PANGULONG GORDON B. HINCKLEY
Salamat sa uri ng inyong pagkatao at sa paggawa ng mga bagay na ginagawa
ninyo. Pagpalain nawa kayo ng langit.
May nagsabing: "Maging mabait sa mga babae. Sila ang bumubuo sa kalahati ng populasyon at sila ang mga ina ng natitirang kalahati."
Mahal kong mga kapatid, kayong kagila-gilalas na mga babae na pumili sa mas magaling na bahagi, hangang-hanga ako sa ginagawa ninyo. Alam ninyo ang lahat ng bagay.
Marami sa inyo'y mga ina, at sapat iyan para maging abala.
Kayo'y mga katuwang—pinakamatatalik na naging o magiging kaibigan ng inyong asawa.
Kayo'y mga tagapangalaga ng tahanan. Tila walang anuman, di ba? Pero malaking trabaho ang linisin at ayusin ang bahay.
Kayo'y mga mamimili. Nitong pagtanda ko lang naisip na malaking responsibilidad ang tiyaking may sapat na pagkain, masinop at plantsado ang damit, at nabili ang lahat ng kailangan para maayos ang takbo sa pamamahay.
Kayo'y mga narses. Sa bawat karamdamang dumarapo kayo ang unang sinasabihan tungkol dito, at ang unang tumutulong. Kapag malubha ang karamdaman, nasa tabi kayo ng maysakit, araw at gabi, nang-aaliw, nagpapalakas ng loob, naglilingkod, nagdarasal.
Kayo ang tsuper ng pamilya.
Tagahatid kayo ng mga anak sa mga pinupuntahan nila, sa mga palaro, pamamasyal ng ward, paglilipat dito at doon, at saanman sa pagpapatuloy nila sa kanilang abalang buhay.
At marami pang iba. Malalaki na lahat ang mga anak ko. Ang ilan ay mahigit 60 anyos na. Pero tuwing tatawag sila at sasagutin ko sinasabi nilang, "Kumusta kayo?" At bago pa ako makasagot sasabihin nilang, "Si Inay?"
Siya ang kanilang lakas sa habambuhay. Sanggol pa lang sila'y siya na ang inaasahan nila at lagi siyang tumutugon nang may pagmamahal, patnubay, pagtuturo, na nagpapala sa buhay nila sa lahat ng paraan.
May mga apo kami na mga ina na ngayon. Binibisita nila kami, at hanga ako sa pasensiya nila, sa kakayahan nilang payapain ang mga bata, patigilin sila sa pag-iyak, at sa tingin ko'y libu-libo pang ibang bagay.
Nakakapagmaneho sila, gumagamit ng kompyuter, dumadalo sa aktibidad ng mga anak, nagluluto at nananahi, nagtuturo sa klase, at nagsasalita sa simbahan.
Tuwing makikita ko ang mga asawa nila'y gusto kong sabihing, "Gumising kayo. Tumulong kayo. Mahal ba ninyo talaga ang inyong asawa? Alam ba ninyo kung gaano karami ang ginagawa niya? Pinupuri ba ninyo siya? Napasasalamatan ba ninyo siya?"
Gayunman, mahal na kababaihan, salamat sa inyo. Salamat sa uri ng inyong pagkatao at sa paggawa ng mga bagay na ginagawa ninyo. Pagpalain nawa kayo ng langit. Nawa'y sagutin ang inyong mga dalangin at matupad ang inyong mga inaasam at pinapangarap.
Napakahusay ninyong maglingkod sa Simbahan. Akala ninyo'y napakahirap nito. Totoo. Ngunit sa bawat tungkuling nagampanan, malaking gantimpala ang dumarating.
Akala ng marami sa inyo ay bigo kayo. Sa tingin ninyo'y di ayos ang ginagawa ninyo, na kulang pa ang pagsisikap ninyo.
Ganyan ang akala natin. Ganyan ang pakiramdam ko habang kausap kayo ngayong gabi. Hangad ko't dalangin na nawa'y magkaroon ako ng kapangyarihan at kakayahang pasiglahin kayo, bigyang-inspirasyon, pasalamatan, purihin, at pasayahin ang damdamin.
Lahat tayo'y nag-aalala sa ginagawa natin. Gusto nating maging mas mahusay. Pero nakakalungkot na di natin alam, na di natin madalas makita ang bunga ng ginagawa natin.
Naaalala ko noong magpunta ako sa isang stake conference sa Silangan. Habang pauwi sakay ng eroplano ay nadama kong bigo ako. Sa tingin ko'y wala akong naantig na damdamin. Nalungkot ako sa naging pagkukulang ko.
Makaraan ang ilang taon, nasa isang kumperensya ako sa California. Nang matapos ang miting ay nilapitan ako ng isang lalaki at nagsabi, "Nasa kumperensya kayo ilang taon na ang nakararaan sa ganito-at-sa-ganyang lugar."
"Oo," sabi ko, "naroon ako, at naaalala ko ang okasyon."
Sabi ng lalaki: "Naantig ninyo ang puso ko. Nagpunta ako sa miting na iyon para mag-usisa. Hindi talaga ako interesado. Aalis na sana ako noon sa Simbahan. Pero ibinalita na darating ang isa sa Labindalawang Apostol, kaya nagpunta ako.
"May sinabi kayong naging palaisipan sa akin. Naantig ako't naimpluwensiyahan kaya't kumilos ako. Nagpasiya akong magbago ng landas. Nagbagumbuhay ako. Dito na ako ngayon nakatira sa California. Maganda ang trabaho ko, at nagpapasalamat ako. Sana nga'y isa akong mabuting asawa at ama. Tagapayo ako ngayon sa bishopric ng aking ward. Ngayon lang naging ganito kasaya ang buhay ko."
Nagpasalamat ako at nang iwan ko siya, napailing ako't nasabi ko sa sarili ko: "Di mo alam na nakagawa ka pala ng mabuti. Di mo alam kung gaano kabuti ang nagawa mo."
Ngayon, mahal kong mga kapatid, ganyan kayo ngayon. Ginagawa ninyo ang lahat sa abot-kaya ninyo, at kabutihan ang dulot nito sa inyo at sa iba.
Huwag ninyong isipin palagi na bigo kayo. Lumuhod kayo at hingin ang mga biyaya ng Panginoon; tumindig kayo at gawin ang ipinagagawa sa inyo. At ipaubaya ninyo ang lahat sa Panginoon. Makikita ninyo na hindi pala matatawaran ang nagawa ninyo.
Malaking grupo itong kausap ko ngayon. May mga dalaga dito na nag-aaral pa o kaya'y nagtatrabaho na. Wala kayong asawa. Inaasam ninyong mapangasawa ang perpektong lalaking iyon. Wala pa akong nakitang perpektong tao. Taasan ninyo ang inyong pamantayan, pero huwag namang napakataas na halos hindi na ninyo ito maabot. Ang mahalaga'y mamahalin niya kayo, igagalang, at ikararangal, at magiging tapat siya sa inyo, na bibigyan niya kayo ng layang ipahayag ang inyong damdamin at isipan at umunlad sa sarili ninyong mga talento. Hindi siya perpekto, pero kung mabait siya at maalalahanin, marunong magtrabaho at maghanapbuhay, tapat at nananalig, malamang na hindi kayo magkamali, at lubos kayong liligaya.
Nakakalungkot na ilan sa inyo ang di mag-aasawa sa buhay na ito kung minsan. Ito ang nangyayari. Kung sakali man ay huwag manimdim. Kailangan pa rin ng mundo ang inyong mga talento; ang inyong kontribusyon. Kailangan ng Simbahan ang inyong pananampalataya, ang matatag at tapat ninyong pagtulong. Hindi kabiguan ang buhay, maliban kung gusto natin. Kailangan ng marami ang inyong tulong, ngiti, magiliw na pag-aalala. Maraming mga babae ang may kakayahan, kaakit-akit, at magaganda na nalipasan ng panahon. Di ko ito maunawaan, pero alam kong sa plano ng Maykapal, sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng Diyos, may oportunidad at gantimpala ang lahat ng maghahangad nito.
Kayong mga kabataang babae na may maliliit na anak, malaking hamon ito sa inyo. Madalas kayong kapos sa pera. Magtipid at mag-impok. Maging matalino at maingat sa paggasta. Maging malakas at matatag at matapang at sumulong nang may galak sa inyong mata at pag-ibig sa inyong puso. Mapalad kayo, mahal kong mga batang ina. May mga anak kayong maaangkin magpakailanman. Umaasa akong nabuklod kayo sa bahay ng Panginoon, at ang inyong pamilya ay magiging walang-hanggan sa kaharian ng Ama.
Bigyan nawa kayo ng lakas na dalhin ang mabigat na pasanin, tugunan ang lahat ng obligasyon, na makapiling ang mabuti at tapat at mapagmahal na lalaki, at makasama siya sa pag-aruga at pagpapalaki sa inyong mga anak sa kabutihan at katotohanan. Wala kayong maaangkin at makakamit sa mundo na singhalaga ng pagmamahal ng inyong mga anak. Pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga batang ina.
Kayo namang kainaman ang edad, hindi na bata at di rin matanda. Napakaganda ng panahong ito sa buhay ninyo. Tinedyer na ang mga anak ninyo. Malamang ay isa o dalawa na ang may-asawa. Ang ilan ay nasa misyon at nagsasakripisyo kayo para makatapos sila. Asam ninyo't dalangin ang tagumpay at kaligayahan nila. Sa inyong minamahal na kababaihan, narito ang espesyal na payo.
Mga pagpapala'y isa-isang bilangin.
Di ninyo kailangan ng malaking mansyon na napakataas ng interes/hulog at walang katapusan. Ang kailangan ninyo'y maginhawa at masayang tahanang may pagmamahalan. May nagsabing walang tanawing gaganda pa sa isang mabuting babae na nagluluto para sa mga mahal niya sa buhay. Piliing mabuti ang ginagawa ninyo. Hindi ninyo kailangan ang mga luhong dulot ng pagtatrabaho sa labas ng tahanan. Mahalagang datnan kayo ng inyong mga anak sa bahay pagkagaling nila sa eskwela.
Mga ina, alagaan ang mga anak ninyong babae. Maging malapit sa kanila. Pakinggan sila. Kausapin sila. Paiwasin sila sa mga kalokohan. Gabayan sila sa paggawa ng tama. Tiyaking disente ang pananamit nila. Protektahan sila mula sa mga kasamaan sa kanilang paligid.
Mahalin at payuhan ang inyong mga anak na lalaki. Ituro sa kanila na mahalaga ang personal na kalinisan, ang maayos na pananamit. Ang pagkaburara ay nauuwi sa bulagsak na buhay. Disiplinahin sila. Gawin silang marapat na misyonero ng Simbahan. Bigyan sila ng gagawin para matutong magtrabaho. Turuan silang magtipid. Ang sipag at katipiran ay nagdudulot ng kasaganaan. Ituro sa kanilang walang mabuting nangyayari paglampas ng alas-11 ng gabi. Huwag silang palayawin. Kung magmimisyon sila mapipilitan silang mabuhay sa mga sitwasyong ayaw ninyo para sa kanila. Huwag mag-alala sa kanila. Hikayatin sila.
Gisingin sa inyong mga anak ang hangaring makapag-aral. Ito ang susi ng tagumpay sa buhay. Kasabay nito ituro sa kanila ang paalala ni Pangulong David O. McKay, na "Walang tagumpay sa buhay na makapupuno sa kakulangan sa tahanan."1
Kayo namang mga inang nag-iisa na may mabibigat na pasanin dahil iniwan kayo o kaya'y nabiyuda. Mabigat ang pasan ninyo. Kayanin itong maigi. Hangarin ang mga biyaya ng Panginoon. Magpasalamat sa tulong na ibibigay ng mga korum ng priesthood sa inyong tahanan o sa iba pang bagay. Tahimik na magdasal sa tagong lugar, at hayaang pumatak ang mga luha kung kailangan. Ngunit ngumiti sa harap ng inyong mga anak o ng ibang tao.
Kayo namang mahal na mga lola, nakatatandang mga biyuda, at malulungkot na babae. Ang gaganda ninyo. Minamasdan ko ang mahal kong asawa, na halos 92 na. Puti na ang buhok niya; nakahukot na.
Hinahawakan ko ang kamay niya't tinitingnan ito. Ang ganda nito noon, malambot at makinis. Ngayo'y kulubot na't mabuto at mahina. Ngunit simbolo ito ng pag-ibig, katapatan at pananampalataya, at kasipagan sa nagdaang mga taon. Ang kanyang pag-iisip ay di na tulad ng dati. Naaalala niya ang nangyari noon pero maaaring malimutan niya ang naganap sa nagdaang kalahating oras. Ganyan din ako.
Pero malaki ang pasalamat ko sa kanya. Sa loob ng 66 na taon ay magkasama kami sa paglakad nang magkahawak-kamay, nagmamahalan at hinihikayat ang bawat isa, may pasasalamat at respeto. Di magtatagal at isa sa amin ang papanaw. Sana'y sumunod agad ang isa. Di ko alam kung paano mabuhay nang wala siya, kahit sa kabilang-buhay, at sana'y gayon din ang nadarama niya.
Mahal kong mga kaibigan sa Relief Society, anuman ang inyong kalagayan, saan man kayo nakatira, nawa'y bumukas ang mga dungawan ng langit at bumuhos sa inyo ang mga biyaya. Nawa'y mabuhay kayo sa pagmamahalan. Nawa'y tulungan ninyo ang mga nabibigatan. Nawa'y maghatid kayo ng liwanag at ganda sa mundo at lalo na sa inyong mga tahanan at sa buhay ng inyong mga anak.
Alam nating buhay ang Diyos Amang Walang Hanggan. Mahal niya kayo. Alam nating si Jesus ang Cristo, ang Kanyang imortal na Anak, na ating Manunubos. Alam ninyong totoo ang ebanghelyo at malapit ang langit kung pagyayamanin ito sa ating buhay.
Kayo ang Relief Society ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Walang organisasyon na makakatumbas dito. Magmalaki. Magsipag. Gawin ang ipagagawa sa inyo ng Simbahan. Manalangin at manampalataya. Hindi ninyo alam kung gaanong buti ang dulot ninyo. Pagpapalain ng inyong pagsisikap ang buhay ng isang tao. Madama nawa ninyo ang aliw, ang pagyakap ng Espiritu Santo, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
TALA
1. Hango sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization (1924), 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116.