Kasaysayan ng Simbahan
32 Mga Kapatid


Kabanata 32

Mga Kapatid

Larawan
trak na puno ng mga sako ng patatas

Sa isang maginaw na Linggo ng gabi noong Agosto 1946, naglakbay si Ezra Taft Benson at dalawang kompanyon sakay ng isang dyip ng militar sa nakakakilabot na tahimik na mga kalye ng Zewgi, Poland. Nagpahirap sa mga manlalakbay sa buong maghapon ang baku-bakong kalsada at malalakas na buhos ng ulan, ngunit sa wakas ay naging maaliwalas na ang panahon habang papalapit na ang mga lalaki sa kanilang destinasyon.

Minsang naging bahagi ng Alemanya ang Zewgi at nakilala noon bilang Selbongen. Gayunman, ang mga pambansang hangganan ay nagbago matapos ang digmaan, at karamihan sa gitna at silangang Europa ay naging kontrolado ng Unyong Sobyet. Noong 1929, itinayo ng lumalagong Selbongen Branch ang unang meetinghouse ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Alemanya. Ngunit matapos ang anim na taon ng digmaan, halos hindi na makaraos ang mga Banal sa nayon.1

Si Elder Benson ay naglakbay mula sa Estados Unidos noong unang bahagi ng taong iyon upang pangasiwaan ang pamamahagi ng tulong ng Simbahan sa buong European Mission. Wala pang tatlong taon mula nang siya ay naging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ngunit nagkaroon siya ng malawak na karanasan sa pamumuno sa Simbahan at pamahalaan. Sa edad na apatnapu’t pitong taong gulang, siya ay bata pa at sapat ang lakas upang pangasiwaan ang mahirap na iskedyul ng paglalakbay sa ilang bansa sa Europa.2

Ngunit walang karanasan ang naghanda sa kanya para sa mga kahila-hilakbot na bagay na nakapalibot sa kanya. Mula nang magpunta sa Europa, nasaksihan niya ang mga labi ng digmaan mula London hanggang Frankfurt at mula Vienna hanggang Stockholm.3 Kasabay nito, nakita niya ang mga Banal sa Europa na nagkakaisa para tulungan ang isa’t isa at muling itayo ang Simbahan sa kanilang mga bansa. Sa pagbisita sa mission home sa Berlin, humanga siya sa mga napakaraming datos ng talaangkanan na muling nakuha ni Paul Langherich at ng iba pa, kahit nagtatrabaho sila upang maglaan ng pagkain, damit, panggatong, at tirahan para sa mahigit isang libong Banal na nasa kanilang pangangalaga.4

Nakita rin niya kung paano gumagawa ng kaibhan ang tulong mula sa Simbahan sa kabuuan ng kanlurang Europa. Sa ilalim ng pamumuno ni Belle Spafford, ang bagong tawag na pangkalahatang pangulo ng Relief Society, ang kababaihan sa mga ward at stake sa Estados Unidos, Canada, at Mexico ay nagsagawa ng malalaking pagsisikap na magtipon ng mga kasuotan, higaan, at sabon para sa mga Banal sa Europa.5 Isang Relief Society sa Hamilton, Ontario, ang nagbigay ng isang bulto ng mga pangginaw, amerikana, at damit ng mga bata, at panloob na hinabi mula sa mga retaso ng isang pabrika ng damit. Samantala, isang Relief Society sa Los Angeles, ang nag-ambag sa gawain sa pamamagitan ng paggawa ng mahigit isang libo at dalawandaang piraso ng kasuotan at nagboboluntaryo ng halos apat na libong oras para sa Red Cross.6

Ngunit sa mas maraming lugar sa Alemanya at sa mga bansa sa silangang Europa tulad ng Poland, kung saan tinutulan ng mga pamahalaang naimpluwensyahan ng Unyong Sobyet ang tulong mula sa bansa sa Kanluran, patuloy na nabuhay ang mga Banal nang walang mga pangunahing pangangailangan.7 Ang katotohanan na nasa Poland si Elder Benson ay pawang isang himala. Dahil walang mga linya sa telepono na gumagana, siya at ang kanyang mga kasamahan ay nahirapang makipag-ugnayan sa mga opisyal na makatutulong sa kanilang makakuha ng papeles para makapasok sa bansa. Matapos ang maraming panalangin at paulit-ulit na pakikipag-ugnayan sa pamahalaang Polish ay saka lamang nakakuha ang apostol ng kinakailangang visa.8

Habang papalapit na ang dyip sa lumang meetinghouse sa Zewgi, karamihan sa mga tao sa mga lansangan ay nagkalat at nagtago. Ipinarada ni Elder Benson at ng kanyang mga kasama ang sasakyan sa harapan ng gusali at umibis. Ipinakilala nila ang kanilang sarili sa isang babae na nasa malapit at itinanong kung natagpuan na nila ang chapel ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napuno ng luha ang mga mata ng babae. “Narito ang mga kapatid!” sigaw niya sa wikang Aleman.

Agad lumabas ang mga tao mula sa likod ng mga nakasarang pinto, umiiyak at tumatawa nang may kagalakan. Tatlong taon nang hindi nagkakaroon ng ugnayan ang mga Banal sa Zewgi sa mga pangkalahatang lider ng Simbahan, at nang umagang iyon marami sa kanila ang nag-aayuno at nagdarasal para sa pagbisita ng isang misyonero o lider ng Simbahan.9 Sa loob lang ng ilang oras, mga isandaang Banal ang nagtipon upang pakinggang magsalita ang apostol.

Marami sa kalalakihan sa branch ang pinatay o ipinatapon bilang mga bihag ng digmaan, at ang mga Banal na nanatili ay pinanghihinaan na ng loob. Mula nang matapos ang digmaan, ilang kawal na Soviet at Polish ang sumisindak sa bayan, nandarambong ng mga tahanan at sumasalakay sa mga residente. Inirarasyon ang pagkain, at madalas magbayad ang mga tao ng lubhang mataas na halaga para sa anumang karagdagang pagkain na kanilang makukuha sa ilegal na merkado.10

Nang gabing iyon, habang nakikipag-usap si Elder Benson sa mga Banal, dalawang armadong sundalong Polish ang pumasok sa chapel. Nanigas ang kongregasyon dahil sa takot, ngunit sumenyas ang apostol na umupo ang mga kawal malapit sa harapan ng silid. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kalayaan at kasarinlan. Nakinig nang mabuti ang mga kawal, nanatili sa kanilang upuan para sa pangwakas na himno, at lumisan nang walang nangyari. Pagkatapos, nakipagpulong si Elder Benson sa branch president at nag-iwan ng pagkain at pera para sa mga Banal, tinitiyak sa kanila na mas maraming tulong ang paparating.11

Hindi nagtagal, sumulat ng liham si Elder Benson sa Unang Panguluhan. Nalulugod siyang makita ang tulong ng Simbahan na nakararating sa mga miyembro ng Simbahan sa Europa ngunit nag-aalala siya sa mga paghihirap na dinaranas pa rin ng mga Banal.

“Marahil ang maraming kapakinabangan ng napakagandang programang pangkapakanan ng Simbahan sa mga ito at sa iba pang mga Banal sa Europa ay hindi kailanman malalaman,” isinulat niya, “ngunit walang alinlangan na nailigtas ang maraming buhay, at ang pananampalataya at tapang ng marami sa ating matatapat na miyembro ay talagang napalakas.”12


Halos kaalinsabay nito sa Austria, ang labingwalong taong gulang na si Emmy Cziep ay nagising ng alas singko y medya ng umaga, kumain ng isang pirasong tinapay para sa almusal, at sinimulan ang isang oras na paglalakad papuntang Vienna General Hospital. Pitong taon na ang nakalipas mula noong kanyang nakakakilabot na biyahe sakay ng tren palabas ng Czechoslovakia, at ngayon ay nag-aaral siya para maging X-ray technician. Dahil ang Vienna, tulad ng Berlin, ay isang sinakop na lunsod, madalas madaanan ni Emmy ang mga sundalong Soviet na nasa daan kapag papunta siya sa ospital. Ngunit iginagalang ang mga manggagawang medikal, at naniniwala siya na ang kanyang tali sa braso na Red Cross ay nagbibigay sa kanya kaunting proteksyon laban sa pang-aabuso ng mga ito.13

Ang Vienna ay lugar ng karahasan at paninindak noong digmaan, subalit ang mga magulang ni Emmy, sina Alois at Hermine, ay patuloy na namuno sa mga pulong ng branch at Relief Society. Si Alois ay naglilingkod ngayon bilang district president sa limang branch ng Simbahan sa Austria, at siya at si Hermine ay lubos na nagsisikap upang matulungan ang kanilang kapwa mga Banal. Karamihan sa mga tao sa Vienna, kabilang na si Emmy, ay nasindak sa digmaan at malapit nang mamatay sa gutom. Ang kuya ni Emmy na si Josef ay matagal na nagserbisyo sa hukbong Aleman, nabuhay sa kabila ng pagkakadakip at pagpapahirap ng mga sundalong Soviet pagkatapos ng digmaan.14

Ang pagsasanay ni Emmy sa ospital ay isa sa ilang bagay sa kanyang buhay na makapagbibigay sa kanya ng pag-asa. Ang isa pa ay ang kamakailan lamang na pagbisita ni Elder Benson sa Vienna, na naghatid ng kinakailangang pampalakas ng loob ng mga Banal sa Austria. Nakadama ng karangalan ang pamilya ni Emmy na nakituloy si Elder Benson sa kanilang tahanan. Noong gabi, hiniling ng apostol kay Emmy na tumugtog ng mga himno sa piyano para sa kanya, at napasigla siya ng presensya nito.15

Ilang buwan matapos bumisita si Elder Benson, dumating ang mga tulong ng Simbahan sa Austria, at pagsapit ng 1947, pinangasiwaan ni Alois ang pamamahagi ng daan-daang kahon ng damit, nabitak na trigo, mga patani, gisantes, asukal, mantika, bitamina, at iba pang mahahalagang bagay. Si Emmy mismo ay tumanggap ng maraming magagandang bagay, kabilang na ang magagandang damit na may mga sulat na ikinabit ng mga nagbigay nito.16

Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa ibang dako ng Europa ay tinutulungan din ang isa’t isa. Ang bansang Nordic na Finland, na inilaan kamakailan ni Elder Benson para sa gawaing misyonero, ay katatagpuan ng tatlong branch ng mga Banal. Nang malaman ng mga miyembro ng Simbahan sa kalapit na Sweden na nangangailangan ang mga branch na ito, nagpadala sila ng mga kahon ng pagkain, damit, at kumot.17

Sa Vienna, ilang araw bago ang huling pagsusulit ni Emmy sa ospital, humingi ng tulong ang kanyang ama. Maraming bata sa Austria ang kulang ang sustansya at kailangan ng atensyong medikal na hindi nila makukuha sa Vienna. Dahil nanatiling walang kinikilingan ang Switzerland sa digmaan, ang mga miyembro ng Simbahan doon ay may mas marami pang mapagkukunan, at nag-alok sila na pansamantalang patirahin sa kanilang mga tahanan sa loob ng tatlong buwan ang mga batang Banal sa mga Huling Araw mula sa Austria upang arugain ang mga ito hanggang bumuti ang kanilang kalusugan.

Si Alois ay may grupo ng dalawampu’t isang bata na nangangailangan ng pangangalaga, at nais niyang tulungan siya ni Emmy na dalhin ang mga ito sa Switzerland. Pumayag si Emmy na pumunta, batid na babalik siya sa Vienna sa loob ng ilang araw para kumuha ng kanyang huling pagsusulit.

Sa paglalakbay patungong Switzerland, napakaraming tao ang sakay ng tren kaya kinailangang umupo ang ilan sa mga bata sa sahig o sa lagayan ng mga bagahe sa itaas ng mga upuan. Nang magsimulang umulan, ang karton na nagtatakip sa mga bintana ay hindi gaanong nakapigil sa pagpasok ng tubig. Marami sa mga bata ang hindi komportable at nangulila sa kanilang mga magulang, kaya ginawa ni Emmy ang lahat upang mapanatag sila.

Pagkaraan ng mahabang gabi na halos walang tulog, si Emmy, ang kanyang ama, at ang mga bata ay nakarating na sa Basel, Switzerland. Sinalubong sila ng mission president na si Scott Taggart at ng asawa nitong si Nida Taggart, kasama ang mga miyembro ng lokal na Relief Society, na naghandog sa mga batang lalaki at babae ng mga kahel at saging.

Kinabukasan iniuwi ng mga pamilyang Swiss ang mga bata sa kanilang mga tahanan, at nagpaalam sa mga ito si Emmy.18 Gayunman, bago siya makabalik sa Vienna, inanyayahan siya ni Pangulong Taggart na manatili sa Basel upang maglingkod bilang misyonero. “Kailangan ka ng Panginoon,” sabi niya.

Natigilan si Emmy. Hindi niya naisip kailanman na maglingkod sa misyon. At paano naman ang kanyang mga pagsusulit sa X-ray institute? Kung mananatili siya, hindi niya matatapos ang kanyang pagsasanay, ni hindi siya makakakuha ng pagkakataong magpaalam sa kanyang mga mahal sa buhay sa kanilang tahanan. Sa Switzerland, mapapaligiran siya ng mga taong hindi niya kilala na hindi nakaranas ng mga pambobomba, gutom, pighati, at kamatayan. Mauunawaan ba nila siya?

Sa kabila ng mga alalahaning ito, nadama ni Emmy sa kanyang puso ang pahiwatig ng sagot sa tanong ni Pangulong Taggart. “Kung nais ng Panginoon na manatili ako,” sabi niya, “Gagawin ko.”

Nang gabing iyon, isang buwan bago ang kanyang ikalabingsiyam na kaarawan, itinalaga si Emmy Cziep na maglingkod sa Swiss-Austrian Mission.19


Noong tagsibol ng 1947, isang taon at kalahati matapos makasamang muli ang kanyang ama, si Helga Birth ay hindi na isang misyonero sa Berlin. Hindi na rin siya kilala bilang Helga Birth. Ngayon ay siya si Helga Meyer, ikinasal sa isang Banal sa Huling Araw na Aleman na nagngangalang Kurt Meyer. Nakatira sila sa Cammin, isang kanayunan na 130 kilometro sa hilaga ng Berlin, at nagsilang ng isang sanggol na lalaki, si Siegfried, na pinangalanan sa kuya ni Helga na namatay sa digmaan.

Unang nakilala ni Helga si Kurt nang binisita nito ang tahanan ng East German Mission noong unang bahagi ng 1946. Isang kawal sa hukbong Aleman, umuwi na siya sa pagtatapos ng digmaan para lamang malaman na nang lumusob ang hukbong Soviet sa kanyang bayan, nilunod ng kanyang mga magulang ang kanilang sarili upang maiwasang makulong o mapatay.20

Nang dumating si Kurt sa mission home, hindi siya aktibong Banal sa mga Huling Araw, ngunit interesado siyang bumalik sa simbahan. Hindi nagtagal matapos makilala si Helga, inalok niya ito ng kasal.

Hindi alam ni Helga kung paano tutugon. Mula nang mamatay ang kanyang unang asawang si Gerhard, hinikayat siya ng mga tao na mag-asawang muli. Gayunman, hindi siya sabik na magmadali sa muling pag-aasawa. Hindi niya mahal si Kurt, at ayaw niyang lumipat sa bayang sinilangan nito sa Cammin, kung saan kailangang sumakay ng tren upang makarating sa pinakamalapit na branch ng Simbahan. Bahagi ng kanyang kagustuhan ay ang mandayuhan sa Utah.

Ngunit hindi pa siya handang lisanin ang Alemanya—handa na siya kung matatagpuan nila ng kanyang ama ang kanyang ina. Ang pagpapakasal kay Kurt ay magtutulot kay Helga na manatili sa Alemanya at magkaroon ng katatagan sa buhay. May bahay na si Kurt sa Cammin, di kalayuan sa isang lawa na puno ng isda. Kung pakakasalan niya ito, siya o ang kanyang ama ay hindi mawawalan ng tirahan o pagkain.21

Dahil iilan lamang ang pagpipilian, nagpasiya si Helga na tanggapin ang alok na kasal ni Kurt at ang seguridad na kasama nito. Ikinasal sila noong Abril 1946, at makalipas ang halos isang taon ay isinilang ang kanilang anak na lalaki.

Pagkatapos, noong huling bahagi ng tagsibol ng 1947, tumanggap ng balita si Helga at ang kanyang ama na buhay ang kanyang ina. Matapos palayasin mula sa Tilsit, naiwasan ni Bertha Meiszus ang madakip ng mga paparating na mga puwersang Soviet at naglakad nang ilang araw, halos mamatay sa ginaw, hanggang sa makarating siya sa isang bangka na nagdala sa kanya sa isang refugee camp sa Denmark. Dalawang taon na siyang naninirahan doon bago sa wakas ay nagawa na niyang makipag-ugnayan sa pamilya. Hindi nagtagal ay nakatira na rin siya kasama nila sa Cammin.22

Isang araw, sa panahong ito, ilang kawal na Soviet ang kumatok sa pintuan ni Helga. Sa kalapit na lawa, humimpil ang mga sundalo sa bahay nang minsan o dalawang beses sa isang linggo para marahas na humingi ng isda mula sa kanya. Ang mga kawal ay may reputasyon sa pagiging malupit, at narinig ni Helga ang mga kuwento tungkol sa kanilang mga panggagahasa at iba pang karahasan sa Cammin. Lagi siyang natatakot sa tunog ng makina ng kotse ng mga kawal na papalapit sa kanyang bahay.23

Pinapasok ni Helga ang mga kawal, tulad ng dati. Nakainom sila ng alak, at malinaw na lasing na ang kumander. Naupo ito sa mesa at sinabing, “Frau—maupo ka.” Inutusan ng mga kawal si Kurt na sumama sa kanila, ngunit pagkatapos ay hindi na lamang nila siya pinapansin.

Umupo si Helga sa tabi ng kumander, at hiniling nito sa kanya na uminom.

“Hindi ako umiinom ng alak,” sabi ni Helga.

“Ibigay mo ito sa kanya, ibigay mo ito sa kanya,” idinagdag ng tsuper ng mga kawal na isang tila malupit na Aleman.

Natakot si Helga. Hindi malalaman kung ano ang maaaring gawin ng mga lasing na lalaki. Ngunit sinabi niya, “Hindi ako umiinom.”

“Kung hindi ka iinom,” malakas na sinabi ng kumander, “Babarilin kita!”

“Kung gayon,” sabi ni Helga, at inilabas ang kanyang mga bisig, “kailangan mo akong barilin.”

Lumipas ang ilang sandali. “Kabilang ka ba sa isang relihiyon?” tanong ng kumander.

“Mormon ako,” tugon ni Helga.

Pagkatapos niyon ay itinigil ng kumander at ng kanyang mga kawal ang pagbabanta sa kanya. Noong sumunod na beses na pumunta ito sa tahanan niya, tinapik siya ng kumander sa balikat at tinawag siyang “mabait na Frau,” ngunit hindi nito hiniling sa kanyang maupo sa tabi nito. Tila hinangaan nito ang kanyang lakas at iginagalang siya sa paninindigan niya sa kanyang mga paniniwala.

Hindi nagtagal, siya at ang mga sundalo ay naging magkakaibigan.24


Makalipas ang ilang buwan, noong Hulyo 1947, nagpulong ang mga Banal mula sa buong Austria sa Haag am Hausruck, isang bayan na humigit kumulang 225 kilometro sa bandang kanluran ng Vienna. Dahil ginugunita sa Hulyo ang ika-isandaang anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa Lambak ng Salt Lake, nais ng district president na si Alois Cziep na magtipon ang mga Banal na Austrian para magdiwang, tulad ng ginagawa ng maraming miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Malapit ang Haag am Hausruck sa lugar kung saan inorganisa ang unang branch ng Simbahan sa Austria noong 1902, at napakainam na lugar ito para sa pagdiriwang.

Mahigit 180 Mga Banal ang nagpunta sa pagtitipon—sobra ang dami para mapatuloy lahat sa meetinghouse ng lokal na branch—kaya inupahan ng mga lider ng Simbahan ang isang malaking silid sa kalapit na otel at nagtayo ng pansamantalang entablado. Ang tatlong araw na pagdiriwang ay nagtampok ng mga talumpati, musikal na pagtatanghal, at isang dula na nagpapakita ng mga tagpo ng naunang kasaysayan ng Simbahan at ang pagdating ng mga pioneer sa Lambak ng Salt Lake.

Pagsapit ng Linggo ay nagpulong ang mga Banal sa isang hukay ng graba, kung saan naglagay sila ng isang entablado para sa mga tagapagsalita at nagbuhat ng isang organo upang saliwan ang kanilang pag-awit. Nakapatong sa isang mabatong pasimano sa likod ng entablado ay isang replika ng Salt Lake Temple na may taas na 2.3 metro. Si Kurt Hirschmann, isang miyembro ng Frankenburg Branch, ay gumugol ng ilang buwan sa paggawa ng detalyadong replika mula sa mga karton na dating naglalaman ng mga suplay ng tulong mula sa Lunsod ng Salt Lake.

Si Alois o ang karamihan sa mga Banal na nasa pagdiriwang ay hindi pa nakakapunta sa templo. Dahil magulo pa sa Europa at ang pinakamalapit na templo ay libu-libong kilometro ang layo, ang tanging magagawa nila ay isipin kung ano ang magiging karanasan na tumanggap ng endowment at mabuklod sa kanilang pamilya. Ngunit hindi iyan nakapigil kay Alois na kilalanin ang kahalagahan ng mga tipan sa templo o madama ang Espiritu habang nagsasalita, umaawit, at nagpapatotoo ang mga Banal.25

Habang lumalalim ang gabi, nagsindi ng siga ang grupo na nagbigay-liwanag at ningning sa mga kartong taluktok ng templo. Tinapos ni Alois ang pulong sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa pananampalataya ng mga naunang misyonero sa Austria, inihahalintulad ang mga ito sa mga pioneer noong 1847. “Dapat tayong magpasalamat sa ebanghelyo, sa priesthood, at sa lahat ng magagandang oportunidad na ibinigay sa atin sa Simbahang ito upang isagawa ang ating kaligtasan at maging ang kadakilaan,” sabi niya.

Sa katapusan ng pulong, dumilim ang liwanag mula sa siga, kaya isang kawal na Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos ang sumakay sa kanyang dyip, binuksan ang ilaw sa harapan, at muling binigyang-liwanag ang templo sa gitna ng kalangitan sa gabi.

Sama-samang nilakasan ng mga Banal na Austrian ang kanilang tinig, ang mga titik ng himnong pioneer na “Mga Banal, Halina” na umaalingawngaw patungo sa kalangitan:

Maging handa at magiting.

Ang Diyos ’di lilimot sa ’tin.

Ihahayag ang salaysay—

Kay-inam ng buhay!

Napapaligiran ng kanyang mga kapatid sa ebanghelyo, natitiyak ni Alois na ang himno ay hindi pa inawit nang may higit na pananalig.26


Habang ipinagdiriwang ng mga Banal sa buong mundo ang sentenaryo ng mga pioneer, ang dating bilanggo ng digmaan na si Pieter Vlam ay naglilingkod bilang full-time na misyonero sa Netherlands Mission. Bilang bahagi ng kanyang bagong tungkulin, lumipat si Pieter ng mga limampung kilometro ang layo mula sa kanyang tahanan upang pamunuan ang branch ng Simbahan sa Amsterdam. Ang kanyang asawang si Hanna at ang kanilang tatlong anak ay nanatili sa kanilang bahay.

Lubhang nagdusa ang Amsterdam Branch sa ilalim ng pananakop ng mga Nazi. Ang lunsod ay nasa bingit ng pagkagutom bago ito napalaya. Kung hindi dahil kay Ruurd Hut, ang naunang pangulo bago si Pieter, maraming miyembro ng branch ang maaaring namatay sa gutom. Sumumpa si Ruurd na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang maprotektahan mula sa pagkagutom ang mga Banal na nasa ilalim ng kanyang pangangalaga. Nangolekta siya ng pera mula sa mga miyembro ng branch at bumili ng pagkain, na niluto at ipinamahagi ng Relief Society sa mga nagugutom na Banal.27

Gayunpaman, nasa kalunos-lunos na kalagayan ang Netherlands pagkaraan ng limang taong pananakop. Mahigit dalawang daang libong Dutch ang namatay sa digmaan, at daan-daang libong tahanan ang nasira o nawasak. Maraming Banal sa Amsterdam at iba pang mga lunsod sa Netherlands ang galit sa mga Aleman—at sa mga kapwa Banal na nakipagtulungan sa mga mananakop.28

Upang matulungang magkaisa ang mga Banal, ang mission president na si Cornelio Zappey, ay hinikayat ang mga branch na dagdagan ang kanilang mga suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagsisimula ng mga proyekto sa pagtatanim ng patatas gamit ang mga binhi mula sa pamahalaang Dutch.29 Hindi nagtagal ay umupa si Pieter at ang kanyang branch ng isang piraso ng lupain sa Amsterdam, at ang kalalakihan, kababaihan, at mga bata ay nagtulungan upang magtanim ng mga patatas at iba pang mga gulay. Ang iba pang mga branch sa Netherlands ay nagsimula rin ng maliliit na taniman ng patatas saanman sila makakita ng isang lugar, nagtatanim ng patatas sa mga likod-bahay, mga hardin, bakanteng lote, at mga lupa sa gitna ng mga daan.30

Nang malapit na ang anihan, nagdaos si Cornelio ng isang kumperensya ng mission sa lunsod ng Rotterdam. Matapos makipagkita kay Walter Stover, ang pangulo ng East German Mission, batid ni Cornelio na maraming Banal sa Alemanya ang dumaranas ng matitinding kakulangan sa pagkain. Nais niyang gumawa ng isang bagay para makatulong, kaya tinanong niya ang mga lokal na lider kung handa silang magbigay ng bahagi ng kanilang ani ng patatas sa mga Banal sa Alemanya.

“Ang ilan sa pinakamapait na kaaway na nakilala ninyo dahil sa digmaang ito ay ang mga Aleman,” pagkilala niya. “Ngunit mas malala na ngayon ang kalagayan ng mga taong iyon kaysa sa inyo.”

Noong una, tinutulan ng ilang Banal na Dutch ang plano. Bakit nila dapat ibahagi ang kanilang mga patatas sa mga Aleman? Inisip nila na hindi nauunawaan ni Cornelio kung gaano kalupit ang mga Aleman sa kanila noong digmaan. Bagama’t siya ay isinilang sa Netherlands, ginugol ng mission president ang halos buong buhay niya sa Estados Unidos. Hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng bahay sa mga bomba ng mga Aleman o masdan ang mga mahal niya sa buhay na magutom hanggang sa mamatay dahil kinuha ng mga mananakop na Aleman ang kanilang pagkain.31

Naniniwala pa rin si Cornelio na nais ng Panginoon na tulungan ng mga Banal na Dutch ang mga Aleman, kaya hiniling niya kay Pieter na bisitahin ang mga branch sa buong Netherlands at hikayatin silang suportahan ang plano. Si Pieter ay isang bihasang lider ng Simbahan at marami ang nakakaalam sa di-makatarungang pagkakabilanggo sa kanya sa isang kampo ng mga Aleman. Kung may sinumang mahal at pinagkakatiwalaan ng mga Banal na Dutch sa mission, iyon ay si Pieter Vlam.

Pumayag si Pieter na tulungan ang mission president, at nang nakipag-usap siya sa mga branch, binanggit niya ang kanyang mga paghihirap sa bilangguan. “Pinagdaanan ko ito,” sabi niya. “Batid ko na alam ninyo.” Hiniling niya sa kanila na patawarin ang mga Aleman. “Alam ko kung gaano sila kahirap mahalin,” sabi niya. “Kung sila ay ating mga kapatid, dapat natin silang alagaan bilang ating mga kapatid.”

Ang kanyang mga salita at ang mga salita ng iba pang mga branch president ay tumimo sa mga Banal, at napawi ang galit ng marami sa kanila habang nag-aani ng mga patatas para sa mga Banal na Aleman. Hindi nawala ang mga pagtatalo sa loob ng mga branch, ngunit mahalaga na alam ng mga Banal na maaari silang magtulungan pagkatapos ng mga pagtatalo.32

Samantala, inasikaso ni Cornelio ang mga papeles upang matiyak na maihahatid ang mga patatas sa Alemanya. Noong una, ayaw magluwas ng anumang pagkain mula sa bansa ang pamahalaang Dutch. Ngunit patuloy silang hinikayat ni Cornelio hanggang sa sumang-ayon sila. Nang sinubukan ng ilang opisyal na itigil ang mga plano ng pagluwas, sinabi sa kanila ni Cornelio, “Ang mga patatas na ito ay pag-aari ng Panginoon, at kung ito ay Kanyang kalooban, makikita ng Panginoon na makararating ang mga ito sa Alemanya.”

Sa huli, noong Nobyembre 1947, nagtipon ang mga Banal na Dutch at mga misyonero sa The Hague upang magpuno ng sampung trak na may mahigit pitumpung tonelada ng mga patatas. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakarating ang mga patatas sa Alemanya upang ipamahagi sa mga Banal. Bumili rin ang pangulo ng East German Mission na si Walter Stover ng mga trak ng patatas upang makadagdag sa mga suplay.33

Hindi naglaon ay nakarating sa Unang Panguluhan ang balita ukol sa proyekto ng patatas. Namamangha, sinabi ng pangalawang tagapayo na si David O. McKay, “Ito ang isa sa mga pinakadakilang gawain ng tunay na pag-uugali ng isang Kristiyano na nakita ko.”34

  1. Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 1, 3, First Presidency Mission Files, CHL; Benson, Journal, Aug. 1 and 4, 1946; Babbel, Oral History Interview, 6; “Elder Benson Reports First Visit to Poland,” Deseret News, Ago. 17, 1946, Church section, 1, 8, 12; Minert, In Harm’s Way, 310; “Selbongen during World War II,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories.

  2. Ezra Taft Benson, “Report on the European Mission #1,” Jan. 26–Feb. 11, 1946, 1–2, First Presidency Mission Files, CHL; “Elder Benson Prepares to Preside in European Mission,” Deseret News, Ene. 19, 1946, Church section, [1]; Dew, Ezra Taft Benson, 198.

  3. Ezra Taft Benson, “Report on the European Mission #7,” Mar. 24, 1946, 1–3, First Presidency Mission Files, CHL; Bergera, “Ezra Taft Benson’s 1946 Mission,” 82, table 2.

  4. Ezra Taft Benson to First Presidency, Mar. 23, 1946, First Presidency Mission Files, CHL; Corbett, “Records from the Ruins,” 13–16; Ezra Taft Benson, “Report on the European Mission #5,” Mar. 20, 1946, 1–3, First Presidency Mission Files, CHL; Genealogical Society of Utah Board of Trustees, Minutes, Apr. 15, 1947; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 14–16, 33.

  5. Relief Society General Board, Minutes, Dec. 12, 1945; Relief Society General Presidency to Ward Presidents, Nov. 21, 1945, sa First Presidency and Welfare Committee Minutes, CHL; First Presidency and Welfare Committee, Minutes, Nov. 16, 1945; Dec. 14 and 21, 1945; Jan. 11 and 31, 1946. Paksa: Mga Welfare Program

  6. Continued War Services,” Relief Society Magazine, Ago. 1945, 32:484; tingnan din sa “Church Welfare Service,” Relief Society Magazine, Set. 1946, 33:620. Paksa: Relief Society

  7. European Mission History, Oct. 22, 1946, 83; Ezra Taft Benson to First Presidency, Mar. 16, 1946, 1–2; Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 2–5, First Presidency Mission Files, CHL; Minert, In Harm’s Way, 314–16.

  8. Babbel, On Wings of Faith, 131–34; Benson, Journal, July 29 and 30, 1946; Aug. 1 and 4, 1946; tingnan din sa Frederick Babbel, “‘And None Shall Stay Them,’” Instructor, Ago. 1969, 104:268–69. Paksa: Poland

  9. Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 1, First Presidency Mission Files, CHL; Benson, Journal, Aug. 4, 1946; Babbel, On Wings of Faith, 149; Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 1, First Presidency Mission Files, CHL; “Selbongen during World War II,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories.

  10. Benson, Journal, Aug. 4, 1946; Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 1–2, First Presidency Mission Files, CHL; Minert, In Harm’s Way, 314–16.

  11. Benson, Journal, Aug. 4, 1946; Ezra Taft Benson, “European Mission Report #19,” Aug. 7, 1946, 1, First Presidency Mission Files, CHL; Ezra Taft Benson to First Presidency, Aug. 7, 1946, 2, Ezra Taft Benson Correspondence Files, CHL; Selbongen Branch, General Minutes, Aug. 4, 1896.

  12. Ezra Taft Benson, “European Mission Report #20,” Aug. 24, 1946, 2, First Presidency Mission Files, CHL; see also “Red Cross to Cooperate in Distribution of Supplies,” Deseret News, Set. 7, 1946, Church section, 1, 9.

  13. Collette, Collette Family History, 232, 235, 245, 250; Babbel, On Wings of Faith, 71.

  14. Minert, Under the Gun, 456, 467–70, 473; Hatch, Cziep Family History, 87, 98, 202, 303–5; Collette, Collette Family History, 202–26; Lewis, Workers and Politics in Occupied Austria, kabanata 3; Taggart, “Notes on the Life of Scott Taggart,” 31–32. Paksa: Austria

  15. Collette, Collette Family History, 256–57.

  16. Marion G. Romney to First Presidency, Oct. 24, 1946, First Presidency General Administration Files, CHL; Annual Church Welfare Plan, 1946, 259, Welfare Department Northern Utah Region Documents, CHL; European Mission, Historical Reports, 92; Collette, Collette Family History, 257–58.

  17. “President Benson Dedicates Finland for Preaching Gospel,” Deseret News, Ago. 10, 1946, Church section, 1, 9, 12; “Letter Tells of Activity and Progress in Finland,” Deseret News, Mar. 8, 1947, Church section, 6; “Wartime Swedish Mission Head Sees Bright Future in Finland,” Deseret News, Hulyo 5, 1947, Church section, 1; Eben Blomquist to First Presidency, Jan. 30, 1947, First Presidency Mission Files, CHL. Mga Paksa: Finland; Sweden

  18. Collette, Collette Family History, 258–61, 320; Taggart, Oral History Interview, 61, 63, 73; appendix, 25–26; “20 Austrian Children Sent to Swiss Saints,” Deseret News, Mayo 17, 1947, Church section, 9; tingnan din sa Switzerland Zurich Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 12, May 17, 1947.

  19. Collette, Collette Family History, 320, 322; Taggart, Journal, Apr. 3, 9, and 11, 1947. Ang mga sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “kinailangan ako ng Panginoon” sa orihinal ay pinalitan ng “kailangan kayo ng Panginoon,” at ang “kung ninais ng Panginoon na manatili ako, ginawa ko” ay pinalitan ng “kung nais ng Panginoon na manatili ako, gagawin ko.” Paksa: Switzerland

  20. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 127–30, 135.

  21. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 127, 130, 142; Meyer, Interview [2017], 2.

  22. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 129, 135–38; Meyer, Interview [2017], 2.

  23. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 132.

  24. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 132–34; Meyer, Interview [2017], 1. Paksa: Word of Wisdom (D at T 89)

  25. Hatch, Cziep Family History, 104–5; “Austrian Saints Hold Centennial Fete,” Deseret News, Set. 20, 1947, Church section, 9; Minert, Against the Wall, ix–xiv, 42, 187.

  26. Hatch, Cziep Family History, 104; “Austrian Saints Hold Centennial Fete,” Deseret News, Set. 20, 1947, Church section, 9; “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23. Mga Paksa: Paglalakbay ng mga Pioneer; Austria

  27. Vlam, Our Lives, 117–19, 121, 123; De Wolff at Driehuis, “Description of Post War Economic Developments,” 13; Ruurd Hut entry, Amsterdam Branch, no. 240, sa Netherlands (Country), part 2, Record of Members Collection, CHL.

  28. De Wolff and Driehuis, “Description of Post War Economic Developments,” 13; William G. Hartley, “War and Peace and Dutch Potatoes,” Ensign, Hulyo 1978, 19; Vlam, Interview [2013], 5, 7; That We Might Be One: The Story of the Dutch Potato Project, Video, [00:00:16]–[00:01:09]; Minutes of the European Mission Presidents’ Meeting, July 5, 1950, 6, John A. Widtsoe Papers, CHL. Mga Paksa: Netherlands

  29. William G. Hartley, “War and Peace and Dutch Potatoes,” Ensign, Hulyo 1978, 19–20; European Mission, Historical Reports, 169; Vlam, Interview [June 2020], [00:01:12]–[00:02:48].

  30. Vlam, Our Lives, 121; Stam, Oral History Interview, 27; William G. Hartley, “War and Peace and Dutch Potatoes,” Ensign, Hulyo 1978, 20; “Dutch Mission Head Tells Story,” Deseret News, Dis. 6, 1947, Church section, 1.

  31. William G. Hartley, “War and Peace and Dutch Potatoes,” Ensign, Hulyo 1978, 20–21; Babbel, On Wings of Faith, 76; Vlam, Our Lives, 121; Vlam, Interview [2013], 5–6, 8; Allart, Autobiography, 19.

  32. Vlam, Interview [2013], 6, 8, 11; “Dutch Mission Leader Tells of Welfare Potatoes,” Deseret News, Dis. 6, 1947, Church section, 6–7; Vlam, Our Lives, 121; Allart, Autobiography, 19; Stam, Oral History Interview, 32; Minutes of the European Mission Presidents’ Meeting, July 5, 1950, 6, John A. Widtsoe Papers, CHL.

  33. William G. Hartley, “War and Peace and Dutch Potatoes,” Ensign, Hulyo 1978, 21; “Dutch Mission Leader Tells of Welfare Potatoes,” Deseret News, Dis. 6, 1947, Church section, 6–7; European Mission, Historical Reports, 169; Netherlands Amsterdam Mission, Manuscript History and Historical Reports, Nov. 6, 1947; Stover, Oral History Interview [1975], 1–2; Stover, Oral History Interview [1976], 56. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “ang mga patatas na ito ay pag-aari ng Panginoon, at kung ito ay Kanyang kalooban, makikita ng Panginoon na ang mga ito ay nakarating sa Alemanya.”

  34. “Dutch Mission Head Tells Story,” Deseret News, Dis. 6, 1947, Church section, 1.