Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 35


Bahagi 35

Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa o malapit sa Fayette, New York, Disyembre 1830 (History of the Church, 1:128–131). Sa panahong ito, ang Propeta ay abalang-abala halos araw-araw sa pagsasalin ng Biblia. Ang pagsasalin ay sinimulan sa mga unang araw ng buwan ng Hunyo 1830, at sina Oliver Cowdery at John Whitmer ay kapwa naglingkod bilang mga tagasulat. Yayamang sila ngayon ay natawag na sa ibang tungkulin, si Sidney Rigdon ay tinawag sa pamamagitan ng banal na paghirang na maglingkod bilang tagasulat ng Propeta sa gawaing ito (talata 20). Bilang paunang salita sa talaan niya ng paghahayag na ito, isinulat ng Propeta: “Noong Disyembre si Sidney Rigdon ay dumating [mula sa Ohio] upang magtanong sa Panginoon, at kasama niyang dumating si Edward Partridge.… Di nagtagal pagkarating ng dalawang kapatid na ito, sa ganito nangusap ang Panginoon” (History of the Church, 1:128).

1–2, Paano ang mga tao ay magiging mga anak ng Diyos; 3–7, Si Sidney Rigdon ay tinawag na magbinyag at maggawad ng Espiritu Santo; 8–12, Mga tanda at himala ay nagagawa sa pamamagitan ng pananampalataya; 13–16, Hihimayin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu; 17–19, Hawak ni Joseph Smith ang mga susi ng mga hiwaga; 20–21, Ang mga hinirang ay mabubuhay sa araw ng pagparito ng Panginoon; 22–27, Ang Israel ay maliligtas.

1 Makinig sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos, maging ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, kung kaninong hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot, ang siya ring ngayon, kahapon, at magpakailanman.

2 Ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, maging kasindami ng maniniwala sa aking pangalan, upang sila ay maging mga anak ng Diyos, maging isa sa akin kagaya ng pagiging isa ko sa Ama, kagaya ng pagiging isa ng Ama sa akin, upang tayo ay maging isa.

3 Masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa aking tagapaglingkod na si Sidney, pinagmasdan kita at ang iyong mga gawa. Narinig ko ang iyong mga panalangin, at inihanda kita sa isang mas mahalagang gawain.

4 Ikaw ay pinagpala, sapagkat ikaw ay gagawa ng mahahalagang bagay. Masdan ikaw ay isinugo, maging katulad ni Juan, upang ihanda ang daan sa pagparito ko, at ni Elijah, na darating, at hindi mo ito alam.

5 Ikaw ay nagbinyag sa pamamagitan ng tubig tungo sa pagsisisi, subalit hindi nila natanggap ang Espiritu Santo;

6 Subalit ngayon binibigyan kita ng kautusan, na ikaw ay magbibinyag sa pamamagitan ng tubig, at tatanggapin nila ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, maging katulad ng mga apostol noong sinauna.

7 At ito ay mangyayari na magkakaroon ng dakilang gawain sa lupain, maging sa mga Gentil, sapagkat ang kanilang mga kahangalan at kanilang mga karumal-dumal na gawa ay makikita ng mga mata ng lahat ng tao.

8 Sapagkat ako ang Diyos, at ang aking bisig ay hindi naging maiksi; at aking ipakikita ang mga himala, tanda, at kababalaghan, sa lahat ng yaong maniniwala sa aking pangalan.

9 At sinuman ang hihingi nito sa aking pangalan na may pananampalataya, sila ay makapagtataboy ng mga diyablo; sila ay magpapagaling ng may sakit; mapangyayari nila na ang bulag ay makakita, at ang bingi ay makarinig, at ang pipi ay makapagsalita, at ang pilay ay makalakad.

10 At ang panahon ay mabilis na darating na ang mga kagila-gilalas na bagay ay ipakikita sa mga anak ng tao;

11 Subalit kung walang pananampalataya walang anumang bagay na ipakikita maliban sa kapanglawan sa Babilonia, ang siya ring nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng kapootan ng kanyang pangangalunya.

12 At walang sinuman ang gumagawa ng kabutihan maliban sa yaong mga handang tumanggap ng kabuuan ng aking ebanghelyo, na aking ipinadala sa salinlahing ito.

13 Dahil dito, tinatawag ko ang mahihinang bagay ng sanlibutan, yaong mga mangmang at hinahamak, na himayin ang mga bansa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu;

14 At ang kanilang bisig ay magiging aking bisig, at ako ang kanilang magiging pananggalang at kanilang kalasag; at aking bibigkisan ang kanilang balakang, at sila ay matapang na makikipaglaban para sa akin; at ang kanilang mga kaaway ay mapapasailalim ng kanilang mga paa; at aking ibabagsak ang espada para sa kapakanan nila, at sa pamamagitan ng apoy ng aking kapootan sila ay aking pangangalagaan.

15 At sa mga maralita at maaamo ang ebanghelyo ay ipangangaral sa kanila, at sila ay tatanaw sa panahon ng aking pagparito, sapagkat ito ay nalalapit na—

16 At kanilang matututuhan ang talinghaga ng puno ng igos, sapagkat maging ngayon ang tag-init ay nalalapit na.

17 At aking ipinadala ang kabuuan ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng kamay ng aking tagapaglingkod na si Joseph; at sa kahinaan ay pinagpala ko siya;

18 At aking ibinigay sa kanya ang mga susi ng hiwaga ng kaalaman ng yaong mga bagay na tinatakan, maging mga bagay na magmula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at ang mga bagay na darating mula sa panahon na ito hanggang sa panahon ng aking pagparito, kung siya ay susunod sa akin, at kung hindi, may iba akong ipapalit sa kanya.

19 Dahil dito, bantayan siya upang ang kanyang pananampalataya ay hindi mawala, at ito ay ibibigay ng Mang-aaliw, ang Espiritu Santo, na nakaaalam ng lahat ng bagay.

20 At isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—na ikaw ay magsusulat para sa kanya; at ang mga banal na kasulatan ay ibibigay, maging ang mga ito ay mula sa sariling dibdib, para sa kaligtasan ng sarili kong hinirang;

21 Sapagkat kanilang maririnig ang aking tinig, at makikita ako, at hindi makatutulog, at mamamalagi sa araw ng aking pagparito; sapagkat sila ay dadalisayin, maging tulad ko na dalisay.

22 At ngayon sinasabi ko sa iyo, manatiling kasama niya, at siya ay maglalakbay na kasama ka; huwag mo siyang iwanan, at tiyak na ang mga bagay na ito ay matutupad.

23 At yayamang hindi ka magsusulat, masdan, ibibigay sa kanya na magpropesiya; at ikaw ay mangangaral ng aking ebanghelyo at tatawag sa mga banal na propeta upang patunayan ang kanyang mga salita, tulad ng ibibigay nila sa kanya.

24 Sundin ang lahat ng kautusan at tipan na sumasaklaw sa iyo; at aking papangyarihin na mayanig ang langit para sa iyong ikabubuti, at si Satanas ay manginginig at ang Sion ay magagalak sa mga burol at mananagana;

25 At ang Israel ay maliligtas sa aking sariling takdang panahon; at sa pamamagitan ng mga susi na aking ibinigay sila ay aakayin; at hindi na muli pang malilito.

26 Pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, ang inyong pagkatubos ay malapit na.

27 Huwag matakot, munting kawan, ang kaharian ay sa inyo hanggang sa aking pagparito. Masdan, ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen.