ELDER JEFFREY R . HOLLAND
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
Sa salita at gawa sinisikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto
sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.
Sa dami ng kagila-gilalas na layuning natupad sa buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo, may malaking aspeto ng Kanyang misyon na madalas hindi kinilala. Hindi ito ganap na maunawaan ng Kanyang mga alagad noon, at marami sa makabagong Kristiyanismo ang hindi nakauunawa rito ngayon, ngunit paulit-ulit itong binigyang-diin ng Tagapagligtas Mismo. Isang dakilang katotohanan na sa lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus, lalo na sa Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at sakripisyo, ipinakikita Niya sa atin kung sino at ano ang pagkatao ng Diyos Amang Walang Hanggan, kung gaano Siya katapat sa Kanyang mga anak sa bawat panahon at bansa. Sa salita at gawa sinisikap ni Jesus na ihayag at ipaalam nang husto sa atin ang likas na katangian ng Kanyang Ama, na ating Ama sa Langit.
Inihayag Niya ito kahit paano dahil noon at ngayon kailangan nating lahat na ganap na makilala ang Diyos para lalo natin Siyang mahalin at lalo pa Siyang sundin. Tulad ng sinabi sa Luma at Bagong Tipan, "Ang una sa lahat ng mga kautusan ay . . . ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at buong lakas mo: ito ang dakila at pangunang utos."1
Kaya pala itinuro ni Propetang Joseph Smith: "Pangunahing alituntunin ng ebanghelyo na malaman nang may katiyakan ang pagkatao ng Diyos." "Gusto kong lahat kayo ay makilala Siya," sabi niya, "at mapalapit sa Kanya."2 Dapat ay mayroon tayong "wastong ideya sa kanyang . . . mga kaganapan, at katangian," ng paghanga sa "mataas na uri ng [Kanyang] pagkatao."3 Kaya nga ang unang taludtod na sinasambit natin bilang pahayag ng ating pananampalataya ay, "Naniniwala kami sa Diyos ang Amang Walang Hanggan."4 Ganoon din ang paniniwala ni Jesus. Bagama't kinilala Niya ang Kanyang papel na gagampanan sa banal na plano, sinimulan pa rin ng Tagapagligtas ang Kanyang dalangin nang ganito: "At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay."5
Matapos sikapin ng mga henerasyon ng mga propeta na ituro sa pamilya ng tao ang kalooban at paraan ng Ama, na karaniwa'y di nagtagumpay, ang Diyos sa Kanyang matinding pagsisikap na makilala natin Siya, ay isinugo sa lupa ang Kanyang Bugtong at perpektong Anak, na nilikhang kawangis at kamukha Niya, upang mamuhay at maglingkod sa mga tao sa araw-araw na hamon ng buhay.
Ang pagparito sa lupa na may gayong responsibilidad, para gampanan ang tungkulin ni Elohim—na nagsasalita ayon sa gusto Niya, humahatol at naglilingkod, nagmamahal at nagbababala, nagtitiyaga at nagpapatawad ayon sa gusto Niya—ito ang tungkuling napakalaki na hindi natin kayang unawain. Ngunit sa katapatan at determinasyong likas sa isang banal na anak, nauunawaan ito ni Jesus at ginampanan Niya ito. At, nang magdatingan ang papuri at karangalan, mapagpakumbaba Niyang iniukol ang lahat ng papuri sa Ama.
"Ang Ama . . . ay gumagawa ng kaniyang mga gawa," taimtim Niyang sabi. "Hindi makagagawa ang Anak ng anuman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama: sapagkat ang lahat ng bagay na ginagawa [ng Ama], ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayun ding paraan."6 Sa isa pang pagkakataon sinabi Niya: "Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama." "Wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi . . . ayon sa itinuro sa akin ng Ama." "Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin."7
Gumawa ako ng sarili kong taimtim na pagpapahayag sa ating Diyos Amang Walang Hanggan ngayong umaga dahil ang ilan sa daigdig ngayon ay nadarama ang pagkaligalig sa maling pagkakilala sa Kanya. Isa na rito ang paglayo ang damdamin sa Ama, at paghiwalay sa Kanya, kung naniniwala man sila sa Kanya. At kung naniniwala sila, marami ngayon ang nagsasabing komportable nga sila sa mga bisig ni Jesus, ngunit asiwa silang isipin ang kahigpitan ng Diyos.8 Dahil sa maling pagkaunawa (at tiyak kung minsa'y, sa maling pagkasalin) ng Biblia, inaakala nila na magkaiba ang layon ng Diyos Ama at ni Jesucristo na Kanyang Anak, ito'y sa kabila ng katotohanan na kapwa sa Luma at Bagong Tipan, ang Anak ng Diyos ay iisa at di nagbabago, na laging kumikilos ayon sa gusto ng Ama, na Siya Mismo'y di nagbabago "kahapon, ngayon at magpakailanman."9
Sa pag-iisip sa mga maling akalang ito nalaman natin na ang isa sa mga kapansin-pansing kontribusyon ng Aklat ni Mormon ay ang tuluy-tuloy, perpektong pagkakatugma ng pananaw ukol sa kabanalan sa buong aklat na iyon. Dito'y walang nalaktawan di gaya ng sa Malakias hanggang Mateo, tuluy-tuloy na nalalaman ang pagbabago sa relihiyon at kultura, walang maling pagkaunawa sa Diyos na maagap, mapagmahal, matapat na kumikilos sa bawat pahina ng Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas. Oo, sa hangaring ibalik sa daigdig ang dating kahalagahan ng Biblia sa mundo kasama na ang tamang pagkakilala sa Maykapal, matatagpuan sa Aklat ni Mormon ang di nagbabagong pagkakilala sa Diyos sa Kanyang buong kaluwalhatian at kabutihan, sa lahat ng Kanyang kasaganaan at kahiwagaan— kasama at lalo na nang muling ipamalas ito sa personal na pagpapakita ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo.
Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng banal na kasulatan, lalo na ang ukol sa Panunumbalik, na nagtuturo sa atin ng kadakilaan ng bawat miyembro ng Panguluhang Diyos. Matutuwa tayo, halimbawa, kung tatanggapin at kikilalanin ng buong mundo ang isang Ama na nakaaantig na inilarawan sa Mahalagang Perlas.
Doon, sa gitna ng magandang pangitain ng sangkatauhan na ipinakita ng langit kay Enoc, habang minamasdan ang mga biyaya at hamon ng mortalidad, lumingon siya sa Ama at nagulat na makita Siyang nananangis. Taka at gulat niyang sinabi sa pinakamakapangyarihang Nilikha sa buong sansinukob: "Paanong kayo ay nananangis? . . . Kayo ay makatarungan [at] maawain magpakailanman; . . . Kapayapaan, . . . ang tahanan ng inyong trono; at ang awa ay mababanaag sa inyong mukha at walang wakas; paanong kayo ay nananangis?"
Habang nakamasid sa mga pangyayari sa halos buong panahon, sumagot ang Diyos: "Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay. . . . Nagbigay [ako] ng [isang] kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa't isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama; subalit masdan, sila ay walang pagmamahal, at kinapopootan nila ang kanilang sariling dugo. . . . Dahil dito, hindi ba nararapat lamang na manangis ang kalangitan, nakikitang sila ay nagdurusa?"10
Mas malaki ang nagawa ng kaisa-isang nakaaantig na tagpong iyon sa pagtuturo ng tunay na katangian ng Diyos kaysa sa anumang naisulat sa relihiyon. Tinutulungan din tayo nito na lalong maunawaan ang talinghaga ng punong olibo sa Aklat ni Mormon, na, matapos ang pagbubungkal at pagpupungos, pagdidilig at pagdadamo, pagpuputol, paglilipat, at paghuhugpong, ay tumigil sa paggawa ang Panginoon ng ubasan at nanangis, at naghumiyaw sa sinumang makikinig, "Ano pa ang magagawa ko para sa aking olibohan?"11
Di malilimutan ang paglalarawang ito ng pagmamalasakit ng Diyos sa ating buhay! Napakasakit sa isang magulang kapag hindi Siya pinili ng Kanyang mga anak ni "ang ebanghelyo ng Diyos"12 na Kanyang isinugo! Kay daling mahalin ang taong lubos na nagmamahal sa atin!
Mangyari pa ang matagal na pagkawalay sa paniniwala sa isang perpekto at mapagmahal na Ama ay hindi man lang nabawasan ng mga paniniwalang gawa ng naligaw na henerasyon na naglalarawan sa Diyos sa iba't ibang paraan bilang di kilala at di makikilala—walang anyo, walang damdamin, mailap, di mahahawakan, na nariyan pero wala naman. Tiyak na hindi ganito ang Katauhang nakikita natin sa mga mata ng mga propetang ito. Ni hindi ito tumutugma sa buhay, humihinga, nagkatawang-taong si Jesus ng Nazaret na noon at ngayo'y nasa "sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kanyang [Ama]."13
Sa gayon hindi pumarito si Jesus para baguhin ang pananaw ng Diyos sa tao kundi upang baguhin ang pananaw ng tao sa Diyos, at isamo sa kanila na mahalin ang kanilang Ama sa Langit tulad ng walang humpay na pag-ibig Niya sa kanila. Ang plano, kapangyarihan, at kabanalan ng Diyos, oo, maging ang galit at paghatol ng Diyos ay ipinaunawa sa kanila. Ngunit ang pag-ibig ng Diyos, ang taimtim na katapatan Niya sa Kanyang mga anak, ay hindi pa nila ganap na naunawaan—hanggang sa dumating si Cristo.
Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong mananampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama, Siya na "maawain at mapagbigay, di madaling magalit, matiisin at puno ng kabutihan."14 Sa buhay Niya at lalo na sa Kanyang kamatayan, inihayag ni Cristo, "Ito ang habag ng Diyos na ipinamamalas ko sa inyo, gayundin ang sa akin." Sa pagpapakita ng perpektong Anak ng pagkalinga ng perpektong Ama, sa Kanilang paghihirap at lungkot dahil sa kasalanan at pasakit natin, nakikita natin ang lubos na kahulugan ng pahayag na: "Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan na ibinigay niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sinomang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya."15
Pinatototohanan ko sa araw na ito ang isang buhay na Diyos, na nakaaalam sa ating pangalan, nakikinig at sumasagot sa mga dalangin, at walang hanggan tayong minamahal bilang mga anak ng Kanyang espiritu. Pinatototohanan ko na sa gitna ng napakamasasalimuot na gawain sa sansinukob, hangad Niya ang kaligayahan ng bawat isa sa atin nang higit kaysa iba pang alalahanin ng Diyos. Nilikha tayo sa Kanyang larawan at wangis,16 at si Jesus ng Nazaret, na Kanyang Bugtong na Anak sa laman, ay pumarito sa lupa bilang perpektong mortal na nagpapamalas ng Kanyang kadakilaan. Bukod sa pagsaksi ng mga tao noong una may makabago rin tayong himala sa Palmyra, ang pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Tagapagligtas ng daigdig, sa batang si Propetang Joseph Smith. Pinatototohanan ko ang pagpapakitang iyon, at sa salita ng mga propeta, ay ipinahahayag ko rin: "Ang ating Ama sa Langit ay mas maunawain, at sagana sa Kanyang awa at biyaya, kaysa sa kaya nating paniwalaan o tanggapin. . . . Ang Diyos ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may [pinakamaliit na antas ng] pagsasaalang-alang, ngunit . . . kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan."17
Pinatototohanan ko ang isang Diyos na may gayong pag-ibig. At sa diwa ng banal na pagka-apostol sinasabi ko tulad ng pagkasabi noon ng isang humawak ng katungkulang iyon: "Narito [kung gayon] ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan. Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios nang gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo"18—at mahalin Siya magpakailanman, ang dalangin ko. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
MGA TALA
1. Marcos12:29-30; tingnan din sa Mateo 22:37-38; Deuteronomio 6:5.
2. History of the Church, 6:305.
3. Lectures on Faith (1985), 38, 42.
4. Saligan ng Pananampalataya 1:1.
5. Juan 17:3.
6. Juan 14:10; 5:19.
7. Juan 8:38, 28; 6:38.
8. Tingnan sa The Mind of Jesus (1961), ni William Barclay, lalo na ang kabanatang "Looking at the Cross" para sa talakayan ukol sa makabagong tendensiyang ito.
9. Halimbawa, 1 Nephi 10:18; 2 Nephi 27:23; Moroni 10:19; D at T 20:12.
10. Moises 7:29-33, 37.
11. Jacob 5:41; tingnan din sa t. 47, 49.
12. Mga Taga Roma 1:1.
13. Sa Mga Hebreo 1:3; tingnan din sa II Mga Taga Corinto 4:4; Mga Taga Colosas 1:15.
14. Lectures on Faith, 42.
15. Juan 3:16-17.
16. Genesis 1:26-27; Moises 2:26-27.
17. Teachings of the Prophet Joseph Smith, tinipon ni Joseph Fielding Smith (1976), 257, 240-41.
18. I Juan 4:10-11.