The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2003
Ang Tagapagtayo ng Tulay

Ang Tagapagtayo ng Tulay

PANGULONG THOMAS S. MONSON
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Si Jesucristo . . . ay nagtayo ng mga tulay na dapat nating tawirin para marating ang ating tahanan sa langit.

PANGULONG THOMAS S. MONSONMaraming taon na ang lumipas nakabasa ako ng isang aklat na pinamagatang The Way to the Western Sea, ni David S. Lavender. Ito'y kahali-halinang kuwento tungkol sa magiting na paglalakbay nina Meriwether Lewis at William Clark habang patungo sila sa kontinente ng Hilagang Amerika para tuklasin ang ruta sa katihan patungo sa Dagat Pasipiko.

Ang kanilang paglalakbay ay isang bangungot ng nakapapagod na gawain, malalalim na bangin na dapat tawirin at mahabang paglalakad, na dala-dala ang kanilang bangkang puno ng mga panustos upang hanapin ang kasunod na ilog na tatawiran.

Habang binabasa ko ang kanilang karanasan, madalas kong naiisip na, "Kung mayroon lamang sanang mga modernong tulay upang matawid ang mga bangin o ang maaalong tubig." Sumagi sa isip ko ang magagarang tulay ng ating panahon na nagpapadali sa gawaing ito: ang magandang Golden Gate Bridge na ipinagmamalaki ng San Francisco; ang matibay na Harbour Bridge ng Sydney Australia; at ang iba pa sa maraming lupain.

Sa katunayan, lahat tayo'y manlalakbay—mga manunuklas ng mortalidad. Wala pa tayong karanasang mapapakinabangan natin. Kailangan nating malampasan ang matatarik na bangin at maaalong tubig sa paglalakbay natin dito sa lupa.

Marahil ang gayong kalalim na pag-iisip ang nagbigay-inspirasyon sa makatang si Will Allen Dromgoole sa klasiko nitong tulang pinamagatang "Ang Tagapagtayo ng Tulay."

Sa daang mapanglaw, isang matanda ang naglalakbay,
Inabot ng takipsilim, na malamig at malumbay,
Tungo sa isang bangin, matarik at malalim,
Kung saan dumaloy no'ng naninimdim.
Dapit-hapon nang ito'y matawid,
Di alintana rumaragasang tubig;
Ligtas na narating ang kabilang pampang
At nagtayo ng tulay na tatawiran.

"Tanda," wika ng kapwa manlalakbay,
"Lakas mo'y sinasayang sa pagtatayo ng tulay;
Paglalakbay mo sa paglubog ng araw magwawakas;
Ang daang ito hindi na muling matatahak;
Iyo nang natawid ang banging matarik at malalim
Bakit magtatayo pa ng tulay sa takipsilim?"

Ulo'y itinaas at kanyang winika:
" Butihing kaibigan, sa daang aking tinahak
"May sumusunod sa aking mga yapak.
Isang kabataang dapat din itong matahak.
Ang banging ito sa aki'y walang anuman
Ngunit maaaring patibong sa kanyang daraan;
Siya rin, sa pagsapit ng dilim dapat itong tawirin.
Kaibigan, ito'y para sa kanya at di para sa akin."1

Pinag-isip ako at pinayapa ang aking kaluluwa ng mensahe ng tula, sapagkat ang Panginoon at Tagapagligtas nating si Jesucristo, ang pinakadakilang arkitekto at tagapagtayo ng mga tulay para sa iyo, sa akin, sa lahat ng nilalang. Itinayo niya ang mga tulay na dapat nating tawirin para marating ang ating tahanan sa langit.

Ang misyon ng Tagapagligtas ay nakapropresiya. Isinulat ni Mateo, "At siya'y manganganak ng isang lalaki; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y Jesus: sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan."2

Kasunod niyon ang himala ng Kanyang pagsilang at ang pagtitipon ng mga pastol na nagtungo kaagad sa sabsaban, sa inang iyon, sa sanggol na iyon. Maging ang mga Pantas, na naglakbay mula Silangan, ay sinundan ang bituing iyon at iniaalay ang mahahalagang handog nila sa bata.

Nakasulat sa banal na kasulatan na si Jesus ay "lumalaki, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios,"3 at Siya'y "naglilibot na gumagawa ng mabuti."4

Anu-anong sariling tulay ang itinayo Niya at tinawid dito sa mortalidad, na nagpapakita sa atin sa daang dapat tahakin? Alam Niyang puno ng mga panganib at suliranin ang mortalidad. Sinabi Niya: "Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan."5

Inilaan ni Jesus ang Tulay ng Pagsunod. Siya ay magandang halimbawa ng palagiang pagsunod sa mga kautusan ng Kanyang Ama.

Nang Siya'y dalhin ng Espiritu sa ilang para tuksuhin ni Satanas, Siya'y mahina at katatapos lang mag-ayuno. Ginamit ni Satanas ang kanyang matinding panunukso. Ang una ay tugunan ang pisikal na pangangailangan ng Tagapagligtas, pati na ang Kanyang pagkagutom. Sagot ng Tagapagligtas, "Nasusulat, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Dios."6

Kasunod ay nag-alok si Satanas ng kapangyarihan. Sagot ng Tagapagligtas, "Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios."7

Sa huli, ang Tagapagligtas ay inalok ng kayamanan at makamundong kaluwalhatian. Ang Kanyang sagot: "Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran."8

Si Apostol Pablo ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon na ipahayag sa ating panahon, at sa kanyang panahon na: "Hindi dumating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong matitiis ng tao, datapuwa't tapat ang Dios na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag, upang ito'y inyong matiis."9

Para maliwanagan tayo, babanggitin ko ang puna ni Ted Koppel ng ABC Nightline: "Ang ibinababa ni Moises mula sa Mt. Sinai ay hindi Sampung Mungkahi [kundi Sampung] Utos!"10

May makikitang pagbibiro sa pag-uusap ni Mark Twain at ng isang kaibigan. Ang sabi ng mayamang kaibigan kay Twain, "Bago ako mamatay, maglalakbay ako sa Banal na Lupain. Aakyat ako sa tuktok ng Bundok ng Sinai at babasahin nang malakas ang Sampung Utos."

Sagot ni Twain, "Bakit hindi ka na lang manatili sa bahay at sundin ang mga ito!"

Ang pangalawang tulay na inilaan ng Guro ay ang Tulay ng Paglilingkod. Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng paglilingkod. Kahit na Siya'y isinilang sa mundo bilang Anak ng Diyos, mapagpakumbaba Siyang naglingkod sa mga taong nakapaligid sa Kanya. Bumaba Siya mula sa langit para mamuhay na mortal dito sa lupa at para itayo ang kaharian ng Diyos. Binago ng Kanyang maluwalhating ebanghelyo ang pananaw ng sanlibutan. Binasbasan Niya ang maysakit, pinalakad ang mga pilay, ibinalik ang paningin ng mga bulag, at ang pandinig ng mga bingi. Binuhay din Niya ang mga patay.

Sa ika-25 kabanata ng Aklat ni Mateo, ito ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa matatapat na mapupunta sa kanang kamay Niya sa Kanyang matagumpay na pagbabalik:

"At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila . . . , Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat ng itatag ang sanglibutan:

"Sapagkat ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain: ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom: ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy:

"Naging hubad, at inyo akong pinaramtan: ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw: ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

"Kung magkagayo'y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? O nauuhaw, at pinainom ka?

"At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? O hubad at pinaramtan ka?

"At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

"At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa."11

Nagpayo minsan si Elder Richard L. Evans na, "Hindi natin magagawa ang lahat para sa lahat sa lahat ng dako, subalit makagagawa tayo ng isang bagay para sa isang tao kahit saan."12

Ibabahagi ko sa inyo ang isang oportunidad ng paglilingkod na nangyari sa akin nang di inaasahan at sa kakatwang paraan. Nakatanggap ako ng tawag mula sa apong babae ng dati kong kaibigan. Tanong niya, "Naaalala mo ba si Francis Brems na dati mong guro sa Sunday School?" Sabi ko ay oo. Sinabi niyang, "Siya'y 105 taon na ngayon. Nakatira siya sa maliit na alagaan ng matatanda at dinadalaw ng buong pamilya kada linggo, kung saan siya ang nagtuturo ng leksyon sa Sunday School. Noong Linggo, sinabi ni Lolo, 'Mga mahal, mamamatay na ako ngayong linggo. Pwede bang tawagin n'yo si Tommy Monson at sabihan siya. Alam niya kung ano ang gagawin.' "

Binisita ko si Brother Brems kinabukasan ng gabi. Hindi ko siya makausap, dahil bingi na siya. Hindi ko siya masulatan para mabasa niya dahil bulag na siya. Ano ang gagawin ko? Sinabihan ako na nakakausap siya ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng paghawak sa daliri ng kanyang kanang kamay at pagdrowing nito sa kaliwang palad niya ng pangalan ng taong bumibisita at mensahe nito. Sinunod ko ang paraan at binaybay ang T-O-M-M-Y M-O-N-S-O-N. Natuwa si Brother Brems at hinawakan ang aking mga kamay at ipinatong sa kanyang ulo. Alam kong gusto niya ng basbas ng priesthood. Sinamahan ako ng tsuper na nagdala sa akin sa alagaan at ipinatong namin ang aming kamay sa ulo ni Brother Brems at ibinigay ang basbas. Pagkatapos ay dumaloy ang luha sa kanyang matang walang paningin. Kinuha niya ang aming kamay, at binasa namin ang galaw ng kanyang labi. Ang mensahe: "Maraming salamat sa inyo."

Sa loob ng linggong iyon, gaya ng ibinadya ni Brother Brems, siya ay namatay. Tinawagan ako at nakipagkita ako sa pamilya habang inaayos ang tungkol sa libing. Lubos ang pasasalamat ko at hindi ako nahuli sa pagtulong sa pamilyang iyon.

Ang tulay ng paglilingkod ay nag-aanyaya sa atin na tawirin ito nang madalas.

Sa huli, ang Panginoon ay naglaan sa atin ng Tulay ng Panalangin. Utos Niya'y, "Manalangin tuwina, at aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyo, at malaki ang iyong magiging pagpapala."13

Ibabahagi ko sa inyo ang karanasang ipinaliwanag sa akin sa liham ng isang ina tungkol sa panalangin. Ganito ang kanyang isinulat:

"Minsan naiisip ko kung nakagagawa ako ng kaibhan sa buhay ng aking mga anak. Lalo pa't ako lang ang tumatayong magulang na may dalawang trabaho para matustusan ang aming pangangailangan, umuuwi akong minsan ay balisa, pero hindi naman ako nawawalan ng pag-asa.

"Nanood kami ng aking mga anak ng brodkast ng pangkalahatang kumperensya sa telebisyon, at nagsalita ka tungkol sa panalangin. Sabi ng anak kong lalaki, 'Nay, itinuro mo na sa amin iyan.' Sabi ko, 'Ano ang ibig mong sabihin?' Sagot niya'y, 'Kasi tinuruan n'yo po kaming manalangin at ipinakita kung paano gawin iyon, dahil noong isang gabi nagpunta ako sa silid ninyo para magtanong at nakita kitang nakaluhod at nagdarasal sa Ama sa Langit. Kung mahalaga Siya sa inyo, magiging mahalaga rin Siya sa akin.' "

Sa hulihan ng sulat, "Siguro hindi mo malalaman ang impluwensiya mo sa kanila hangga't hindi nakikita ng bata na ginagawa mo ang bagay na itinuturo mo sa kanila."

Walang ibang panalangin na tumimo sa akin maliban sa panalanging inalay ni Jesus sa Hardin ng Getsemani. Naniniwala akong mainam itong nailarawan ni Lucas:

"Siya'y . . . pumaroon . . . sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kanya ang mga alagad.

"At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.

"At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin,

"Na sinabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.

"At napakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kanya.

"At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa."14

Makalipas ang ilang sandali ay naganap ang paglalakbay patungo sa krus. Kayhirap ng Kanyang mga dinanas habang pasan Niya ang Kanyang krus. Maririnig ang mga katagang sinabi Niya habang nasa krus, "Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."15

Sa huli'y, winika ni Jesus, "Naganap na: at iniyukayok ang kanyang ulo, at nalagot ang kanyang hininga."16

Ang mga pangyayaring ito, at ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli, ang bumuo sa huling tulay ng ating trilohiya: Ang Tulay ng Pagsunod, Ang Tulay ng Paglilingkod, Ang Tulay ng Panalangin.

Si Jesus, ang Tagapagtayo ng Tulay, ay ginawan ng tulay ang malalim na banging iyon na tinatawag nating kamatayan. "Sapagkat kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin."17 Ginawa Niya para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili; dahil dito, matatawid na ng sangkatauhan ang mga tulay na Kanyang itinayo—patungo sa buhay na walang hanggan.

Tinatapos ko ang aking pananalita sa muling pagbanggit ng tulang, "Ang Tagapagtayo ng Tulay":

"Iyo nang natawid ang banging matarik at malalim
Bakit magtatayo pa ng tulay sa takipsilim?"

"May sumusunod sa aking mga yapak
Maraming tao na dapat din itong matahak,
Ang banging ito sa aki'y walang anuman
Ngunit maaaring patibong sa kanilang daraan
Sila rin, sa pagsapit ng dilim dapat itong tawirin.
Kaibigan, ito'y para sa kanila at di para sa akin."

Nawa'y magkaroon tayo ng karunungan at determinasyon na tawirin ang mga tulay na itinayo ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin ang taimtim kong dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, Amen.

MGA TALA

1. Sa James Dalton Morrison, inedit, Masterpieces of Religious Verse (1948), 342.

2. Mateo 1:21

3. Lucas 2:40.

4. Mga Gawa 10:38.

5. Mateo 11:28-30.

6. Mateo 4:4.

7. Mateo 4:7.

8. Mateo 4:10.

9. 1 Mga Taga Corinto 10:13.

10. Talumpati sa pagtatapos sa Duke University, ika-10 ng Mayo 1987.

11. Mateo 25:34-40.

12. Richard Evans' Quote Book (1971), 51.

13. D at T 19:38.

14. Lucas 22:39-44.

15. Lucas 23:34.

16. Juan 19:30.

17. 1 Mga Taga Corinto 15:22.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy