The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2003
Piling-piling Tagakita!

Piling-piling Tagakita!

ELDER NEAL A . MAXWELL
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Kung si Joseph Smith ay naging daluyan ng kahit isang gayon kabanal na paghahayag, sasapat itong mag-isa upang patunayan ang kanyang kadakilaan bilang propeta.

ELDER NEAL A . MAXWELLMula 1820, walang tigil ang dating ng paratang kay Joseph Smith—na sa huli'y nabalewalang lahat. Patuloy ang ganitong pangyayari.

Tulad ng ipinropesiya, nilibak siya ng mga hangal, kinapootan ng impiyerno, at ang kanyang pangalan ay binanggit "sa kabutihan at kasamaan" (Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Ang walang katuturang gawaing ito ay pinapatulan ng iilan na mas gusto pang pulaan ang Simbahan kaysa sumapi at tamasahin ang mga biyaya ng paghahayag na alok nito. Inilalayo nito ang pansin ng iba mula sa misyon ni Joseph bilang "isang piling tagakita" (tingnan sa 2 Nephi 3:6-7).

Tulad ng aral sa karanasan ni Ammon, ang tagakita ay may kapangyarihang magsalin ng sinaunang mga talaan, at "ang tagakita ay higit pa kaysa propeta." Ngunit, sabi ni Ammon, "ang tagakita ay . . . propeta rin" (tingnan sa Mosias 8:11-16). Dahil tinawag ngang maging propeta, si Joseph ay naging "malaking kapakinabangan sa kanyang kapwa" (Mosias 8:18).

Inilabas ng "piling" tagasalin—sa pamamagitan ng "kaloob at kapangyarihan ng Diyos" (D at T 135:3)—ang Aklat ni Mormon, na mahahawakan, masusubukan, at mapatutunayan. Sa lahat ng nakikinig, ang Aklat ni Mormon ay tila pagbubukas ng malaon nang nakakandadong pintuan na ipinalalagay na kumpletong koleksyon ng mga banal na kasulatan.

Nasa mismong pahina ng pamagat ang espesyal na papel ng aklat sa "panghihikayat" ng mga tao "na si Jesus ang Cristo" (tingnan din sa 2 Nephi 25:18). Sa panahon ng kawalang-paniniwala at kawalangkatiyakan hinggil sa dakilang katotohanang ito, kailangang-kailangan ang "panghihikayat" na ito! Kay liwanag ng pangakong iyan!

Ang Aklat ni Mormon ay "babasahin sa mga bubungan" (2 Nephi 27:11). Kahit tanggihan, mananatili itong nag-aanyaya "habang nakatindig ang mundo" (2 Nephi 25:22).

Hindi kataka-takang "ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa pangalan [ni Joseph]" (D at T 122:1). Ipinahayag pa ng nagbibigay-katiyakang mga propesiya na ang mga kalaban ni Joseph ay "malilito" at ang mga tao ni Joseph ay hindi "tatalikod sa [kanya]" nang dahil sa patotoo ng mga taksil (tingnan sa 2 Nephi 3:14; D at T 122:3).

Tulad ng ipinaalala sa atin ni Pangulong Faust kahapon, sa sarili niyang mga kahinaan, sinabi ni Joseph, "Kahit kaila'y hindi ko sinabi sa inyo na perpekto ako—subalit walang mali sa mga paghahayag na itinuro ko" (Andrew F. Ehat at Lyndon W. Cook, The Words of Joseph Smith [1980], 369).

Taliwas dito, nagtungo ang batang si Joseph Smith sa kakayuhan para alamin lang kung aling simbahan ang sasapian—hindi para hangaring mahirang na tagakita, tagapaghayag, tagasalin, at propeta (tingnan sa D at T 21:1). Sa kakahuyan at pagkaraan, bumuhos ang mga pagpapala! Ang dumating na mga paghahayag at pagsasalin ay hindi lang basta mga haka-haka, kaisipan, o kasabihan, kundi mga pahayag mula sa langit.

Napakarami ng dumating na mga paghahayag at pagsasalin, na nagbibigay-diin sa mga katagang "piling tagakita." Ngunit hindi lang ito ukol sa dami ng natanggap ni Joseph na ibinabahagi ngayon sa sanlibutan; kundi sa pag-iral ng "mga panggulat" sa gitna ng saganang paghahayag.

Sa maraming paghahayag at pagsasalin, halimbawa, naroon ang paglalarawan ng sansinukob na malayong-malayo sa pang-unawa at kakayahan ng astronomiya noong bandang 1830, isang sansinukob na may "mga daigdig na di mabilang" at ipinaalam pa sa atin na ang "mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos" (Moises 1:33; D at T 76:24).

Noong sinauna, ang lawak ng magiging angkan ni Abraham ay inihambing sa mga buhangin ng dagat, isang nakakagulat na pangako (tingnan sa Genesis 22:17). Ang mga paghahayag at pagsasalin ng Panunumbalik ay naglalarawan ng napakalawak na sansinukob; kaya nga hindi nakakagulat sa atin na ang huling bilang ng mga

siyentipiko sa mga bituin sa sansinukob ay mga 70 sextillion—"mas marami pang bituin," sabi nila, "kaysa mga butil ng buhangin sa lahat ng baybayin at disyerto sa Daigdig" (Allison M. Heinrichs, "The Stellar Census: 70 Sextillion," Los Angeles Times, 26 Hulyo 2003; tingnan din sa Cosmos [1980], ni Carl Sagan, 196).

Dumating din ang mga paghahayag at pagsasalin hinggil sa pangunahing layunin ng Diyos na "isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao," na nagpapakita ng malinaw na katiyakan mula sa langit (tingnan sa Moises 1:39). Hindi pa nagbabago ang mga plano ng Diyos para sa pag-unlad ng mga kaluluwa. Nailarawan ito sa sinaunang Israel, na ang 40 taon sa ilang ay para "mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi" (Deuteronomio 8:2). Kung gayon, mauunawaan ng mga tagasunod ngayon kung bakit sinusubok ang ating pananampalataya at pasensiya paminsan-minsan— upang makapaghanda tayong makabalik sa Kanya (tingnan sa Mosias 23:21).

Mga kapatid, hindi magtatagal at magpapasiya tayong muli kung "ano ang susundin natin" at kung ihaharap natin ang ating tolda sa Sodoma o sa banal na templo (tingnan sa Genesis 13:12; Mosias 2:6).

Walang ibang pinagkakaabalahan ang Diyos sa sansinukob. Tayo ang pinakasentro ng Kanyang mga alalahanin at layunin. Ang laking kabaligtaran nito sa paniniwalang namumuhay ang tao sa "isang sansinukob na walang malay" (Bertrand Russell, "A Free Man's Worship," sa Mysticism and Logic and Other Essays [1917], 50), sa "isang sansinukob . . . na walang namamahala" (Albert Camus, The Myth of Sisyphus and Other Essays, isinalin ni Justin O'Brien [1955], 123).

May mga paghahayag ding dumating noong tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, sapagkat "ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos"—isang paghahayag na sinamahan pa ng mga kaalaman tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng tao (tingnan sa D at T 93:29). Malawak ang mahahalagang pahiwatig sa mga pahayag na ito, na humahamon, halimbawa, sa turo na ang tao ay nilikha sa isang iglap "mula sa wala."

Isa pang katotohanan na kasama natin ang Diyos "mula sa simula" ay nangangahulugang umiiral ka na noon pa man. Kaya nga tama ang isinulat ni Apostol Juan na "[ang Dios ang] unang umibig sa atin" (tingnan sa I Juan 4:19). Gayundin, sa kabila ng kaguluhan sa mundo, nalalaman natin kung sino talaga ang iba pang mortal—na ating mga kapatid sa espiritu, hindi mga laruan, kaagaw, o kaaway. Bukod dito, dapat nating gawing sagrado at igalang ang buhay ng tao.

"Mga panggulat" na lahat, ang tatlong paghahayag at pagsasaling ito ay lalong tumutugon sa pinakamasidhing pag-asam at iniisip ng tao. Hinuhubog nilang muli ang ating pang-unawa sa kalikasan ng Diyos, ng sansinukob, at ng ating pagkatao at ng kahulugan ng buhay! May mas personal pa ba kaysa sa maiikli ngunit malalawak na paghahayag?

Kung si Joseph Smith ay naging daluyan ng kahit isang gayon kabanal na paghahayag, sasapat itong mag-isa upang patunayan ang kanyang kadakilaan bilang propeta. Subalit kahit nais tayong bigyan ng Diyos ng "lahat ng mayroon [Siya]," nagdurusa tayo sa kakulangan ng pag-unawa! (tingnan sa D at T 84:38).

Kaya pala pinuri ni Pablo si Abraham, na "hindi nag-alinlangan . . . [sa] di pananampalataya" (Mga Taga Roma 4:20). May panganib kapag pinagbubulay-bulay natin ang mga doktrina ng Panunumbalik dahil baka "mag-alinlangan" tayo sa harap ng gayon katindi at maasahang mga katotohanan.

Sa mga ganitong kagila-gilalas na mga paghahayag at pagsasalin, pakinggan natin, kung gayon, ang payo ni Haring Benjamin: "Maniwala sa Diyos; . . . maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon" (Mosias 4:9).

Binibigyang-laya ng makapangyarihang Diyos ang mga tao na pumili, ngunit dapat tayong magpasalamat nang lubos na pinili ng Diyos noon pa man na iligtas at buhaying mag-uli ang lahat ng Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak. Gayunpaman, tinatanggihan ng ilan at binabalewala ng marami ang mga ito at iba pang banal na mga paanyaya, na kadalasa'y dahil labis silang abala sa mga alalahanin ng mundo. Dayuhan sila sa Tagapagligtas, na malayo sa isipan at layunin ng kanilang puso (tingnan sa Mosias 5:13).

Sa gitna ng plano ng Diyos at labis na lawak ng sansinukob ay ang personal na malasakit niya sa atin. Halimbawa, "pinagmamasdan [ng Diyos] ang lahat ng anak ng tao; at nalalaman niya ang lahat ng saloobin at layunin ng puso" (Alma 18:32; tingnan din sa Isaias 66:18).

Dahil lubos tayong mananagot sa Kanya, sa Araw ng Paghuhukom hindi tayo makakatangging sumaksi laban sa ating sarili!

Inihuli ko ang dakilang paghahayag na talaga namang nangunguna: ang mga pagpapakita ng Diyos sa tao na nagpapatunay na nabuhay na mag-uli si Jesucristo na ating Tagapagligtas! Simula sa Sagradong Kakahuyan, agad sumunod ang iba pang patunay sa mga di-tanyag na lugar na tulad ng Kirtland at Hiram, at natanggap ng buong sangkatauhan ang lubos na kailangang pagpapatunay na ito.

Sa wakas, itinuturing ng marami sa daigdig na si Jesus ay walang malasakit sa atin; himahamak pa Siya. Kagilagilalas, kung gayon, na pinatutunayan ng mga paghahayag sa Panunumbalik ang walang-hanggang katotohanang ito: "Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak" (Juan 3:16).

Sa gayon, si Jesus, na nagsagawa ng "walang hanggang Pagbabayad-sala," ay nagdusa nang walang katapusan at isang maunawaing Tagapagligtas, na "nagpakababa-baba sa lahat ng bagay," at "nauunawaan ang lahat ng bagay" (2 Nephi 9:7; D at T 88:6). Oo, tulad sa mga titik ng nakaaantig na awitin noong araw, "Sa dusa ko'y walang may talos, maliban kay Jesus."

Mga kapatid, ang mga tauhan sa mundong ito kung kanino nakaukol ang mga paghahayag at pagsasalin ay kinabibilangan ng mga tao, sa pamilyar na taludtod na iyon, na "tahimik na namimighati" (tingnan sa Walden, ni Henry David Thoreau [1965], 7). Hinaluan na sila ngayon ng mga nagpapakasasa sa kamunduhan, sa maling paggamit ng kanilang pakiramdam hanggang sa tuluyan silang maging manhid (tingnan sa Moroni 9:20; Mga Taga Efeso 4:19; 1 Nephi 17:45). Sa gayo'y dinidilaan nila ang kanilang pinggan sa hangad na may malasahan pa roon. Gayunpaman, hindi pa sila nakararami ngayon, kundi "kakaunting bahagi" ng mga tao (tingnan sa Mosias 29:26-27).

Kapansin-pansin na sa huling araw, "hindi itataguyod" ng kalaban ang mga sumunod sa kanya (tingnan sa Alma 30:60). Hindi niya ito magagawa. Magtatagumpay nang maringal si Jesus, at ang mga katusuhan ng kalaban, na "kasiya-siya sa makamundong isipan," ay babagsak din, at "ang pagkakabagsak nito ay napakalakas" (Alma 30:53; 1 Nephi 11:36). Kahit ngayon, makikita pa rin sa pamumuhay ng mga alibughang iyon na nakapag-isip na walang halaga at tuluyang maglalaho ang mga doktrina ng diyablo (tingnan sa Lucas 15:17). Marami, na dumanas ng kahungkagan ng kapabayaan, ang "handa nang pakinggan ang salita" at ngayo'y naghihintay na makaalam tungkol sa nakapagliligtas na mga paghahayag at pagsasalin (tingnan sa Alma 32:6).

Mga kapatid, huwag nating tangkaing pigilin ang mga ipinahahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo! Huwag nating tangkaing pigilin ang nagbibigay-katiyakang mga paghahayag at pagsasaling naglalahad ng katotohanan tungkol sa "mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito." Labis na kailangan ang mga ito ng mga napapagal dahil sa kakulangan nila sa doktrina, na magagamot ng Panunumbalik (tingnan sa Jacob 4:13). Ang pagpigil dito ay pagpigil sa pagsisisi at pagtatago ng mas kaaya-ayang espirituwal na gawain na nag-aanyaya sa mga tao, na magiging "maganda gaya ng araw, at maliwanag gaya ng buwan" (tingnan sa D at T 105:31).

Samantala, asahan natin na maraming magbabalewala sa atin. Ang iba'y ituturing tayong kakatwa o naliligaw ng landas. Tiisin natin ang mga panlilibak ng mga yaong sa huli'y matatagpuan na totoong masikip at marumi ang "malaki at maluwang na gusali" (tingnan sa 1 Nephi 8:31-33). Huwag nating kutyain ang mga nangungutya, at huwag silang pakinggan (tingnan sa D at T 31:9). Sa halip, gamitin natin ang ating lakas para humawak ng kalasag ng pananampalataya upang harangin ang nag-aapoy na sibat ng kalaban—sa tulong ng ebanghelyo (tingnan sa 1 Nephi 15:24).

Mga kapatid, sa lahat ng nabanggit, "ano pa ang masasabi ko" maliban sa "Purihin ang siyang kaniig ni Jehova!" (Jacob 6:12; "Purihin ang Propeta," Mga Himno, blg. 21). Sa ngalan ni Jesucristo, amen!

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy