Elder Steven E. Snow
Ng Pitumpu
"Mapag-iibayo ang pasasalamat kapag lagi nating iniisip ang ating mga pagpapala at nagpapasalamat para sa mga ito sa pang-araw-araw nating dalangin."
Habang lumalaki kami sa southern Utah, ilan sa amin ang naghangad makapagtrabaho sa maraming gasolinahang nakahanay sa lumang Highway 91 patungong bayan ng St. George. Ang nakababata kong kapatid na si Paul, na noon ay 18 taong gulang, ay nagtrabaho sa Tom's Service, isang istasyong mga tatlong bloke ang layo sa bahay namin.
Isang araw ng tag-init, may pumasok na kotseng may plaka ng New York para magpagasolina. (Sa inyong mga kapatid na wala pang 30 taong gulang, noong mga panahong iyon ay talagang may lumalabas para gasolinahan ang inyong kotse, punasan ang inyong mga bintana, at tingnan ang inyong langis.) Habang pinupunasan ni Paul ang harapang salamin ng kotse, itinanong ng drayber kung gaano pa kalayo ang Grand Canyon. Sinabi ni Paul na 170 milya pa iyon.
"Buong buhay akong naghintay na makita ang Grand Canyon," bulalas ng lalaki. "Ano'ng itsura noon?"
"Ewan ko," sagot ni Paul, "hindi pa 'ko nakapunta roon."
"Ibig mong sabihin," tugon ng lalaki, "dalawa't kalahating oras lang ang layo mo sa isa sa pitong kamangha-manghang lugar sa mundo at hindi ka pa nakapunta roon!"
"Oo," sagot ni Paul.
Makaraan ay tumugon ang lalaki, "Palagay ko nauunawaan ko 'yan. Mahigit 20 taon na kaming naninirahang mag-asawa sa Manhattan at hindi pa namin nabibisita ang Statue of Liberty."
"Nakapunta na ako roon," sabi ni Paul.
Hindi ba nakatatawa, mga kapatid, na madalas tayong maglakbay nang milya-milya upang makita ang mga kamangha-manghang kalikasan o likha ng tao, ngunit di-pansin ang ganda sa sarili nating bakuran?
Likas sa tao, sa palagay ko, ang maghanap ng kaligayahan sa ibang lugar. Nilalambungan ng paghahangad na makatapos, yumaman, at sumagana ang ating pananaw at madalas itong nauuwi sa pagbabalewala sa masaganang biyaya ng ating kasalukuyang kalagayan.
Mapanganib isipin kung bakit hindi tayo nabigyan ng higit pa. Gayunman ay nakabubuti at nakapapakumbabang isipin kung bakit tayo nabiyayaan nang husto.
Isinasaad sa isang lumang kawikaan, "Higit na yaman ang masiyahan sa kakaunti."
Isinulat ni Pablo sa mga taga- Filipos: "Hindi sa sinasabi ko ang tungkol sa kailangan: sapagka't aking natutuhan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan." (Filipos 4:11).
Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Helaman na dapat turuan ng lahat ng ama ang kanilang mga anak na: "Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw." (Alma 37:37).
Sinabi ni Alma, "hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos." Nais ng Panginoong magpasalamat tayo. Sa Tesalonica mababasa natin: "Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo." (I Mga Taga Tesalonica 5:18).
Bilang mga maytaglay ng priesthood lagi nating pagpursigihang dagdagan ang ating pasasalamat. Mapag-iibayo ang pasasalamat kapag lagi nating iniisip ang ating mga pagpapala at nagpapasalamat para sa mga ito sa pang-araw-araw nating dalangin.
Sinabi ni President David O. McKay: "Ang kabataang isinasara ang kanyang pintuan at mga kurtina at doon ay sumasamo ng tulong sa Diyos, ay dapat munang taimtim na magpasalamat para sa kalusugan, mga kaibigan, mga mahal sa buhay, ebanghelyo, at katotohanan ng Diyos. Dapat muna niyang isa-isang bilangin at banggitin ang kanyang mga pagpapala" (sa Conference Report, Abr. 1961, 78).
Dapat tayong laging magpasalamat sa lahat ng ating mga dalangin. Madalas tayong dumadalangin para sa mga natatanging biyayang sa kakulangan ng ating pang-unawa ay inaakala nating kailangan. Samantalang tunay na sinasagot ng Panginoon ang mga dalangin ayon sa Kanyang kalooban, tiyak na nasisiyahan Siya kapag mapagpakumbaba tayong nagdarasal nang may pasasalamat.
Mga kapatid, sa susunod nating pagdarasal, sa halip na lagi tayong humiling nang humiling sa Panginoon, pasalamatan natin Siya sa lahat ng biyayang ipinagkaloob Niya.
Itinuro sa atin ni President Joseph F. Smith na "ang diwa ng pasasalamat ay laging nakalulugod at nakasisiya dahil dala nito ang diwa ng pagtulong sa kapwa; nasusuklian ito ng pag-ibig at pakikipagkaibigan, at naghihikayat ng banal na impluwensiya. Sinasabing ang pasasalamat ay paggunita ng puso" (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon —1939], 262).
Noong Oktubre ng 1879 isang grupo ng 237 mga Banal sa mga Huling Araw mula sa ilang maliliit na lugar sa timog-kanlurang Utah ang tinawag upang itatag ang bagong landas at sakupin ang kinikilala ngayong San Juan County sa timog-silangang Utah. Anim na linggo sana ang paglalakbay ngunit tumagal ito nang halos anim na buwan. Maayos na nakatala ang kanilang mga pagsisikap at kabayanihan, lalo na ang kanilang mukhang imposibleng pagdaan sa Hole-in-the-Rock patawid ng Colorado River. Nagtataka ang mga nakarating na sa lugar na ito kung paano nakalusot ang mga bagon at baka sa makitid na bitak sa dinding ng pulang batong bangin upang makababa sa Colorado River. Gayunman, pagkatawid ng Colorado, marami pang pagsubok ang naghintay sa kanila patungong San Juan County. Sa mga unang araw ng Abril 1880, pagod at hapo nilang hinarap ang pinakahuling balakid, ang Comb Ridge. Ang Comb ay isang tagaytay ng matigas na batong buhanging bumubuo ng matarik na dinding na halos isang libong piye ang taas.
Isang daan at dalawampung taon ang lumipas, inakyat ng pamilya namin ang Comb Ridge isang araw ng Tagsibol. Matarik at mapanganib ang tagaytay. Mahirap isiping maaakyat iyon ng mga bagon, baka, lalaki, babae at bata. Ngunit ang inaapakan namin ay mga marka ng gulong ng mga bagon, na naiwang katibayan ng kanilang mga hirap noon pa. Ano ang nadama nila matapos ang labis na pagtitiis? Nagalit ba sila sa maraming buwan ng hirap at pasakit? Pinintasan ba nila ang kanilang mga pinuno sa pagdadala sa kanila sa mahirap na paglalakbay, at pagpapasakripisyo ng lahat? Nasagot ang aming mga tanong nang marating namin ang tuktok ng Comb Ridge. Doon ay matagal nang panahong nakaukit sa pulang bato ang mga salitang: "Salamat po sa Inyo, O Diyos."
Mga kapatid, dalangin kong manatiling puspos ng pasasalamat at pagpapahalaga ang ating puso sa kung ano ang mayroon tayo at hindi natin isipin ang mga wala tayo. Bilang mga maytaglay ng priesthood, maging mapagpasalamat tayo sa lahat ng ating ginagawa ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.