The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

Ang pagpapala ng trabaho

Elder David E. Sorensen
Ng Panguluhan ng Pitumpu
CES Fireside para sa mga Young Adult
Marso 6, 2005
Brigham Young University

Elder David E. Sorensen  Gusto kong magpasalamat sa lahat ng lider ng priesthood at mga kabiyak nilang kapiling natin ngayong gabi, lalo na ang pagparito nina Elder at Sister Cecil O. Samuelson. Malaking pribilehiyo ang makasama nang maraming taon si Elder Samuelson sa Temple Department. Matitiyak ko sa mga estudyante sa Brigham Young University, gayundin sa faculty, na sila ay pinagpala sa mahusay na pamumuno nina Pangulo at Sister Samuelson.

Ngayong gabi habang iniisip ang sasabihin ko sa inyo, na mga kabataan ng Simbahan, natanto ko na marami ang estudyante. Ang totoo, mahal kong mga kaibigang kabataan, tayong lahat ay mga estudyante ng ebanghelyo, hindi ba?

May isang lalaking nagtrabaho sa United States Treasury Department. Ang trabaho niya ay pag-iimbestiga ng mga kaso sa huwad na pera. Ang husay niya sa kanyang trabaho na tingnan lang niya ang perang papel, masasabi na niya kung totoo iyon o huwad. Isang gabi sa isang press conference matapos niyang lutasin ang isang malaking kaso sa panghuhuwad, sinabi ito sa kanya ng isa sa mga reporter: “Siguro matagal mong pinag-aaralan ang mga perang huwad para makilala mo ito kaagad.”

Ang sagot niya, “Hindi, hindi ko pinag-aralan kahit kailan ang mga huwad na pera. Totoong pera ang pinag-aralan ko; sa gayo’y madaling makilala ang huwad.”

Gayon din sa ebanghelyo, mahal kong mga kapatid. Narito tayo upang ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi kailangang pag-aralan ang huwad, dahil nasa atin ang katotohanan. Sa pag-aaral ninyo sa tunay na Simbahan at pagpapahintulot na matulungan kayo ng Espiritu, magkakaroon kayo ng mga sagot at malalaman kung paano tutugon sa iba’t ibang sitwasyong haharapin ninyo. Tungkol sa Aklat ni Mormon, ibinahagi sa akin ng isang batang misyonero ang kaisipang ito, na nalaman kong totoo sa paglipas ng mga taon: Tandaan na hindi ang Aklat ni Mormon ang nasa ilalim ng pagsubok—kundi tayo.

Ngayong gabi gusto kong magsalita sa inyo tungkol sa isa sa mga pinakamahalagang alituntunin ng buong ebanghelyo. Ang tinutukoy ko’y ang doktrina ng pagtatrabaho. Sana’y magabayan kayo ng sasabihin ko tungkol sa ginagawa ninyo ngayon o gagawin sa hinaharap.

Kayong mga magtatapos sa hayskul o kolehiyo, o nagtatrabaho na, maitatanong ninyo sa inyong sarili ang ganito kapag nag-aaplay sa trabaho: “Ilang oras ang trabaho ko? Ano ang mga benepisyo ko? Anong mga araw ang bakasyon ko? May oras pa ba ako para sa barkada o paglilibang?” Gayunman, sa mga tanong na gaya nito, na paglilibang ang iniisip ninyo sa halip na trabaho, baka wala kayong makitang mas malaking oportunidad.

Gawain ng Diyos

Ang paggawa ay walang hanggang alituntunin. Sino ang kilala ninyo na nasa kanya na ang lahat at higit pa pero patuloy pa ring nagtatrabaho? Ang ating Ama sa Langit! Masipag Siya. Ipinakita sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga halimbawa at turo Nila na mahalaga ang pagtatrabaho sa langit at sa lupa. Nagtrabaho si Jehova sa paglikha ng langit at lupa. Pinagsama-sama Niya sa isang lugar ang karagatan at pinalitaw ang lupa. Nilikha Niya ang araw, buwan, at mga bituin. Nilikha Niya ang lahat ng buhay sa dagat at sa lupa. Pagkatapos ay inilagay ng Ama sina Adan at Eva sa lupa upang alagaan ito at pamahalaan ang iba pang mga nilalang. (Tingnan sa Genesis 1:1–28.)

Pero hindi nagtapos sa Paglikha ang trabaho Nila. Sa Mahalagang Perlas mababasa natin, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39; idinagdag ang pagkahilig ng mga titik). Siyempre pa, kasama rito ang bawat lalaki, babae, at bata. Sa lahat ng bagay na aalalahanin Niya, pinili ng ating Ama sa Langit na magtrabaho para sa kapakanan ng ating walang-hanggang kaluluwa—sa inyo at sa akin.

Sabi ni Jesus, “Hanggang ngayo’y gumagawa ang aking Ama, at ako’y gumagawa” (Juan 5:17). Sabi pa Niya, “Kinakailangan [kong] gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin” (Juan 9:4).

Ang Gawain ay Isang Pagpapala

Ikaw at ako ay may gagawin. Paniniwalain tayo ni Satanas na walang kabuluhan ang ginagawa natin, o hindi na natin kailangang magtrabaho pa. Mali siya sa dalawang ito. Kailangan nating magtrabaho. Responsibilidad nating ilaan ang mga pangangailangan natin at ng ating pamilya. Ang kinagawiang paglalaan sa sarili ang paraan ng Panginoon mula pa nang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden. Sabi ng Panginoon kay Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). Nagtanim sina Adan at Eva para ilaan ang mga pangangailangan nila ng kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:1).

Ngunit hindi lang paglalaan sa ating sarili ang layunin ng pagtatrabaho. Kunwari’y nabigyan kayo ng malaking pera o sa anumang dahilan ay biglang sumapat ang pera ninyo. Kahit gayon, hindi pa pinawawalang-bisa ang utos na magtrabaho. Sabi ng Panginoon sa mga tao ni Israel, “Anim na araw na gagawa ka” (Exodo 20:9). Wala Siyang anumang eksepsyon sa utos na iyon sa mga taong may sapat at sobra! Tulad ng inilarawan ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang pagtatrabaho ay laging pangangailangang espirituwal kahit hindi na kailangang kumita ng ilan” (sa Conference Report, Abr. 1998, 50; o Ensign, Mayo 1998, 38).

Ang trabaho ay hindi sumpa kundi pagpapala; sa pagtatrabaho hindi lang natin sinusunod ang utos ng Diyos kundi nakikibahagi tayo sa nakapagliligtas na grasya ng Diyos. Sabi ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Kaya niliwanag ni Cristo na kung mahal natin siya at nais natin siyang makapiling, kailangan nating sundin ang Kanyang mga utos, pati na ang dating utos kay Adan na magtrabaho.

Sabi ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw sa simula ng Pagpapanumbalik, “Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila” (D at T 68:31). Paglaon pa, noong ika-20 siglo, sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, isang propeta ng Diyos, “Dapat ay muling gawing patakaran sa buhay ng mga miyembro ng ating Simbahan ang pagtatrabaho” (sa Conference Report, Okt. 1936, 3).

Naisip na ba ninyo kung ano ang mangyayari kung hindi magtrabaho ang mga tao? Gagana ba ang mga paaralan? Mapapalakad ba ang pamahalaan? Magkakaprograma ba sa telebisyon? Bagama’t kung minsa’y iniisip natin na masarap magkaroon ng lahat ng perang gusto natin at huwag nang magtrabaho kailanman, tinitiyak ko sa inyo na hindi iyan ang landas ng tunay na kaligayahan. Ilan sa pinakamalulungkot na taong nakilala ko, sa kung anong dahilan, ay yaong hindi nakapagtrabaho nang matagal.

Ang pagtatrabaho ay isang responsibilidad ng pamilya. Alam kong ilan sa inyo’y malayo sa tahanan. Ipinaaalala ko sa inyo na ngayon mismo’y nakikinabang kayo sa trabaho ng inyong pamilya. Nagtrabaho nang husto ang mga magulang ninyo para ilaan ang inyong pisikal, espirituwal, at emosyonal na pangangailangan. Hindi nila inaasahang mahalinhan ninuman sa responsibilidad na ito. Talagang inaasahan nila kayong makihati sa pasanin.

Nang dumalo ako sa pagtatapos ng anak kong lalaki sa Harvard Business School, lahat ng nagtapos na estudyanteng nakabihis at nakaupo sa harapan ay pinalingon ni Dean Kim Clark, na miyembro ng Simbahan, sa kanilang mga mahal sa buhay. Paglingon nila, huminto si Dean Clark at sinabi, “Kung hindi sa suporta ng mga kapamilya ninyo, hindi ninyo makakamit ang karangalang ito.” At gayundin sa bawat isa sa inyo. Marami na kayong natanggap. Kapalit nito, inaasahan—kailangan—kayong mag-alok ng gayon ding suporta at pagmamahal sa sarili ninyong mga anak at pamilya. Hindi nito ibig sabihin (sa lengguahe ngayon) na patuloy na “makibarkada.” Habang tumatanda kayo, inaasahan ng mga magulang ninyo na maglalaan kayo sa inyong sarili at magsasarili.

Lahat tayo’y kahati sa trabaho. Tandaan na mahalaga na bata pa’y simulan nang turuan ang inyong mga anak na gawin ang bahagi nila sa trabaho ng pamilya. Kayong mga lumaki sa tahanan kung saan naturuan kayong magtrabaho ay mapapatotohanan ang halaga nito sa buhay ninyo ngayon. Katunayan, noong lang nakaraang Huwebes sinabi sa akin ni Elder Samuelson na labis siyang nagpapasalamat at tinuruan siyang magtrabaho ng kanyang ama at tinuruang magtrabaho ng mga magulang nito ang kanyang kabiyak.

Hangga’t kaya, dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan ang kaya nila para ilaan ang mga pangunahing pangangailangan sa buhay—pagkain, damit, at bahay para sa kanilang pamilya.

Nauunawaan namin na sa ilang lugar sa mundo, nahihirapan kayong maglaan sa inyong pamilya. Kasama sa mga pagsubok na ito ang paulit-ulit na sakit, pagkamatay ng asawa, dagdag na matandang magulang, o pagpapaaral sa mga anak. Inaalala ng ating Ama sa Langit ang mga pamilya sa ganitong sitwasyon. Naniniwala ako na sila’y bibigyan Niya ng lakas na magpatuloy. Lagi Niya tayong pagpapalain kung mananalig tayo sa Kanya.

Ang Pagtatrabaho ay Paglilingkod

Natututuhan ang mabuting pag-uugali, gawi, at kasanayan sa trabaho sa matatagumpay na karanasan sa trabaho. Ilalarawan ko ito. Sa rantsong kinalakhan ko, kailangang gatasan ang mga baka araw-araw bago magbukang-liwayway. Walang halaga kung Linggo man o Pasko o pista-opisyal, kung maginaw, o may trangkaso ang isang tao, o sumikat man ang araw o bumagyo ng yelo. Araw at gabi’y pareho rin—dapat gatasan ang mga baka.

Bago ipinadala sa digmaan ang mga kapatid kong lalaki, sila ang naggagatas. Pero noong 1943, 10 taong gulang pa lang ako, papasok ako sa kamalig na may mga 10 hanggang 12 bakang naghihintay na ihatid ko sa gatasan. Kadalasa’y sumisigaw sina Inay at Itay sa mga baka ng “Magandang umaga. Natutuwa akong makita kayo!” Aaminin ko na noong bata pa ako’y hindi ko naramdaman iyon sa mga baka.

Matapos gatasan ang bawat baka, ibinubuhos ko ang gatas mula sa balde sa isang lalagyang kasya ang 10-galon. Mga 80 libra ang bigat ng bawat isa kung puno. Lumaki ang masel ko sa kabubuhat sa mga ito sa daanan para kunin ng dairy.

Madalas akong tulungan ni Itay na gatasan ang mga baka, at paminsan-minsa’y si Inay rin. Natatandaan ko na patuloy na naggatas sina Itay at Inay hanggang mahigit 80 na sila. Pero hindi ginatasan ni Itay ang mga baka dahil kailangan niya iyong gawin, kundi dahil kailangan silang gatasan. Magkaiba iyon. Para sa kanya, hindi lang basta mga baka ang mga hayop na ito—sina Big Blackie at Bossie at Sally at Betsy ito. Gusto niya silang mapanatag. Lagi niyang sinasabi na masarap ang gatas ng panatag na baka. Para kay Itay, ang paggagatas ng mga baka—hindi man mukhang mahirap—ay hindi sapilitan; ito’y oportunidad. Hindi trabaho ang paggagatas; ito’y serbisyo.

Ang pilosopiyang ito ay nakatulong sa aking paglaki. Ipinaalam nito sa akin na lahat ng tapat na trabaho ay marangal. Ilang taon lang ay natanto ko na sa palagiang paggawa ng mga trabahong ito, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili at kalakasan. Ipinagmalaki ko ang trabaho ko. Nalaman ko na walang makakahamak sa uri ng trabahong ginawa ko. Sabi nga ni Eleanor Roosevelt, “Kung hindi ka papayag, walang hahamak sa iyo” (“Points to Ponder,” Reader’s Digest, Peb. 1963, 261). Kayo ang kumokontrol sa sarili ninyo—lalo na kayong mga kabataan—sa ugali ninyo sa trabaho. Makabubuting magkaroon ng tiwala sa sarili at kapangyarihan—sa klase, sa State Street, o sa Wall Street.

Sa halip na isiping sapilitan tayong nagtatrabaho araw-araw, dapat natin itong ituring na oportunidad. Iyan ang turo ni Itay na dapat kong maramdaman tungkol sa mga baka. Nanatili sa akin ang mga turong iyon habambuhay, at patuloy kong binibisita ang rantso at mga alaala rito hangga’t kaya ko.

Isipin ninyo ito. Kung nakakita ng layunin si Itay sa ilang baka, tiyak na makakakita tayo ng layunin sa ating trabaho.

Matutong Mahalin ang Trabaho

Ang isang magandang gawin para lumigaya sa buhay ay matutong mahalin ang trabaho. Ang asawa kong si Verla ay perpektong halimbawa. Nagsimula siyang magtrabaho para sa kanyang sakiting Aunt Bertha sa edad na 10, naghuhugas ng pinggan at naglilinis ng bahay. Hindi na siya tumigil sa pagtatrabaho. Iba-ibang klase ng trabaho ang ginawa niya sa iba’t ibang panahon ng kanyang buhay. Naging magaling siyang estudyante, ilang taong nagturo sa unang baitang, pinalaki ang pitong anak namin, nagtrabaho sa PTA, naglingkod sa local school board, nagmisyon, daang beses nang nagsalita sa Simbahan, at naglingkod sa maraming community board, at nagboluntaryo.

Ilan sa gawain niya ay maituturing ng mundo na ordinaryo, tulad ng pamamalakad sa isang malaking sambahayan. Ilan sa ginawa niyang mas intelektuwal ay ang pag-aaral ng mga graduate course at karamihan doo’y ang espirituwal na pagtuturo ng ebanghelyo. Ngunit anuman ang gawain, lagi niyang ginagawa ang lahat. Malaki ang kagalakan niya sa kanyang gawain. Kasasabi lang niya sa akin kanina na sana’y maging katulad siya ng kanyang Aunt Vera, na noong mag-90 anyos ay umasam na hindi siya manghina sa katatrabaho. Ang pinakamaliligayang taong kilala ko ay yaong masaya sa kanilang trabaho—anuman iyon.

Matatandaan siguro ninyo ang kuwentong nagpapakita ng kaibhang nagagawa ng pag-uugali natin sa trabaho.

Naparaan sa isang mina ng bato ang isang manlalakbay at tatlong lalaki ang nakita niyang nagtatrabaho. Tinanong niya ang ginagawa ng bawat isa. Halata sa sagot ang iba’t ibang pag-uugali nila sa iisang trabaho.

“Nagtitibag ako ng bato,” sagot ng unang lalaki.

Tugon ng ikalawa, “Kumikita ako ng tatlong pirasong ginto bawat araw.”

Ngumiti ang ikatlo at sinabi, “Tumutulong akong itayo ang bahay ng Diyos.”

Tandaan ang lumang kasabihan, “Sa ugali ninyo nalalaman ang inyong pang-unawa.”

Dapat ay may sapat tayong layunin sa ating gawain, anuman iyon. Sa anumang marangal na trabaho, mapaglilingkuran natin ang Diyos. Sabi ni Haring Benjamin, ang propetang Nephita, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Kahit nakakatulong lang tayong mailaan ang pangangailangan ng ating pamilya, nakakatulong pa rin tayo sa mga anak ng Diyos.

Hindi nasisiyahan ang Panginoon sa mga tamad o batugan. Sabi niya, “Ang tamad ay hindi magkakaroon ng lugar sa simbahan, maliban na siya ay magsisi at iwasto ang kanyang mga gawi” (D at T 75:29). Iniutos din Niya, “Huwag kayong maging tamad; sapagkat siya na tamad ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa” (D at T 42:42).

Nagsisimula pa lang ang Simbahan, itinuro na ng mga propeta sa mga Banal sa mga Huling Araw na magsarili at suportahan ang sarili at iwasang maging tamad. Hindi sadyang ipapasa ng tunay na mga Banal sa mga Huling Araw ang obligasyon nila sa iba. Maging determinado, mga kaibigang kabataan, ngayon din, na habambuhay na umasa sa sarili hangga’t kaya ninyo.

Marami sa inyong kabataang babae ang ina o magiging ina at mapalad na makapanatili sa bahay para arugain ang mga anak. Maaaring hindi magkaanak ang iba sa inyo, o kung kayo ay ina, baka hindi kayo matigil sa bahay nang buong panahon. Anuman ang inyong kalagayan, hihikayatin ko kayong lahat na kabataang babae na sundin ang payo ng ating propeta at mag-aral hangga’t kaya ninyo. Ang pag-aaral mismo ay mahalaga. Bibigyan kayo nito ng sandigan kung nasa bahay kayo’t nag-aaruga ng mga anak. Kung kayo ay magkatrabaho, karaniwa’y mas makabuluhan at malaki ang kikitain ninyo kung nakapag-aral kayo.

Ang trabaho natin mismo ay dapat maging marangal at makabuluhan. Hindi masaya ang ating Ama sa Langit kapag kumita tayo mula sa kasamaan o katamaran. Ganito ang sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Naniniwala ako na [yaong] tumatanggap ng bayad o suweldo at hindi nagbibigay ng [karampatang] oras, lakas, katapatan at serbisyo ay tumatanggap ng maruming pera” (sa Conference Report, Okt. 1953, 52). Masakit pakinggan, hindi ba? Sinabi rin niya na ang perang nagmula sa kasamaan o katamaran, tulad ng pagnanakaw; pagsusugal, pati na loterya; panloloko; pagbebenta ng bawal na gamot; pang-aapi sa dukha; at iba pa ay marumi.

Niliwanag ni Pangulong Kimball ang kaibhan ng marangal na trabaho sa masamang trabaho:

“Ang perang malinis ay kabayaran sa buong araw na tapat na pagtatrabaho. Makatwirang bayad ito sa tapat na serbisyo. Makatarungang tubo ito sa pagbebenta ng mga bagay-bagay o serbisyo. Kita ito sa mga transaksyon na lahat ay nakikinabang.”

“Ang maruming pera ay . . . perang . . . natamo sa pang-uumit at pagnanakaw . . . sugal . . . masasamang gawain . . . panunuhol, at pananamantala” (sa Conference Report, Okt. 1953, 52).

Marami ngayong nag-aalok ng perang hindi pinaghirapan, na kinukuha sa madaling paraan para yumaman at guminhawa. Lagi natin itong naririnig. Ang mga alok na ito ay ilusyon, at lagi nang ipinapayo ng mga propeta na huwag pabitag sa tukso ng “perang hindi pinaghirapan.” Huwag tayong mawalan ng kakayahang humatol nang may talino, timbangin ang mga panganib at pakinabang, at unawain ang mas malalim na kahulugan ng buhay.

Sa mundong abala sa araw-araw, maraming manhid sa espirituwal dahil makamundo sila. Sikaping iwasan sila. Napakalungkot naman kung, dahil sa trabaho natin, napalapit tayo sa mga sisira sa ating espirituwalidad. “Sapagka’t ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay?” (Marcos 8:36). Sinabihan tayo ng Panginoon na “ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:14).

Natural, dapat nating ibalanse nang wasto ang trabaho, pahinga, at paglilibang. Kung walang trabaho, walang kabuluhan ang pahinga at paglilibang. May lumang kasabihan: “Pinakamahirap na trabaho ang walang ginagawa.” Hindi lang kasiya-siya at kailangan ang pahinga, kundi inutusan tayong magpahinga sa araw ng Sabbath (tingnan sa Exodo 20:10). Sa mga gumagalang sa araw ng Sabbath nangako ang Panginoon na “ang kabuuan ng mundo ay sa inyo” (D at T 59:16).

Maaaring alam ng ilan sa inyo na kami ni Sister Sorensen ay ilang araw na nasa Asya. Habang naroon narinig namin ang kasabihang, “Piliin ang trabahong mahal mo, at hindi mo kakailanganing magtrabaho kahit kailan.” Sa kabuuan palagay ko’y pangarap lang iyon. Ayokong magmukhang malungkot. Pero ang totoo’y hindi palaging kaakit-akit ang trabaho. Palagay ko’y mas angkop na kasabihan ang payo ni Pangulong Thomas S. Monson. Sabi niya, “Piliin ang mamahalin; mahalin ang inyong pinili” (sa Conference Report, Okt. 1988, 82; o Ensign, Nob. 1988, 71). Pag-aasawa ang talagang tinutukoy niya, pero palagay ko’y angkop din ang payong ito sa pinili ninyong trabaho. Piliin ang trabahong mahal ninyo, at mahalin ang inyong pinili.

Gusto kong sabihin dito na pilit na iniisip ng maraming tao na kailanga’y mas malaki, o mas maganda, o kahit man lang hindi nakakasawa ang trabaho nila! Kapag hirap na—na malamang na kauwian nito—iniisip nila na siguro’y mali ang inasahan nila sa napili nilang trabaho. Nagsisimula silang maniwala na mas maganda nga ang buhay sa kabilang bakod. Sasabihin ng mga taong ito, “Kung medisina sana ang pinag-aralan ko sa halip na abugasya, magaling na doktor na sana ako.” O marahil, “Sana mataas ang posisyon ko sa trabaho. Kung boss akong gaya niya, talagang magpapakahirap ako at makikisamang maigi at magtatagumpay.”

Ang mga taong hindi makaalpas sa sitwasyong ito ay madalas mahirapang magtagumpay sa anumang propesyon. Napapamahal sa kanila ang trabaho pero nawawalan ng gana sa maliliit at simpleng bagay at humahantong sa pagbibitiw para makamtan ang pangarap nila sa ibang larangan. Palipat-lipat sila ng trabaho, at hindi mapanatag nang matagal para talagang magtagumpay. (Kung may nasasaktan sa inyo sa sinasabi ko, magsisi na kayo.)

Kapag nakapili na kayo ng trabaho, mahalin ito! Walang trabahong perpekto. Lahat ng trabaho ay may mga hamon at mga araw na nakakabagot. Gaya sa pag-aasawa, taon ng dedikasyon at tiyaga ang bibilangin para magtagumpay at maging mahusay sa trabaho.

Bibigyan ko kayo ng halimbawa. Ibinahagi ni Michelangelo, ang dalubhasang pintor at iskultor, ang malawak na pananaw na ito tungkol sa kanyang trabaho. Sabi niya, “Kung alam lang ng mga tao kung gaano ako nagpakahirap para maging dalubhasa, hindi nila iisipin na ganoon iyon kadali.” Nakita siguro mismo ng ilan sa inyo ang mahuhusay na gawa ni Michelangelo. Pero ilan sa atin ang nakaisip na magbali ng likod at magpakahirap sa pagpapait ng estatwa ni David mula sa isang buong marmol! At likhain ang 14-na-talampakang estatwa! At siguradong hindi si David ang unang nililok ni Michelangelo. Walang dudang nahirapan siya at napagod sa daan-daan at libu-libong nililok niya bago nagawa ang obra-maestrang iyon. Hindi kaya nakakahinayang kung ipinasiya ni Michelangelo, pagkaraan ng ilang taong nakakapagod na paglilok sa marmol, na napakahirap, matrabaho, at nakakabagot ito—na mas gusto pa niyang magsulat? Ang nakakatawa, kung nagpalit siya ng trabaho, malamang na natuklasan niyang nakakapagod at nakakabagot din ang pagsulat!

Mas magtatagumpay kayo kung magtitiyaga kayo sa gawain ninyo sa kabila ng mga kakulangan ng inyong trabaho at araw-araw na maliit at simpleng mga bagay. Tumuon sa trabahong nariyan at labanan ang tuksong igala ang mga mata. Katunayan, tuwiran kong sasabihin na walang halaga kung anong trabaho ang piliin ninyo. Pangako ko na kung mananatili kayo roon at magpapakahusay sa pinili ninyong trabaho, talagang tatamasahin ninyo ang tagumpay at mapapamahal sa inyo ang inyong trabaho nang higit sa akala ninyo.

Pagpapayo

Magdaragdag ako ng ilang payo.

Una, sikaping pakisamahan ang iba. Maging bahagi ng solusyon, hindi ng problema. Tunay ngang maging ilaw, hindi tagahatol. Paulit-ulit na pinagtibay ng mga pag-aaral na hindi karaniwang nawawalan ng trabaho ang mga tao nang dahil sa kakulangan ng kaalaman o kasanayan. Mas madalas, ang problema ay hindi sila marunong makisama. Alam ko na hindi ninyo kayang pasayahin ang lahat ng tao sa lahat ng panahon, ngunit kadalasa’y mapapasaya ninyo ang karamihan—lalo na kung boss ninyo ang isa sa kanila.

Ikalawa, tandaan na bihirang mapaigi ang mga tao kapag sarili lang nilang panukat ang sukatan nila. Tinitiyak ko sa inyo na mas marami akong napaigi sa buhay at negosyo ko dahil sa pintas kaysa papuri ng iba. Matutong sukatin ang sarili ninyo sa panukat ng ibang tao paminsan-minsan. Kapag pinuna ng boss ninyo na madali kayong magalit, seryosohin ninyo ito. Kapag pinuna ng asawa ninyo na madali kayong magalit, at pinuna ng mga kaibigan ninyo na madali kayong magalit, malamang na madali nga kayong magalit. Kapag nakarinig kayo ng ganoong puna, makinig bago ninyo ito itanggi. Pag-isipan ito. Timbangin ito. Palagay ba ninyo kailangang magbago? Anupaman ang pintas, matutong makisama sa ibang tao. Kung gusto ninyong makisama sa kanila, magagawa ninyo.

Ikatlo, gandahan ang pananaw. Huwag mag-isip ng masama, lalo na’t patungkol sa inyo mismo. Huwag maniwala sa masasamang pahayag tungkol sa inyong Ama sa Langit. Isipin ang pinagmulan nito—galing ito kay Satanas. Huwag maniwala sa masasamang pahayag tungkol sa mga lider ng Simbahang ito o sa Simbahan bilang institusyon. Mahirap iwaksi ang mga mensahe ni Satanas, pero ang gayo’y hahantong sa kaligayahan.

Isang payo sa nakabalik nang mga misyonero: huwag talikuran ang mga prinsipyo, o gawi o magagandang karanasang natutuhan ninyo sa misyon. Huwag palitan ang inyong anyo. Hindi inaasahan ng mga Kapatid na magkurbata kayo at magpolong puti at itim na amerikana ngayong nag-aaral na kayong muli, pero panatilihin ang natutuhan ninyong maayos na pananamit sa misyon. Manamit para sa tagumpay! Kapag nagpapakita ng kalinisan, dangal, at mga alituntunin ng ebanghelyong itinuro ninyo bilang misyonero ang personal ninyong mga gawi, makabubuti ito sa inyo sa trabaho.

Buod

Ang mensahe ko ngayong gabi ay maibubuod sa dalawang pahayag. Ang una’y mula kay Pangulong David O. McKay. Sabi niya, “Tantuhin natin na ang pribilehiyong makapagtrabaho ay isang kaloob, na ang lakas na makapagtrabaho ay pagpapala, at ang magmahal sa trabaho ay tagumpay” (Pathways to Happiness [1957], 381).

Ang ikalawa ay mula sa sarili nating buhay na propeta, si Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabi niya: “Ang pangunahing gawain sa mundo ay hindi gawa ng mga henyo. Gawa ito ng mga karaniwang tao, na balanse ang buhay, na natutong magtrabaho sa pambihirang paraan” (“Our Fading Civility,” inagurasyon at pagtatapos sa tagsibol sa Brigham Young University, Abr. 25, 1996, 15). Nakatakda nang magkaroon ng kabiguan at kawalang-pag-asa sa daan, mga kapatid.

Inaalo tayo ni Orson F. Whitney:

“Walang pasakit tayong pinagdusahan, walang pagsubok na nasayang. Natuto tayo, sa pagkakaroon ng gayong mga katangian tulad ng pagtitiyaga, pananampalataya, tibay at kapakumbabaan. Lahat ng pinagdusahan at pinagtiisan natin, lalo na kung matiyaga nating pinagtiisan, ay nagpapatatag sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapaunlad sa ating kaluluwa, higit tayong nagiging magiliw at maawain, mas karapat-dapat tayong tawaging anak ng Diyos . . . at dahil sa dusa’t kalungkutan, hirap at kapaguran, nalaman natin na tayo’y isinilang upang higit na tularan ang ating Ama’t Ina sa langit” (sinipi sa Faith Precedes the Miracle [1972], ni Spencer W. Kimball, 98).

Bilang abang lingkod ng Panginoon, pinangangakuan at binabasbasan ko kayo na habang nagsisikap kayong sundin ang mga pamantayang itinakda ng Panginoon sa mga banal na kasulatan at sa Kanyang mga propeta, sa pag-aaral ninyo, sa pagdarasal, sa pagbabayad ng ikapu at mga handog mula sa perang kinita ninyo sa trabaho, mas magtatagumpay kayo sa buhay maging sa inyong pang-araw-araw na gawain. Huhusay kayo sa trabaho. Mas marami kayong magagawa. Magiging mas epektibo kayo. Lahat ng ito ay dahil ang espiritu ng Panginoon ay pasasainyo at tutulungan at palalakasin kayo.

Hatid ko sa inyo ang pagbati ng mahal nating propetang si Pangulong Hinckley. Kailan lang, sa isang talumpati sa mga miyembro ng kanyang stake, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Hindi naman kasingsama ng iniisip natin ang mga pangyayari. . . . Malaki ang pag-asa ko tungkol sa Simbahang ito. Malaki ang pag-asa ko sa mga kabataan ng Simbahang ito. Hindi tayo dapat matakot. Wala tayong dapat ikatakot kung ipamumuhay natin ang ebanghelyo, kung magdedesisyon tayo ayon sa liwanag ng ebanghelyo. Kung luluhod tayo at hihiling ng kaliwanagan, pang-unawa, direksyon, at tapang sa Panginoon, hindi tayo dapat matakot.”

Kaya ngayong gabi, mahal kong mga kaibigang kabataan, gusto kong magpatotoo sa inyo. Naniniwala ako sa Simbahang ito. Naniniwala ako kay Jesucristo. Naniniwala ako sa mga sinabi Niya. Naniniwala ako sa sinabi Niya sa mga Nephita, “Nilikha ko ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito. Kasama ko ang Ama mula pa sa simula” (3 Nephi 9:15). Alam ko, mga mahal kong kaibigang kabataan, na Siya ang Anak ni Elohim, ang Amang lumikha kina Adan at Eva. Alam ko na Siya, ang Anak, ay ipinanganak ni Maria sa Betlehem ng Judea. Alam kong totoo ang sabi ni Mateo tungkol sa pagsilang Niya sa panahon ni Haring Herodes. Sabi ni Jesucristo, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12). Naniniwala ako kay Jesucristo nang sabihin Niyang, “Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan” (Juan 8:51). Alam ko na Siya at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang propetang si Joseph Smith.

Alam ko na matutulungan tayong lahat ni Jesucristo sa ating gawain kung tutulungan natin Siya sa Kanyang gawain. “Sapagkat ang mga pangalan ng mabubuti ay masusulat sa aklat ng buhay, at sa kanila ay ipagkakaloob ko ang isang mana sa aking kanang kamay. At ngayon, aking mga kapatid, ano ang masasabi ninyo laban dito? Sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay magsasalita nang laban dito, ito ay walang halaga, sapagkat ang salita ng Diyos ay tiyak na matutupad” (Alma 5:58). Alam ko’t pinatototohanan na mayroon tayong buhay na propeta, si Gordon B. Hinckley, na makakatulong sa ating gawain kung susundin natin ang kanyang payo.

Kayo, mahal kong mga kaibigang kabataan, ang pag-asa ng Simbahang ito. Kayo ang pag-asa ng mga komunidad na tinitirhan ninyo. Kayo ang magiging lider ng Simbahang ito, ng komunidad, ng mundo sa hinaharap. Mapakumbaba akong nagpapatotoo na kung magtatrabaho kayo para sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, pagpapalain Niya kayo at babantayan kayo at aalagaan kayo habambuhay. At iniiwan ko sa inyo ang patotoong ito sa Kanyang banal na pangalan, maging ang ating Panginoon, Manunubos, Tagapagligtas, maging ang Banal ng Israel na si Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy