The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2003
Alamin ang Inyong Buong Kakayahan

Alamin ang Inyong Buong Kakayahan

ELDER RICHARD G. SCOTT
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sa abot-kaya ko'y hinihimok ko kayong tuklasin kung sino kayo talaga. . . . Alamin ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang banal na kakayahang ibinigay sa inyo.

ELDER RICHARD G. SCOTTNapagmasdan ko kailan lang ang mahigit 20,000 kabataang Banal sa mga Huling Araw na nakikinig sa espirituwal na mensahe. Nagtatala sila, at nakikinig na mabuti sa tagapagsalita, sabik na matuto. Dama kong puspos sila ng diwa ng kadalisayan, kabutihan, at katapatan. Walang pumilit sa kanilang dumalo. Ginusto nilang magpunta.

Pagkatapos ay nakipagkita ako sa mahigit 2,000 full-time na misyonerong naghahandang maglingkod. Puspos ng Espiritu ang silid. Mahihirap ang tanong ko sa kanila. Mahusay silang sumagot, madalas suportado pa ng mga banal na kasulatan. Habang kinakamayan ko't tinititigan ang mga mata ng mga misyonero, nadama ko ang kadalisayan at diwa ng katapatan. Ito ay napakagandang karanasan. Isinantabi ng bawat isa ang sariling kapakanan para tanggapin ang tawag na sumama sa pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero.

Ganyan din ang naranasan ko sa mga kabataan sa buong daigdig. Napansin ng faculty sa tatlo nating unibersidad ang mahalagang pag-unlad ng kakayahan at pagkasensitibo sa espirituwal ng mga estudyante. May kakaibang nangyayari. Nadarama n'yo ba? Tunay, na sa pagbaba ng pagsunod at moralidad sa mundo ang Panginoon ay lalong nagpapadala ng mas magigiting na espiritu sa daigdig. Bilang isang pangkat nahigitan nila ang kakayahan ng kanilang mga ninuno. Napakalaki ng kanilang potensyal para personal na umunlad at tumulong. Bilang mga magulang at lider paano ninyo nililinang ang kakayahang iyon? Bilang kabataan ng henerasyong ito, ano ang ginagawa mo para malaman ang kakaiba mong kakayahan? Aalagaan mo ba ito at lalo pang paghuhusayin tungo sa tugatog ng tagumpay at kaligayahan? Paano mo iiwasan ang gawain ni Satanas na magpapahina sa iyong kakayahan dahil sa pagkakasala? Ikaw lang ang makasasagot sa mga napakahalagang tanong na iyan.

Sa abot-kaya ko'y hinihimok ko kayong tuklasin kung sino kayo talaga. Inaanyayahan ko kayo na tingnan ninyo di lamang ang araw-araw na takbo ng buhay. Hinihimok ko kayong alamin sa pamamagitan ng Espiritu ang mga banal na kakayahang ibinigay sa inyo. Pinapayuhan ko kayo na idalanging makapili ng marapat na siyang tutulong sa inyo para malaman ang inyong buong kakayahan.

Narito ang isang tiyak na paraan para masimulan ninyong marating ang gayong pag-unlad. Nakakita na ako ng magigiting na misyonerong tiniis ang malamig na hangin, ang matinding buhos ng ulan, naglakad sa madulas at maputik na daan, at dinaig ang takot. Madalas silang magbigay ng malakas na patotoo, na tinatanggihan at binabatikos lamang nang husto. Nakita kong sinisikap nilang ibahagi ang katotohanan sa bagong wika. Kung minsa'y litong nakatitig lang sa kanila ang nakikinig. At biglang matatanto ng misyonero na di pala nila nauunawaan ang mensahe. Pero wala akong babaguhin diyan, kahit kaya kong gawin, dahil may mga ginintuang sandali ng tagumpay na sumusulit sa paghihirap. Ang gayong gantimpala ay dumarating kapag naaantig ng Espiritu ang puso para sa walang hanggang kabutihan dahil naroon ang isang tulad ninyo. Ang magbahagi ng katotohanan sa mahihirap na kalagayan ay higit na pagpapahalaga rito. Kapag di n'yo na alam ang gagawin sa bago at kakaibang sitwasyon, patatatagin kayo ng Panginoon. Magsisimulang mahayag ang kagandahan ng inyong walang hanggang kaluluwa.

Mas matindi ang hamon sa ngayon. Kaya nga kailangan ng Panginoon ng mga misyonerong higit ang kakayahan at mas handa. Kailangan niya ang malilinis at dalisay para magabayan sila ng Espiritu at mabisang makapagpatotoo. Maging isa sa mahuhusay na misyonero. Hindi ito madali. Pero kailan ba naging madali ang bagay na makabuluhan?

Nilinaw ng Unang Panguluhan ang matataas na pamantayan ng pagkamarapat ng pagkatao at ang katatagan ng katawan, isipan at damdamin na kailangan ngayon sa misyon. Mahigpit ang pamantayan, pero makakaya ninyo.

Magagalak kayo sa kapayapaan at pagtitiwalang dulot ng pamumuhay nito. Itinaas ang mga pamantayan hindi para magpahirap, kundi dahil talagang kailangan ngayon ng mga misyonero ang espirituwal na patnubay sa kinaroroonan nila. Binago rin ang pagtuturo ng mga talakayan. Hindi na ito isinasaulo ngayon; sa halip ay pinag-aaralan ang nilalaman nito at itinuturo ayon sa patnubay ng Espiritu. Kailangang karapat-dapat ang tao para magawa iyan (tingnan sa "Statement on Missionary Work" na nakalakip sa liham ng Unang Panguluhan, ika-11 ng Dis. 2002).

Bahagi kayo ng natatanging henerasyon na may pambihirang kakayahan. Kaya nga gustong sirain iyan ni Satanas sa pagtukso sa inyo na labagin ang mga batas ng Diyos. Alam niyang hindi niya kaya ang taong matwid. Ngunit siya'y mahusay at nahihikayat niyang magkasala ang mga nag-aalinlangan pa sa pagmimisyon.

Ang paghahanda sa misyon at sa makabuluhang buhay ay nasisimulan sa tahanan. Bilang magulang, isa sa mga dakilang regalong maibibigay ninyo sa inyong anak ay ang patuloy na alagaan ang lumalagong patotoo sa katotohanan, matiyagang inaalagaan ang espirituwalidad ng bawat bata. Ipaliwanag na mabuti ang mga doktrina ng Simbahan at ang kapangyarihang dulot nito kapag ipinamuhay ito. Ang pundasyong iyon ang maghahanda sa bata para labanan ang kasamaan sa daigdig. Himukin ang bawat anak na lalaki na matibay ang pangangatawan at dibdib na maghanda upang marapat na makapagmisyon nang full-time.

Pinatatatag ng mga bishop at stake president, kasama ang mga lider sa priesthood at auxiliary, ang kakayahang espirituwal ng inyong mga kabataan. Gawin iyan sa paghimok sa kanilang makibahagi sa mga aktibiti sa Simbahan na nagpapatibay sa turo ng mga magulang.

Kayong mga binatilyo ay dapat maging aktibo sa inyong korum ng priesthood. Kayong mga dalagita ay dapat dumalo sa mga aktibiti ng klase at kumpletuhin ang inyong mga layunin sa Personal na Pag-unlad. Kapwa kayo makibahagi sa mga talakayan sa Sunday School para matandaan ninyo ang itinuturo. Dumalo kayo sa Seminary at Institute para maunawaang mabuti ang katotohanan. Huwag lang basta makinig para makapasa sa test. Ipamuhay ang inyong natututuhan.

Pag-aralan ang Unang Pangitain na nasa Joseph Smith—Kasaysayan sa Mahalagang Perlas. Alamin ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa ganap na panunumbalik ng katotohanan, pati ang awtoridad ng priesthood at mga ordenansang kailangan sa kadakilaan. Magkaroon ng sarili ninyong patotoo sa mga bagay na ito. Ikintal ito sa inyong puso't isipan.

Subukang basahin ang Aklat ni Mormon hindi dahil sa kailangan kundi dahil sa gusto ninyong gawin ito. Tuklasin n'yo mismo ang katotohanan nito. Habang binabasa ang bawat pahina ay itanong, "Kaya bang isulat ng kahit sino ang aklat na ito o dumating ito gaya ng pagpapatotoo ni Joseph Smith?" Ipamuhay ang mga natututuhan ninyo. Patatatagin kayo nito laban sa kasamaan ni Satanas. Sundin ang payo ni Moroni. Taimtim na itanong sa Diyos Ama, sa ngalan ni Jesucristo, na may tunay na hangarin, kung totoo ang mga turo sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Moroni 10:3-5).

Magtanong na may hangaring tumanggap ng patunay, nang walang agam-agam. Dapat may paliwanag ukol sa aklat nahahawakan ninyo. Alam kong makatatanggap kayo ng espirituwal na patunay na ito'y totoo. Malalaman ninyo na buhay si Jesucristo, na si Joseph Smith ay propeta, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ng Panginoon (tingnan sa pambungad ng Aklat ni Mormon, lalo na ang huling talata). Mapatutunayan ninyo na ginagabayan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng buhay na propeta. Ang mga katotohanang ito ang magiging saligan ng makabuluhan ninyong pamumuhay.

Maaaring sabihin ng isang tao na: "Hindi ko natanggap ang buong biyaya ng huwarang pamilya at ganap na karanasan sa Simbahan." Hindi ko rin natamasa ang lahat ng iyon, ni ng ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa. Bumawi kayo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling matatag na patotoo ng katotohanan. Magkaroon ng personal na paniniwala na naibalik sa lupa ang Simbahan ni Jesucristo at na ang Kanyang mga doktrina ay totoo. May iba't ibang landas sa pagkakamit ng gayong mahalagang kaloob. Nagsisimula ang mga ito sa matapat na hangaring malaman ang mga ito. Maaaring mamatay ang umaandap na liwanag ng pananampalataya kung di ito aalagaan. Pero ang munting liwanag na iyon ay maaaring lumaki pa tungo sa maningas, di-maapulang apoy sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at patuloy na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at ng iba pang banal na kasulatan. Ang gayong pananampalataya'y magpapatuloy habang sinusunod ninyo ang mga alituntuning natututuhan ninyo.

Manatiling karapat-dapat. Kapag nauunawaan na ninyo kung sino kayo, madali nang labanan ang mga tukso ni Satanas. At di na niya mahahadlangan ang pag-unlad ng tunay ninyong kakayahan.

Bilang binatilyo, ang pinakamalaking pag-unlad at pagtatag na mararanasan ninyo sa ngayon, na hindi mahahadlangan, ay ang full-time na pagmimisyon nang karapat-dapat. Bagamat hindi sa pansariling kapakanan lang ang misyon, sagana ang pagpapala ng Panginoon sa magiting na naglingkod. Maging miyembro ng hukbo ng kagila-gilalas, handang-handa, at debotong mga misyonero na nagiging marapat sa mataas na pamantayan. Makiisa sa mga pumiling maglingkod sa Panginoon, saanman tawagin, gaano man ang hirap.

Mahirap ang gawaing misyonero. Kung may karamdaman kayo na maaaring gamutin para matugunan ang hinihingi ng full-time na misyon, maaari kayong tawagin. Mahalagang ituloy ninyo ang pag-inom ng gamot habang nagmimisyon o hanggang sa ipatigil ito ng mahusay na doktor. Dapat ninyong malaman na magkatulad ang sakit ng damdamin at ng katawan. Kailangang gawin ng tao ang lahat para bumuti ang kanyang kalagayan, at matutong mabuhay sa itinakdang hangganan. Ginagamit ng Diyos ang mga hamon para umunlad tayo sa pamamagitan ng paggapi sa mga ito.

Maaaring mabigat ang inyong problema sa pangangatawan o sa damdamin kaya di kayo pinagmisyon nang full-time ng Pangulo ng Simbahan (tingnan sa "Statement on Missionary Work," na kalakip ng liham ng Unang Panguluhan, ika-11 ng Dis. 2002). May iba pang paraan upang makabuluhang makapaglingkod na angkop sa inyong kalagayan. Ang inyong bishop o stake president ang tutulong sa inyo para makapaglingkod kayo sa inyong lugar. Marahil sa family history center ng Simbahan, sa templo, welfare project, employment center ng Simbahan, o sa ospital, bahay-kalinga, o kanlungan, o kahit saan. Kailangan ng tulong sa maraming lugar. Makalalagi kayo sa tahanan at makapag-ambag na mabuti. Ang tungkuling ito'y maaaring ilang buwan lang o mas matagal pa. Malalaman ng inyong stake president kung saan at gaano katagal kayo dapat maglingkod. At pormal niya kayong tatawagin. Anuman ang maging tungkulin ninyo, pag-aralan ang mensahe ng Panunumbalik gamit ang mga materyal ng mga full-time na misyonero. Humanap din ng pagkakataon para ibahagi ang mensaheng iyon. Kapag maingat ninyong ginawa ito, kayo'y aakayin sa mga taong maaantig at gugustuhing matuto pa.

Sa pagsasalita ko tungkol sa paglilingkod ng misyonero marahil naisip ninyong "Hindi para sa akin 'yan." Samo ko sa inyo na pag-isipan ito nang may panalangin. Lahat ng lubhang mahalaga sa aking buhay ay nagsimulang umusbong sa misyon. Makakamit n'yo rin ang gayong biyaya.

Kung nagkamali kayo sa pagpili, magsisi na ngayon. Alisin ang anumang hadlang sa inyong pag-unlad at kaligayahan.

Mahalaga kayong mga kabataan. Alamin ang inyong buong kakayahan. Maging lider at halimbawang inaasahan sa inyo ng Panginoon. Binata, maging bahagi ng pinakadakilang henerasyon ng mga misyonero. Mga karapat-dapat na kabataan, maghanda sa pagtanggap ng mga ordenansa ng templo at sa pagkakaroon ng walang hanggang pamilya. Mahal kayo ng Diyos. Pinatototohanan ko na sa paghingi ninyo ng tulong sa Kanya ay papatnubayan Niya kayo para matupad ang inyong mga karapat-dapat na pangarap, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy