Mga Pandaigdigang Debosyonal
Tumayo sa Sagradong Kakahuyan


Tumayo sa Sagradong Kakahuyan

CES Devotional para sa mga Young Adult • Mayo 6, 2012 • Sacramento, California

Magandang gabi, mga kapatid. Lubos akong nagpapasalamat at nagpapakumbaba rin, na nabigyan ako ng espesyal na assignment ng Unang Panguluhan na magsalita sa inyo ngayong gabi. Magsisimula ako sa pagsasabing gusto kong malaman ninyo na minsan ay naging bata rin ako, may maiitim na buhok, at puno ng sigla tulad ninyo---bahagi ng sinasabi sa mga banal na kasulatan na “bumabangong salinlahi.” Hindi ko tiyak ang wastong kabaliktaran o kasalungat ng salitang bumabangon---marahil “paglubog” o “paghina”---ngunit anuman ito, inilalarawan nito ang yugto ng buhay ko ngayon, at hindi ito gaanong kasiya-siya!

Bagama’t nagsasalita ako sa inyo mula sa magandang chapel malapit sa Sacramento California Temple, nakikinita ko sa aking isipan ang libu-libo sa inyo---nagsasalita sa halos 40 magkakaibang wika—na nagtitipon sa iba’t ibang panig ng mundo. Mapalad akong mabisita ang marami sa inyong bansa, marinig kayong magsalita at magpatotoo sa inyong mga katutubong wika, at masaksihan mismo ang inyong pananampalataya at katapatan sa Panginoon. Mahal ko kayo at pinupuri sa inyong kabutihan. Alam ko na sa edad ninyo ay maaaring mahirap ang buhay, at alam ko na kung minsan nagkakamali tayo at kailangang magsisi. Ngunit taos-puso ko kayong pinasasalamatan sa inyong pagnanais na maging matatag sa inyong pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pinakaminimithi ko sa gabing ito ay tulungan ako na makapangusap sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo nang sa gayon ay mapalakas pa ang inyong pananampalataya.

Mga Sagradong Lugar

Mayroong mga lugar sa mundo na naging sagrado dahil sa naganap doon. Ayon sa Lumang Tipan, isa sa mga lugar na ito ay ang Sinai, Horeb, o “ang bundok [ng Diyos],” (Exodo 3:1; tingnan din sa Exodo 3:12; 34:2), kung saan nagpakita ang Panginoon kay Moises sa nagniningas na mababang punong kahoy. Nang papalapit na si Moises sa puno, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Huwag kang lumapit dito, hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa, sapagka’t ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa” (Exodo 3:5).

Kami ng pamilya ko ay minsang pinalad na manirahan sa sagradong lugar. Noong 1993—apat na taon matapos akong matawag sa Seventy—kami ay inatasang maglingkod nang dalawang taon sa New York Rochester Mission ng Simbahan. Sakop ng mission na iyan ang bayan ng Palmyra (kung saan nanirahan si Joseph Smith at ang kanyang pamilya nang halos buong 1820s), at ang Fayette (kung saan naorganisa ang Simbahan noong Abril 1830). Mga 110 milya sa timog ng Palmyra, sa estado ng Pennsylvania, ay naroon ang Harmony (kung saan nakilala ni Joseph Smith si Emma Hale at nanirahan doon noong sila ay bagong kasal at maraming bahagi sa Aklat ni Mormon ang naisalin doon sa huling taon ng 1820s). Ang buong lugar na ito ay kilala bilang “Sinilangan ng Panunumbalik,” dahil dito nagsimula ang Simbahan. Ito ay napakagandang lugar na puno ng magaganda at mapunong kaburulan; malilinaw na ilog at batis; at mababait at masisiglang tao. Ito rin ay naging sagradong lugar dahil sa naganap dito.

Ang Sagradong Kakahuyan

Sa isang kakahuyan ng mga nagtataasang puno ng beech, oak, maple, at iba pa, mga 0.40 kilometro pakanluran sa tahanan ng pamilya nina Joseph at Lucy Mack Smith malapit sa Palmyra, ang 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith ay nakita sa pangitain ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo noong tagsibol ng 1820. Ang banal na pagpapakitang ito, na tugon sa panalangin ni Joseph na malaman ang katotohanan tungkol sa relihiyon at kung paano siya magtatamo ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan, ay simula ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa huling dispensasyong ito. Ang kakahuyan ding iyon ay itinuring na sagradong lugar sa kasaysayan ng ating Simbahan---isang lugar na tinawag natin na “Sagradong Kakahuyan.”

Noong naglilingkod ako bilang mission president, minahal namin ng pamilya ko ang kakahuyang iyon at nadama ang kasagraduhan nito. Madalas kaming magpunta roon. Bawat buwan kapag may mga bagong dating na misyonero at mga misyonero na matatapos na sa kanilang misyon, dinadala namin sila roon. Doon ay nagtitipon kami sa bukana ng kakahuyan, at matapos awitin ang pambungad na himno na kinanta sa gabing ito---“Unang Panalangin ni Joseph Smith”1---sinasabi namin sa mga elder at sister na maghiwa-hiwalay sila at maghanap ng tagong lugar sa kakahuyan para ang bawat isa ay makapanalangin sa Diyos at gumawa at magsabi ng kanilang personal na pangako sa Kanya. Ang mga pagpuntang ito sa Sagradong Kakahuyan ay karanasang pinahahalagahan ng lahat ng nakapunta rito.

Gayunpaman, sa palagay ko kakaunti lamang sa inyo ang makapupunta na nang personal sa Sagradong Kakahuyan. Dahil dito, sa tagsibol na ito ng 2012–192 taon matapos ang Unang Pangitain ni Joseph Smith—gusto kong ilarawan ninyo sa inyong isipan na kasama ko kayo sa Sagradong Kakahuyan. Tumayo roon kasama ko habang ibinabahagi ko sa inyo ang ilang nakikita sa kakahuyan, ang mga dahilan kaya ko minahal ang sagradong lugar na iyon, at ang mahahalagang aral na matututuhan doon.

Utang na loob ko kay Brother Robert Parrott, isang forester at naturalist na empleyado ng Simbahan, na nakatira sa Palmyra, ang ilang pananaw na napagtuunan ko ng pansin tungkol sa Sagradong Kakahuyan na ibabahagi ko sa inyo. Bagama’t hindi pa miyembro ng ating relihiyon, pinagpipitaganan ni Brother Parrott ang Sagradong Kakahuyan at maingat at napaka-propesyonal na inaalagaan ito.

Matalinghagang Paglalarawan sa Banal na Kasulatan na may Kinalaman sa mga Puno

Kapag naglalakad ako nang may pagpipitagan sa Sagradong Kakahuyan o nakaupo sa mga upuang naroon at nag-iisip, madalas kong pag-isipan ang maraming matalinghagang paglalarawan sa mga banal na kasulatan na may kinalaman sa mga puno, mga sanga, mga ugat, mga binhi, mga bunga, at mga kakahuyan. Sina Adan at Eva, ang ating mga unang magulang, ay walang dudang unang naturuan ng tungkol sa pag-aalaga ng mga puno. Ang propetang si Jacob, na binanggit si Zenos sa Aklat ni Mormon, ay nagbahagi ng isang mahirap maintindihang alegorya o kuwento tungkol sa likas at ligaw na mga punong olibo habang itinuturo niya ang tungkol sa pagkalat at pagtitipon ng Israel (tingnan sa Jacob 5). At sino sa atin ang hindi pa nakabasa, binasang muli, at mapanalanging pinag-isipan ang binhi ng pananampalataya na ipinatatanim sa atin ni Alma, na kapag matiyaga at wastong inalagaan ay magiging isang “punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan”? (Alma 32:41; tingnan sa mga talata 27–43).

Kaya gayon din ito sa Sagradong Kakahuyan. Ang isang taong mapagmasid sa kalikasan---lalo na kung kasama niya ang isang mahusay na naturalist na si Brother Robert Parrott---ay matututo ng ilang mahahalagang aral mula sa ecosystem nito. Nais kong maikling ibahagi sa inyo ang apat sa mga aral na iyon sa gabing ito.

Mga Aral sa Buhay mula sa Sagradong Kakahuyan

Aral bilang 1: Ang mga puno ay laging tumutubo patungo sa liwanag.

Ang isang nakatutuwang penomena na maoobserbahan sa Sagradong Kakahuyan ay ang mga punong tumutubo sa gilid ng orihinal na kakahuyan, gayundin ang mga nakahilera sa daan na nasa loob nito. Ang mga ito ay tumutubo palabas upang iwasan ang mayayabong na dahon na lumililim sa kanila, at pataas upang maarawan nang husto. Ang balikong mga katawan at sanga ng mga ito ay nakatayong kakaiba sa kalapit na mga puno na halos tuwid ang paglaki. Ang mga puno, tulad halos ng lahat ng buhay na organismo, ay nangangailangan ng sikat ng araw para mabuhay at yumabong. Gagawin ng mga ito ang lahat para masikatan ng araw hangga’t maaari para maisagawa ang photosynthesis---ang proseso ng pag-convert ng light energy sa chemical energy o “pagkain” na ginagamit ng halos lahat ng buhay na organismo.

Tiyak ko na alam na ng mga bata at matalino ninyong isipan kung saan tayo dadalhin ng metaporang ito mula sa Sagradong Kakahuyan! Ang liwanag ay higit na mahalagang elemento sa espirituwal kaysa sa kalikasan. Ito ay dahil mahalaga ang liwanag sa ating espirituwal na pag-unlad at sa pag-unawa ng ating buong potensiyal bilang mga anak ng Diyos.

Kadiliman ang kabaliktaran ng liwanag at kumakatawan sa puwersa sa mundo na naghahangad na ihiwalay tayo mula sa Diyos at hadlangan ang Kanyang banal na plano sa ating buhay. Karaniwan kapag dumilim na o sa madidilim na lugar pinalalaganap ng puwersa ng kasamaan ang kanilang matinding impluwensya. Sa buhay ninyo ngayon, ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri, pagnanakaw, pagsusugal, paglabag sa Word of Wisdom, at iba pang pag-uugali na ipinagbabawal ng ating Ama sa Langit, ay karaniwang ginagawa sa madilim at tagong lugar. Kahit pa pinili nating gumawa ng mali sa liwanag ng sikat ng araw---halimbawa, pangungopya sa eksamen, panggagaya sa isinulat ng iba, pagtitsismis, paggamit ng mga bulgar na salita, o pagsisinungaling---madarama pa rin natin ang kadiliman sa ating puso.

Mabuti na lang at ang Espiritu ni Cristo ay “nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.

“At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging ang Ama” (D at T 84:46–47).

Maganda ang paglalarawan ng talatang ito na mula sa Doktrina at mga Tipan sa kakayahang umunlad ng tao, ang likas na espirituwal na ugali na ibinigay ng Diyos na taglay nating lahat---kung hindi natin ito hahadlangan---na magtungo sa liwanag at sa paggawa nito, mapalalapit sa Diyos at Kanyang Anak at magiging higit na katulad Nila. Tinutukoy ang Kanyang sarili, sinabi ni Cristo, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).

Sa pag-unawa sa mga banal na kasulatan, marami kayong masasabi tungkol sa isang salita base sa iba pang mga salitang kalapit nito. Sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pansinin kung gaano kadalas magkakalapit na ginamit ang mga salitang liwanag, Espiritu, katotohanan, at Jesucristo. Ang mga ito ay halos magkakasing-kahulugan, at inaakay tayong lahat sa mas mataas at mas banal na pamumuhay.

Buong puso ko kayong hinihikayat na iwasan ang kadiliman ng kasalanan sa lahat ng anyo nito at puspusin ang inyong buhay ng Espiritu, katotohanan, at liwanag ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng paghahanap ng mabubuting kaibigan, magagandang musika at sining, kaalaman mula sa mabubuting aklat (lalo na sa mga banal na kasulatan), pananalangin nang taimtim, tahimik na pamamasyal sa kalikasan, magagandang aktibidad at pag-uusap, at buhay na nakasentro kay Cristo at sa Kanyang mga turo tungkol sa pagmamahal at paglilingkod. Palaging alalahanin, at lalo na sa paghahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan, ang pahayag ng Panginoon na ang “katotohanan ay yumayakap sa katotohanan; karangalan ay nagmamahal sa karangalan; liwanag ay kumukunyapit sa liwanag” (D at T 88:40). Ang alituntuning ito ng kabutihan na naaakit sa kabutihan ay nagbibigay ng pag-asa na kung mamumuhay tayo sa liwanag ng ebanghelyo, magkakaroon tayo ng asawa kalaunan na kasabay nating maglalakad sa landas ng kabutihan. Alam ko na kapag sinikap nating punuin ng liwanag ang ating sariling buhay, walang gaanong puwang ang kadiliman at lalo tayong magiging katulad ni Cristo, ang Ilaw ng Sanglibutan.

Dahil sa espesyal na pribilehiyo ko ngayong gabi na magsalita sa inyong namumukod-tanging mga Banal sa mga Huling Araw, gusto kong balaan kayo at kasabay nito ay hikayatin at bigyang pag-asa hinggil sa kadiliman na tiyak na lalaganap sa inyong buhay kapag gumamit kayo ng pornograpiya. Ang paggamit ng pornograpiya sa anumang kaparaanan ay pagkakasala sa Diyos at paglabag sa Kanyang utos na huwag tayong makiapid “ni gumawa ng anumang bagay tulad nito” (D at T 59:6). Ang paggamit ng pornograpiya ay halos palaging humahantong sa dagdag pang mga paglabag sa kalinisang-puri. Ang paulit-ulit na paggamit ng pornograpiya at paggawa ng kasalanang seksuwal na karaniwang kasunod nito ay magdudulot ng adiksyon na kailangang harapin at gamutin nang buong ingat tulad ng ibinibigay sa mga lulong sa alak o droga.

Kung nabalot na ng pornograpiya ang inyong buhay at matindi at paulit-ulit nang nararanasan, nakikiusap ako sa inyo na magpatulong sa mga lider ng Simbahan at sa propesyonal. Maunawaan sana ninyo na ang adiksyon sa pornograpiya ay hindi lamang “isang maliit na problema” na madadaig ninyo sa lihim na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at matinding pagkontrol sa sarili.

Dahil ang adiksyon sa pornograpiya ay nakapagpapahina ng inyong kakayahang piliin ang tama sa mali, kailangan ninyong magpakumbaba upang mayakap ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at matulungan ng kapangyarihan nito. Ang ibig sabihin nito, sa madaling salita, ay kung gagawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya---kasama rito ang pagsisisi sa tulong ng inyong bishop o branch president upang mapatawad ang mga kasalanan at mapagaling sa tulong ng mga payo ng mga propesyonal at kung maaari ng grupong susuporta upang mapaglabanan ang adiksyon---ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala (na inilarawan ng Bible Dictionary bilang tulong o lakas na mula sa Diyos2), ay tutulungan kayo na madaig ang adiksyon sa pornograpiya at sa paglipas ng panahon ay mapagagaling sa pinsalang dulot nito. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, ang kapatawaran ng kasalanan at paggaling mula sa adiksyon ay kapwa posible at napakaganda nitong mangyari.

Pakiusap, layuan ninyo ang kadiliman at, tulad ng mga puno, palaging hangaring manatili sa liwanag.

Aral bilang 2: Kailangang may oposisyon sa mga puno upang maisakatuparan ang layunin ng pagkalikha nito.

Iba’t ibang opinyon tungkol sa pangangasiwa ng kagubatan ang sinunod sa maraming taon sa pangangalaga ng Sagradong Kakahuyan. Minsan, isang lugar sa kakahuyan ang pinili para gawan ng eksperimento, at isinagawa ang tinatawag na “release thinning”. Ganito iyon: Tinukoy ng mga forester ang inaakala nilang pinakamalaki at pinakamalusog na batang mga puno sa lugar na pag-eeksperimentuhan, at pagkatapos ay pinutol at pinungusan nila ang hindi gaanong malulusog at malalaking puno. Naniniwala sila na sa pagtanggal ng maraming kaagaw sa tubig, sikat ng araw, at mga sustansya sa lupa, ang piniling mga puno ay “malayang” lalaki at yayabong sa di-pangkaraniwang paraan.

Makalipas ang ilang taon kitang-kita na kabaliktaran ang nangyari. Nang mawalan ng kaagaw, ang piniling mga puno ay naging kampante. Sa halip na tumuwid sa paglaki patungo sa liwanag, mabagal ang paglaki nito, umusbong ang maraming mabababang sanga na hindi mapakikinabangan kapag ang mayayabong na dahon sa itaas ay tumakip at lumapad. Samantala, ang mga puno na inalis ay muling umusbong at naging palumpong na, at hindi magiging kapaki-pakinabang na puno ngunit patuloy na gagamit ng tubig at sustansya sa lupa. Ang mga punong ito na mukhang palumpong ay patuloy na makikipag-agawan sa mga piniling puno, ngunit hindi sa paraang magdudulot ito ng positibong pag-unlad sa isa sa mga ito. Bunga nito, wala sa mga puno na ginawan ng eksperimento ang maihahambing sa laki o tibay ng mga puno na hinayaang likas na lumaki at makipagkumpetensya at madaig ang oposisyon upang mabuhay at yumabong.

Tulad ng alam ninyo, isa sa mahahalagang doktrina sa Aklat ni Mormon ay kailangang may oposisyon sa lahat ng bagay. Ang mundong puno ng tunggalian ay nagbibigay ng pagpipilian na mabuti at masama, upang magamit ang kalayaan. Gayunpaman, mahalaga rin ang alituntuning dapat ay may oposisyon para espirituwal na umunlad---o, tulad ng sinabi ni amang Lehi---upang ang “kabanalan” ay mangyari (2 Nephi 2:11). Gusto kong bigyang-diin na ang pag-unawa sa alituntuning ito---na upang umunlad sa espirituwal kailangang may oposisyon at paghihirap---at maging ang pagsang-ayon sa alituntuning ito sa edad ninyong iyan ay susi sa pagtanggap at pagiging masaya sa buhay. Mahalaga ring maranasan ang kinakailangang pag-unlad at pagsulong ng sarili.

Sa malao’t madali, lahat tayo ay mahaharap sa oposisyon at paghihirap. Ilan sa mga ito ay darating dahil narito tayo sa mundong puno ng kasalanan. Karaniwan na ito sa lahat ng tao. Ang mga oposisyong iyon ay maraming anyo. Maaaring kabilang dito ang puwersa ng kalikasan. Maaaring kasama rito ang sakit at karamdaman. (Nagkakatrangkaso pa rin ako kahit nabakunahan na ako laban dito!) Maaaring mga tukso ang dumating sa atin. Para sa ilan ito ay hindi inaasahang pangyayari. (Gusto ko sanang tumaas nang 6 na talampakan 5 pulgada, pero natuwa na ako sa taas na 5 talampakan 9 na pulgada na ipinagkaloob sa akin---at kapag binababaan ang pulpito kapag nagbibigay ako ng mensahe.) Maaaring kalungkutan ang dumating sa atin o mga kapansanan sa katawan o pag-iisip---ang listahan ng oposisyon ay tila walang katapusan, at gayon din ang mga pagpapala ng personal na pag-unlad at pagsulong kung mananampalataya sa epekto nito sa hinaharap at pagtitiisan itong mabuti. Lubos akong napanatag sa mga salita ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail sa panahong halos hindi na makayanan ni Joseph ang kanyang mga pasanin: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Kung minsan ang oposisyon at paghihirap ay dumarating dahil sa mali nating pagpili. Ang mahinang kalusugan o pinsala na maaaring bunga ng kawalang-ingat, ang pighati at kalungkutan na dulot ng paglabag sa mga batas ng Diyos, ang panghihinayang na nadarama natin kalaunan sa mga nasayang nating oras o mga talento---lahat ay nangyari dahil sa sarili nating kagagawan. Lahat tayo ay dapat magpasalamat sa ating Tagapagligtas na ang Pagbabayad-sala ay nagbigay ng daan sa atin para maisaayos ang lahat ng nasira.

Napansin ko na kapag nahaharap tayo sa mga paghihirap madalas nating itanong ang “bakit”---Bakit ako? Bakit ngayon pa? Bakit ito?---na ang dapat sanang magandang itanong ay “ano”. Minsan ay nagpadala ako ng liham upang panatagin ang mag-asawa na namimighati dahil ang lalaki ay mamamatay sa wala nang lunas na sakit. Nakapagpapakumbaba ang kanilang tugon: inisa-isa nila ang mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Diyos sa maraming taon ng kanilang pagsasama at taimtim na inisip kung “ano” ang nais ituro sa kanila ng Diyos sa huling sandaling ito.

May mga puno sa Sagradong Kakahuyan na tinatawag ni Brother Parrott na “mga punong may karakter.” Ipinapakita ng mga punong ito na ang oposisyon ay para sa ating ikabubuti at na sa ating matinding paghihirap ay kadalasang nakikinabang tayo nang husto. Ang mga punong ito ay umaagapay at umaayon at kung minsan ay nagtatagumpay sa iba’t ibang uri ng oposisyon o paghihirap---pagkidlat, malakas na ihip ng hangin, matinding pag-ulan ng niyebe o pagyelo, paglabag at pang-aabuso ng walang-pakundangang mga tao, at kung minsan ang pagsakop sa lugar ng kalapit na puno! Dahil sa matitinding pangyayaring ito lumaki ang ilan sa pinakamatitibay at kahanga-hangang puno sa kakahuyan. Kulang man ang mga ito sa ganda, nakikita naman ang tibay at tatag ng mga ito.

Sa sarili kong karanasan, mapatototohanan ko na ang oposisyon, at paghihirap ay nagbubunga ng tatag ng pagkatao at pag-unlad. Ilan sa pinakamahirap at pinakamatinding karanasan ko sa aking buhay---damdamin ng kakulangan at pagiging asiwa noong kabataan ko, ang pagmimisyon ko sa Germany at pag-aaral ng wikang Aleman, pagtapos ng law degree at pagpasa sa bar examination, ang pagsisikap kong maging mabuting asawa at ama at makapaglaan para sa espirituwal at temporal na pangangailangan ng aming walong anak, pagpanaw ng aking mga magulang at iba pang mahal sa buhay, maging ang paglilingkod ko bilang General Authority (pati na rin ang paghahanda at pagbibigay ng mensaheng ito sa inyo ngayong gabi)---lahat ng ito at marami pa, bagama’t puno ng hamon at hirap, ay nagbigay sa akin ng karanasan at para sa aking ikabubuti!

Alam ko na hindi kayo madaling kumbinsihin na makabubuti sa inyo ang kaunting pasakit, ngunit talagang makabubuti ito sa inyo. Kung gusto nating matanggap ang “lahat ng mayroon ang Ama” (D at T 84:38), hindi ito mangyayari kung hindi natin ibibigay ang lahat para dito. Hangad ng ating Ama sa Langit na maging marangal ang Kanyang mga anak, at tulad ng itinuro ni Lehi, ang kabanalan ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng paghihirap at pagsubok. Ang mga tao, tulad ng mga puno, ay kailangang may oposisyon upang maisakatuparan ang layunin ng pagkalikha nito.

Aral bilang 3: Ang mga puno ay mas yumayabong sa mga kagubatan, kapag hindi ito nag-iisa.

Kung iisipin ninyo, sa likas na katangian nito hindi karaniwan na makitang mag-isang nakatayo ang puno. Halos palaging magkakasama ang mga ito sa mga kakahuyan, at sa pagdaan ng panahon, ang mga kakahuyan ay nagiging mga kagubatan. Gayunpaman, ang Sagradong Kakahuyan ay higit pa sa isang grupo lamang ng mga puno. Ito ay isang kumplikadong ecosystem na kinapapalooban ng napakaraming uri ng halaman at hayop. May nakikitang pagkakaugnay-ugnay sa lahat ng iba’t ibang uri ng mga ligaw na bulaklak, palumpong, puno, fungus, lumot, ibon, daga, kuneho, usa at iba pang mga nilikha na naroon. Ang mga uri ng halaman at hayop na ito ay nagkakaugnay-ugnay at umaasa sa isa’t isa para sa pagkain, tirahan, at synergistic na kapaligiran kung saan mararanasan ng mga ito ang ikot ng buhay.

Ang plano ng Diyos para sa ating buhay ay magkakaugnay at kailangan din natin ang isa’t isa. Kailangang isagawa natin nang magkakasama ang ating kaligtasan, hindi nang mag-isa. Ang Simbahan ay nagtatayo ng mga meetinghouse, hindi ng mga gusaling hiwalay sa tao. Tayo ay inutusang dumalo sa ward o stake kung saan tayo kabilang---hindi ang pumili ng dadaluhang kongregasyon, tulad sa ilang relihiyon. Ang mahusay na patakarang ito ay nag-uutos sa atin na matutong makisalamuha sa isa’t isa at panagutan sa ating bishop o branch president ang ating pag-uugali; hindi ang tumakbo at magtago kapag mahirap na ang sitwasyon! Iniutos sa atin na mahalin ang ating kapwa (kabilang dito ang mga miyembro ng ating pamilya), at ang matutuhang mahalin ang pinakamalapit sa atin ay kadalasang mas mahirap kaysa mahalin ang “buong mundo” na malayo sa atin. Mula sa pagsisimula ng Panunumbalik, ang utos sa mga Banal ay “pumaroon sa Sion” at magsama-sama sa mga komunidad kung saan matututuhan nating mamuhay nang nagkakaisa at sinusuportahan ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan sa binyag na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9). Bilang mga anak ng Diyos, hindi tayo uunlad nang nag-iisa gaya ng puno na lumaking mag-isa. Kailangan ng malulusog na puno ang ecosystem; kailangan ng malalakas na tao ang isa’t isa.

Salamat na lamang at naroon ang naisin nating mapabilang sa isang lipunan, magkaroon ng makakasama, ng matatapat na kaibigan. Bilang mga miyembro ng walang-hanggang pamilya ng Diyos, gusto nating madama ang kasiyahan at seguridad na ibinibigay ng malalapit at walang-hanggang ugnayan. Malalaman ninyo na ang pagkakaroon ng gayong ugnayan ay nangangailangan ng panahon, pagsisikap, at saganang pag-ibig sa kapwa. Tulad ng sinabi ni Mormon, “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay … hindi naghahangad para sa kanyang sarili” (Moroni 7:45)---hindi ang sarili niyang agenda, interes, at kasiyahan. Bagama’t ang Internet at mga social networking site ay talagang nagbibigay ng isang uri ng pakikipag-ugnayan, ang mga ito ay hindi dapat humalili sa tapat, hayagan, at harapang pag-uusap na dapat mangyari para magkaroon ng tunay at nagtatagal na ugnayan.

Walang alinlangang ang pangunahin at pinakamahusay na laboratoryo para matutong makisalamuha sa iba ay ang tahanan. Sa tahanan natin natututuhang maglingkod, magparaya, magpatawad, at magtiyaga na mahalaga sa pagkakaroon ng tumatagal na ugnayan sa iba. Sa palagay ko sa dahilang ito kaya kasama sa pagiging “karapat-dapat sa templo” ang utos na mamuhay tayo sa pagmamahalan at pagkakaisa sa ating pamilya.

Nakatutuwa na ang mga organisasyon ng Simbahan na binigyang-inspirasyon ay nagbibigay rin ng oportunidad at kapaligiran kung saan matututo tayong makisalamuha. Mula sa ating pagkabata hanggang sa ating pagtanda kabilang tayo sa isang ward o branch at tumitibay ang ating ugnayan at pagkakaibigan sa isa’t isa. Sa mga tungkulin, miting, klase, korum, council, aktibidad ng Simbahan at iba’t iba pang pagkakataon para makihalubilo, nagkakaroon tayo ng mga katangian at kasanayan na tutulong sa atin na mapaghandaan ang lipunang naroon sa langit. Sa pagsasalita tungkol sa mas mataas na lipunang ito, sinabi ng Panginoon, sa pamamagitan ni Joseph Smith: “At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (D at T 130:2).

Kung umaasam tayo na matamasa ang lipunan na naroon sa langit at ang kakabit nitong kaluwalhatian sa darating na daigdig, kailangang patuloy tayong makisalamuha nang mabuti at umunlad sa espirituwal habang narito sa lupa. Ang mga tao, tulad ng mga puno, ay mas umuunlad sa mga komunidad, hindi nang nag-iisa.

Aral bilang 4: Ang mga puno ay kumukuha ng lakas mula sa sustansyang likha ng mga naunang henerasyon ng mga puno.

May panahong nagpasiya ang nangangalaga sa Sagradong Kakahuyan na pagandahin ito. Iniskedyul ang mga proyektong pang-serbisyo ng mga kabataan at misyonero para alisin sa kakahuyan ang mga nagbagsakang puno at sanga, palumpong, at maging ang mga tangkay at tuyong dahon. Sa paggawa nito, hindi nagtagal unti-unting nawalan ng sigla ang kakahuyan. Bumagal ang paglaki ng mga puno, nangaunti ang nag-uusbungang bagong puno, nagsimulang maglaho ang ilang uri ng mga ligaw na bulaklak at halaman, at naging kaunti ang mga hayop at ibon.

Nang si Brother Parrott na ang nangasiwa sa kakahuyan ilang taon na ang nakaraan, iminungkahi niya na hayaan ang kakahuyan sa likas nitong kalagayan hangga’t maaari. Ang mga nagbagsakang puno at sanga ay hinayaang mabulok at naging pataba sa lupa. Hinayaan lang ang mga dahon sa kinalaglagan nito. Ang mga bisita ay hinilingang manatili sa daan sa loob upang hindi gaanong mabulabog ang kakahuyan at hindi gaanong masiksik ang lupa. Sa loob lamang ng ilang taon, nagsimulang yumabong ang kakahuyan at pinanibago ang sarili sa kahanga-hangang paraan. Ngayon yumabong itong halos tulad ng dati, may malalagong halaman at maraming hayop at ibon.

Ang aral na matututuhan sa karanasang ito sa pangangalaga ng kagubatan ay mahalaga sa aking puso. Pitong taon na akong naglilingkod bilang historian at recorder ng Simbahan. Ito ang katungkulang nilikha ni Propetang Joseph Smith bilang tugon sa utos ng Panginoon noong araw na maorganisa ang Simbahan: “Masdan, may talaang iingatan sa inyo” (D at T 21:1). Magmula sa araw na iyon—simula sa paghirang kay Oliver Cowdery bilang unang mananalaysay at recorder sa Simbahan—hanggang ngayon—isang kamangha-manghang talaan ng kasaysayan ng ating Simbahan ang naingatan. Hinalinhan ni John Whitmer si Oliver Cowdery at iniutos ng Panginoon na gumawa siya ng kasaysayan “ng lahat ng mahalagang bagay … na para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa bumabangong salinlahi sa lupain ng Sion” (D at T 69:3, 8).

Bakit mahalaga ang pag-iingat ng talaan at pangongolekta, pangangalaga, at pagbabahagi ng kasaysayan sa Simbahan ni Jesucristo? Bakit mahalaga sa inyo, bilang bahagi ng “bumabangong salinlahi,” na maalala at makahugot ng lakas sa mga naunang henerasyon?

Bilang tugon, iminumungkahi ko na imposible ang mamuhay nang ganap sa kasalukuyan---lalo na ang planuhin ang ating hinaharap---nang walang pundasyon ng nakalipas. Ang katotohanang ito ay namalagi sa isipan ko ilang buwan na ang nakalipas nang makausap ko ang butihing mag-asawa na nakaranas ng kakaibang pagsubok at pinahintulutan akong ibahagi ito. Makaraan ang ilang taong pagsasama ng mag-asawa at pagsilang ng ilang anak, malubhang naaksidente ang babae. Nanatili siya sa ospital nang ilang linggo nang walang malay. Nang magising siya, wala na siyang maalala. Hindi niya alam kung saan siya nagmula. Dahil hindi maalala ang nakaraan, wala siyang mapagbatayan. Hindi niya kilala ang kanyang asawa, mga anak, o kanyang mga magulang! Nang ikuwento ito ng lalaki sa akin, inamin niya na sa unang mga buwan matapos ang aksidente, nag-alala siya na baka gumala ang kanyang asawa kung hindi ito babantayan. Natakot din siyang hindi na siya ibiging muli ng kanyang asawa. Noong nanliligaw siya, siya ay matipuno, mahilig sa isport at may makapal na buhok. Ngayon, sa katanghalian ng kanyang buhay, siya ay mas tumaba at kaunti na ang buhok!

Mabuti na lang at kahit paano ay may naitagong talaan. May naitagong mga liham ang lalaki na isinulat ng kanyang asawa bago siya magmisyon at noong nasa misyon siya. Ang mga ito ay katibayan na tunay na nag-ibigan ang dalawa. May naisulat din siya sa journal na naglalaman ng mga tala na nakatulong. Unti-unti, sa paglipas ng ilang taon, bumalik ang alaala ng babae dahil sa pagkukuwento sa kanya ng mga mahal niya sa buhay.

Ang kakaiba at puno ng pagmamahal na sitwasyong ito ay naglalarawan ng kahalagahan ng kaugnayan ng nakaraan sa kasalukuyan at sa hinaharap. Tinutulungan tayo nito na mas lubos na mapahalagahan ang kahulugan ng Panginoon sa katotohanan na ipinahayag kay Joseph Smith: “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (D at T 93:24). Ang kaalaman natin sa ating nakaraan dahil sa mga talaang naingatan at sa ating hinaharap dahil sa mga banal na kasulatan at itinuturo ng mga buhay na propeta ay nagbibigay sa atin ng pag-unawa na nagtutulot sa atin na gamitin ang ating kalayaan sa ating kasalukuyang sitwasyon. Bunga nito, ang kaalamang ito ay nagbibigay sa atin ng mas maka-Diyos na pananaw dahil mas nalalapit tayo sa Kanyang kakayahan na makita ang “lahat ng bagay … ng [Kanyang] mga mata” (D at T 38:2).

Bilang mga miyembro ng Simbahan mula sa maraming bansa, lahat tayo ay may iisang kasaysayan ng Simbahan. Mahalaga para sa ating lahat na maging pamilyar sa kasaysayan ng ating Simbahan, lalo na ang “mga kuwento ng pagsisimula” nito. Ang mga kuwentong ito—ang Unang Pangitain ni Joseph Smith, ang paglabas ng Aklat ni Mormon, ang maluwalhating pagbisita nina Juan Bautista, Pedro, Santiago, at Juan, Elijah, Elias, at iba pa—ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan kung saan nakabatay ang Panunumbalik ng ebanghelyo.

Nakalulungkot na sa panahong ito ng teknolohiya kung saan laganap ang impormasyon---ang ilan sa mga ito ay pumupuna sa mga pangyayari at mga tao sa kasaysayan ng Simbahan---may mga Banal sa mga Huling Araw ang natitinag sa kanilang pananampalataya at nagsisimulang mag-alinlangan sa mga pinaniniwalaan. Sa mga nag-aalinlangan ipinaaabot ko ang aking pagmamahal at pag-unawa at katiyakan na kung susundin nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mapanalanging ipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan---sapat na pag-aaral para magtamo ng mas malawak na kaalaman sa halip na kakaunti o hindi kumpleto---pagtitibayin ng Espiritu Santo ang kanilang pananampalataya sa mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapayapaan sa kanilang isipan. Sa paraang ito mapatitibay ang kanilang paniniwala hinggil sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan at “huwag nang … [madala pa] sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral” (Mga Taga Efeso 4:14). Isinalig ko ang patutunguhan ng buhay ko sa kapayapaang nadama ko lamang hinggil sa Unang Pangitain ni Joseph Smith at sa iba pang mahahalagang kaganapan sa ipinanumbalik na ebanghelyo, tulad ng marami sa inyo, at alam ko na hindi tayo mabibigo kailanman.

Ang kasaysayan sa pinakasimpleng kahulugan nito ay talaan ng mga tao at ng kanilang buhay at mula sa mga buhay na iyon nagmumula ang mga kuwento at aral na makapagpapatibay ng ating pinaniniwalaan, pinaninindigan, at ng dapat gawin sa harap ng paghihirap. Hindi lahat ng kuwento na bumubuo sa ating kasaysayan ay tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith o misyon ni Wilford Woodruff sa England. Sa katunayan, ang ilang tunay na kamangha-manghang kuwento ay nagmula sa buhay ng pangkaraniwang mga Banal sa mga Huling Araw. At napakahalaga ng mga ito at nakatutulong sa atin kapag kasama sa mga kuwento ang ating sariling mga ninuno.

Halimbawa, noong 1920s ang aking lolo at lola Jensen—sa kabila ng pagtatrabaho nang mahabang oras—ay napilitang ibalik sa nagbenta ang bukirin na binili nila at tinirhan nila sa estado ng Idaho. Gusto nilang bumalik kasama ang kanilang maliliit na anak sa kanilang bayan sa Utah ngunit hindi makaalis sa Idaho hangga’t hindi nila nababayaran ang utang na $350. Tila maliit na halaga ito ngayon, pero malaki na ito noon. Sinubukan ni Lolo na manghiram ng pera sa mga tao, ngunit nabigo siya. Hindi maaaring umutang sa bangko dahil sa kanilang hirap na kalagayan. Siya at si Lola ay nagdasal araw-araw na tulungan sila. Isang Linggo ng umaga sa priesthood meeting, isang lalaki na hindi gaanong kakilala ni Lolo ang lumapit sa kanya at nagsabing nalaman niya ang problema nito at pauutangin si Lolo ng $350 sa kasunduang kapag nakabalik na si Lolo sa Utah, babayaran niya ang lalaki sa lalong madaling panahon. Ang kanilang kasunduan ay natapos sa kanilang pagkakamay, at tinupad ni Lolo ang kanyang pangako.

Ang simpleng kasaysayang ito na isinulat ng aking lola Jensen ay kayamanan ng pamilya. Nagbigay ng inspirasyon sa akin ang inilarawang kasipagan, katapatan, pagdaig sa kahirapan, pagkakaisa ng pamilya, at ang pinakamahalaga, nakita rito ang pagtulong ng Diyos sa buhay ng aking matatapat na lolo’t lola. Napalakas at napatibay ako ng kanilang mga halimbawa at ng halimbawa ng iba, ng halimbawa ng mga taong kilala at pangkaraniwan, ng mga naunang henerasyon.

Maaari kayong makakita ng gayunding mga kuwento sa sarili ninyong bayan at sa sarili ninyong pamilya. Kapag mayroon nito, hinihikayat ko kayo na kolektahin ang mga kuwentong ito, ingatan at ibahagi ang mga ito. Ingatan upang maipasa ito sa bawat henerasyon. Ang aking mga anak (at halos ngayon ay mga apo ko) ay gustung-gustong nagkukuwento ako tungkol sa “aking kabataan”! Narinig ko nang sinabi na ang tao ang gumagawa ng kanilang kasaysayan, at naniniwala ako na totoo rin ito sa mga pamilya. Ang magagandang kuwento---kung totoo---ay makabubuo ng magandang kasaysayan. Alalahanin, ang mga tao, tulad ng mga puno, ay kumukuha ng lakas mula sa pundasyong nilikha ng mga naunang henerasyon.

Katapusan

Ngayon sa pagtatapos ko, gusto kong magbalik tayo sa Sagradong Kakahuyan at tumayong kasama ko malapit sa tinatawag na “saksing mga puno.” Ito ang mga punong naglakihan sa kakahuyan 192 taon na ang nakalipas sa panahon ng Unang Pangitain ni Joseph Smith. Tatlo pa sa mga ito ang nabubuhay sa kakahuyan at tatlong patay na saksing mga puno ang nananatiling nakatayo dahil sa mahusay na pangangalaga ni Brother Parrott.

Nang magmisyon kami malapit sa Palmyra, nakagawian ko nang magpunta sa Sagradong Kakahuyan nang mag-isa at tumayo nang buong pitagan sa tabi ng paborito kong saksing puno. Iniisip ko noon na kung nakapagsasalita lang ang puno ay sasabihin nito sa akin ang nasaksihan nito noong araw ng tagsibol ng 1820. Pero hindi na kailangan pang sabihin ito sa akin ng puno---alam ko na ito. Dahil sa mga espirituwal kong karanasan at nadama simula sa pagkabata at hanggang sa oras na ito, nalaman ko, hindi dahil sa iba pa mang tao, na ang Diyos, ating Ama, ay buhay. Alam ko rin na ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Alam ko na ang dalawang niluwalhating Katauhang ito ay nagpakita kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan noong tagsibol ng 1820. Ibinangon nila si Joseph bilang propeta upang pasimulan ang huling dispensasyong ito ng ebanghelyo. Kumilos ayon sa Kanilang tagubilin, isinalin ni Joseph ang Aklat ni Mormon, tinanggap ang mga susi at awtoridad ng priesthood, at inorganisang muli ang Simbahan ni Cristo sa mga huling araw na ito. Malaking pagpapala sa atin ang mabuhay sa panahong ito at maging mga miyembro ng Simbahan ni Cristo.

Ang maluwalhating mga katotohanang ito na pinatototohanan ko ay nagsimula sa Sagradong Kakahuyan. Tulad ng nakikinita ninyong nakatayo kayo kasama ko sa Sagradong Kakahuyan ngayong gabi, kung gayon tumayo palagi sa sagradong lugar na iyon sa inyong isipan at puso at mamuhay nang tapat sa mga katotohanan na sinimulang ihayag doon ng Diyos.

Alalahanin din ang mga aral sa buhay na itinuro sa Sagradong Kakahuyan:

  1. Kapag hinangad ng puwersa ng kadiliman na wasakin kayo---tulad ng ginawa nila noon sa nagdarasal na batang si Joseph Smith, tumayo sa Sagradong Kakahuyan at alalahanin ang haligi ng liwanag, na “higit pa sa liwanag ng araw” (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17).

  2. Kapag ang oposisyon at paghihirap ay naging balakid sa inyong daraanan at naglalaho ang pag-asa, tumayo sa Sagradong Kakahuyan at alalahanin na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

  3. Kung malungkot kayo at nag-iisa, at sinisikap ninyong magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa inyong kapwa, tumayo sa Sagradong Kakahuyan kasama ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakipagtipan na tutulungan kayong pasanin ang inyong pasanin at aaliwin kayo sa inyong kapighatian.

  4. At kapag ang mga karanasan o mga tao o nakalilitong opinyon ay sinusubok ang inyong pananampalataya at lumilikha ng pag-aalinlangan sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, tumayo sa Sagradong Kakahuyan at humugot ng lakas at tapang mula sa mga henerasyon ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na naunang tumayo roon nang buong katatagan.

Ito ang dalangin ko para sa inyo, mga kaibigan ko, at isinasamo ko ito nang may pagmamahal at sa pangalan ni Jesucristo, amen.

© 2012 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 5/12. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 5/12. Pagsasalin ng Stand in the Sacred Grove.Tagalog. PD50039048 893

Mga Tala

  1. Mga Himno, blg. 20.

  2. Tingnan sa Bible Dictionary, “Atonement”; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bayad-sala, Pagbabayad-sala,” scriptures.lds.org.