Elder H. Bruce Stucki
Ng Pitumpu
Kapag ipinahahayag Niya sa atin, sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ating buhay na propeta ngayon na kailangan pa nating gumawa . . . kung gayon kailangang humakbang tayo pasulong at sabihing, "Narito ako, isugo ninyo ako".
Nais kong ikuwento sa inyo ang tungkol sa isang munting ibon na nakahandusay sa semento sa may paradahan. Tinangay ito mula sa kanyang pugad ng malakas na hangin ng bagyo noong nakaraang gabi. Mukhang iilang araw pa lang itong napisa mula sa itlog. Kakaunti ang balahibo nito, ngunit sapat na para makilala na ito ay isang pangkaraniwang maya.
Habang naroroon ito at naghihintay sa anumang kapalarang darating, isang kabataang babae na papunta sa kanyang sasakyan sa paradahan ang nakakita sa munting maya at pinulot ito. Dahil sa awa sa nanghihinang maliit na ibon, iniuwi niya ito upang alagaan. Naghanda siya ng pugad sa basket na nilagyan ng tisyu, na pinapalitang madalas upang manatiling malinis at maginhawang tulugan para sa munting ibon.
Pinakain niya ito nang madalas araw-araw, nakitang lumakas, at ilang araw pa idinilat nito ang mga mata at nakakita sa unang pagkakataon. Nakita nito ang batang babaing nagpapakain sa kanya at ang mag-anak na nakatira sa bahay na iyon. Narinig at nasanay ito sa mga tunog sa paligid, at hindi ito natakot.
Sa paglipas ng mga araw, nakaya na nitong lumukso-lukso, at inilipat ito mula sa basket at inilagay sa malinis sa hawla.
Nagtiwala ito sa batang babae at mag-anak, at kapag gusto nitong kumain, huhuni ito at ipapagaspas ang lumalaking pakpak, at kapag binuksan na ang pinto ng hawla lulukso ito sa kamay ng babae at matiyagang uupo roon habang pinapakain.
Habang naglalakad ang babae sa buong bahay at sa labas, umuupo ito sa kanyang kamay. Upang masanay sa labas kung saan ito maninirahan hindi magtatagal, dinadala niya ito sa damuhan kung saan siya at ang kanyang kapatid na babae ay umuupo sa ilalim ng puno at magkukuwentuhan habang tinitingnan at pinagmamasdan ng ibon ang lahat ng nasa paligid nito.
Dumating ang oras para pumunta sa kamping ang babae at ang kanyang kapatid, kaya isinama nila ang ibon at nanatili ito ng isang linggo sa Bundok Ceda kasama ng mga kababaihan sa kampo. Doon nito sinubukang lumipad sa unang pagkakataon, lumipad ito mula sa kamay ng babae patungo sa mabababang sanga ng malapit na puno.
Nagagalak itong makabalik sa kamay ng batang babae na kilalang-kilala nito at sa katiyakan ng kanyang pagmamahal, at bagaman natututo na itong lumipad hindi ito umalis. Nang matapos ang kamping umuwi ito kasama ng magkapatid at nagpatuloy sa kanyang pag-aaral sa paglipad.
Naisip ng batang babae na hindi magtatagal kailangan nang makasama ng ibon ang mga kauri nito, kaya inilabas niya ito sa damuhan at hinikayat na lumipad nang malayo. Lumipad ito patawid sa damuhan patungo sa isang maliit na puno ng pino, at dumapo roon at tumingin sa paligid. Iniwan ito ng babae sa pag-aakalang sasama na ito sa ibang ibon, at siya'y umuwi na.
Hindi pa nagtatagal at narinig na ang isang huni mula sa labas sa harap ng tahanan, at nang tingnan ng batang babae kung ano ang inihuhuni ng ibon, lumipad ito mula sa puno at dumapong muli sa kanang kamay, at ito'y pinakain niya.
Sa loob ng ilang gabi pabalik-balik ang ibon sa bahay upang makasama ang mag-anak. Gayunman, hindi nagtagal, nagsimula na itong makisama sa mga bagong kaibigan na nakatira sa mga punong malapit sa bahay. Kapag lumalabas ang batang babae at pipito, tutugon ito at magbabalik at darapo sa kamay ni Trinilee, na aking anak, at ito'y pakakainin niya.
Ang munting ibong iyon at ang aking anak ay nagturo sa akin ng dakilang leksyon tungkol sa pananampalataya at pagtitiwala. Bagaman ang laki nito ay maliit lamang kung ihahambing sa sukat ng kaibigang tao nito, at maaaring malagay sa panganib ang buhay sa piling ng mga tao, pinagkatiwalaan nito ang aking anak, at may pananampalataya na ito ay hindi masasaktan at ito ay pakakainin . . . at ito'y tumugon sa kanyang pagtawag.
Napag-isipan na ba ninyo ang pananampalataya natin mga kapatid? Mayroon ba tayo ng ganoong uri ng pagtitiwala at pananampalataya sa Panginoon? Tumutugon ba tayo sa Kanyang pagtawag upang maglingkod at mapakain sa Kanyang kamay?
Dapat na sikapin nating maparoon sa Kanyang kinalalagyan, o tumugon sa Kanyang tawag. Subalit marami sa atin ang walang pananampalataya at tiwalang lumapit sa Panginoon kapag Siya'y tumatawag. Tinatawagan Niya tayo ngayon na manampalataya at magtiwala sa Kanya, nang tayo'y mapakain Niya.
"At winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin" (Moroni 7:33).
"Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" (Mat. 28:19).
Mayroong mahalagang gawain na kailangang kaagad na gawin sa lahat ng bansa at lahat ng tao. Marami nang kahanga-hangang kabataang lalaki at babae, mga may edad na kapatid na babae, at mag-asawa na tinawag upang maglingkod, at nagsitugon at matapat na nagmimisyon para sa Panginoon.
May malaki pang pangangailangan para sa mas maraming misyonero, kabilang na ang mga mag-asawa, gaya ng sinabi ni Pangulong Hinckley sa pagsasahimpapawid sa pamamagitan ng satelayt noong ika-21 ng Pebrero 1998: "Sa sama-samang pagsisikap, pagkilala sa tungkuling nakaatang sa bawat isa sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan, at sa taimtim na pagsusumamo ng tulong sa Panginoon, madodoble natin ang bilang" ng mga pagbibinyag ng nagbalik-loob.
"Sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin; at narito, siya na humahawak sa kanyang panggapas nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa" (Doktrina at mga Tipan 4:4).
Wala nang gawaing higit pang mahalaga o na may higit pang kagalakan at gantimpala na magagawa natin sa panahong ito.
Sinabi ng Tagapagligtas na nagsasalita sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith kay John Whitmer: "At ngayon, masdan, sinasabi ko sa iyo, na ang bagay na magiging pinakamahalaga para sa iyo ay magpahayag ng pagsisisi sa mga taong ito, upang ikaw ay makapagdala ng mga kaluluwa sa akin, upang ikaw ay makapagpahinga kasama nila sa kaharian ng aking Ama. Amen" (Doktrina at mga Tipan 15:6).
Mga kapatid, naniniwala ako na ang Ama sa Langit at ako ay nagtitiwala sa Kanya, at kapag ipinahahayag Niya sa atin, sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ating buhay na propeta ngayon, na kailangan pa nating gumawa, at marami pa sa atin ang kailangang makibahagi sa gawain ng pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo, kung gayon kailangang humakbang tayo pasulong at sabihing, "Narito ako; isugo ninyo ako" (Isa. 6:8).
Mula sa paboritong himno ay babanggitin ko:
"Mga anak ng Diyos, may pagkasaserdote.
Ipahayag ninyo Banal na ebanghelyo"
("Come, All Ye Sons of God," Hymns, no. 322)
At pagkatapos ng kanilang binyag, kailangang samahan natin sila sa paglakad sa landas ng kadakilaan, inaalalayan sila hanggang sa magkaroon sila ng matibay na saligan at patotoo upang makapagpatuloy sila sa panahong ito at sa buhay na walang hanggan.
Tunay na minamahal ko ang aking Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, at nagpapasalamat ako sa maraming biyaya at pagkakataong ibinigay Nila sa akin. Idinadalangin ko nang buong puso at kaluluwa na ako ay maging karapat-dapat sa mga plano Nila para sa akin, maging anuman ang mga planong yaon.
Dalangin ko na tayo ay magpapakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon na singlaki ng ipinakita ng munting maya sa aking anak, at tumugon sa tawag ng Panginoon.
Dalangin ko na tunay na gagawin natin ito nang sama-sama sa pangalan ni Jesucristo, amen.