Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28: ‘Isang Ministro at Saksi’


“Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28: ‘Isang Ministro at Saksi’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 29–Agosto 4. Mga Gawa 22–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
si Pablo sa bilangguan

Hulyo 29–Agosto 4

Mga Gawa 22–28

“Isang Ministro at Saksi”

Ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo ay madalas na tahimik at kung minsan ay panandalian. Ang pagtatala ng mga impresyon na natatanggap mo ay nagpapahintulot na pag-isipan mo ang mga ito nang mas malalim. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 22–28, isulat ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa iyo at mag-ukol ng panahon na pagnilayan ang mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon,” si Pangulong Thomas S. Monson ay nangakong, “may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon” (“Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 62). Tayo ay hindi binigyang-karapatan, gayunman, sa isang patag na kalsada at sa tuluy-tuloy na daloy ng mga tagumpay. Para sa katibayan nito, kailangan lang nating tumingin kay Pablo na Apostol. Ang tungkulin niya mula sa Tagapagligtas ay “upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel” (Mga Gawa 9:15). Sa mga kabanata 22–28 ng Mga Gawa, nakikita natin si Pablo na tinutupad ang utos na ito at nahaharap sa matinding oposisyon—mga tanikala, pagkabilanggo, pisikal na pang-aabuso, pagkasira ng barko, at pag-atake ng ahas. Subalit nakikita rin natin na si Jesus ay “lumapit sa kaniya, at sinabi, Laksan mo ang iyong loob, [Pablo]” (Mga Gawa 23:11). Ang mga karanasan ni Pablo ay nagbibigay-inspirasyong paalala na kapag tinatanggap ng mga lingkod ng Panginoon ang Kanyang tawag na “magsiyaon … at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa,” tutuparin Niya ang Kanyang pangako sa kanila: “Narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Gawa 22:1–21; 26:1–29.

Ibinabahagi ng mga disipulo ni Jesucristo ang kanilang mga patotoo nang buong tapang.

Nang ipahayag ni Pablo ang malalakas na patotoo na nakatala sa Mga Gawa 22 at 26, siya ay ibinilanggo ng mga sundalong Romano. Ang kausap niyang mga tao ay may kakayahang hatulan siya sa kamatayan. Subalit pinili niya na buong tapang na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa “pangitain ng kalangitan” (Mga Gawa 26:19) na kanyang natanggap. Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa kanyang mga salita? Isipin ang mga pagkakataon mong ibahagi ang iyong patotoo. Halimbawa, kailan ang huling pagkakataon na sinabi mo sa iyong pamilya o sa iba ang tungkol sa kung paano mo natamo ang iyong patotoo sa ebanghelyo?

Mga Gawa 22:1–21; 26:9–20.

Bakit may mga pagkakaiba ang tatlong salaysay ukol sa pangitain ni Pablo tungkol kay Jesucristo?

Ang aklat ng Mga Gawa ay naglalaman ng tatlong salaysay tungkol sa mahimalang pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco (tingnan sa Mga Gawa 9:3–20; 22:1–21; 26:9–20). Bawat isa sa mga salaysay na ito ay bahagyang naiiba mula sa iba pa, at ang ilan ay nagbibigay ng mas maraming detalye kaysa sa iba. Dahil ang mga salaysay ay ikinuwento sa iba’t ibang tagapakinig para sa iba’t ibang layunin, makatwiran na pinili ni Pablo na bigyang-diin ang iba’t ibang bahagi ng karanasan para sa bawat tagapakinig.

Sa katulad na paraan, nagtala si Joseph Smith ng ilang salaysay tungkol sa kanyang Unang Pangitain. Ang iba’t ibang salaysay ay ibinigay sa iba’t ibang tagapakinig para sa iba’t ibang layunin at nagbibigay ng mga ideya na hindi makukuha kung iisa lamang ang salaysay.

Mga Gawa 23:10–11; 27:13–25, 40–44

Sinusuportahan ng Panginoon ang mga taong nagsisikap na maglingkod sa Kanya.

Tulad ng malinaw na ipinapakita ng ministeryo ni Pablo, ang mga paghihirap sa ating buhay ay hindi tanda na hindi ayon ang Diyos sa ginagawa natin. Sa katunayan, kung minsan ay sa panahon ng paghihirap natin pinakamalakas na nadarama ang Kanyang suporta. Maaaring nakatutuwang rebyuhin ang nabasa mo kamakailan tungkol sa ministeryo ni Pablo at ilista ang ilan sa mga bagay na dinanas niya (tingnan, halimbawa, sa Mga Gawa 14:19–20; 16:19–27; 21:31–34; 23:10–11; 27:13–25, 40–44). Paano pumanig sa kanya ang Panginoon, at ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa sarili mong pagsisikap na maglingkod sa Panginoon?

Mga Gawa 24:24–27; 26:1–3, 24–2927

Maaari kong piliing tanggapin o tanggihan ang salita ng mga lingkod ng Diyos.

Sa kanyang buong ministeryo, nagbahagi si Pablo ng malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Maraming taong naniwala sa kanyang patotoo, ngunit hindi lahat. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 24:24–27 at Mga Gawa 26:1–3, 24–29, isulat ang mga salita at parirala na nagpapakita sa naging reaksyon sa mga turo ni Pablo ng mga sumusunod na mga pinunong Romano sa Judea:

Felix

Festo

Haring Agripa

Habang naglalayag papunta sa Roma para litisin ni Cesar, nagpropesiya si Pablo na “makapipinsala at magiging malaking kapahamakan” ang mararanasan ng barko at ng mga pasahero nito (Mga Gawa 27:10). Basahin ang kabanata 27 upang malaman ang naging reaksyon ng mga kasamang tripulante ni Pablo sa kanyang mga babala. May nakikita ka bang anumang mga aral para sa iyo sa kanilang karanasan?

Nagkaroon ka na ba ng reaksyon na tulad ng sinuman sa mga taong ito nang marinig mo ang mga turo ng mga lider ng Simbahan? Ano ang ilang posibleng kahinatnan ng pagkakaroon ng ganitong reaksyon? Ano ang natutuhan mo mula sa mga talang ito tungkol sa pagsunod sa payo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod?

Tingnan din sa 2 Nephi 33:1–2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25; D. Todd Christofferson, “Ang Tinig ng Babala,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 108–11.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Gawa 24:16

Bago ang kanyang pagbabalik-loob, si Pablo ay may mahabang kasaysayan ng mga pagkakasala sa Diyos. Subalit dahil sa siya ay handang magsisi, nakaya niyang sabihing, “Ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa Diyos, at sa lahat ng tao” (tingnan sa DT 135:4). Paano tayo magkakaroon ng konsensya na hindi nagkakasala sa Diyos at sa iba?

Mga Gawa 26:16–18

Sa mga talatang ito, ano ang ipinagagawa ng Panginoon kay Pablo? Ano ang mga pagkakataon na mayroon tayo para magawa ang parehong mga bagay?

Mga Gawa 28:1–9

May kapamilya ba kayong mahilig sa mga ahas? Maaari mong hilingin sa taong iyon o sa isa pang miyembro ng pamilya na isalaysay ang mga kuwento na nasa Mga Gawa 28:1–9. Maaaring masiyahan ang mga bata sa pagdodrowing ng isang larawan ng mga kuwento o pagsasadula sa mga ito. Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito? Maaaring isa rito ang tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang mga lingkod. Halimbawa, maaaring ihambing mo ang mga pangakong ginawa sa Marcos 16:18 sa katuparan ng mga ito sa mga karanasan ni Pablo. Maaari ka ring makakita ng pangako sa mensahe kamakailan sa pangkalahatang kumperensya na ginawa ng isa sa mga lingkod ng Panginoon—marahil ang isang bagay na makabuluhan sa inyong pamilya—at idispley ito sa inyong tahanan. Paano natin maipapakita ang ating pananampalataya na ang pangakong ito ay matutupad?

Larawan
ahas

Pinrotektahan ng Diyos si Pablo nang kinagat siya ng isang makamandag na ahas.

Mga Gawa 28:22–24

Tulad ng Simbahan noong panahon ni Pablo (tinatawag na “sekta” sa talata 22), ang Simbahan ngayon ay kadalasang “may laban na mga salitaan” o pinagsasalitaan ng masama. Nang magsalita ang mga tao laban sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, paano tumugon si Pablo? Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Pablo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa mga alituntuning magpapala sa iyong pamilya. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, itanong sa iyong sarili, “Ano ang natagpuan ko rito na talagang magiging makabuluhan sa pamilya ko?” (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 17.)

Larawan
Si Pablo sa harapan ni Haring Agripa

Matatag sa Patotoo kay Jesucristo, ni Daniel A. Lewis. Si Pablo sa harapan ni Haring Agripa.