gawain na talamak na sa mundong ito.

ELDER QUENTIN L . COOKIlang taon na ang nakararaan nasa Atlanta, Georgia ako bilang abogado ng taong bumibili ng kalakal. Matapos ang ilang araw na usapan nagkasundo kami at nagkapirmahan. Nang gabing iyon inimbita kaming maghapunan ng isa sa mga nagbenta upang ipagdiwang ang nangyaring "sarahan." Inalok niya ako ng alak pero tumanggi ako. Pagkatapos ay sinabi niya, "Isa ka bang Banal?" Hindi ko gaanong naintindihan ang ibig niyang sabihin. Inulit niya ito, "Isa ka bang Banal sa mga Huling Araw?" sumagot ako, "Oo," at sabi niyang matagal na niyang inoobserbahan ang mga kilos ko noong nag-uusap-usap kami at inisip na kung di ako BHA, baka masama lang ang sikmura ko. Pareho kaming natawa. Pagkatapos ipinaalam niya na iisang miyembro pa lang ng Simbahan ang kilala niya nang personal, si David B. Haight. Pareho silang executive sa Chicago sa isang malaking kumpanya matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinabi niya na napakalaki ng naging impluwensiya ni Elder Haight sa kanyang buhay at nirerespeto niya ito.

Nang lumipad ako pauwing San Francisco, iniisip ko ang nangyari, lalo na sa dalawang aspeto: Nagulat ako sa naramdaman ko nang matanong kung isa ba akong Banal, at humanga ako sa napakagandang impluwensyang magagawa ng mabuting halimbawa— si Elder Haight—sa mabuting taong ito.

Ano ang ibig sabihin ng maging Banal? Sa Simbahan ng Panginoon, ang tawag sa mga miyembro ay mga Banal sa mga Huling Araw, at sinisikap nilang tularan ang Tagapagligtas, sundin ang Kanyang mga turo, at tanggapin ang mga nakapagliligtas na ordenansa upang mamuhay sa selestiyal na kaharian kasama ng Diyos Ama at ating Tagapagligtas, si Jesucristo.1 Sinabi ng Tagapagligtas, "Ito ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin."2

Hindi madaling maging Banal sa mga Huling Araw. Sadyang mahirap ito. Ang pinakamimithing mamuhay kasama ng Diyos Ama at Kanyang Anak, si Jesucristo, ay pribilehiyong halos di natin maarok.

Isa sa pinakamatitinding pagsubok na nakaharap ng Simbahan ay ang Pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, at ang huli'y nang itaboy ang mga Banal sa Nauvoo. Noong naglalakbay sila patawid ng mga kapatagan sa napakasamang kalagayan, isinulat ni William Clayton ang dakilang himno na "Mga Banal, Halina." Ito ang himnong pumukaw sa kanilang mga kaluluwa at nagpaalala sa kanila ng kanilang sagradong misyon. Sino sa atin ang hindi nababagabag kapag dinarama natin ang kanilang sakripisyo, tapang at katapatan kapag inaawit natin ang: "At masawi man sa 'ting paglakbay, / Masaya! Mainam!"3

Ang himnong ito ay nagbigay sa kanila ng aliw, kapanatagan, at pag-asa sa isang mahirap na panahon na may di matawarang hadlang. Pinagaan nito ang kanilang pakiramdam at binigyang-diin ang katotohanang ang buhay na mortal ay paglalakbay sa pagitan ng buhay bago ang buhay na ito at sa darating na buhay na walang hanggan—ang dakilang plano ng kaligayahan. Mariing ipinahahayag ng nakapagbibigay-inspirasyong himno ni Brother Clayton ang mga sakripisyo at tunay na kahulugan ng pagiging Banal. Natugunan ng mga tagabunsod ang mga paghamon sa kanilang panahon upang maging mga Banal.

Ang kahulugan ng salitang "Banal" sa Griyego ay "italaga, ihiwalay at [sagrado]."4 Kung nais nating maging mga Banal sa ating panahon, kailangang ihiwalay natin ang ating sarili sa masasamang ugali at nakapipinsalang gawain na talamak na sa mundong ito.

Madalas tayong napapakitaan ng karahasan at imoralidad. Patuloy na kinukunsinti ang mahahalay na musika at pornograpiya. Talamak na ang pagdodroga at pag-inom ng alak. Hindi na gaanong pinahahalagahan ang katapatan at pagkatao. Hinihingi ang kani-kanyang karapatan, ngunit pinababayaan ang tungkulin, pananagutan, at obligasyon. Lumalala ang magagaspang na pananalita at pagkalantad sa kabastusan at kahalayan. Walang tigil ang kalaban sa kanyang mga pagtatangkang wasakin ang plano ng kaligayahan. Kung ihihiwalay natin ang ating sarili sa makamundong asal na ito, mapasasaating buhay ang Espiritu at mararanasan ang galak ng pagiging mga matwid na Banal sa mga Huling Araw.

Bilang mga Banal, kailangan din nating iwasan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Ipinahayag ni Pangulong Hinckley ang hangaring "ang bawat isa ay magkaroon ng ilang magagandang bagay sa buhay" ngunit nagbabala, "Ang pagkagahaman sa yaman ang nagpapasama at nagwawasak."5

Noong 1630 nagbigay ng pananaw si John Winthrop hinggil sa bagong lupain (Amerika) alang-alang sa kanyang kapwa pasahero habang naglalayag siyang sakay ng Arbella. Nakilala ito bilang sermon ng "The City upon a Hill." Sa huling talata, binanggit ni Winthrop ang Deuteronomio 30 at nagbabala laban sa pagsamba at paglilingkod sa ibang diyos—lubos na binigyang-diin ang "mga kasiyahan at mga pakinabang."6 Ipinayo noon ni Pangulong Kimball na maging ang mga tahanan, barko, kredensiyal, titulo at iba pang katulad nito ay masasambang tulad ng mga diyus-diyosan kapag inaakit tayo nitong palayo sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.7

Ang propetang si Moroni, na tinutukoy ang ating panahon, ay nagbabala tungkol sa pagmamahal sa pera at ari-arian at sinabing mamahalin natin ang mga ito nang higit sa ating ". . . pagmamahal sa mga maralita at nangangailangan, sa may karamdaman at sa naghihirap."8

Kung nais nating maging marapat na mga Banal, dapat nating paglingkuran ang iba at sumunod sa utos ng Tagapagligtas na mahalin ang Diyos at ating kapwa.

Ang paghiwalay sa kasamaan ng daigdig ay dapat samahan ng kabanalan. Mahal ng isang Banal ang Tagapagligtas at sinusunod Siya sa pagkilos nang may kabanalan at katapatan.9 Makikita ang uring ito ng kabanalan at katapatan sa paglalaan at pagsasakripisyo. Itinuro ni Pangulong Hinckley, "Kung walang sakripisyo walang tunay na pagsamba sa Diyos."10 Ang pagsasakripisyo ang pinakamatinding pagsubok ng ebanghelyo. Nangangahulugan ito ng paglalaan ng panahon, talino, lakas at ari-arian para mapaunlad ang gawain ng Diyos. Sa Doktrina at mga Tipan 97, talata 8, ay sinasabi, "Lahat . . . na . . . handang tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng paghahain—oo, bawat paghahain na ako, ang Panginoon, ay ipag-uutos—sila ay tinatanggap ko."

Ang mga Banal na tumutugon sa mensahe ng Tagapagligtas ay hindi maliligaw ng nakagagambala at nakawawasak na gawain at maihahandang gumawa ng mga angkop na sakripisyo. Ang kahalagahan ng pagsasakripisyo sa nais na maging mga Banal ay makikita sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, na siyang sentro ng ebanghelyo.11

Sa tanong ng aking kakilala sa Atlanta na, "Isa ka bang Banal?" Maaari bang magmungkahi ako ng tatlong tanong para masuri ang ating sarili.

Una, tumutugma ba ang pamumuhay natin sa pinaniniwalaan natin, at makikita ba ng mga kaibigan at kakilala natin, tulad ng nakita ng kaibigan ni Elder Haight, na inihiwalay natin ang ating sarili sa mga kasamaan ng daigdig?

Ikalawa, inilalayo ba tayo ng makamundong kasiyahan, pakinabang, at ibang kahalintulad nito sa pagsunod, pagsamba, at paglilingkod sa Tagapagligtas sa ating pang-araw-araw na buhay?

Ikatlo, upang mapaglingkuran ang Diyos at maging banal, nagsasakripisyo ba tayo na tugma sa ating mga tipan?

Isang napakagandang pagpapala ang maging Banal sa mga Huling Araw. Gustung-gusto ko ang mga salita sa huling dalawang linya sa himnong "Halina, mga Banal:"

Mga Banal, tahakin
Landas ng matatapat.
Magpasalamat nang lubos
Paglingkuran ang Diyos!
12

Pinatototohanan ko na ang pagiwas sa kasamaan at nakawawasak na gawain at pagsasakripisyo para maglingkod ay magpapaging marapat sa atin na maranasan ang kagalakan ng pagiging matatapat na Banal sa mga Huling Araw at, tulad ng ipinangako ng mga banal na kasulatan, ay magdudulot ng "kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating."13 Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Tingnan sa 2 Nephi 9:18.

2. 3 Nephi 27:21.

3. Mga Himno, blg. 30.

4. Daniel H. Ludlow, editor, Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo (1992), 3:1249.

5. Gordon B. Hinckley, "Thou Shalt Not Covet," Tambuli , Peb. 1991, 6.

6. "A Model of Christian Charity," sa Robert L. Ferm, editor, Issues in American Protestantism (1969), 11.

7. Tingnan sa The Miracle of Forgiveness (1969), 40-41.

8. Mormon 8:37.

9. Tingnan sa Wm. Grant Bangerter, "What It Means to Be a Saint," Ensign, Mayo 1987, 11.

10. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 565.

11. Tingnan sa Alma 34:8-16.

12. Mga Himno, blg. 39.

13. D at T 59:23.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy