The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 1999
"Ang Wika ng mga Anghel"

"Ang Wika ng mga Anghel"

Elder Robert S. Wood
Ng Pitumpu

Ang sinasabi natin at ang paraan ng pagdadala natin sa ating sarili ay hindi lamang nagpapakita sa ating tunay na pagkatao kundi humuhubog din sa pagkataong iyon, sa mga taong nakapaligid sa atin, at sa huli sa ating buong lipunan.

Elder Robert S. Wood

Sa paghahambing ng kahalagahan ng ilan sa lalong mahahalagang bagay ng kaharian sa istriktong alituntunin sa pagkain ng sinaunang Israel, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo: "Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao . . .

"Ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay . . . sa puso nanggagaling; at siyang nangakahahawa sa tao (Mat. 15:11, 18). Ang ating mga salita at panlabas na pagpapahayag ay may ipinahihiwatig, sapagka't inihahayag nito kapwa kung sino tayo at hinuhubog nito ang magiging kahihinatnan natin.

Sa mga huling araw, binigyang-diing muli ng Panginoon kung paano, sa mga salita ng Aklat ni Mormon, na ang ating "mga panlabas na gawa" (Alma 25:15), ay nakakahawa o nakapagpapatibay. Ang sinasabi at ginagawa natin ay makalilikha ng kapaligiran na malugod na nag-aanyaya o nagtataboy sa Espiritu Santo. Sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, pinayuhan tayo ng Panginoon na iwasan ang "mabababaw na pananalita" at "labis na pagtawa." Iniugnay niya ang mga pagpapahayag na iyon sa mga kapintasan ng damdamin--"mahahalay na pagnanasa," "kapalaluan," at "mababaw na pag-iisip"--na sa huli ay humahantong sa "masasamang gawain" (Doktrina at mga Tipan 88:69, 121). Ang pagkaunawa ko sa "mabababaw na pananalita" ay tumutukoy sa walang-galang at mapanghamak na pananalita at ang "mababaw na pag-iisip" ay ang tinatawag ng Panginoon na paglalapastangan sa mga banal na bagay (Doktrina at mga Tipan 6:12).

Sa kabilang banda, ang Panginoon ay nananawagan para sa "maligayang mga puso at mukha" (Doktrina at mga Tipan 59:15). Inatasan Niya tayong magsalita at kumilos sa paraang makapagpapatibay o nakapanghihikayat sa isa't isa at ipinahiwatig na "yaong hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, at ito ay kadiliman" (Doktrina at mga Tipan 50:23). Sa Winter Quarters, habang ang mga Banal ay nasa gitna ng mahirap na paglalakbay, ang Panginoon ay nag-utos, "Ang inyong mga salita ay mauwi sa pagpapatibay sa isa't isa" (Doktrina at mga Tipan 136:24). Ipinahayag ni Nephi na ang bunga ng pagtanggap ng Espiritu Santo at pakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu ay yaong tayo ay maaaring makapagsalita sa "wika ng mga anghel" (2 Ne. 32:2­3). Sa gayon nakalilikha tayo ng damdamin ng paggalang at ng paghahayag.

Kamakailan ay naulinigan ko ang pag-uusap ng ilan sa aming mga nakababatang apo. Isa sa kanila ay gumamit ng salitang bobo. Pinuna sila ng walong-taong-gulang na si Nicolas na kabibinyag lamang na hindi dapat sigurong sabihin ang salitang iyon, dahil ito ay "masamang salita." Kitang-kita na mabuti ang impluwensiyang nakuha nito sa Nanay at Tatay. Alam ko na may mga ganito ring talakayan tungkol sa ibang mga pananalita. Ngayon marahil may ilang nag-iisip na hindi naman gaanong matindi iyon kung ikukumpara sa mas masama at nakakahiyang pananalita sa paligid natin. Ngunit, sa maliit at sa malaking paraan, ang ating mga salita ay nakalilikha ng kapaligirang kung saan tayo ay nagtatayo o o nanggigiba. Kamakailan lamang ay sinabi ko sa aking kaibigan mula sa Lungsod ng New York na nagtataka ako kung bakit kapansin-pansin ang pagbabagong naganap sa kapaligiran ng lungsod sa mga lumipas na taon. Binanggit niya na ang kanyang asawa ay isang huwes sa munisipyo, at sila ay nagpapatupad ng maliliit na bagay, gaya ng mga batas laban sa pagdura at jaywalking, at sa pamamagitan nito ang malalaking bagay ay naaapektuhan. Kaya sa ating araw-araw na pananalita at kilos na nagpapalakas sinabi ng Panginoon na inaanyayahan natin ang espiritu ng katotohanan at kabutihan, kung saan maaari nating "maitaboy ang kadiliman mula sa [atin]" (Doktrina at mga Tipan 50:25).

Naalaala ko pa ang klase namin sa Ingles noong ako ay nasa unang taon ng kolehiyo. Pinipilit ng propesor na sa paglalarawan ng isang sitwasyon, kailangang palitan ng isa sa mga mag-aaral ng magaspang na pananalita ang isang mas magalang na pananalita. Nabigla ako sa mga salitang ginamit na bibihira kong marinig at kailanman ay hindi ko narinig sa isang sitwasyong kaayaaya. Ilan taon pa ang nakalipas, pagkatapos ng kolehiyo nakausap ko ang isang kaibigan na ipinipilit na ang tao ay dapat na maging, "prangka" gaya ng tawag niya, kahit na maging magaspang o walang pakundangan ka sa damdamin ng ibang tao. Nakalulungkot, na ang diwa na nangingibabaw sa mga pangyayaring ito ay mahigpit nang nakakapit sa lipunan at matatagpuan na rin maging sa mga Banal. Sa paglipas ng mga taon, nagkakaroon ng ibayong pagpapasaring tungkol sa seks, bulgar na pagpapatawa, marahas na pananalita, at malakas na pag-iingay sa pananalita, musika, at pagkilos. Karamihan ng nasa paligid natin ay magaspang at walang pakundangan, may bulok na pag-uugali at kamalayan sa moralidad. Ang lipunan ay hindi napahusay ng ating "mabababaw na pananalita" at "mababaw na pag-iisip." Sa halip, naparumi ng ating mga pananalita ang ating mga komunidad at binulok ang ating kaluluwa.

Nagbabala si Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa pagiging bulgar sa pananalita at pagpapahayag at higit na nagpayo laban sa mga walang pakundangang pag-uusap tungkol sa seks, na kanyang iniugnay sa kabastusan. "Ang malalaswang pag-uusap at biruan," aniya, "ay humahantong sa iba pang panganib na nagkukubli, naghahanap ng mabibitag na sinumang tatanggap nito bilang unang hakbang sa pagpaparumi ng isip at pagkaraan ng kaluluwa." (The Miracle of Forgiveness, [1969] 228.)

Ang sinasabi natin at ang paraan ng pagdadala natin sa ating sarili ay hindi lamang nagpapakita sa ating tunay na pagkatao kundi humuhubog din sa pagkataong iyon, sa mga taong nakapaligid sa atin, at sa huli sa ating buong lipunan. Araw-araw bawat isa sa atin ay nasasangkot sa pagpapadilim ng liwanag o pagtataboy ng kadiliman. Tayo ay tinawag upang anyayahan ang liwanag at maging liwanag, upang pabanalin ang ating sarili at patibayin ang iba.

Sa kanyang pangkalahatang sulat, isa-isang ipinahayag ni Santiago ang mga bagay na kailangan upang maging banal. Sa mga iyon, isinama niya ang pagpipigil sa ating pananalita at pakikipag-usap. Tunay nga, sabi niya na "kung ang sinuman ay hindi nakatitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan" (Santiago 3:2). Kung ihahambing sa paglalakbay sa dagat, binanggit niya na, gaya nang ang isang maliit na ugit ay nakapagpapaandar ng malaking barko, gayundin naman ang dila ay maaaring magtakda ng ating landas at--kapalaran (tingnan sa talata 4). Kung hindi gagamitin nang tama, ang dila ay "nakahahawa sa buong katawan, at pinagniningas ang gulong ng katalagahan" (talata 6). Itinatanong niya, paanong sa isang bibig lalabas ang papuri at galit? (tingnan sa talata 10).

Noon pa ay hinangaan ko na ang katotohanan na noong si Isaias ay tumanggap ng kautusan mula sa Panginoon, idinaing niya na siya ay "lalaking may maruming mga labi" at nanirahan "sa gitna ng bayan na may maruming mga labi" (Isa. 6:5). Ang kasalanan ding ito ay dapat na linisin ni Isaias kung nais niyang patotohanan ang salita ng Panginoon. Nakapagtataka ba kung ang kapwa mga mang-aawit at propeta ay nagsusumamo sa Panginoon na "maglagay ng bantay" sa harap ng kanilang mga labi at ingatan ang "pintuan" ng kanilang mga labi (Mga Awit 141:3), upang tulungan sila na huwag nang magkasala ng kanilang dila (Mga Awit 39:1).

Kapag tayo ay nagsasalita at kumikilos, dapat na tanungin natin kung ang atin bang mga salita at pagpapahayag ay nilayon upang anyayahan ang mga kapangyarihan ng langit sa ating buhay at upang anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo. Nararapat na ituring natin nang may paggalang ang mga sagradong bagay. Kinakailangang alisin natin sa ating mga pag-uusap ang mga bagay na bastos at malaswa, marahas at mapanganib, ang nakapangungutya at ang mali. Gaya nang isinulat ni Apostol Pedro, "Ngunit yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay" (I Pedro 1:15). Ang salitang "pamumuhay" dito ay tumutukoy hindi lamang sa pananalita kundi gayon din sa ating buong pag-uugali. Tulad ni Nephi, inaanyayahan niya tayo na ipamuhay ito nang tayo'y mangusap sa "wika ng mga anghel."

Pinatotohanan ko na ang Diyos ay tunay na banal. Siya ang ating Ama, at tayo ay Kanyang mga anak. Tayo ay Kanyang tagapagmana at mga kasamang tagapagmana ni Cristo ng Kanyang kaluwalhatian. Pinasan ni Cristo ang ating mga kasalanan at ginapi ang kamatayan. Inaanyayahan Niya tayo na maging tulad Niya at magpatibay sa salita at gawa. Kasama ni Juan naniniwala ako na kapalaran natin na "kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya; sapagkat siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili." (I Juan 3:2). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy