PANGULONG THOMAS S. MONSON
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Sa tulong ng Panginoon ay matutulungan at maililigtas natin ang mga taong
nasa pananagutan natin.
Mahal kong mga kapatid, nakapagpapakumbabang karanasan ang tumayo sa harapan ninyo ngayong gabi at malaman na maliban sa kagulat-gulat na dami ng nanonood dito sa Conference Center, daan-daang libo pang mayhawak ng priesthood ang nagtitipon sa buong mundo.
Habang pinag-iisipan ko ang responsibilidad na magsalita sa inyo, naalala ko ang kahulugan ng awtoridad ng priesthood na sinabi ni Pangulong Stephen L. Richards. Sabi niya: "Ang simpleng kahulugan ng Priesthood ay 'kapangyarihan ng Diyos na itinalaga sa tao.' Sa palagay ko'y tumpak ito. Pero sa praktikal na kahulugan ang Priesthood ay paglilingkod at ang tawag ko rito'y 'perpektong plano ng paglilingkod.' "1
Deacon man tayo sa Aaronic Priesthood o elder sa Melchizedek Priesthood, tungkulin nating gampanan ang inihayag ng Panginoon sa ika-107 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, talata 99: "Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig."
Malapit na ang ika-12 kaarawan ng bunso naming si Clark noon, paalis kaming dalawa ng Church Administration Building nang lapitan at batiin kami ni Pangulong Harold B. Lee. Binanggit kong malapit nang mag-12 taon si Clark, at bumaling sa kanya si Pangulong Lee at nagtanong, "Ano'ng mangyayari sa iyo pagtuntong mo ng 12?"
Isa ito sa mga panahong ipinagdarasal ng ama na maging inspirado ang anak sa pagsagot nang tama. Kaagad sumagot si Clark kay Pangulong Lee, "Ioorden po akong deacon!"
Iyon ang gustong marinig ni Pangulong Lee. At pinayuhan niya ang aming anak, "Tandaan mo, malaking pagpapala ang magtaglay ng priesthood."
Noong bata pa ako, inasam ko ang pagpapasa ng sakrament sa mga miyembro ng ward. Itinuro sa aming mga deacon ang aming mga tungkulin. Ang isa sa mga lalaki sa aming ward, si Louis, ay may palsy. Nanginginig nang husto ang kanyang ulo at mga kamay at hindi siya makabahagi ng sakrament na mag-isa. Alam ng bawat deacon na tungkulin niyang isubo ang tinapay kay Louis para makabahagi ito at ilapit sa bibig nito ang kopita ng tubig na hawak sa isang kamay, at pigil ng isa pang kamay ang ulo nito, habang hawak ng isa pang deacon ang trey. "Salamat" ang palaging sinasabi ni Louis.
Ngayong kumperensyang ito'y 40 taon na ang nakalipas mula nang tawagin ako ni Pangulong David O. McKay na maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa unang miting ng Panguluhan at Labindalawa na dinaluhan ko kung saan nagpasa ng sakrament, sinabi ni Pangulong McKay, "Bago tayo makibahagi ng sakrament, nais kong hilingin sa pinakabagong miyembro ng lupong ito, si Brother Monson, na ituro niya sa Unang Panguluhan at Labindalawa ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo." Noon ko naunawaan ang kasabihang: "Pagdating ng oras ng pagpapasiya, lumipas na ang oras ng paghahanda." Oras na rin para alalahanin ang payo na nasa 1 Pedro: "Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawat tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo."2
Sinimulan ko ang mensahe sa pagbanggit sa liham na natanggap ko mula sa isang militar sa aming ward na nasa digmaan noon sa Korea. Ikinuwento ng sumulat kung paanong, sa gitna ng bombahan isang Linggo ng umaga, ang ilan sa kanyang pulutong ay nakibahagi sa tinapay at tubig, na kapwa inilagay sa helmet. Naalala ng bawat isa ang kabuluhan ng pagbabasbas sa banal na mga simbolo at ang kanyang responsibilidad na sundin ang mga utos at halimbawa ng paglilingkod ng Panginoon sa iba.
Ang alaala ng partikular na karanasang iyon kasama ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa ay hindi naglaho sa nagdaang 40 taon.
Sa mga nawalay sa tahanan at pamilya, sa militar man, sa misyon, o anupamang layunin, ang kapaskuhan ay naghahatid ng pananabik—ng pag-asam—na makasama ang mga mahal sa buhay. Ang marinig ang halakhakan ng mga bata, makita ang pagmamahalan ng mga magulang at madama ang yakap ng mga kapatid ay nagpapadama ng langit at ng walang hanggang galak na matatagpuan doon.
Isang Disyembre ng gabi, habang naghihintay na masakay ng eroplano patungong Estados Unidos, nakatayo kami ni Sister Monson sa nakaiinis na init at alinsangan ng Singapore, nang marinig namin sa loud-speaker ng paliparan ang pamilyar at masiglang himig, na inaawit ni Bing Crosby:
I'll be home for Christmas,
You can plan on me.
Please have snow and mistletoe
And presents on the tree.
Christmas Eve will find me
Where the lovelight gleams.
I'll be home for Christmas,
If only in my dreams.3
Matagal nang binibigyang-diin ng Unang Panguluhan ang pahayag na, "Ang tahanan ang batayan ng makatwirang buhay at walang makapapalit o makahahalili sa kahalagahan nito sa pagsasagawa ng responsibilidad na bigay ng Diyos."4
May mga pamilyang binubuo ng mga ina at ama, mga anak na lalaki at babae na, dahil sa hindi pinag-isipang salita, ay nagkalayo. May gayong pangyayari maraming taon na ang nakalilipas. Tungkol ito sa isang binata na itatago ko sa pangalang Jack, na muntik nang magkagayon ang buhay.
Sa buong buhay ni Jack, marami silang malulubhang pagtatalo ng tatay niya. Isang araw, sa edad na 17, talagang nagpang-abot sila. Sabi ni Jack sa ama, "Huling pakikipagtalo ko na ito sa inyo. Aalis ako't hinding-hindi na babalik." Pagkasabi nito, pumasok siya sa bahay at nag-impake. Nakiusap ang nanay niya na huwag na siyang umalis; pero sobra ang galit niya para makinig. Iniwan niya itong umiiyak sa may pintuan.
Paglabas ng bakuran, palabas na sana siya ng tarangkahan nang marinig niya ang tawag ng tatay niya, "Jack, alam kong mas malaki ang kasalanan ko sa pag-alis mo. Patawarin mo ako. Gusto kong malaman mo na kung gugustuhin mong umuwi, bukas ang pintuan para sa iyo. At sisikapin kong maging mas mabuting ama sa iyo. Gusto kong malaman mo na lagi kitang mamahalin."
Hindi kumibo si Jack at tumuloy sa istasyon ng bus at bumili ng tiket papunta sa kung saan. Habang nakaupo sa bus at minamasdan ang mga papalayong sasakyan, sinimulan niyang isipin ang sinabi ng kanyang ama. Naisip niya kung gaano siya kamahal nito para gawin ang ginawa niya. Humingi ng tawad si Itay. Niyaya siya nitong bumalik at nag-iwan ng mga katagang umaalingawngaw sa hangin ng taginit, "Mahal kita."
Noon naisip ni Jack na nasa kanya na ang susunod na hakbang. Batid niya na ang tanging paraan para magkaroon ng kapayapaan sa sarili ay ang ipakita sa kanyang ama ang gayunding pag-unawa, kabutihan at pagmamahal na ipinakita ng Tatay niya sa kanya. Bumaba ng bus si Jack, bumili ng tiket pabalik at umuwi.
Lampas na ng hatinggabi nang dumating siya, pumasok sa bahay at binuksan ang ilaw. Doon sa tumba-tumba nakaupo ang tatay niya, sapo sa palad ang mukha. Pag-angat niya ng ulo'y nakita niya si Jack, tumindig siya mula sa pagkakaupo at nagyakap sila. Madalas sabihin ni Jack, "Ang mga huling taon ko sa bahay ang pinakamaligaya sa buhay ko."
Masasabi nating narito ang batang naging binata sa loob ng magdamag. Narito ang ama na sa pagsupil ng galit at kapalaluan ay nailigtas ang kanyang anak bago ito naging isa sa malaking "grupo ng mga kaluluwang naligaw" bunga ng nawasak na mga pamilya at sirang mga tahanan. Pagmamahal ang nagbigkis at nagpagaling ng sugat. Pagmamahal na madalas nadarama, ngunit bihirang ipakita.
Mula sa Bundok ng Sinai, naririnig natin, "Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina."5 At nang malaon, mula sa Panginoon, ang pakiusap na, "Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig."6
Mga kapatid, responsibilidad natin, oo marubdob nating tungkulin, na tulungan ang mga di-aktibo sa Simbahan o nalayo sa pamilya.
Gunitain natin ang magagandang salita sa paghahayag ng Panginoon sa bahagi 18 ng Doktrina at mga Tipan: "Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos. . . .
"At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
"At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!"7
Bilang panguluhan ng mga korum ng Aaronic Priesthood, bilang tagapayo sa mga korum na ito, sa tulong ng Panginoon ay matutulungan at maililigtas natin ang mga taong nasa pananagutan natin. Mga binata, taglay ang ngiti sa labi at determinasyon sa inyong puso, sa pagkakapit-bisig ay mahahatak ninyo ang di-gaanong aktibong binatilyo at magkasama kayong dadalo sa miting ng priesthood at matututo tungkol sa Panginoon at sa inihanda Niyang gawain para sa inyo. Tutulungan Niya kayo dahil pangako Niya'y: "Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo."8
Mga kapatid sa Melchizedek Priesthood, magkatulad ang inyong sagradong gawain at obligasyon patungkol sa mga tungkulin ninyo sa ibang kalalakihan at kanilang pamilya. At nangako ang Panginoon na dadaluhan kayo sa inyong mga pagsisikap.
Sa inyong pagtatagumpay, sasagutin ninyo ang dalangin ng isang ina, ang magiliw ngunit di maipahayag na damdamin sa puso ng mga bata; at ang inyong pangalan ay igagalang magpakailanman ng mga tinutulungan ninyo.
Ibabahagi ko sa inyo ang tila pribado ngunit masayang halimbawa mula sa sarili kong karanasan.
Bilang bishop, nag-aalala ako sa lahat ng miyembrong di-aktibo, hindi dumadalo, ni naglilingkod. Iyon ang iniisip ko isang araw habang nagdaraan ako sa kalyeng tinitirhan nina Ben at Emily Fullmer. Mga pananakit ng kalamnan dahil sa edad ang dahilan ng hindi nila pagiging aktibo at paglagi sa tahanan—nag-iisa, nakahiwalay, malayo sa agos ng araw-araw na buhay at pakikisama. Matagal nang hindi dumadalo sa sakrament miting sina Ben at Emily. Si Ben, na dating bishop, ay palaging nakaupo sa kanyang silid sa gawing harapan at nagsasaulo ng Bagong Tipan.
Papunta ako sa planta sa Industrial Road mula sa sales office namin. Sa kung anong dahilan dumaan ako sa First West, ang kalyeng di ko pa nadaanan kahit kailan papunta sa aming planta. At nadama ko ang malinaw na pang-uudyok na iparada ko ang kotse at dalawin sina Ben at Emily, kahit papunta ako sa miting. Noong una'y di ko sinunod ang inspirasyon at lumampas ako ng dalawang kanto; gayunman, nang muli kong madama ang inspirasyon, bumalik ako sa kanilang tahanan.
Maaraw nang hapong iyon.
Lumapit ako sa pintuan ng kanilang tahanan at kumatok. Narinig kong kumahol ang maliit na fox terrier na aso paglapit ko. Pinapasok ako ni Emily. Pagkakita sa akin, bulalas niya, "Buong araw kong hinintay ang tunog ng telepono. Tahimik ito. Dinasal kong hatdan ako ng liham ng kartero. Mga paniningil lang ang hatid niya. Bishop, paano mo nalamang kaarawan ko ngayon?"
Sagot ko, "Batid ng Diyos, Emily, dahil mahal ka Niya."
Sa katahimikan ng kanilang salas, sinabi ko kina Ben at Emily, "Di ko talaga alam kung bakit ako pinapunta rito ngayon. Ang ating Ama sa Langit ang nakaaalam. Manalangin tayo at tanungin Siya kung bakit." Ginawa namin ito, at dumating ang sagot. Pagtindig namin, sinabi ko kay Brother Fullmer, "Ben, dumalo ka sa priesthood meeting at isalaysay mo sa Aaronic Priesthood ang ikinuwento mo sa akin noong bata pa ako, kung paanong minsan ay pupunta sana kayo ng grupo ng mga bata sa Jordan River para maligo isang araw ng Linggo, nang madama mong pinadadalo kayo ng Espiritu sa Sunday School. Nagpunta kayo. Isa sa mga batang hindi sumunod sa Espiritung iyon ang nalunod nang Linggong iyon. Gustong marinig ng mga bata ang iyong patotoo."
"Sige, gagawin ko," tugon niya. At sinabi ko kay Sister Fullmer,
"Emily, alam kong maganda ang boses mo. Sinabi sa akin ng nanay ko. Ilang linggo na lang at ward conference na, at kakanta ang choir. Sasali ka ba sa choir at dadalo sa ward conference natin at marahil ay aawit ka nang solo?"
"Ano ang kakantahin?" tanong niya.
"Hindi ko alam," sabi ko, "pero gusto kong kantahin mo ito."
Kumanta ang babae. Nagsalita ang lalaki sa Aaronic Priesthood. Nagalak ang mga puso sa pagiging aktibo muli nina Ben at Emily. Bihira na silang lumiban sa sakrament miting mula noon. Nagsalita ang Espiritu. Dininig ito. Naunawaan ito. Naantig ang mga puso at nailigtas ang mga kaluluwa. Nakauwi na sina Ben at Emily Fullmer.
Isa sa mga pinakamatagal na musikal sa kasaysayan ay ang Les Miserables. Ang kuwento ay noong panahon ng French Revolution. Ang bida dito ay si Jean Valjean. Sa taos niyang pag-aalala sa binatang si Marius, na papunta sa giyera, inawit niya ang taimtim na panalangin:
Diyos Ama,
Dasal ko'y dinggin;
Kapag kailangan
Ika'y dumarating.
Bata siya
At may takot din;
Siya'y pagpalain.
Pauwiin. . . .
Payapain siya't
Bigyan ng kagalakan.
Siya'y bata,
Isang musmos lamang.
Kunan mo,
At siya'y bigyan din;
Bigyang laya,
Hayaang mabuhay,
Mamatay man ako
Siya'y buhayin.
Pauwiin.9
Mga kapatid, sa pagsulong natin bilang mga mayhawak ng priesthood ng Diyos, na inaalam ang ating tungkulin at tumutulong sa ating mga kapatid, tingalain natin ang ating Ama sa Langit na siyang Ama nating lahat. Hindi man natin marinig ang Kanyang tinig, maaalala natin ang Kanyang pagbati, "Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin."10
At sa puso natin ay matutukoy natin ang Kanyang di-masambit na pagsamo: Siya'y pauwiin. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Sa Conference Report, Abril 1937, 46.
2. I Pedro 3:15.
3. Kim Gannon at Walter Kent, "I'll Be Home for Christmas," 1943.
4. Reuben J. Clark, Jr., miting ng mga general executive ng Church auxiliary, Mar. 29, 1940; tingnan din sa "Letter from the First Presidency," Liahona, Dis. 1999, 1.
5. Exodo 20:12.
6. D at T 42:45.
7. D at T 18:10, 15-16.
8. D at T 84:88.
9. Herbert Kretzmer, "Bring Him Home."
10. Mateo 25:21.