The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2001
Panahon Na

Panahon Na

President Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

"Mamuhay sana tayo na walang pagsisisihan, walang di tapos na gawain, kapag tayo'y pinabalik na sa piling ng ating Ama sa Langit."

President Thomas S. Monson

Sa pagkakatayo ko sa inyong harapan ngayong umaga, nagugunita ko ang aking kabataan nang madalas naming awitin sa Sunday School ang magandang himnong:

Salubungin ang pagsapit
Ng araw ng Pangilin.
Ang lungkot, ating limutin,
Sabbath ay araw ng dalangin.
1
 

Sa araw na ito ng Sabbath idinadalangin kong maragdagan ang inyong pananampalataya at mga dalangin habang nagsasalita ako sa inyo.

Lahat tayo'y labis na naapektuhan ng mga nagdaang trahedya nitong ika-11 ng Setyembre, 2001. Bigla, walang babala, ang malaking kapinsalaa'y pumatay sa napakaraming lalaki, babae, at bata. Naglaho ang maiingat na plano para sa magandang hinaharap. Napalitan ito ng mga luha ng kalungkutan at palahaw ng sakit mula sa mga nasugatang kaluluwa.

Di mabilang ang mga ulat na narinig natin sa nagdaang tatlo't kalahating linggo tungkol sa mga naapektuhan kahit papaano—tuwiran man o hindi—ng mga pangyayari sa araw na iyon. Nais kong ibahagi sa inyo ang mga komentaryo ng isang miyembro ng Simbahan, si Rebecca Sindar, na sakay ng eroplano mula sa Salt Lake City patungong Dallas noong umaga ng Martes, ika-11 ng Setyembre. Pinatigil ang kanilang paglipad, tulad ng ginawa sa lahat ng eroplano sa oras ng mga trahedya, at pinalapag ang eroplano sa Amarillo, Texas. Iniulat ni Sister Sindar: "Bumaba kaming lahat mula sa eroplano at nagdagsaan sa paligid ng telebisyon sa paliparan para manood ng pagsasahimpapawid ng mga nangyari. Nakalinya ang mga taong tatawag sa mga mahal sa buhay upang tiyaking sila'y ligtas na nakalapag. Lagi kong magugunita ang 12 o higit pang mga misyonero sa eroplano namin na patungong misyon. Nagsitawag sila, at nagkulumpunan sa isang sulok ng paliparan, at sama-samang nanalangin nang nakaluhod. Nakunan ko sana ng litrato ang sandaling iyon para maipakita sa mga magulang ng magigiliw na kabataang lalaking iyon na inisip na kailangan nilang dagliang manalangin."

Mga kapatid, kusang dumarating ang kamatayan sa buong sangkatauhan. Dumarating ito sa matandang uugud-ugod. Kinukuha nito maging ang bahagya pa lang nakarating sa kalahatian ng buhay, at madalas ay pinatatahimik nito ang halakhak ng mga batang musmos. Ang kamatayan ay isang katotohanang hindi matatakasan o matatanggihan.

Kadalasa'y parang magnanakaw ang dating ng kamatayan. Kaaway itong bigla na lang dumarating sa kalakasan ng katawan, pinaglalaho ang liwanag at saya nito. Dumadantay ang mabigat na kamay nito sa mga mahal natin sa buhay at kung minsan ay iniiwan tayong lito at nagtataka. Sa ilang sitwasyon, tulad ng lubhang pagdurusa at karamdaman, dumarating ito bilang anghel ng awa. Ngunit madalas, itinuturing natin itong kaaway ng kaligayahan ng tao.

Ang dilim ng kamatayan ay mapagliliwanag ng ipinahayag na katotohanan. "Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang kabuhayan," sabi ng Guro. "Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya: At sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man."2

Ang katiyakang ito—oo, maging banal na patibay—ng kabilang buhay ay maglalaan ng kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas nang tiyakin Niya sa Kanyang mga disipulo: "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man."3

Dumating ang tinig ng Kordero sa dilim at sindak ng Kalbaryo, na nagsasabing, "Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu."4At ang kadiliman ay hindi na madilim, dahil Siya ay kapiling na ng Kanyang Ama. Nagmula Siya sa Diyos, at nagbalik na sa Kanya. Gayundin ang mga tumatahak sa landas ng buhay kasama ang Diyos ay pinagpalang maranasan na hindi Niya pababayaan ang Kanyang mga anak na nagtitiwala sa Kanya. Sa gabi ng kamatayan, ang Kanyang presensiya ay "higit kaysa —isang] liwanag at mas ligtas kaysa sa alam na daan."5

Si Saulo, sa daan patungong Damasco, ay nakita sa pangitain ang nagbangon at dinakilang Cristo. Pagkaraan, bilang si Pablo, na tagapagtanggol ng katotohanan at walang takot na misyonero sa lingkod ng Panginoon, ay pinatotohanan ang nagbangong Panginoon sa mga banal sa Corinto: "Si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan:

" . . . Siya'y inilibing; at . . . muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan;

" . . . Siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa:

"Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan . . .

"Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol.

"At sa kahulihulihan, . . . napakita naman siya sa akin."6

Sa ating dispensasyon, ang patotoo ring iyon ang buong tapang na sinabi ni Propetang Joseph Smith, nang sila ni Sidney Rigdon ay nagpatotoo:

"At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

"Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

"Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos."7

Ito ang kaalamang nagpapalakas. Ito ang katotohanang nagpapaginhawa. Ito ang katiyakang gumagabay sa mga labis na nagdadalamhati palabas ng kadiliman patungong liwanag. Ito'y para sa lahat.

Napakaselan ng buhay, napakatiyak ng kamatayan. Di natin batid kung kailan tayo papanaw sa buhay na ito. Kaya ang tanong ko, "Ano ang ginagawa natin sa ngayon?" Kung nabubuhay lang tayo para sa kinabukasan, marami tayong hungkag na kahapon ngayon. Nagkamali na ba tayo sa paghahayag na, "Nag-iisip akong baguhin ang landas ko sa buhay. Balak kong magsimula—bukas"? Sa gayong pananaw, walang katapusan ang bukas. Ang gayong mga bukas ay bihirang dumating kung hindi tayo kikilos ngayon. Tulad ng itinuturo sa himno:

Sa ngayo'y marami pang maitutulong,
Pagkakatao'y naririyan.
H'wag mo nang hayaang ipagpabukas pa,
Kumilos na't gumawa.
8

Itanong natin sa ating sarili: "May nagawa ba akong mabuti sa mundo ngayon? Nakatulong ba ako sa iba?" Napakagandang pormula para lumigaya! Napakagandang hatol para mapanatag, mapayapa ang kalooban—ang magkaroon ng inspiradong pasasalamat sa ibang tao.

Ang ating mga pagkakataong tumulong ay tunay na walang hangganan, ngunit nabubulok din ang mga ito. May mga pusong pasasayahin. May mga mabubuting salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay. May mga gawaing isasakatuparan. May mga kaluluwang ililigtas.

Sa pag-alaala natin na "kung kayo ay nasa paglilingkod ng ating kapwa-tao kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos,"9hindi tayo malalagay sa di-nakaiinggit na posisyon ng multo ni Jacob Marley, na kumausap kay Ebenezer Scrooge sa imortal naA Christmas Carolni Dickens. Malungkot na binanggit ni Marley ang mga pagkakataong nawala. Sabi niya: "Hindi alam na sinumang Kristiyanong buong kabaitang nagsisikap sa masikip na mundo nito ay maiiklian sa buhay dahil sa maraming magagawa nito! Hindi alam na walang pagsisising makahahalili sa mga pagkakataon sa buhay na nasayang! Subalit, nagkagayon ako. Ah! Nagkagayon ako!"

Idinagdag ni Marley: "Bakit yuko ang ulong nilagpasan ko ang pulutong ng aking kapwa-tao, at ni hindi sinulyapan ang pinagpalang Bituing nag-akay sa marurunong na lalaki patungong maralitang dampa? Wala bang mga maralitang dampang mapag-aakayan sa akin ang liwanag nito?"

Mabuti na lang at batid nating nagbagumbuhay si Ebenezer Scrooge. Gustung-gusto ko ang kanyang linyang, "Hindi na ako tulad ng dati."10

Bakit tanyag ang kuwentongA Christmas Carol? Bakit lagi itong bago? Palagay ko'y binigyang-inspirasyon ito ng Diyos. Inilalabas nito ang pinakamahusay sa tao. Nagbibigay ito ng pag-asa. Nagpapabago ito ng buhay. Makababalik tayo sa tamang landas at, may awit sa ating mga puso, masusundan natin ang bituin at makakalapit sa liwanag. Mabibilisan natin ang ating hakbang, madaragdagan ang tapang, at makapaglulunoy sa liwanag ng katotohanan. Mas malinaw nating maririnig ang halakhak ng mga batang musmos. Mapapahiran natin ang luha ng nananangis. Maaalo natin ang naghihingalo sa pagbabahagi ng pangako ng buhay na walang hanggan. Kung iaangat natin ang pagal na kamay na nakalaylay, papayapain ang isang nagsisikap na kaluluwa, magbibigay na tulad ng Panginoon, maaari tayong— maging gabay na bituin—sa pamamagitan ng pagtuturo ng daan sa naliligaw ng landas.

Dahil maselan ang buhay at di-maiiwasan ang kamatayan, samantalahin natin ang bawat araw.

Maraming paraang maaaksaya natin ang ating mga pagkakataon. Noong nakaraa'y may nabasa akong malungkot na kuwentong isinulat ni Louise Dickinson Rich, na malinaw na inilalarawan ang katotohanang ito. Sabi niya:

"Kaaway ng lola ko si Gng. Wilcox. Naging magkapitbahay sila sa maliit na bayan nang kapwa magsipag-asawa. Hindi ko alam kung ano ang pinagmulan ng kanilang away—at palagay ko'y hindi rin nila matandaan iyon nang isilang ako makaraan ang tatlumpung taon. Grabe ang away ng dalawa.

"Apektado ang lahat sa kanilang pag-aaway. Ang 300-taong simbahan, na natagalan ang Rebolusyon, Digmaang Sibil, at Digmaang Hispano-Amerikano, ay halos gumuho sa paglalaban nina Lola at Gng. Wilcox sa Digmaan sa Ladies' Aid. Nanalo si Lola, pero walang katuturan ang tagumpay na iyon. Galit na nagbitiw si Gng. Wilcox nang hindi siya naging pangulo. Kaya ano ang saya ng tungkulin kung hindi mo ito magagamit para ipahamak ang iyong kaaway? Nanalo si Gng. Wilcox sa Digmaan sa Public Library sa tulong ng kanyang pamangking si Gertrude, na itinalagang librarian sa halip na si Tita Phyllis. Sa araw na pumalit si Gertrude ay tumigil na rin sa pagbabasa sa aklatan si Lola. Biglang 'dumumi at napuno ng mikrobyo' ang mga aklat sa buong magdamag. Walang nanalo sa Digmaan sa High School. Nakakita ng mas magandang trabaho ang prinsipal at umalis bago pa ito napaalis ni Gng. Wilcox o bago pa siya napanatili ni Lola bilang prinsipal.

"Nang mga bata pa kami at binibisita namin ang lola ko, bahagi ng saya ang pang-aasar sa mga apo ni Gng. Wilcox. Isang di malilimutang araw naglagay kami ng ahas sa bariles ng tubig-ulan ni Gng. Wilcox. Tumutol ang lola ko sa ginawa namin, pero parang lihim siyang natuwa.

"Huwag ninyong isiping kami lang ang gumagawa nang gayon. May mga apo rin si Gng. Wilcox. Hindi nakaligtas si Lola sa kanila. Walang araw ng paglalaba na hindi basta na lang napatid ang sampayan, o narumihan ang mga labada.

Kung hindi dahil sa pagsulat ni Lola sa pahinang pantahanan ng pahayagan ng Boston, ewan ko kung paano niya nakayanan nang matagal ang kanyang mga problema. Ang pahinang ito ay isang napakagandang likha. Dagdag pa sa karaniwang payo sa pagluluto at paglilinis, may bahagi rito para sa mga palitang liham mula sa mga mambabasa. Ang ideya ay kung may problema ka—o kung gusto mo mang magbuhos ng sama ng loob—sumulat ka sa pahayagan, at lagdaan ng anumang alyas tulad ng Arbutus. Iyon ang ginagamit na alyas ni Lola. Tapos ilan sa mga ibang babaeng gayon din ang problema ay sumulat din at sinabi kung ano ang ginawa nila tungkol dito, at lumagda ng Ang Nakaaalam o Xanthippe o anuman. Madalas, matapos malunasan ang problema, panay pa rin ang sulatan ninyo sa isa't isa sa bahaging ito ng pahayagan, tungkol sa inyong mga anak at sa pag-iimbak ng pagkain at sa bago ninyong dining-room suite. Ganoon ang nangyari kay Lola. Dalawampu't limang taon silang nagsulatan ng isang babaeng tinawag na Sea Gull. Tunay siyang kaibigan ni Lola.

"Nang mga labing-anim na taong gulang ako, namatay si Gng. Wilcox. Sa isang maliit na bayan, gaano man kayo kamuhi sa kapitbahay ninyo, marapat lamang na dumalaw at tingnan kung paano ka makakatulong sa mga naiwanan. Si Lola, na maayos na nakasuot ng epron upang patunayang seryoso siya sa pagsabak sa trabaho, ay tinawid ang damuhan patungong bahay ng mga Wilcox, kung saan pinaglinis siya ng mga anak na babae sa malinis nang lamayan. At naroon sa ibabaw ng mesa ang isang malaking scrapbook; at sa scrapbook, maayos na nakadikit sa hanay ang mga liham ni Lola kay Sea Gull sa pagdaan ng mga taon at ang mga liham ni Sea Gull sa kanya. Bagama't kapwa nila hindi batid, ang mortal na kaaway ni Lola ang pinakamatalik niyang kaibigan. Tanging doon ko lamang natatandaang umiyak ang lola ko. Hindi ko alam noon kung ano ang iniiyakan niya, pero alam ko na ngayon. Iniiyakan niya ang mga nasayang na taong maaari sanang naisalba."

Mga kapatid, pagpasiyahan nawa natin sa araw na ito na punuin ang ating puso ng pag-ibig. Magsikap pa sana tayong isama sa ating buhay ang sinumang nalulungkot o naninimdim o nagdurusa sa anumang paraan. Tayo nawa'y "Nakapagpasaya, nakapagpasigla."11Mamuhay sana tayo na walang pagsisisihan, walang di tapos na gawain, kapag tayo'y pinabalik na sa piling ng ating Ama sa Langit, at kaya nating sabihing tulad ni Pablo, "Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya."12Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Robert B. Baird, "Salubungin, Araw ng Pangilin," blg. 177.
2. Juan 11:25–26.
3. Juan 14:27.
4. Lucas 23:46.
5. Minnie Louise Haskins, "The Gate of the Year," saMasterpieces of Religious Verse, inedit ni James Dalton Morrison (1948), 92.
6. 1 Mga Taga Corinto 15:3–8.
7. D at T 76:22–24.
8. Will L. Thompson, "Ako Ba'y May Kabutihang Nagawa?"Mga Himno, blg. 135.
9. Mosias 2:17.
10. SaWorks of Charles Dickens(1982), 543, 581.
11. Mga Himno, blg. 135.
12. 2 Kay Timoteo 4:7.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy