The Christus statueThe Church of Jesus Christ of Latter-day Saints Search | Feedback | Site Map | Help | Country Sites |
Home Broadcast Archives CES Fireside

MGA KALOOB NG ESPIRITU PARA SA MGA PANAHON NG KAHIRAPAN

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
CES Fireside para sa mga Young Adult • Setyembre 10, 2006 • Brigham Young University

Elder Henry B. EyringNagpapasalamat ako sa magandang musika at sa Espiritung hatid nito. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na makasama kayo ngayong gabi. Marami sa inyo ang narito sa Marriott Center sa Brigham Young University. Libu-libo pa ang nakikinig at nanonood sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi ko kayo nakikitang lahat, ngunit nakikita kayo ng inyong Ama sa Langit. Alam Niya ang inyong pangalan at mga pangangailangan. Alam Niya ang inyong nadarama. Bawat isa sa inyo ay may kakaibang mga pagsubok. Dalangin ko na mabigyan ako ng inspirasyong masabi ang mga salitang nais Niyang marinig ninyo.

Mga Pagpapala at Hamon sa mga Huling Araw

Sa pagkakaiba-iba nating lahat, tayo ay may ilang pagkakatulad. Lahat tayo ay sinusubukan dito sa lupa. At, saanman tayo nakatira, papahirap pa ang pagsubok na iyon. Tayo ay nasa huling dispensasyon ng panahon. Libu-libong taon nang nakita ng mga propeta ng Diyos ang mga panahong ito. Nakita nila na may magagandang bagay na mangyayari. Ipanunumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ibabalik ang totoong Simbahan na may mga propeta at apostol. Dadalhin ang ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Ang kamangha-mangha sa lahat, magiging karapat-dapat ang totoong Simbahan at mga miyembro nito sa pagdating ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan at sa Kanyang pinadalisay na mga disipulo.

Ngunit nakita rin ng mga totoong propeta na sa mga huling araw ay mananalanta si Satanas. Magkakaroon ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan. Maghahasik iyon ng takot. Mawawala ang tapang ng marami. Matinding kasamaan ang darating. At marami ang malilinlang ni Satanas.

Subalit, nakatutuwang marami ang hindi madaraig. At marami ang hindi malilinlang. Ang katotohanang narito kayo ngayong gabi at nakikinig ay patunay na nais ninyong mapabilang sa mga hindi madaraig at hindi malilinlang. Layon kong ituro sa inyo kung paano makakamtan ang masaya at maluwalhating mithiing iyon.

Ang Espiritu Santo ang Susi

Mahalaga sa bawat isa sa atin ang tanggapin at panatilihin ang kaloob na ipinangako ng Diyos. Maaalala ninyong mga miyembro ng totoong Simbahan ni Jesucristo na, matapos kayong binyagan, nangako sa inyo ang mga awtorisadong alagad ng Diyos na matatanggap ninyo ang Espiritu Santo. Maaaring kakaiba ang nadama ng ilan sa inyo nang isagawa ang ordenansang iyon. Karamihan sa inyo ay nadama ang mga epekto ng katuparan ng pangakong iyon sa inyong buhay. Sasabihin ko sa inyo ngayong gabi kung paano makikilala ang kaloob na iyon, paano ito tatanggapin araw-araw sa inyong buhay, at paano kayo pagpapalain nito sa hinaharap.

Nadama na ninyo sa inyong puso at isipan ang payapang pagpapatunay na totoo ang isang bagay. At alam ninyong ito ay inspirasyong nagmula sa Diyos. Maaaring nadama ito ng ilan sa inyo nang turuan kayo ng mga missionary bago kayo nabinyagan. Maaaring nadama ninyo ito sa isang mensahe o lesson sa simbahan. Maaaring dumating na ito ngayong gabi nang sabihin o awitin ang isang bagay na totoo tulad ng nadama ko at ng ilan sa inyo nang marinig ko ang pag-awit. Ang Espiritu Santo ang Espiritu ng Katotohanan. Nadarama ninyo ang kapayapaan, pag-asa, at galak kapag sinasabi nito sa inyong puso at isipan na totoo ang isang bagay. Halos lagi rin akong nakadarama ng kaliwanagan. Anumang kadilimang lumalambong sa akin ay napapawi. At lalo kong hinahangad na gawin ang tama.

Nangako ang Panginoon na mararanasan din ninyo ang mga ito. Ganito ang sinabi Niya, ayon sa Doktrina at mga Tipan:

“At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba, maghatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.

“Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan” (D at T 11:12–13).

Nangako rin ang Panginoon na hindi malilinlang ang tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa kanilang buhay. Tiniyak Niya ito sa inyo at sa akin, na nabubuhay sa panahong inihahanda ang Kanyang Simbahan sa Kanyang muling pagparito. Ito ang pangako mula sa Doktrina at mga Tipan:

“At sa araw na iyon, kung kailan ako ay paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen.

“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon.

“At ang lupa ay ibibigay sa kanila upang maging mana; at sila ay darami at magiging malakas, at ang kanilang mga anak ay magsisilaking walang kasalanan tungo sa kaligtasan.

“Sapagkat ang Panginoon ay nasa gitna nila, at ang kanyang kaluwalhatian ay mapapasakanila, at siya ay kanilang magiging hari at kanilang tagapagbigay ng batas” (D at T 45:56–59).

Mga Pahiwatig ng Espiritu

Sa mga salitang karirinig pa lamang ninyo, maaaring nakadama kayo ng isa pang pahiwatig ng Espiritu na ipinangako sa inyo. Inilalarawan sa mga salitang iyon ang araw na makakapiling natin ang Tagapagligtas, na nangusap tungkol sa sampung birhen at sa muli Niyang pagparito—na sa pagkakataong ito ay sa kaluwalhatian. At inilalarawan nito ang araw na makakapiling natin Siya at sasaatin ang Kanyang kaluwalhatian. Sa lahat ng bagay na pinatototohanan ng Espiritu Santo, at maaaring kadarama pa lamang ninyo, wala nang mas mahalaga pa sa atin kundi na si Jesus ang Cristo, ang buhay na Anak ng Diyos. At wala nang iba pang magpapadama sa atin ng liwanag, pag-asa, at galak. Hindi nga nakapagtataka na kapag nadama natin ang impluwensya ng Espiritu Santo, madarama rin natin na nagbago ang likas nating pagkatao dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Lalo nating hinahangad na sundin ang Kanyang mga utos, gumawa ng mabuti, at makitungo nang makatarungan.

Marami sa inyo ang nakadama niyon sa madalas na pagpapahiwatig sa inyo ng Espiritu Santo. Halimbawa, sa misyon ilan sa inyo ang kinailangang umasa sa Espiritu para malaman kung paano ituro ang kailangang malaman ng mga tao. Hindi lang minsan, at marahil araw-araw, sumainyo ang pagpapalang ibinigay kina Nephi at Lehi sa piling ng mga tao sa kanilang misyon, na inilarawan sa Helaman:

“At ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi ay nangaral sa mga Lamanita sa dakilang kapangyarihan at karapatan, sapagkat may ibinigay sa kanilang kapangyarihan at karapatan upang sila ay makapagsalita, at ibinigay rin sa kanila kung ano ang nararapat nilang sabihin—

“Anupa’t sila ay nangusap sa labis na panggigilalas ng mga Lamanita, tungo sa pagpapaniwala sa kanila, hanggang sa may walong libo ng mga Lamanita na nasa lupain ng Zarahemla at nasa paligid ang nabinyagan tungo sa pagsisisi, at napaniwala sa kasamaan ng mga kaugalian ng kanilang mga ama” (Helaman 5:18–19).

Bagama’t hindi man mahimalang katulad niyon ang bunga ng inyong ginawa, may pangako ang Espiritu Santo kapag buong puso kayong naglingkod sa Panginoon. Sa ilang panahon sa inyong misyon, madalas ninyong dinanas iyon. Kung babalikan ninyo at pagninilay-nilayin ang mga panahong iyon, magugunita rin ninyo na unti-unting nag- ibayo ang hangarin ninyong sundin ang mga utos. Unti-unti ninyong napaglabanan ang tukso. Lalo ninyong hinangad na maging masunurin at maglingkod sa iba. Lalo ninyong minahal ang mga tao.

Isa sa mga epekto ng paulit-ulit na pagtanggap ng pahiwatig ng Espiritu Santo ay ang pagbabago ng inyong pagkatao. Kaya nga, sa tapat na paglilingkod ninyong iyon sa Panginoon, hindi lamang napasainyo ang pagsaksi ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo kundi napatunayan ninyo sa inyong sariling buhay na totoo ang Pagbabayad-sala. Ang gayong paglilingkod, na naghahatid ng impluwensya ng Espiritu Santo, ay halimbawa ng pagtatanim ng binhi, na inilarawan ni Alma:

“At ngayon, masdan, dahil sa inyong isinagawa ang pagsubok, at itinanim ang binhi, at ito ay lumaki at sumibol, at nagsimulang tumubo, kailangang malaman ninyo na ang binhi ay mabuti.

“At ngayon, masdan, ang inyo bang kaalaman ay ganap? Oo, ang inyong kaalaman ay ganap sa bagay na yaon, at ang inyong pananampalataya ay hindi lumalaki; at ito ay sapagkat nalalaman na ninyo, sapagkat nalalaman ninyo na ang salita ay nagpalaki sa inyong mga kaluluwa, at nalalaman din ninyo na ito ay sumibol, na ang inyong pang-unawa ay nagsimulang magliwanag, at ang inyong isipan ay nagsimulang lumawak.

“O ngayon, hindi ba ito ay tunay? Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anuman ang maliwanag ay mabuti, sapagkat ito ay nauunawaan, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti; at ngayon, masdan, matapos ninyong matikman ang liwanag na ito, ang inyo bang kaalaman ay ganap?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni hindi ninyo kailangang isantabi ang inyong pananampalataya, sapagkat inyo lamang ginamit ang inyong pananampalataya upang itanim ang binhi at nang inyong maisagawa ang pagsubok upang inyong malaman kung ang binhi ay mabuti.

“At masdan, habang ang punungkahoy ay nagsisimulang lumaki, inyong sasabihin: Ating alagaan ito nang may malaking pagkalinga, nang iyon ay magkaugat, nang iyon ay lumaki, at magbigay ng bunga sa atin. At ngayon, masdan, kung inyong aalagaan iyon nang mabuti, ito ay magkakaugat, at tutubo at magbibigay ng bunga” (Alma 32:33–37).

Pagtanggap ng mga Paghahayag sa Araw-araw

Ngayon, kung nag-uusap tayo nang sarilinan (sana nga), kung saan malaya kayong nakapagtatanong ng kahit ano, palagay ko’y ganito ang sasabihin ninyo: “Ah, Brother Eyring, naramdaman ko na ang ilang bagay na inilarawan ninyo. Paminsan-minsan ay naaantig ng Espiritu Santo ang puso at isipan ko. Pero kailangan ko itong maramdaman palagi kung ayaw kong matukso o malinlang. Posible ba iyon? Posible ba ito, at, kung posible, ano ang kailangan para matanggap ang pagpapalang iyon?”

Siyempre, magsimula tayo sa unang bahagi ng tanong ninyo. Oo, posible iyon. Tuwing kakailanganin ko ang katiyakang iyon—at kailangan ko rin ito paminsan-minsan—naaalala ko ang dalawang magkapatid. Sina Nephi at Lehi, at ang iba pang alagad ng Panginoon na kasama nilang gumagawa, ay naharap sa matinding oposisyon. Naglilingkod sila noon sa isang mundong napakasama. Kinailangan nilang harapin ang katakut-takot na mga panlilinlang. Kaya lumalakas ang loob ko—at kayo man—sa mga kataga sa talatang ito ng Helaman. Matatagpuan ang katiyakan sa lahat ng naganap sa isang buong taon, na tila baga hindi ito nakagulat sa may-akda. Pakinggan:

“At sa ikapitumpu at siyam na taon ay nagkaroon ng labis na sigalutan. Subalit ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi, at marami sa kanilang mga kapatid na nakaaalam hinggil sa tunay na aral ng doktrina, na nakatatanggap ng maraming paghahayag sa araw-araw, anupa’t sila ay nangaral sa mga tao, hanggang sa mawakasan nila ang kanilang sigalutan sa taon ding yaon” (Helaman 11:23).

Tumanggap sila ng “maraming paghahayag sa araw-araw.” Kaya, para sa inyo at sa akin, iyan ang sagot sa una ninyong tanong. Oo, posibleng makapiling ang Espiritu Santo nang sapat para magkaroon ng maraming paghahayag sa araw-araw. Hindi magiging madali ito. Pero posible. Iba-iba ang kakailanganin ng bawat tao para dito dahil nagsisimula tayo sa kani-kanya nating kakaibang mga karanasan sa buhay. Para sa ating lahat di kukulangin sa tatlong bagay ang kailangan natin. Walang isa man dito ang matatamo at mapananatili mula sa iisang karanasan. Lahat ng ito ay dapat na laging panibaguhin.

Pananampalataya sa Diyos

Una, kailangan ng pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo para matanggap ang Espiritu Santo. Ang alaala ng isang magandang espirituwal na karanasan ilang taon na ang nakararaan, kung kailan napatunayan sa inyo ang katotohanang iyon, ay hindi sasapat. Kakailanganin ninyo ng matatag na pananampalataya sa oras ng kagipitan, na maaaring dumating anumang oras araw man o gabi, kapag nagsusumamo kayong mabigyang-inspirasyon ng Espiritu. Sa gayo’y dapat tumibay ang inyong paniniwalang buhay ang Diyos, na naririnig Niya ang paghingi ninyo ng tulong, at gagawin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas para sa inyo ang ipinangako Niyang gawin para sa Kanyang mga tagapaglingkod nang magministeryo Siya sa lupa. Alalahanin ninyo:

“Datapuwa’t pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin” (Juan 15:26).

Maraming paghahayag na natanggap ang magkapatid na Nephi at Lehi sa araw-araw. Nakatala sa kasulatan na alam nila ang mga katotohanan ng doktrina. Sa lahat ng totoong doktrina, wala nang higit na mahalaga sa inyo at sa akin kaysa sa tunay na katangian ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Dahil diyan binabalik-balikan ko ang mga banal na kasulatan. Dahil diyan panay ang pagdarasal ko. Dahil diyan lagi akong nakikibahagi ng sacrament. At, higit sa lahat, lubos kong nakikilala ang Diyos at si Jesucristo sa pagsunod sa mga kautusan at paglilingkod sa Simbahan. Sa masigasig na paglilingkod sa Simbahan hindi lang natin nalalaman ang katangian ng Diyos kundi napapamahal din Siya sa atin. Kung susundin natin ang Kanyang mga utos, lalago ang ating pananampalataya sa Kanya at magiging karapat-dapat tayong makapiling ang Kanyang Espiritu.

Lubos na sumisigla ang pananampalataya sa Diyos sa regular na paglilingkod sa Kanya. Hindi lahat ay nakatanggap ng tungkulin sa Simbahan. Ang ilan sa inyo ay maaaring hindi pa pormal na natatawag sa tungkulin, subalit bawat miyembro ay maraming pagkakataong maglingkod sa Diyos. Halimbawa, matagal na nating naririnig ang mga katagang “bawat miyembro ay isang missionary.” Hindi iyan napipili. Bahagi iyan ng pagiging miyembro natin. Pinipili lang natin kung ibabahagi sa iba ang ebanghelyo o hindi. Gayundin, bawat miyembro ay kailangang kalingain ang mga maralita sa atin at sa ating paligid. Ang ilan diyan ay ginagawa natin nang lihim at mag-isa. Ang ilan ay ginagawa natin kasama ang ibang mga miyembro. Kaya tayo may mga handog-ayuno at proyektong pangserbisyo. Nasa atin ang pagpapasiya kung makikiisa tayo sa Panginoon at sa iba pa Niyang mga disipulo sa ating panahon tulad ng ginawa Niya at ng Kanyang mga disipulo nang magministeryo Siya sa lupa.

Karamihan sa atin ay may mga tungkulin bilang mga home at visiting teacher. Sa mga tungkuling iyon ay malaki ang pagkakataong lumago ang ating pananampalataya na ipinadadala ng Panginoon ang Espiritu Santo sa kanyang mapakumbabang mga alagad. Nagpapatibay at nagpapanibago iyon ng ating pananampalataya sa Kanya. Nasaksihan ko na ito at gayundin ng marami sa inyo. May tawag sa akin sa telepono mula sa isang ligalig na ina sa isang estadong malayo sa kinaroroonan ko. Sabi niya lumipat daw ang anak niyang dalaga sa lungsod na malayo sa kanyang tahanan. Nahiwatigan niya sa maikling pag-uusap nila ng kanyang anak na may nangyayaring hindi tama. Nangamba ang ina na mapariwara ang anak. Nagsumamo siyang tulungan ko ang kanyang anak.

Nalaman ko kung sino ang home teacher ng kanyang anak. Tinawagan ko siya. Bata pa siya. Pero kapwa sila nagising ng kanyang kompanyon nang gabing iyon hindi lang dahil sa pag-aalala sa dalaga kundi dahil nadama nilang gagawa ito ng mga desisyong maghahatid ng kalungkutan at pagdurusa. Sa inspirasyon lamang ng Espiritu, pinuntahan nila ito. Noong una ay ayaw nitong sabihin sa kanila ang kanyang sitwasyon. Pinakiusapan nila itong magsisi at piliing tahakin ang landas na inihanda ng Panginoon para sa Kanya at itinuro ng kanyang ama at ina. Natanto nito habang nakikinig na tanging Diyos lamang ang magpapaalam sa kanila ng nangyayari sa kanyang buhay. Narinig ng Ama sa Langit ang dalangin ng isang ina, at ipinadala ang Espiritu Santo upang papuntahin ang mga home teacher.

Hindi lang minsan kong narinig sa mga priesthood leader na nabigyang-inspirasyon silang puntahan ang isang nangangailangan, para lang malaman na nanggaling na pala roon ang visiting teacher o home teacher. Isang halimbawa ang asawa ko, na kapiling ko ngayong gabi. Minsan ay may bishop kaming nagsabi sa akin, “Alam mo, nag-aalala ako—tuwing may inspirasyon akong puntahan ang isang tao, napuntahan na pala siya ng asawa mo.” Lalago ang inyong pananampalataya habang naglilingkod kayo sa Panginoon sa pangangalaga sa mga anak ng Ama sa Langit bilang guro ng Panginoon sa kanilang tahanan. Masasagot ang inyong mga dalangin. Malalaman ninyo mismo na Siya ay buhay, na mahal Niya tayo, at binibigyang-inspirasyon ang mga tao kahit nagsisimula pa lang silang sumampalataya sa Kanya at may hangad na paglingkuran Siya sa Kanyang Simbahan. Manatili sa Simbahan kung nais ninyong lumago ang pananampalataya ninyo sa Diyos. At kapag lumago ito, lalago rin ang kakayahan ninyong kamtin ang pangako sa inyo na matatanggap ninyo ang mga kaloob ng Espiritu.

Pangangailangang Maging Malinis

Ang unang kailangan ay sumampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa ating Ama sa Langit. Ang ikalawang kailangan para madalas makasama at mapatnubayan ng Espiritu Santo ay maging malinis. Kailangang lisanin ng Espiritu ang mga taong marumi. Alalahanin ninyo ang malungkot na paglalarawan niyon sa kasaysayan ng mga tao sa Aklat ni Mormon:

“At dahil sa kanilang kasamaan ay nagsimulang manghina ang simbahan; at nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha.

“At natanto nilang sila ay naging mahihina, tulad ng kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, at hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo” (Helaman 4:23–24).

Ang paraan para matanggap ang Espiritu Santo ay sumampalataya kay Cristo tungo sa pagsisisi. Malilinis tayo kapag naging karapat-dapat tayo sa mga epekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang mga tipang inihahandog ng binyag na isinasagawa ng mga alagad ng Diyos ang nakalilinis. Pinaninibago natin ang ating pangakong tuparin ang mga tipang iyon tuwing makikibahagi tayo ng sacrament. At ang kapayapaang hanap nating lahat ay ang katiyakang napatawad na tayo sa mga ating mga kasalanan o sa mga bagay na dapat gawin ngunit hindi natin ginawa.

Ang Tagapagligtas ang binigyan ng karapatang magpatawad at magbigay ng katiyakang iyon. Nalaman ko na ibinibigay ng Tagapagligtas ang katiyakang iyon sa oras na gusto Niya, at ginagawa ito sa sarili Niyang paraan. At natutuhan kong hilingin iyon sa panalangin. Ang isang paraan ng pagbibigay Niya ng katiyakang ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung nahihirapan kayong damhin ang Espiritu Santo, makabubuting pag-isipan ninyo kung may kailangan kayong pagsisihan at ihingi ng tawad.

Kung nadama na ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo sa araw na ito, o kahit sa gabing ito, maituturing ninyo itong katibayan na nagkakabisa sa buhay ninyo ang Pagbabayad-sala. Dahil diyan at sa marami pang iba, makabubuting ilagay ninyo ang inyong sarili sa mga lugar at gawaing nag- aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo. May dalawang bisa ang impluwensya ng Espiritu Santo: ang Espiritu Santo ay nananahan lamang sa malinis na templo, at ang pagtanggap ng Espiritu Santo ay naglilinis sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maipagdarasal ninyo nang may pananampalataya na malaman ang dapat gawin upang malinis at sa gayo’y maging karapat-dapat na makapiling ang Espiritu Santo at mapaglingkuran ang Panginoon. at sa pagpiling na iyan ng Espiritu Santo ay lalakas kayo laban sa tukso at mahihiwatigan ang panlilinlang.

Dalisay na Layon

Ang ikatlong kailangan para makapiling ang Espiritu Santo ay dalisay na layon. Kung nais ninyong matanggap ang mga kaloob ng Espiritu, kailangan ninyong hangarin ito sa mga tamang dahilan. Ang mga layunin ninyo ay dapat umayon sa mga layunin ng Panginoon. Kapag makasarili ang mga layon ninyo, mahihirapan kayong matanggap ang mga kaloob na iyon ng Espiritu na ipinangako sa inyo.

Ang bagay na iyon ay nagsisilbing kapwa babala at mahalagang tagubilin. Una, ang babala: Nasasaktan ang Diyos kapag hinahangad natin ang mga kaloob ng Espiritu para sa sarili nating mga layunin sa halip na para sa Kanya. Maaaring hindi natin batid na makasarili ang ating mga layon. Ngunit ilan sa atin ay nabubulagang tulad ng lalaking hinangad bilhin ang karapatan sa mga kaloob ng Espiritu. Alalahanin ninyo ang malungkot na kuwento ng lalaking nagngangalang Simon na pinagsabihan ni Pedro:

“Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi,

“Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo.

“Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi’y mapahamak na kasama mo, sapagka’t inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi.

“Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka’t ang puso mo’y hindi matuwid sa harap ng Dios.

“Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso.

“Sapagka’t nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan.

“At sumagot si Simon at sinabi, Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo” (Mga Gawa 8:18–24).

Malinaw na natanto ni Simon na mali nga ang kanyang mga layon. Hindi siguro gayon kadali sa atin iyon. Madalas ay hindi lang iisa ang layon natin. At maaaring ilan dito ay magkahalong mga nais ng Diyos at ng nais natin. Mahirap paghiwalayin ang mga ito.

Halimbawa, may pagsusulit kayo kinabukasan sa paaralan o interbyu para sa isang bagong trabaho. Alam ninyong malaki ang maitutulong ng patnubay ng Espiritu Santo. Naranasan ko mismo, halimbawa, na alam ng Espiritu Santo ang ilang equation sa matematika sa paglutas ng mga tanong sa thermodynamics, isang sangay ng agham. Masigasig akong estudyante sa physics noon na pinag-aaralan ang isang aklat na pag-aari ko pa hanggang ngayon. Itinatago ko ito para sa kasaysayan at espirituwal na mga dahilan. Sa kalagitnaan ng isang pahina, (maipapakita ko pa sa inyo kung saang banda ito sa pahina), sa nakasulat na mga numero, malinaw kong naramdaman na totoo ang binabasa ko. Iyon mismo ang nadama ko noon nang pagnilayin ko ang mga banal na kasulatan ng Panginoon at maraming beses ko nang nadama mula noon. Kaya batid kong alam ng Espiritu Santo ang tamang isasagot sa anumang itatanong sa akin sa pagsusulit sa thermodynamics.

Maiisip ninyo na natukso akong hilingin sa Diyos na ipadala sa akin ang Espiritu Santo sa oras ng pagsusulit para hindi na ako mag-aral pa. Batid kong magagawa Niya ito, pero hindi ko ito hiniling sa Kanya. Nadama ko na mas gugustuhin Niyang matuto akong paghirapan ito. Maaari Niya akong tulungan sa pagsusulit, pero natakot akong baka hindi pareho ang layon namin. Madalas din kayong maharap sa ganitong pagpapasiya. Siguro nangyari ito noong iinterbyuhin kayo para sa trabaho. O baka noong naghahanda kayo ng mensahe o nagtuturo ng missionary discussion. Lagi nang may posibilidad na may makasariling layunin kayo na di-gaanong mahalaga sa Panginoon.

Halimbawa, maaaring gusto ko ng mataas na marka sa isang kurso, pero mas gusto Niyang matuto akong maging masipag sa paglilingkod sa iba. Maaaring gusto ko ang isang trabaho dahil malaki ang suweldo o mataas ang katungkulan, pero gusto Niya akong magtrabaho sa iba para mapagpala ang buhay ng isang taong ni hindi ko pa kilala. Tiyak na may mga layunin Siya kaya ninyo ako napapakinggan ngayon. Kilala Niya kayo. Maaari kong hangaring libangin kayo o pahangain. Ngunit sinikap kong pigilan ang hangarin ko at sundin ang sa Kanya.

Nasaksihan ko ang isang taong gumawa niyon. Binago nito ang buhay ko. Isang General Authority ang dumating at nagsalita sa isang kumperensya kung saan nakaupo ako sa harapan. Kabilang ako sa priesthood presidency sa lugar. Alam ko mismo ang mga paghihirap ng mga pamilya at miyembro sa lugar na iyon. Kagagaling lang ng General Authority na ito sa mahabang asaynment sa Europa. Kitang-kitang pagod siya. Tumayo siya para magsalita sa miting. Parang palipat-lipat siya ng paksa. Noong una ay naawa ako sa kanya. Akala ko hindi niya maiparating nang maayos ang mensahe na katulad ng mga mensaheng ibinigay niya sa maraming pagkakataon.

Maya-maya natuwa akong matanto na sa paglilipat-lipat niya sa mga paksang walang kinalaman sa isa’t isa, natatalakay niya ang pangangailangan ng bawat miyembro at pamilyang naghihirap na sinisikap naming tulungan. Hindi niya sila kilala at hindi alam ang mga pangangailangan nila. Ngunit batid ito ng Diyos.

Lubos ang pasasalamat ko na hindi niya ginustong magbigay ng magandang sermon o maituring na makapangyarihang propeta. Marahil ay ginawa niya ang bagay na inaasahan kong gagawin natin tuwina. Marahil ay ganito ang ipinagdasal niya: “Ama, kailangan ko ang tulong Ninyo. Pagod na po ako. Gabayan po sana ninyo ako sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Pagpalain po ninyo ang mga taong ito. Mahal ko po sila. Ang tanging hiling ko lang po ay magawa ko ang Inyong kalooban para matulungan sila.”

Dumating ang Espiritu Santo sa gabing iyon. At nagawa ang nais ng Panginoon. Habambuhay na pinangalagaan ng General Authority ang sarili at ang iba sa mabuting salita ng Diyos. Tapat niyang pinaglingkuran ang Panginoon. Isa siyang natatanging saksi ni Jesucristo dahil nagsumikap siyang maging gayon. Lahat ng iyan ay nangyari dahil sinikap niyang patuloy na iayon ang kanyang mga layon sa nais ng Panginoon. Dahil diyan kaya naiparating ng Panginoon ang mga bulong ng Espiritu Santo sa Kanyang alagad at napagpala ang mga tao bunga niyon.

Dalisay na Pag-ibig ni Cristo

Talagang hindi ko maunawaan ang buong kahulugan ng mga salita sa banal na kasulatan na “dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Pero ang isang kahulugang alam ko ay ito: Ito ay kaloob na ipinangako sa atin kapag nagkabisa sa atin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kaloob ay ang naisin ang nais Niya. Kapag nadama natin ang pag-ibig na nadarama Niya, dalisay ito dahil Siya ay dalisay. At kapag ang hangarin natin para sa mga tao ay umaayon sa Kanyang hangarin, isa iyan sa mga paraan para malaman nating tayo ay pinadadalisay. Kapag humiling tayo ng mga kaloob ng Espiritu—at siyang nararapat—ang isang ipinagdarasal ko ay magkaroon ako ng dalisay na mga layon, na naisin ang nais Niya para sa mga anak ng ating Ama at para sa akin at madama, at masambit din, na nais kong mangyari ang Kanyang kalooban.

Iyan ang kahulugan sa akin ng mga salitang ito ni Moroni:

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang–

“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay. Amen” (Moroni 7:46–48).

Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay, na isang niluwalhati at dinakilang tao. Siya ang Ama ng ating mga espiritu. Siya at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, na kapwa nabuhay na mag-uli at niluwalhati, ay nagpakita sa batang si Joseph Smith sa isang kakahuyan sa New York. Naroon sila. Nangusap ang Ama kay Joseph, tinawag muna siya sa pangalan at pagkatapos ay ipinakilala ang Kanyang Anak. Bumaba ang mga sugo mula sa langit upang ipanumbalik ang lahat ng susi ng awtoridad ng priesthood. Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Isinulat ito sa mga lamina ng mga sinaunang propeta, at isa sa kanila ang nagbigay nito kay Joseph at binawi ito pagkatapos maisalin. Ang mga susi ng priesthood ay nasa mundo na ngayon. Bilang saksi ni Jesucristo, pinatototohanan ko sa inyo na alam ko na Siya ay buhay at Siya ang namumuno sa Kanyang Simbahan.

Buong puso kong idinadalangin na masagot ang inyong mga dalangin na matugunan ang mga kailangan para matanggap ang Espiritu Santo. Dalangin kong tapat kayong makapagtiis hanggang wakas at maging maluwalhati ito para sa inyo.

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na maigawad sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu na isinasamo ninyo upang paglingkuran ang Panginoon. At iniiwan ko ang aking pagmamahal. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

 
© 2008 Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.   Rights and use information.  Privacy policy