The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Languages Mga Nilalaman
Pangkalahatang Kumpensya
Oktubre 2003
Panginoon, Nananampalataya Ako; Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng

Panginoon, Nananampalataya Ako; Tulungan Mo ang Kakulangan Ko ng

PANGULONG JAMES E. FAUST
Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Ang nagpapalakas na pananampalataya ay maaaring maging ganap na kapanatagan sa buhay. Lahat tayo'y kailangang magkaroon ng sariling patotoo.

PANGULONG JAMES E. FAUSTNgayong umaga'y gusto kong magpatotoo sa mga taong hirap tumanggap at nagdududa sa banal na misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Marami sa atin ang kung minsa'y gaya ng amang humiling sa Tagapagligtas na pagalingin ang kanyang anak na may "espiritung pipi." Sigaw ng ama ng bata, "Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya."1 Sa lahat ng matagal nang may pagdududa at mga tanong, may makakatulong sa kakulangan ninyo ng pananampalataya. Sa pagtanggap at pagtanggi sa impormasyon sa paghahanap ng liwanag, katotohanan, at kaalaman, halos lahat—kung magkaminsan—ay may sariling mga katanungan. Bahagi iyan ng pagkatuto.

Ang nagpapalakas na pananampalataya ay maaaring maging ganap na kapanatagan sa buhay. Lahat tayo'y kailangang magkaroon ng sariling patotoo.

Ang patotoo'y nagsisimula sa pagtanggap nang may pananalig sa banal na misyon ni Jesucristo, na pinuno ng Simbahang ito; at sa propeta ng Pagpapanumbalik na si Joseph Smith. Ang ebanghelyo ayon sa pagpapanumbalik ni Joseph Smith ay maaaring totoo o hindi. Para matanggap ang lahat ng pangakong biyaya dapat nating ganap na tanggapin ang ebanghelyo nang may pananampalataya. Gayunman, hindi agad-agad darating ang pananampalatayang ito. Natututo tayo nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin.

Si Joseph Hamstead, na lecturer sa London University, ay nagsalita tungkol sa Simbahan at mga programa nito sa kabataan at pamilya sa kapwa niya mga lecturer doon sa malaking unibersidad. Sabi ng isa: "Gusto kong lahat ito, para sa pamilya, atbp. Kung aalisin ninyo ang parteng tungkol sa anghel na nagpakita kay Joseph Smith, sasapi ako sa simbahan ninyo." Sagot ni Brother Hamstead, "A, pero kapag inalis mo ang anghel na nagpakita kay Propetang Joseph, ako naman ang di makakasapi sa Simbahan dahil iyan ang pundasyon nito."2

Gaya ng propesor sa London University, maraming tao ang nakakakita sa lubos na kagandahan ng Simbahan at naniniwalang malaki ang kahalagahan at kabuluhan nito. Nauunawaan nila ang magagawa ng Simbahan para sa mga nananalig dito. Gayunman, kulang sila sa espirituwal na patibay na talagang nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak, at na isang anghel ang nagbigay kay Joseph Smith ng mga lamina na pinagmulan ng salin ng Aklat ni Mormon. Ang pagkilala sa Diyos ang pangunahing espirituwal na kaloob na darating kaninuman. Natanggap mismo ni Joseph Smith ang kaalamang ito tungkol sa Diyos. Makaraan ang maraming taon, habang iniisip pa rin ang epekto nito at ng iba pang pangyayari sa kanyang buhay, sinabi ni Joseph: "Hindi ko masisisi ang sinuman sa hindi paniniwala sa aking kasaysayan. Kung hindi ko naranasan ito, ako mismo'y hindi maniniwala rito."3

Nag-iisa ang batang si Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan sa Palmyra, New York, nang magpakita sa kanya ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak. Gayunpama'y mahihirapan ding magpaliwanag maging ang mga hindi naniniwalang nangyari ito. Napakarami nang nangyari mula nang maganap ito para itatwa pa na naganap nga ito.

Kayo, tulad ng ama sa Biblia, na nagsasabing, "Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya," makatatanggap kayo ng patibay kung susundin ninyo ang bilin sa Aklat ni Mormon, na ang hamon sa atin ay itanong sa "Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo," ang katotohanan na darating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at sa paghahayag. Gayunpaman, may dalawang di mapaghihiwalay na elemento. Ang isa'y kailangang "magtanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin," at pagkatapos ay "ipaaalam [ng Diyos] ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay."4

Bukod sa Aklat ni Mormon may ebidensyang nagpapatunay sa sinasabi ni Joseph Smith. Una na rito ang Tatlong Saksi at ang Walong Saksi, na humawak sa mga lamina at nakakita sa mga nakaukit, na nagpatotoo na isinalin ang Aklat ni Mormon sa kapangyarihan ng Diyos. Ang mga kapamilya ni Joseph Smith, na lubos na nakakakilala sa kanya, ay tinanggap at pinaniwalaan din ang kanyang mensahe. Kabilang dito ang mga magulang, kapatid, at ang tiyo niyang si John Smith. Pinatunayan ng kuya niyang si Hyrum ang lubos na pananalig sa gawain ni Joseph sa pag-aalay ng kanyang buhay kasabay ni Joseph. Pinagtibay ng mapagtitiwalaang mga saksing ito ang patotoo ng Propeta.

Lubos ang paniniwala ng malalapit na kasama ni Joseph Smith sa kanyang banal na misyon. Dalawa sa kanila, sina Willard Richards at John Taylor, ang kasama nina Joseph at Hyrum nang sila'y mapatay. Tinanong ni Joseph si Willard Richards kung handa siyang sumama sa kanila. Malinaw na sinabi ni Willard: "Brother Joseph, hindi mo hiniling na samahan kita sa pagtawid sa ilog—hindi mo ako pinapunta sa Carthage—hindi mo ako pinasama sa bilangguan—palagay mo ba'y pababayaan kita ngayon? Pero sasabihin ko sa iyo ang gagawin ko; kung hahatulan kang mabitay sa salang pagtataksil, ako ang magpapabitay para sa iyo, at makakalaya ka."5

Nagpatotoo si John Taylor na, "si Joseph Smith, ang Propeta at Tagakita ng Panginoon, ay nakagawa nang higit pa, maliban kay Jesus, para sa kaligtasan ng mga tao sa daigdig, kaysa sa sinumang tao na kailanman ay nabuhay rito."6Sabi ng praktikal na si Brigham Young, "Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip kong nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan ng Panginoon, at kung kanino ibinigay ang mga susi at kapangyarihang itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa at itaguyod ito."7 Sa palagay ko, hindi maaaring nadaya lang ang matitikas at matatalinong lalaking ito.

Nakakahikayat din sa akin na walang ibang relihiyong nagsasabi na may mga susi sila ng pagbubuklod sa mga pamilya sa kawalang-hanggan. Sabi ni Pangulong Hinckley, "Bawat templo, malaki man o maliit, luma o bago, ay nagpapahiwatig ng ating patotoo na kasingtunay at kasintiyak ng mortalidad ang kabilang buhay."8 Ang mga nagmamahal sa kanilang pamilya ay may sapat na dahilan para kamtin ang di maipaliwanag na biyaya ng pagkabuklod sa walang hanggan sa mga templo ng Diyos. Sa mga lolo't lola, magulang, mag-asawa, mga anak, at apo, ang bisa at awtoridad na ito ng pagbubuklod ang alituntunin sa pagiging perpekto, ang pinakarurok ng panunumbalik "ng lahat ng bagay"9 sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Pagbubuklod ang nagbibigkis magpakailanman. Ang biyayang ito'y sasakop sa mga buhay at sa mga patay, sa gayo'y nabibigkis ang pamilya sa kawalang-hanggan.10

Ang isa pang malakas na ebidensya ng kabanalan ng gawaing ito ay ang kagila-gilalas na paglaganap at pagkatatag ng Simbahang ito sa buong mundo. Kakaibang institusyon ito. Wala itong katulad. Gaya ng sabi ni Gamaliel nang magpatotoo si Pedro at ang sinaunang mga Apostol sa kabanalan ni Jesucristo:

"Kung . . . ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak: Datapuwa't kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak."11

Kahit totoo ang lahat ng ito, kailangang magkaroon ang bawat tao ng espirituwal na patibay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na higit kaysa lahat ng pinagsama-samang pandamdam. Sa mga nagsasabing, "Panginoon, nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya," mungkahi ko'y, "[umasa] nang may mata ng pananampalataya."12 Sa mga tutupad dito, ang pangako ng Panginoon ay, "Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso."13

Ang ilang katwiran ng tao kapag naglalaho ang kanilang pananampalataya ay kahinaan ng tao at pagkukulang ng iba; isang bagay sa kasaysayan ng Simbahan na hindi nila maunawaan; pagbabago sa pamamaraan bunga ng pag-unlad at patuloy na paghahayag; pagwawalang-bahala; o pagkakasala.

Minsan ay sinabi ng Panginoon na Siya'y "lubos na nalulugod" kay Joseph Wakefield.14 Siya'y magiting at tapat at tinuruan ang daan-daang tao tungkol sa gawain ni Joseph Smith bilang propeta. Ngunit mula 1833 hanggang 1834 naimpluwensiyahan siya ng ilang salungat sa doktrina ng Simbahan sa Kirtland. Minsa'y nasa tahanan siya ni Joseph Smith. Lumabas si Joseph sa silid kung saan siya nagsasalin ng salita ng Diyos at agad nakipaglaro sa ilang bata. "Ito ang kumumbinsi [kay Brother Wakefield] na" [si Joseph] "ay hindi tinawag ng Diyos, at [samakatwid] hindi totoo ang gawain."15 Sa huli'y tumalikod sa katotohanan si Joseph Wakefield, natiwalag, at naging tagausig ng Simbahan at ng mga Banal.

Isang di aktibong miyembro ang nagising sa katotohanang hindi siya napasapi sa Simbahan nang magmisyon ang anak niya. Sa paghahambing sa kanyang sarili sa iba na nakakatuwa ang kuwento ng pagkakasapi, itinanong niya sa sarili, "Bakit napakabisa ng pagiging miyembro ng mga taong ito, samantalang ako, na may mga ninunong tagabunsod, ay hindi pa rin sumasapi?" Sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon kahit duda siya sa kahalagahan nito at nakainipan niya. Hinamon siya ng isang kaibigan. Sabi nito, "Sabi mo naniniwala ka sa dasal. E, bakit di mo ito ipagdasal?"

Ginawa niya ito, at matapos manalangin, muli niyang binasa ang Aklat ni Mormon. Hindi na siya nainip. Habang lumalaon, lalo siyang naaaliw sa pagbabasa nito at naisip na, "Hindi ito kayang isulat ni Joseph Smith— mula sa Diyos ang mga salitang ito!" Natapos niyang basahin ito, at inisip kung paano sasabihin sa kanya ng Diyos na totoo ito. Sabi niya: "Isang malakas, maganda, at nakagagalak na damdamin ang nadama ng buong katawan ko. . . . Nalaman kong nabuhay na mag-uli si Jesucristo, . . . na si Joseph Smith ay propeta na nakakita sa Diyos at kay Jesucristo. Nalaman ko na mahimala niyang naisalin ang sinaunang mga tala sa patnubay ng Diyos. Nalaman kong tumanggap si Joseph Smith ng mga paghahayag mula sa Diyos." Binago nito ang kanyang buhay dahil ngayon isa na rin siyang miyembro!16

Para sa mga naglaho ang pananampalataya, maaaring totoo ang mga dahilan nila, pero hindi nito binabago ang katotohanan ng ipinanumbalik ni Joseph Smith. Sabi ni Propetang Joseph Smith, "Kahit kailan ay hindi ko sinabing perpekto ako; ngunit walang mali sa mga paghahayag na itinuro ko."17 Hindi maaaring batikusin ng tao ang tunay na mga alituntunin o doktrina, dahil walang hanggan ang mga ito. Ang mga paghahayag na dumating kay Propetang Joseph Smith ay totoo pa rin! Maling tulutan na sirain ng mga paggambala, panghihiya o sama ng loob ang sarili nating pananampalataya.

Maaari tayong magkaroon ng tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at Manunubos ng sangkatauhan, at si Joseph Smith ang propetang inatasan na magpanumbalik ng Simbahan sa ating panahon kahit di lubos ang ating pang-unawa sa lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Ngunit kapag dumampot kayo ng patpat ay dinampot ninyo ang magkabilang dulo nito. Ganyan din sa ebanghelyo. Bilang mga miyembro ng Simbahan kailangan nating tanggapin ang kabuuan nito. Kahit limitadong espirituwal na katiyakan sa ilang aspeto ng ebanghelyo ay pagpapala, at balang-araw ang ibang bagay na di ninyo tiyak ay darating sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod.

Ang agwat ng kung ano ang tanggap ng nakararami sa kung ano ang mabuti ay lalong lumalawak. Gaya ng propesiya ni Isaias, marami ngayon na "nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti."18 Ang mga paghahayag ng mga propeta ng Diyos ay di tulad ng pagkain na inaalok sa kantina, na ang ilan ay pipiliin at tatanggihan ang iba. Malaki ang utang na loob natin kay Propetang Joseph Smith dahil sa maraming dakilang paghahayag na dumating sa pamamagitan niya. Wala siyang kapantay sa pagpapanumbalik ng espirituwal na kaalaman.19 Natupad ang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith noong Marso 1839:

"Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at ang mga hangal ay ilalagay ka sa panunuya, at ang impiyerno ay sisilakbo ang galit laban sa iyo;

"Samantalang ang dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at kapangyarihan, at mga pagpapala tuwina mula sa iyong kamay."20

Sa mga naniniwala at nais palakasin ang kanilang paniniwala, nawa'y lumakad kayo nang may pananalig at tiwala sa Diyos. Kailangan ng pananampalataya ang espirituwal na kaalaman. Nagkakaroon tayo ng patotoo sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa masugid na pagsunod dito. Sabi ng Tagapagligtas, "Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo."21 Ang patotoo sa bisa ng dasal ay nasa mapakumbaba at taimtim na dalangin. Ang patotoo sa ikapu ay nasa pagbabayad ng ikapu. Huwag hayaang ilayo kayo ng inyong pagaalinlangan sa banal na pinagmumulan ng kaalaman. Manalangin at magpatuloy, na hangad ang walang hanggang liwanag, at mapapawi ang kawalan ninyo ng pananampalataya. Alam ko, na kung patuloy ninyong hahanapin at tatanggapin ang espirituwal na liwanag, katotohanan, at kaalaman, tiyak na darating ito. Sa pagsulong nang may pananampalataya, madaragdagan ito. Tulad ng mabuting binhi, kung hindi ito itatapon ng inyong kawalang-paniniwala, ito'y lalaki sa inyong dibdib.22

Naniniwala ako na ang patotoo ng bawat tao kay Jesus bilang Cristo ay isang espirituwal na kaloob. Hindi ito tagumpay na mapasisinungalingan o mahahamon ng sinuman dahil ito'y personal na kaloob sa taong binigyan nito. Ito'y pampalakas sa espiritu para patuloy itong magliwanag at ituro sa atin ang landas tungo sa walang hanggang kaligayahan. Ngunit nagpapatotoo ako na higit pa ito rito—at hihigit pa. Sa pakikipagtipan sa "Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa [atin], sa lahat ng nalalabi [nating] mga araw" ang ating mga "puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa . . . pangalan [ni Cristo]." Sa gayon tayo'y "isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae."23 Nakatitiyak ako rito, at sinasabi ko ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

1. Marcos 9:17, 24.

2. Personal na pakikipagsulatan.

3. History of the Church, 6:317.

4. Moroni 10:4-5; idinagdag ang pagbibigay-diin.

5. History of the Church, 6:616.

6. D at T 135:3.

7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 110-11.

8. "This Peaceful House of God," Ensign, Mayo 1993, 74.

9. Mga Gawa 3:21.

10. Tingnan sa D at T 110:15-16.

11. Mga Gawa 5:38-39.

12. Alma 5:15.

13. D at T 8:2.

14. D at T 50:37.

15. George A. Smith, Deseret News, 20 Ene. 1858, 364.

16. Tingnan sa "Every Member a Convert," ni Grace Jorgensen, Ensign, Abr. 1980, 70-71.

17. History of the Church, 6:366.

18. Isaias 5:20.

19. Tingnan sa D at T 135:3.

20. D at T 122:1-2.

21. Juan 7:17.

22. Tingnan sa Alma 32:28.

23. Mosias 5:5, 7.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy