Kasaysayan ng Simbahan
38 Higit na Kapangyarihan, Higit na Liwanag


“Higit na Kapangyarihan, Higit na Liwanag,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2022)

Kabanata 38: “Higit na Kapangyarihan, Higit na Liwanag”

Kabanata 38

Higit na Kapangyarihan, Higit na Liwanag

Larawan
kamera at mikropono na pampelikula

Isang araw noong kalagitnaan ng 1954, naglakbay si Jeanne Charrier patungo sa nayon ng Privas, France. Mula nang mabinyagan si Jeanne tatlong taon na ang nakararaan, madalas siyang dumadalaw sa tahanan ni Eugenie Vivier. Isang balo na matagal nang nagsarili ang mga anak, nag-aaral si Madame Vivier tungkol sa Simbahan nang halos isang dekada nang hindi nangangakong magpapabinyag, ngunit hindi inaalintana ni Jeanne na bisitahin siya. Ang pag-uukol ng panahon sa balo ay kasiya-siya at hindi niya itinuturing na isang tungkulin.

Nang dumating si Jeanne sa bahay ni Madame Vivier, napangiti ang matandang babae. Pinapasok niya si Jeanne at naupo sa tabi ng bukas na bintana.1

Tulad ng dati, pumunta si Jeanne sa bahay na may dalang lesson. Ang kanyang talino at pagiging interesado sa mga ideya ay nagtulak sa kanya na pag-aralan nang mabuti ang ebanghelyo.2 Ilang buwan na ang nakararaan, sumulat siya ng isang artikulo para sa L’Étoile tungkol sa tema ng MIA sa taong iyon, ang Doktrina at mga Tipan 88:86: “Mamalagi kayo sa kalayaan kung saan kayo ay ginawang malaya; huwag isangkot ang inyong sarili sa kasalanan, kundi gawing malinis ang inyong mga kamay, hanggang sa pumarito ang Panginoon.”3

“Sa pagsunod sa mga batas,” isinulat ni Jeanne, “nakakakuha tayo ng higit na kapangyarihan, higit na liwanag.” Nagbanggit siya ng mga sipi mula sa Bagong Tipan at ilang sinauna at mga makabagong tagapag-isip upang suportahan ang kanyang mga punto. “Ang maging malaya ay iwaksi ang kasalanan, kamangmangan, at kamalian,” pagpapatuloy niya, “at manahan sa kalayaan ng ebanghelyo ni Jesucristo.”4

Bukod sa paglilingkod bilang pangulo ng MIA sa kanyang maliit na branch sa Valence, nagturo si Jeanne ng mga aralin sa Sunday School at Relief Society. Seryoso niyang tinanggap ang kanyang mga responsibilidad bilang guro. Nag-aalab ang kanyang patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at nais niyang ibahagi ito.5

Sa kasamaang-palad, ilan sa mga kaibigan ni Jeanne at wala ni isa sa kanyang mga kapamilya ang nais makarinig ng anumang bagay tungkol sa Simbahan. Nakatira pa rin si Jeanne sa kanilang tahanan, ngunit ang ugnayan niya sa kanyang pamilya ay nasira na mula nang mabinyagan siya. Bihira siyang kausapin ng kanyang mga magulang, at kapag ginagawa nila ito, iyon ay para ipahayag ang kanilang pagtanggi o paratangan siya na ipinagkanulo ang pamanang Protestante ng kanilang pamilya.6

Samantala, karamihan sa kanyang mga kaibigan at propesor sa unibersidad ay hindi naniniwala at kinukutya ang lahat ng relihiyon. Kung susubukan niyang ikuwento sa kanila ang tungkol kay Joseph Smith, hinahamak nila ang ideya na may sinumang nakakakita ng pangitain.7

Gayunman, kay Madame Vivier, natagpuan ni Jeanne ang isang taong makakasundo. Ang isa sa mga dahilan kung bakit matagal nang pinapaantala ng matandang babae ang pagpapabinyag ay dahil salungat dito ang kanyang pamilya. Ngunit siya, tulad ni Jeanne, ay masaya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Si Madame Vivier ay isang halimbawa rin kung paano mamumuhay ang isang tao ng kontento at simpleng buhay. Wala siyang gaanong materyal na kayamanan maliban sa kanyang maliit na tahanan, ilang puno ng prutas, at ilang manok, ngunit tuwing dadalaw si Jeanne, kumukuha si Madame Vivier ng mga sariwang itlog nito mula sa mga bulsa ng kanyang tapis at igigiiit kay Jeanne na tanggapin ang mga ito.8

Baitd ni Jeanne na, tulad ni Madame Vivier, maaaring kailangan niyang matutong makuntento sa mas nag-iisang buhay. Kakaunti lamang ang mga binata sa Pransiya na Banal sa mga Huling Araw, at nagpasiyahan ni Jeanne na hindi siya magpapakasal sa hindi taga-Simbahan. Hindi rin siya handang magpakasal sa isang miyembro ng Simbahan na hindi niya mahal o hindi siya minamahal. Kahit na mananatili siyang walang asawa, pagpapasiya niya, sulit ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang mga katotohanang natutuhan niya—ang plano ng kaligtasan, panunumbalik ng priesthood, at ang katotohanan ng buhay na propeta—ay pinupuspos ng kagalakan sa kanyang kaluluwa.9

Pagkatapos ng kanyang lesson sa ebanghelyo at pagpapaalala kay Madame Vivier na basahin ang Aklat ni Mormon, tinapos ni Jeanne ang kanyang pagbisita sa pamamagitan ng pagtalakay sa pagpapabinyag—isang bagay na maraming beses nilang pinag-usapan ng kanyang kaibigan. Gayunman, sa pagkakataong ito, hindi nag-alangan si Madame Vivier tungkol sa paksa, at pumayag siyang magpabinyag.

Napuspos ng kaligayahan ang puso ni Jeanne. Pagkaraan ng halos sampung taon ng pag-aaral, ang matapat na babaeng ito ay handa nang sumapi sa Simbahan.10


Hindi nagtagal matapos matanggap ang tawag na tumulong sa pagbago ng paglalahad ng endowment, nagtipon si Gordon B. Hinckley ng isang grupo ng mga propesyonal upang bumuo ng pelikula para sa mga templo sa Europa. Ngunit noong tagsibol ng 1955, malayo pa rin bago matapos ang pelikula, at ilang buwan na lamang bago ilaan ang Swiss Temple.11

Dahil sensitibo sa kasagraduhan ng endowment, pinahintulutan ni Pangulong McKay si Gordon na kunan ang pelikula sa malaking bulwagan ng Salt Lake Temple—ang silid ding iyon kung saan, mahigit animnapung taon na ang nakararaan, inilaan ni Wilford Woodruff ang gusali.12

Bagama’t karaniwang isinasagawa ng mga temple worker ang endowment na nakasuot ng puting amerikana at damit, tumanggap si Gordon ng pahintulot na kunan ang seremonya na may mga artistang suot ang mga kasuotang nakalaan sa pelikula. Nagsabit ang komite ng isang napakalaking kulay-abong tabing sa silid ng pagpupulong at naglagay ng mga ilaw upang ilawan ang set, kung saan nilagyan ng mga artipisyal na bato ang lupa sa paligid ng malalaking puno na pinasok sa mga bintana ng templo gamit ang mga kalo. Upang makatulong na mailarawan ang paglikha ng mundo, humingi ng pahintulot si Gordon mula sa Walt Disney Company upang isama ang isang maikling klip mula sa pelikulang Fantasia sa produksyon.13

Lahat ng may kinalaman sa pelikula ng templo, mula sa mga artista at kawani hanggang sa patnugot at si Gordon mismo, ay nagtrabaho dito bukod pa sa kanilang regular na full-time na trabaho, nagtatrabaho sa mga gabi at katapusan ng linggo. Sa pagtatapos ng Mayo 1955, natapos nina Gordon at ng production team ang unang bersyon ng pelikula, ngunit hindi nasiyahan si Gordon sa napanood niya. Ang daloy ng pelikula ay tila magaspang at patalun-talon, at ang ilan sa mga pagganap at kasuotan ay kailangang pagandahin pa.14

Lumapit siya kay Winnifred Bowers, ang taga-disenyo ng mga kasuotan na nagtatrabaho sa pelikula, upang humingi ng payo sa pagpapabuti ng produksyon. Nagmungkahi siya ng mga paraan upang mapakinis ang mga pagbabago sa eksena at iminungkahing baguhin nang kaunti ang mga kasuotan. At nakakatiyak siya na ang direktor, si Harold Hansen, ay makakatulong sa mga aktor na baguhin ang kanilang mga pagtatanghal matapos makita kung ano ang kinalabasan nito sa puting tabing. “Pero sa kabila ng lahat ng ito, Brother Hinckley,” sabi ni Winnifred, “palagay ko ay mas maganda ang naisip mo kaysa sa inakala mo.”15

Nagtrabaho si Gordon at ang kanyang grupo nang ilang linggo pa upang paghusayin ang pelikula. Noong ika-23 ng Hunyo, ipinakita nila ito sa mga general authority, at nalugod si Pangulong McKay sa kanilang ginawa. “Maganda ang nagawa mo,” sabi niya kay Gordon at sa kanyang grupo. “Palagay ko ito ang dapat mangyari.”16

Ngunit hindi pa tapos ang kanilang gawain. Dahil ang Simbahan ay walang kinakailangang kagamitan upang lapatan ng boses ang pelikula sa iba pang mga wika, nagpasiya si Gordon at ang kanyang grupo na muling kunan ang pelikula sa wikang German, French, Danish, Dutch, Norwegian, at Swedish. Sa kabutihang-palad, nagawa na ang mga pagsasalin, ngunit ang pagsagawa ng anim pang bersyon ng pelikula ay aabutin ng ilang buwan, kahit na isang batikang direktor ang namumuno.17

Kakaunti lamang ang oras ni Gordon. Si Pangulong McKay at ang lahat ng mga Banal na hinihintay na tumanggap ng kanilang mga pagpapala sa templo sa Switzerland ay umaasa sa kanya. Hindi siya makapagpapahinga hanggang sa matapos ang bawat pelikula at ligtas na makarating sa Europa.18


Samantala, sa GDR, tumugtog si Helga Meyer ng mga himno sa isang maliit na organo sa kanyang sala upang malugod na tanggapin ang pamilya at mga kaibigan sa Sunday school. Siyam na taon na ang lumipas mula nang lisanin niya ang Berlin upang manirahan kasama ang kanyang asawang si Kurt sa munting nayon ng Cammin. Sa kabila ng mga hamon ng paninirahan sa GDR, nakabuo ang mga Meyer ng isang komportableng tahanan para sa kanilang tatlong maliliit na anak. Laging bukas ang kanilang pinto sa sinumang nais bumisita.19

Marami sa mga kapitbahay ni Helga ang masigasig na dumadalo sa mga pulong sa Sunday school. Pagkatapos ng pambungad na himno at panalangin, tinitipon ni Kurt ang mga nasa hustong gulang para sa isang lesson habang umaawit si Helga ng mga himno at nagbabahagi ng mga kuwento sa Biblia sa maraming sabik na mga bata.20

Ngunit ang malalaking pagtitipon na ito ay lumiit kamakailan lamang. Nang malaman ng isang pastor na Lutheran ang tungkol sa Sunday school ng mga Meyer, pinagbawalan niya ang kanyang mga parokyano na dumalo. Ngayon ay iilan na lamang Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa loob at paligid ng Cammin ang dumarating tuwing Linggo ng umaga—isang mas maliit na klase kaysa sa dinadaluhan ni Helga noong bata pa siya sa Tilsit Branch Sunday School. Subalit si Helga ay laging makakaasa kay Elise Kuhn, isang balo mula sa kalapit na nayon, na naglalakad nang napakalayo patungo sa tahanan ng mga Meyer, kahit may ulan o niyebe. Ang pamilya ni Edith Tietz, ang mabuting kaibigan ni Helga na sumapi sa Simbahan ilang taon na ang nakararaan, ay matapat ding dumadalo.21

Sa klase, karaniwang nagtuturo sina Helga at Kurt nang direkta mula sa mga banal na kasulatan, dahil kakaunti lamang ang kanilang materyal para sa mga lesson.22 Para sa mga bahagi ng mundo na nagsasalita ng wikang Ingles, ang magasin ng Simbahan para sa mga Sunday School, ang Instructor, ay nagbigay ng maraming resources para sa mga guro, mula sa mga artikulo tungkol sa epektibong paggamit ng mga pranelang pisara, hanggang sa mga mapa, tsart, at mga paglalarawan. Ang isang isyu kamakailan ay kinapapalooban ng mga may kulay na kopya ng ilan sa mga pinakabagong ipinintang larawan ni Arnold Friberg na hango sa Aklat ni Mormon, Inihatid ni Abinadi ang Kanyang Mensahe kina Haring Noe at Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon.23

Ang mga materyal sa lesson sa wikang Aleman, sa kabilang banda, ay napakakaunti ng suplay pagkatapos ng digmaan, at dahil sa mahigpit na pagsusuri sa GDR, halos imposibleng makabili nito.24 Para sa mga Banal sa Silangang Alemanya, ang punong-tanggapan ng Simbahan ngayon ay tila mas mahirap malapitan kaysa rati.25 Inasam pa rin ni Helga na mandayuhan sa Estados Unidos, tulad ng ginawa ng kanyang tiya Lusche at ng iba pa sa kanyang mga mahal sa buhay mula nang matapos ang digmaan. Ngunit alam niya kung gaano katindi ang panganib para sa isang buong pamilya na subukang lisanin ang GDR. At bukod sa mga panganib, hindi siya kailanman aalis nang hindi kasama ang kanyang mga magulang. Ang kalusugan ng kanyang ina, na palaging mahina, ay lalo lamang lumala matapos ang maraming taon ng paghihintay sa wala sa kapatid ni Helga na si Henry na bumalik mula sa digmaan.26

Sa mahihirap na panahon sa buong buhay nila, nakatagpo ng lakas at kapanatagan si Helga at ang kanyang pamilya sa Simbahan. Pagkatapos ng Sunday School, sila at ang iilang mga Banal sa Cammin ay sasakay sa tren para sa sacrament meeting kasama ang Neubrandenburg Branch, mga 16 na kilometro ang layo. Kung minsan ay may mga estrangherong dadalo sa mga pulong, at natatakot si Helga na ang mga ito ay mga tiktik na dumating upang makinig sa kanilang mga mensahe at patotoo.

Ginawa ng mga Banal sa Neubrandenburg ang lahat ng kanilang makakaya upang balewalain ang gayong mga banta at nagpatuloy, tinuturuan ang isa’t isa mula sa mga banal na kasulatan at kumakanta ng mga awitin ng Sion.27


Noong Setyembre 1955, mga isang linggo bago ang paglalaan ng Swiss Temple, maingat na ibinigay ni Gordon B. Hinckley ang dalawang maleta sa mga kamay ng mga empleyado ng eroplano sa paliparan ng Lunsod ng Salt Lake. Naglalaman ang mga bag ng mga nakumpletong pelikula ng templo sa lahat ng pitong wika. Ayaw niyang mawala sa kanyang paningin ang 9,144 na metro ng film, ngunit masyadong malaki ang mga maleta upang dalhin sa eroplanong sasakyan niya at ng kanyang asawang si Marjorie sa unang bahagi ng kanilang paglalakbay patungong Switzerland. Mabuti na lamang at ang kalakip na mga musika at tunog, na magkahiwalay na nakatago sa dalawang maliit na kanistra, ay sapat ang liit upang madala niya mismo ang mga ito.28

Labis ang pagprotekta ni Gordon sa sagradong nilalaman ng film mula nang ipadala niya ito sa isang laboratoryo sa California para sa huling pagpoproseso. Hiniling niya sa isang malapit na kaibigan na nagtrabaho sa Hollywood na dalhin ang film sa laboratoryo at manatili roon upang matiyak ang pribasiya nito habang ito ay pinoproseso. Kailangan na ngayon ni Gordon na makita ang mga film na ligtas na maihatid sa mga paliparan sa New York at London bago ito personal na ihahatid sa Swiss Temple.29

Sinalubong ni William Perschon, ang bagong pangulo ng Swiss-Austrian Mission, ang mga Hinckley nang bumaba sila ng eroplano sa Basel. Kinuha nila ang film, at sinagutan ni Gordon ang isang customs declaration form, idinedeklara ang mga materyal sa film na kanyang mga ari-arian. Tiningnan ng isang opisyal ang dokumento at sinabing, “Hindi ko puwedeng papasukin ito. Hindi namin pinahihintulutan ang pagpasok ng film ng pelikula sa Switzerland nang walang pahintulot ng pederal na lupon ng pelikula.”

“Kailangang makuha namin ito,” sabi ni Gordon. “Talagang pinapayagan ninyong magpasok ng pelikula sa Switzerland?”

“Basta may wastong pahintulot, oo,” sagot ng opisyal. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na kailangang repasuhin at aprubahan ng lupon sa pelikula ng Switzerland ang pelikula bago ito ibalik sa pangangalaga ni Gordon. Samantala, ipadadala ito ng opisyal sa tanggapan ng aduana sa Bern. Dahil Sabado na, hindi makukuha ni Gordon ang pelikula mula sa aduana hanggang sa magbukas ang opisina sa Lunes ng umaga.30

Naisip ni Gordon na subukang hikayatin ang opisyal na hayaan na lang siya mismong dalhin ang film ng pelikula sa Bern, ngunit nag-alala siya na baka lumala pa ang sitwasyon. Kaya umalis sila ni Marjorie kasama si Pangulong Perschon papunta sa mission home, labis na nag-aalala tungkol sa kaligtasan ng film ng pelikula ng templo. Kinabukasan, nag-ayuno sila at nanalangin na hindi mapunta sa mga maling tao ang mga film.31

Umaga pa lang ng araw ng Lunes, kinuha nina Gordon at President Perschon ang mga karete sa tanggapan ng aduana at direktang dinala ang mga ito sa lupon ng pelikula. Sinamahan ng isang lalaki si Gordon sa isang pribadong silid. “Ano ang pamagat ng pelikulang ito?” tanong nito.

“Wala itong pamagat,” sagot ni Gordon. “Musika at tagubilin lamang ito na gagamitin sa templo rito.” Sinabi niya sa lalaki na maaari nitong pakinggan ang musika ng pelikula kung nais nito. Bilang pag-iingat, naglagay siya ng isang mahabang rekord ng musikang tinugtog sa organ sa simula ng pelikula upang mapigilan ang sinumang taong walang pahintulot na makita ang mga sagradong nilalaman nito.32

Nakinig sa musika nang ilang sandali ang lalaki. “O,” sa huli ay sinabi niya, “ano ito?”

“Tagubilin lamang iyon sa simbahan,” inulit ni Gordon. “Ito ay musika ng simbahan, walang buhay na tugtog ng organo.”

Nabanaag sa mukha ng lalaki ang magiliw na pagsang-ayon nito. “Sige,” sabi niya. Nang hindi humihiling na marinig o makita ang iba pa, kinuha niya ang isang pantatak at inaprubahan ang pelikula.33

  1. Charrier, Oral History Interview [2001], 2; Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 16, 2021.

  2. Charrier, Oral History Interview [2001], 2; Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 16, 2021; Feb. 21, 2021.

  3. Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” L’Étoile, Ene. 1954, 8–10; Joseph Fielding Smith, “Entangle Not Yourselves in Sin,” Improvement Era, Set. 1953, 56:646; tingnan din sa Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4.

  4. Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” L’Étoile, Ene. 1954, 8–10.

  5. Valence,” L’Étoile, Peb. 1952, [24]; Charrier, Oral History Interview [2001], 2; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4; Charrier, Oral History Interview [2014], 8.

  6. Charrier, Oral History Interview [2001], 1; Charrier, Oral History Interview [2014], 5–6, 9.

  7. Charrier, Oral History Interview [2001], 12, 14, 17–18.

  8. Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 16, 2021.

  9. Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 6, 2021; Jeanne Esther Charrier, “Demeurez dans la liberté,” Liahona, Dis. 2020, Local Pages of French-Speaking Europe, 4.

  10. Charrier, Email Interview with John Robertson, Feb. 16, 2021.

  11. Hinckley, Oral History Interview, 2–5; Dew, Go Forward with Faith, 176–77.

  12. Dew, Go Forward with Faith, 177–78; Mga Banal, tomo 2, kabanata 44. Paksa: Salt Lake Temple

  13. Hinckley, Oral History Interview, 3–4; “Things to Be Done,” Mar. 28, 1955; Gunther R. Lessing and Walt Disney Productions to First Presidency, May 26, 1955, Missionary Department Executive Secretary General Files, CHL; Wise, “New Concept in Temple Building and Operation,” 3–4.

  14. Hinckley, Oral History Interview, 3; Winnifred Bowers to Gordon B. Hinckley, June 2, 1955, Missionary Department Executive Secretary General Files, CHL.

  15. Winnifred Bowers to Gordon B. Hinckley, June 2, 1955, Missionary Department Executive Secretary General Files, CHL; Hinckley, Oral History Interview, 4; Wise, Oral History Interview, 49. Ang sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang “dinilaan” sa orihinal ay pinalitan ng “isipin.”

  16. Wise, Oral History Interview, 54; David O. McKay, Diary, June 23, 1955 [CHL].

  17. Hinckley, Oral History Interview, 5; “Temple Rites Printed in 7 Languages,” Salt Lake Tribune, Ago. 1, 1953, 12; Wise, “New Concept in Temple Building and Operation,” 3; Winnifred Bowers to Gordon B. Hinckley, June 2, 1955, Missionary Department Executive Secretary General Files, CHL; Wise, Oral History Interview, 49, 53.

  18. Wise, Oral History Interview, 53; Dew, Go Forward with Faith, 178.

  19. Couch, Farnsworth, at Maksymiw, Oral History Interview, 3–5, 10, 26; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 129; Meyer, Interview [2017], 1–3.

  20. Meyer, Interview [2017], 2–3; Couch, Farnsworth, and Maksymiw, Oral History Interview, 1–3, 6–7, 10.

  21. Couch, Farnsworth, at Maksymiw, Oral History Interview, 5–9, 28; Meyer, Interview [2017], 3; Elise Kuhn, Membership Record, Presiding Bishopric Stake and Mission Census, CHL; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 156.

  22. Couch, Farnsworth, at Maksymiw, Oral History Interview, 5; Meyer, Interview [2017], 3.

  23. Tingnan sa Sunday School General Board, Minutes, Jan. 25, 1955, 134–35; Feb. 1, 1955, 136; Mar. 1, 1955, 141; Mar. 8, 1955, 143; “Make Those Flannelboards Sit Up and Be Noticed,” Instructor, Ene. 1955, 90:24–26; Arnold Friberg, Abinadi Delivers His Message to King Noah, at Alma Baptizes in the Waters of Mormon, sa Instructor, Nob. 1954, tomo 89, inserts. Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan

  24. Richard Ranglack, Paul Langheinrich, and Max Jeske to Thomas E. McKay, Jan. 5, 1946, Thomas E. McKay Correspondence, CHL; Starke, “Memoirs,” 66, 73; Gregory, Mission President Journal, 17; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 69, 72–73; Kuehne, Henry Burkhardt, 31.

  25. Starke, “Memoirs,” 79–80; Gregory, Mission President Journal, 2, 4, 15, 29.

  26. Couch, Farnsworth, at Maksymiw, Oral History Interview, 16–18; Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 139–41, 156–58.

  27. Meyer at Galli, Under a Leafless Tree, 142; Couch, Farnsworth, at Maksymiw, Oral History Interview, 11; Meyer, Interview [2017], 2, 4; Neubrandenburg Branch General Minutes, 1951–54.

  28. Hinckley, Oral History Interview, 5–6; Dew, Go Forward with Faith, 179.

  29. Hinckley, Oral History Interview, 5–6.

  30. Hinckley, Oral History Interview, 6; Dew, Go Forward with Faith, 179–80.

  31. Dew, Go Forward with Faith, 180; Hinckley, Oral History Interview, 6.

  32. Hinckley, Oral History Interview, 6–7; Dew, Go Forward with Faith, 180.

  33. Hinckley, Oral History Interview, 7; Dew, Go Forward with Faith, 180.