Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Kapayapaan at Katiwasayan sa Pamamagitan ng Temporal na Pag-asa sa Sarili


Kabanata 13

Kapayapaan at Katiwasayan sa Pamamagitan ng Temporal na Pag-asa sa Sarili

“Itinuturo natin ang pag-asa sa sarili bilang isang alituntunin ng buhay, na dapat tayong maglaan para sa ating sarili at asikasuhin ang sarili nating mga pangangailangan.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Noong bata pa siya, natuto si Gordon B. Hinckley ng mga alituntunin ng pag-asa sa sarili habang tumutulong siya sa kanyang mga magulang at kapatid. Ikinuwento niya kalaunan:

“Nanirahan kami sa inakala kong isang malaking bahay. … May malaking damuhan, maraming punong naglalaglag ng milyun-milyong dahon, at maraming gagawin palagi.

“… May isang kalan kami sa kusina at isang kalan sa komedor. Naglagay ng pugon [furnace] kalaunan, at napakaganda niyon. Pero magastos ito sa uling, at walang automatic stoker (makinang naglalagay ng uling). Kinailangang palahin ang uling sa pugon [furnace] at maingat na itabi gabi-gabi.

“Natuto ako ng magandang aral mula sa malaking pugon [furnace] na iyon: kung gusto mong mainitan, kailangan mong magpala ng uling.

“Naisip ng tatay ko na dapat matutong magtrabaho ang kanyang mga anak na lalaki, sa tag-init gayundin sa taglamig, kaya bumili siya ng isang limang-akreng sakahan [mga 20,000 metro kuwadrado], na kalaunan ay nadagdagan ng mahigit tatlumpung akre. Naninirahan kami roon sa tag-init at bumabalik sa lunsod kapag magsisimula na ang klase.

“Nagkaroon kami ng malaking halamanan, at kinailangang pungusan ang mga puno tuwing tagsibol. Dinala kami ni Itay sa mga pruning demonstration ng mga eksperto mula sa kolehiyo ng agrikultura. May nalaman kaming mahalagang katotohanan—na madali ninyong malalaman ang klase ng bungang pipitasin ninyo sa Setyembre sa paraan ng pagpupungos ninyo sa Pebrero.”1

Dahil bahagi ng kanyang sariling pundasyon ang mga katotohanang ito, madalas magturo si Pangulong Hinckley ng praktikal na mga aral sa pamumuhay ng ebanghelyo. Pinatotohanan niya ang mga pagpapalang dumarating sa pamamagitan ng kasipagan, at hinikayat niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na mamuhay ayon sa kanilang kinikita at ihanda ang kanilang sarili para sa mga kalamidad na maaaring dumating sa hinaharap.

Bukod pa sa pagtuturo ng mga alituntuning ito, tumulong si Pangulong Hinckley na maglaan ng mga paraan para masunod ito ng mga Banal. Halimbawa, noong Abril 2001 pinasimulan niya ang Perpetual Education Fund, na ayon sa kanya ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon.2 Sa pamamagitan ng programang ito, maaaring magbigay ng donasyon ang mga tao sa isang pondong maglalaan ng panandaliang pautang sa karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan, na karamiha’y mga returned missionary, para makapag-aral o makakuha ng vocational training na hahantong sa makabuluhang trabaho. Kapag binayaran ng mga tao ang mga pautang na iyon, isasama sa pondo ang pera para matulungan ang mga [makikibahagi] sa hinaharap. Natulungan na ng Perpetual Education Fund ang libu-libong tao na umasa sa sarili. Naglalaan ito, gaya ng sinabi minsan ni Pangulong Hinckley, ng isang “maningning na sinag ng pag-asa.”3

Larawan
babaeng gumagawa sa halamanan

“Walang makakapalit sa ilalim ng langit sa makabuluhang gawain. Sa ganitong paraan nagkakatotoo ang mga pangarap.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Kapag tapat tayong gumagawa at nagtatrabaho, pinagpapala ang ating buhay magpakailanman.

Naniniwala ako sa alituntunin ng paggawa. Walang makakapalit sa ilalim ng langit sa makabuluhang gawain o trabaho. Sa ganitong paraan nagkakatotoo ang mga pangarap. Sa ganitong paraan ang mga ideya ay nagiging matagumpay.4

Hindi masama ang maglaro at maglibang nang kaunti. Ngunit trabaho ang gumagawa ng kaibhan sa buhay ng isang lalaki o babae. Trabaho ang naglalaan ng pagkaing ating kinakain, ng damit na ating isinusuot, ng mga bahay na ating tinitirhan. Hindi natin maikakaila ang pangangailangang magtrabaho nang mahusay at matalino kung gusto nating umunlad at sumagana ang buhay ng bawat isa sa atin at ng lahat ng tao.5

Natuklasan ko na ang buhay ay hindi binubuo ng sunud-sunod na kabayanihan. Ang ikinagaganda ng buhay ay nasa palagiang kabutihan at kagandahang-asal, na ginagawa ang kailangang gawin kapag kailangan itong gawin. Naobserbahan ko na hindi matatalino ang gumagawa ng kaibhan sa mundong ito. Naobserbahan ko na ang gawain sa mundo ay ginagawa ng mga lalaki at babae na pangkaraniwan ang talento na gumagawa sa kakaibang paraan.6

Kailangang tumulong ang mga anak sa kanilang mga magulang—sa paghuhugas ng mga pinggan, paglampaso ng mga sahig, pagdadamo, pagpupungos ng mga puno at palumpong, pagpipinta at pag-aayos at paglilinis at paggawa ng isandaang iba pang mga bagay kung saan nila matututuhan na ang paggawa ay magbubunga ng kalinisan at pagsulong at pag-unlad.7

Larawan
lalaki at mga batang lalaki na may dala-dalang kahoy na panggatong

“Kailangang tulungan ng mga anak ang kanilang mga magulang. … Malalaman nila na ang paggawa ay magbubunga ng kalinisan at pagsulong at pag-unlad.”

Ang sikreto ng Simbahang ito ay paggawa. Lahat ay gumagawa. Hindi kayo uunlad kung hindi kayo gagawa. Ang pananampalataya, ang patotoo sa katotohanan, ay katulad ng kalamnan ng aking braso. Kung gagamitin mo ito, lalakas ito. Kung lalagyan mo ito ng sling o sakbat, manghihina at luluyloy ito. Kailangang gumawa at magtrabaho ang mga tao. Malaki ang inaasahan namin sa kanila, at ang kahanga-hanga at kamangha-mangha ay natatapos nila ang gawain. Nagkakaroon ng bunga ang mga ito.8

Walang mangyayari sa Simbahang ito kung hindi kayo gagawa. Para itong kartilya. Hindi ito gagalaw hangga’t hindi ninyo hinahawakan ang dalawang hawakan at itinutulak ito. Kasipagan ang nagsusulong sa gawain ng Panginoon, at kung natutuhan ninyong gumawa nang may lubos na katapatan pagpapalain nito ang inyong buhay magpakailanman. Taos-puso kong sinasabi iyan. Pagpapalain nito ang inyong buhay magpakailanman.9

2

Responsibilidad nating tulungan ang iba na iangat ang kanilang sarili at umasa sa sarili.

May isang lumang kasabihan na kung bibigyan mo ng isda ang isang tao, kakain siya sa loob ng isang araw. Ngunit kung tuturuan mo siyang mangisda, kakain siya habang siya ay nabubuhay. …

Nawa’y pagkalooban tayo ng Panginoon ng pananaw at pag-unawa na gawin ang mga bagay na tutulong sa ating mga miyembro hindi lamang sa espirituwal kundi maging sa temporal. May napakabigat tayong obligasyon. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith … na ang isang relihiyon na walang maitutulong sa isang tao sa buhay na ito ay malamang na wala ring gaanong magagawa para sa kanya sa buhay na darating (tingnan sa “The Truth about Mormonism,” Out West magazine, Set. 1905, 242).

Kung saan may laganap na kahirapan sa ating mga tao, gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan sila na iangat ang kanilang sarili, itatag ang kanilang sarili sa saligan ng [pag-asa sa sarili] na darating sa pamamagitan ng pagsasanay o training. Edukasyon ang susi sa oportunidad. …

Taimtim nating obligasyon … na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5). Kailangan natin silang tulungan na magsarili at maging matagumpay.

Naniniwala ako na hindi hinahangad ng Panginoon na makita ang Kanyang mga tao na naghihirap. Naniniwala ako na hahayaan Niyang tamasahin ng matatapat ang mabubuting bagay sa mundo. Tutulungan Niya tayo na magawa ang mga bagay na ito upang matulungan sila.10

Ang tao, habang tinuturuan natin, ay dapat gawin para sa kanyang sarili ang lahat ng makakaya niya. Kapag naubos na ang kanyang kabuhayan, dapat siyang humingi ng tulong sa kanyang pamilya. Kapag walang magagawa ang pamilya, tumutulong ang Simbahan. At kapag tumulong ang Simbahan, ang malaking hangarin natin ay asikasuhin muna ang agaran niyang mga pangangailangan at saka siya tulungan hangga’t kailangan niya ng tulong, ngunit habang ginagawa iyan ay tulungan siya na mabigyan ng training, maghanap ng trabaho, maghanap ng paraan para makatayong muli sa kanyang sariling mga paa. Iyan ang buong layunin ng malaking welfare program [ng Simbahan].11

Yaong tumanggap ng tulong mula sa programang ito ay naligtas sa “sumpa ng katamaran at mga kasamaan ng libreng tulong.” Ang kanilang dignidad at paggalang sa sarili ay napangalagaan. At pinatotohanan ng napakaraming kalalakihan at kababaihan na hindi tuwirang tumanggap ng tulong mula rito, ngunit nagtanim at nagproseso ng pagkain at lumahok sa marami pang kaugnay na gawain, ang kagalakang matatagpuan sa di-makasariling paglilingkod sa iba.

Walang sinumang nakasaksi sa malawak na implikasyon at malaking kinahinatnan ng programang ito ang may katwirang mag-alinlangan sa diwa ng paghahayag na naging dahilan nito at napalawak ang kakayahan nitong tumulong para sa kabutihan.12

Patuloy tayong tutulong sa gawaing ito. Laging may pangangailangan. Ang gutom at kakulangan at sakuna ay laging nasa paligid natin. At laging may mga pusong naaantig ng liwanag ng ebanghelyo na handang maglingkod at gumawa at magpasigla sa mga nangangailangan sa ibabaw ng lupa.

Sa gayunding pagsisikap itinatag natin ang Perpetual Education Fund. Ito’y naitatag dahil sa inyong bukas-palad na mga kontribusyon. … Pinautang ang mga karapat-dapat na kabataang lalaki at babae para makapag-aral. Kung hindi, sila ay di na makakaahon sa hirap na nakamulatan ng kanilang mga magulang at ninuno sa maraming henerasyon. …

Ginagabayan ng Espiritu ng Panginoon ang gawaing ito. Ang gawaing pangkapakanang ito ay sekular na gawain, na naipapahayag sa pagbibigay ng bigas at beans, kumot at tolda, damit at gamot, trabaho at edukasyon para sa mas magandang trabaho. Ngunit ang tinatawag na sekular na gawaing ito ay isa lamang paggawa na dulot ng espiritu—ang Espiritu ng Panginoon, na sinasabing, Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38).13

3

Hinikayat tayo ng mga propeta na ihanda ang ating sarili sa espirituwal at temporal para sa mga kapahamakang darating.

Itinuturo natin ang pag-asa sa sarili bilang isang alituntunin ng buhay, na dapat tayong maglaan para sa ating sarili at asikasuhin ang sarili nating mga pangangailangan. Kaya nga hinihikayat natin ang ating mga tao na magtabi, magplano nang maaga, magkaroon ng … pagkain, magbukas ng savings account, kung maaari, para sa oras ng kagipitan. Dumarating kung minsan ang mga sakuna sa mga tao kung kailan hindi inaasahan—kawalan ng trabaho, karamdaman, ganoong uri ng mga bagay.14

Ang lumang daigdig na ito ay dumaranas ng maraming kalamidad at sakuna. Alam ng mga nagbabasa at naniniwala sa mga banal na kasulatan ang mga babala ng propeta hinggil sa mga kapahamakang nangyari na at mangyayari pa. …

Napakahalaga ng mga salita ng paghahayag na matatagpuan sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan hinggil sa mga kalamidad na sasapit matapos magpatotoo ang mga elder. Sabi ng Panginoon:

“Sapagkat pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang patotoo ng mga paglindol, na magiging sanhi ng mga pagdaing sa gitna niya, at ang mga tao ay babagsak sa lupa at hindi makatatayo.

“At sasapit din ang patotoo ng tinig ng mga kulog, at ang tinig ng mga kidlat, at ang tinig ng mga unos, at ang tinig ng mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito.

“At lahat ng bagay ay magkakagulo; at tiyak, magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao; sapagkat ang takot ay mapapasalahat ng tao” (D at T 88:89–91). …

… Tulad ng mga kalamidad na nagdaan, asahan nating mas marami pang darating sa hinaharap. Ano ang gagawin natin?

May nagsabing hindi umuulan nang gawin ni Noe ang arka. Pero ginawa pa rin niya iyon, at bumuhos ang ulan.

Sabi ng Panginoon, “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot” (D at T 38:30).

Ang pinakamahalagang paghahanda ay inilahad din sa Doktrina at mga Tipan, na nagsasabing, “Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” (D at T 87:8). …

Mamuhay tayo nang matwid upang makahingi tayo sa Panginoon ng proteksyon at patnubay. Ito ang unang prayoridad. Hindi natin maaasahan ang Kanyang tulong kung hindi tayo handang sumunod sa Kanyang mga utos. Tayo sa Simbahang ito ay may sapat na katibayan ng mga parusa sa pagsuway sa mga halimbawa kapwa ng mga bansang Jaredita at Nephita. Bawat isa ay nagtamasa muna ng kaluwalhatian hanggang sa lubusang pagkalipol dahil sa kasamaan.

Mangyari pa, alam natin na bumabagsak ang ulan sa [mabubuti] at sa [masasama] (tingnan sa Mateo 5:45). Bagama’t namamatay ang mabubuti hindi sila nawawala, kundi naliligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Manunubos. Sabi ni Pablo sa mga taga-Roma, “Sapagka’t kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo’y nangamamatay” (Mga Taga Roma 14:8). …

Ang ating mga tao ay pinayuhan at hinikayat … na gumawa ng gayong paghahanda na titiyak sa kaligtasan sakali mang may kalamidad.

Makapagtatabi tayo ng tubig, pangunahing pagkain, gamot, mga pangginaw. Dapat may ipon din tayong pera sa panahon ng kagipitan.15

Malaki ang ating [welfare program] na may mga pasilidad para sa pag-iimbak ng mga butil sa iba’t ibang lugar. Mahalagang gawin natin ito. Ngunit ang pinakamainam na lugar para pag-imbakan ng pagkain ay ang ating tahanan, kasama na ang kaunting perang naimpok. [Ang] pinakamagaling na [welfare program ay] ang ating [sariling welfare program]. Ang lima o anim na lata ng trigo sa bahay ay mas mainam kaysa isang salop sa welfare granary. …

Makapagsisimula tayo sa simpleng paraan. Simulan natin sa isang linggong imbak ng pagkain at unti-unting dagdagan ito para sa isang buwan, at pagkatapos ay para sa tatlong buwan. Ang tinutukoy ko’y mga pangunahing pagkain. Gaya ng alam ninyo, di na bago ang payong ito. Ngunit natatakot ako na marami ang naniniwalang mahirap mag-imbak ng pagkaing pangmatagalan kaya di nila ito pinagsisikapan.

Magsimula kayo sa kaunti … at unti-unting dagdagan ito nang angkop sa kaya ninyo. Palagiang mag-impok ng kaunting pera, at magugulat kayo sa paglago nito.16

4

Nagtatamasa tayo ng kasarinlan at kalayaan kapag [umiiwas] tayo sa utang hangga’t maaari at nagtatabi ng pera para sa oras ng pangangailangan.

Paulit-ulit tayong [pinayuhan] hinggil sa pag-asa sa sariling kakayahan, hinggil sa utang, hinggil sa pagtitipid. Marami sa ating mga miyembro ang baon sa utang dahil sa mga bagay na hindi kailangan. … Hinihimok ko kayong mga miyembro ng Simbahang ito na iwasan ninyo ang utang hangga’t maaari at mag-impok para sa biglaang pangangailangan.17

“Dumating na ang panahon para isaayos ang ating mga tahanan. …

[Sinabi] ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., sa priesthood meeting ng kumperensya noong 1938: “Kapag nagkautang kayo, susundan kayo ng patubo bawat minuto ng araw at gabi; hindi kayo makakaiwas o makakahulagpos dito; hindi ninyo ito mababalewala; hindi ito maidadaan sa pagmamakaawa, paghingi, o pag-uutos; at tuwing haharang kayo sa daan nito o kakalabanin ninyo ito o hindi ninyo tutugunan ang mga hinihingi nito, dudurugin kayo nito” (sa Conference Report, Abr. 1938, 103).

Alam ko na maaaring kailangang manghiram para makabili ng bahay. Ngunit bumili tayo ng bahay na kaya nating bayaran nang sa gayo’y madaling bayaran ang mga bayaring palaging bumabagabag sa ating isipan nang walang awa o walang humpay. …

Mula nang magsimula ang Simbahan, nagsalita na ang Panginoon tungkol dito sa pangungutang. Sinabi Niya kay Martin Harris sa paghahayag: “Bayaran ang utang na iyong pinagkasundo sa manlilimbag. Palayain ang iyong sarili mula sa pagkakautang” (D at T 19:35).

Paulit-ulit na binanggit ni Pangulong Heber J. Grant ang bagay na ito. … Sabi niya: “Kung may isang bagay na maghahatid ng kapayapaan at katiwasayan sa puso ng tao, at sa pamilya, ito ay ang mamuhay ayon sa ating kinikita. At kung may isang bagay na nakapapagod at nakapanghihina ng loob at nakalulungkot, iyon ay ang magkaroon ng mga utang at obligasyon na hindi kayang bayaran ng isang tao” (Gospel Standards, comp. G. Homer Durham [1941], 111).

Inihahatid natin ang mensahe ng pag-asa sa sarili sa buong Simbahan. Ang pag-asa sa sarili ay hindi matatamo kapag may malaking utang na bumabagabag sa buong sambahayan. Ang isang tao ay walang kasarinlan o kalayaan mula sa pagkaalipin kapag may obligasyon siya sa iba.

Sa pamamahala sa mga gawain ng Simbahan, sinikap na naming magpakita ng halimbawa. Tayo, ayon sa patakaran, ay mahigpit na sumusunod sa pag-iimpok bawat taon ng isang porsiyento ng kita ng Simbahan para sa araw ng pangangailangan.

Nagpapasalamat ako na masasabi ko na ang Simbahan sa lahat ng pagpapalakad nito, sa lahat ng ginagawa nito, sa lahat ng departamento nito, ay nakakakilos nang hindi nanghihiram ng pera. Kung hindi natin makakaya, babawasan natin ang ating mga programa para makapag-impok. Babawasan natin ang paggastos para magkasya ang kita. Hindi tayo manghihiram. …

Napakasaya ng pakiramdam na maging malaya sa utang, na magkaroon ng kaunting perang itinabi sa araw ng emergency at maaaring makuha kapag kailangan. …

Hinihimok ko kayo … na tingnan ang kundisyon ng inyong pananalapi. Hinihimok ko kayo na maging matipid sa inyong paggastos; disiplinahin ang inyong sarili sa pamimili para makaiwas sa utang hangga’t maaari. Agad bayaran ang inyong utang hangga’t kaya ninyo, at palayain ang inyong sarili sa pagkaalipin.

Ito ay bahagi ng temporal na aspeto ng ebanghelyo na pinaniniwalaan natin. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon … na maisaayos ang inyong tahanan. Kung nakabayad na kayo sa inyong mga utang, kung may matitira sa inyo, kahit kaunti, pagdating ng mga unos, magkakaroon kayo ng kanlungan para sa inyong [pamilya] at kapayapaan sa inyong puso.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Hinckley na “walang makakapalit … sa makabuluhang gawain” (bahagi 1). Paano naging pagpapala ang paggawa o pagtatrabaho sa inyong buhay? Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kasipagan? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutong gumawa o magtrabaho?

  • Ano ang ating mga responsibilidad sa mga taong may temporal na mga pangangailangan? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano natin matutulungan ang iba na umasa sa sarili? Paano nakaimpluwensya sa buhay ninyo ang paglilingkod na naibigay at natanggap ninyo?

  • Pag-aralang muli ang mga paghahandang ipinayo ni Pangulong Hinckley na gawin natin para sa oras ng pangangailangan (tingnan sa bahagi 3). Kailan ninyo nakita ang kahalagahan ng paghahanda para sa oras ng pangangailangan? Ano ang ilang maliliit na bagay na unti-unti nating magagawa upang maihanda ang ating sarili?

  • Pag-aralang muli ang payo ni Pangulong Hinckley tungkol sa pag-utang at pagtitipid (tingnan sa bahagi 4). Bakit mahalagang maging disiplinado sa paraan ng paggugol natin ng pera? Paano nakakaapekto sa atin ang utang sa temporal at espirituwal? Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging matalino sa paggamit ng pera?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

I Mga Taga Tesalonica 4:11–12; D at T 1:11–13; 78:13–14; 104:13–18; Moises 5:1

Tulong sa Pagtuturo

“Maging maingat na huwag madaliing tapusin ang magagandang talakayan sa pagtatangkang mailahad ang lahat ng materyal na inyong inihanda. Bagaman mahalaga na tapusin ang materyal, mas mahalagang tulungan ang mga mag-aaral na madama ang impluwensya ng Espiritu, masagot ang kanilang mga katanungan, mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa ebanghelyo, at mapalalim ang kanilang pangakong sundin ang mga kautusan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, [2000], 79–80).

Mga Tala

  1. “Some Lessons Learned as a Boy,” Ensign, Mayo 1993, 52.

  2. Tingnan sa “Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon,” Liahona, Hulyo 2001, 52.

  3. “Pagtulong Upang Maiangat ang Kapwa,” Liahona, Enero. 2002, 54.

  4. “I Believe,” New Era, Set. 1996, 6.

  5. “I Believe,” 6.

  6. One Bright Shining Hope: Messages for Women from Gordon B. Hinckley (2006), 24.

  7. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 707.

  8. Discourses of President Gordon B. Hinckley, Volume 2: 2000–2004 (2005), 532.

  9. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 2000, 5.

  10. “Ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon,” 52–53.

  11. “This Thing Was Not Done in a Corner,” Ensign, Nob. 1996, 50.

  12. “President Harold B. Lee: An Appreciation,” Ensign, Nob. 1972, 8; tingnan din sa Heber J. Grant, sa Conference Report, Okt. 1936, 3.

  13. “Sapagka’t Ako’y Nagutom, at Ako’y Inyong Pinakain,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 61.

  14. “This Thing Was Not Done in a Corner,” 50.

  15. Gordon B. Hinckley, “Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 61–62.

  16. “Sa Kalalakihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 58.

  17. “Sa Panahon Natin Ngayon,” Liahona, Ene. 2002, 73.

  18. “To the Boys and to the Men,” Ensign, Nob. 1998, 53–54.