The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2000
"Isang Mapagpakumbaba at Bagbag na Puso"

"Isang Mapagpakumbaba at Bagbag na Puso"

Pangulong Gordon B. Hinckley

"Kung mas napalapit tayo sa Tagapagligtas, na may mas matibay na pangakong sundin ang Kanyang mga turo at ang Kanyang halimbawa, magiging isang malaking tagumpay ang komperensiyang ito."

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ingay at sigaw ay nagwakas na;
Kapitan at hari lumisan na.
Naroon pa, iyong sakripisyo,
Isang mababa at bagbag na puso.
Diyos ng mga Hukbo, kami'y gabayan Mo,
Nang 'di makalimot, nang 'di makalimot.
("God of Our Fathers, Known of Old," Hymns, no. 80).

Ipinahahayag ng walang kamatayang mga salitang ito ni Rudyard Kipling ang aking damdamin sa pagwawakas ng kagila-gilalas na komperensiyang ito ng Simbahan.

Kasunod ng pangwakas na panalangin ay lilisanin natin ang napakalaking bulwagang ito, papatayin ang mga ilaw, at isasara ang mga pintuan. Kayong mga nakikinig sa lahat ng panig ng mundo ay papatayin ang inyong telebisyon o radyo o isasara ang Internet. Sa paggawa natin nito, umaasa akong maaalaala natin na kapag tapos na ang lahat ay, "Naroon pa, iyong sakripisyo, Isang mababa at bagbag na puso" (Hymns, no. 80).

Umaasa akong pag-iisipan nating mabuti nang may mababang damdamin ang mga talumpating pinakinggan natin. Umaasa akong tahimik nating lilimiin ang magagandang bagay na ating narinig. Umaasa akong makadarama tayo ng higit na pagkabagbag at pagpapakumbaba.

Lahat tayo ay napalakas. Ang pagsubok ay darating sa pamumuhay ng mga turong ibinigay. Kung, pagkaraan nito ay naging mas mabait tayo, mas matulungin tayo sa kapwa, mas napalapit tayo sa Tagapagligtas, na may mas matibay na pangakong sundin ang Kanyang mga turo at ang Kanyang halimbawa, magiging isang malaking tagumpay ang komperensiyang ito. Kung, sa kabilang dako, walang magbabago sa ating buhay, malaking kabiguan ang pagsisikap ng mga nagsalita.

Maaaring hindi masukat ang mga pagbabagong iyon sa loob lamang ng isang araw o isang linggo o isang buwan. Madaling gumawa ng pangako at madali ring malimutan. Ngunit, isang taon mula ngayon, kung bumubuti tayo kaysa rati, ang ating mga pagsisikap sa mga araw na ito ay hindi mawawalan ng saysay.

Hindi natin matatandaan ang lahat ng sinabi, ngunit may espirituwal na paglago na magmumula sa mga ito. Maaaring mahirap itong ipaliwanag, ngunit walang alinlangang mangyayari ito. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Nicodemo, "Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, ngunit hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinapanganak ng Espiritu" (Juan 3:8).

Gayon din ang mangyayari sa karanasang ating tinamasa. At marahil, sa lahat ng ating narinig, ay may parirala o talata na mangingibabaw at pupukaw sa ating pansin. Kung mangyayari ito, nawa'y isulat natin ito at limiin hanggang sa manamnam natin ang malalim na kahulugan nito at magawa natin itong bahagi ng ating buhay.

Sa ating mga gabing pantahanan ng mag-anak nawa'y talakayin natin sa ating mga anak ang mga bagay na ito at ipatikim sa kanila ang tamis ng mga katotohanang ating tinamasa. At kapag ang Liahona ay lumabas na sa Enero, kasama ang lahat ng mga mensahe sa komperensiya, huwag sana ninyo itong isaisantabi at sabihing narinig na ninyo ang lahat ng ito, bagkus ay basahin ninyo at pagnilay-nilayin ang iba't ibang mensahe. Matutuklasan ninyong maraming bagay kayong hindi napansin sa pakikinig ninyo sa mga tagapagsalita.

Isa lamang ang tangi kong pinanghihinayangan hinggil sa komperensiya. Iyon ay ang sadyang kakaunti lamang sa mga Kapatid ang nagkaroon ng pagkakataong magsalita. Ito'y dahil sa kakulangan ng oras.

Bukas ng umaga ay babalik na tayo sa ating mga trabaho, babalik sa ating pag-aaral, babalik sa mga pinagkakaabalahan natin sa buhay. Ngunit palalakasin tayo ng mga alaala ng dakilang okasyong ito.

Mas mapapalapit tayo sa Panginoon sa ating mga panalangin. Maaaring maging pakikipag-usap ng pasasalamat ang mga ito. Hindi ko kailanman lubos na mauunawaan kung paano tayo inaanyayahan ng Dakilang Diyos ng Sandaigdigan, ang Pinakamakapangyarihan, bilang Kanyang mga anak upang isa-isa natin Siyang kausapin. Napakahalagang pagkakataon nito. Sadyang kahanga-hanga na ito ay tunay na nangyayari. Pinatototohanan ko na ang ating mga panalangin, na inialay nang may pagpapakumbaba at katapatan, ay dinidinig at tinutugon. Ito ay isang kamangha-manghang bagay, ngunit totoo.

Hinaan natin ang ating tinig sa ating tahanan. Pangibabawin natin ang pagmamahal at ipakita ito sa ating mga pagkilos. Nawa ay lumakad tayo sa banayad na pamamaraan ng Panginoon, at nawa ay sumagana tayo sa ating mga pagsisikap.

Ang dakilang pagpupugay ng "Hosanna" na nilahukan natin kaninang umaga ay dapat manatiling isang karanasang hindi malilimutan. Paminsan-minsan, maaari nating ulit-ulitin sa ating isipan, sa ating pag-iisa, ang magagandang salitang iyon ng pagsamba.

Pinatototohanan ko ang katotohanan ng gawaing ito at ang buhay na katotohanan ng Diyos, ang ating Amang Walang-hanggan, at ng Kanyang Bugtong na Anak, na Siyang nagmamay-ari ng Simbahang ito. Ipinaaabot ko ang aking pagmamahal sa bawat isa sa inyo. Sumainyo ang Diyos, pinakamamahal kong mga kaibigan. Hiling kong pagpalain kayo ng langit sa pansamantala naming pamamaalam sa inyo, sa pangalan Niya na ating Guro, ating Manunubos, at ating Hari, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy