Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 20: Kalayaang Pumili: Pagpili ng Buhay o Kamatayan


Kabanata 20

Kalayaang Pumili: Pagpili ng Buhay o Kamatayan

Ngayon ang panahon para piliin natin ang mabuti o masama, sapagkat ang ating mga kilos ay may kahihinatnan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

Pinatotohanan ni Pangulong Wilford Woodruff na dumarating ang kaligtasan “kay at sa pamamagitan ng dugo ni Jesucristo,” at kanyang binigyang-diin rin na dumarating ang ganap na kaligtasan “sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo.”1 Taglay ang pang-unawang ito, itinuro niya na “may kalayaan tayong piliin ang mabuti at tanggihan ang masama, o piliin ang masama at tanggihan ang mabuti”2 at na ang Diyos “ay pananagutin [tayo] sa paggamit ng kalayaang ito.”3 Hinikayat niya ang mga Banal na magpasiya nang wasto, ipinaaalala sa kanila ang kaibahan ng “iilang taon ng makamundong kasiyahan” sa “walang hanggang liwanag, katotohanan, biyaya, at kaalaman na iginawad ng Panginoon sa bawat taong sumusunod sa Kanyang batas.”4

Tulad ng lahat sa atin, maraming pagkakataon ding nagamit ni Pangulong Woodruff ang kaloob na makapili nang malaya. Isa na rito ang nangyari sa Herefordshire, England, sa tahanan ni John Benbow (tingnan sa pahina 99 sa aklat na ito). “Isang marangal na tao si John Benbow,” paggunita ni Pangulong Woodruff. “Katulad niya ang isang maringal na ginoong Ingles; isang mayamang tao, sa palagay ko, na sumapi sa Simbahan. Wala pang isang buwan siyang nabinyagan, ngunit hindi ganoon ang naisip ko nang dumating siya kasama ang kanyang asawa sa silid-hintayan. Gumugol siya ng mga 20 minuto sa pagkukuwento sa akin tungkol sa nabasa niya sa Bagong Tipan na noong panahon ng mga Apostol ay ipinagbili nila ang lahat ng kanilang ari-arian at inilagay sa mga paanan ng mga Apostol [tingnan sa Mga Gawa 4:31–37]. Nadama niyang tungkulin niyang sundin ang batas na iyon at nais niyang gawin ito. Matiyaga akong nakinig sa kanya at nang siya’y matapos, marahil kalahating oras ang ginugol ko sa kanya para masabi ang kaibahan ng katayuan namin ngayon sa katayuan ng mga Apostol noong una. Ipinaunawa ko sa kanya na hindi ako ipinadala ng Diyos sa England para pangalagaan ang kanyang ginto, mga kabayo, mga baka, at ari-arian. Ipinadala niya ako roon para ipangaral ang Ebanghelyo. Gayunman, sinabi ko sa kanya na tatanggapin ng Panginoon ang kanyang sakripisyo, at sa tuwing may pagkakataon siyang gumawa nang mabuti, dapat niyang gawin ito; dapat niyang tulungan ang mahihirap, tumulong sa paglathala ng Aklat ni Mormon, atbp.”

Tinutukoy ang karanasang, ipinahayag ni Pangulong Woodruff ang laki ng impluwensya ng kanyang desisyon na magalang na tanggihan ang alok ni Brother Benbow:

“Ngayon, ano sana ang naging resulta kung kabaligtaran ang ginawa ko, at sinabing, ‘O sige, ibigay mo sa akin ang ari-arian mo at ako na ang bahala diyan’? Marahil ay nag-apostasiya na siya. Hindi lang iyan, kundi may isa ring hangal na Apostol, na tamangtamang kandidato rin sana sa apostasiya. Ngunit naging isang tukso ba sa akin iyon? Hindi. Maaaring hindi rin sa sinumang Elder na may sapat na Espiritu ng Diyos para malaman ang kaibahan ng malaking halaga ng salapi at ng bahagi sa unang pagkabuhay na muli, na may kapangyarihang dumaan sa mga anghel at sa mga diyos patungo sa kadakilaan at kaluwalhatian, at tumayo sa harapan ng Diyos at Kordero magpakailanman at walang katapusan.”5

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Dahil binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili, tayo ay responsable sa ating mga ikinikilos.

Binigyan ng Diyos ang lahat ng kanyang anak sa dispensasyong ito at sa mga naunang dispensasyon, ng kani-kanyang kalayaang pumili. Ang kalayaang ito ay pamanang lagi nang nasa tao sa ilalim ng pamumuno at pamamahala ng Diyos. Taglay [natin] ito sa kalangitan bago pa nilikha ang daigdig, at pinangalagaan at pinagtanggol ito ng Panginoon laban sa pananalakay ni Lucifer at ng mga kakampi niya, na nagbunga ng pagbagsak ni Lucifer at ng sangkatlong bahagi ng hukbo ng langit [tingnan sa Apocalipsis 12:1–9; D at T 29:36–37; Moises 4:1–4]. Sa bisa ng kalayaang ito, ako at ikaw at ang buong sangkatauhan ay ginawang responsableng mga nilalang, responsable sa landas na tatahakin natin, sa pamumuhay natin, sa mga gagawin natin sa mundo.6

Bahagi ng banal na pamamahala na huwag pilitin ang sinuman sa langit, na huwag pilitin ang isipan at hayaan itong malayang makakilos para sa sarili. Inihahayag ng [Diyos] sa Kanyang nilalang ang walang hanggang ebanghelyo, ang mga alituntunin ng buhay at kaligtasan, at tapos ay hinahayaan siyang pumili o tumanggi para sa kanyang sarili, na lubos na nauunawaan na responsibilidad niya sa Kanya ang mga resulta ng kanyang mga ikinikilos.7

Ang ating mga desisyong gumawa ng mabuti o masama ay may kahihinatnan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Kakamtin ng lahat ang kanilang pinaghirapan. Anuman ang ating itinanim, mabuti man o masama, ay aanihin natin [tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7; D at T 6:33].8

Inutusan tayo ng ating Panginoon, at dapat nating sundin ang kanyang mga utos kung [nais] nating tumanggap ng mga biyayang dulot ng pagsunod.9

Kung mas masigasig tayong sumusunod sa mga utos ng Diyos, mas nagiging tiwala tayo na kaibigan natin ang Diyos, at binabantayan Niya tayo at ang Kanyang Anak na si Jesus ang ating Tagapamagitan sa Ama, na Siya ay nasa gitna ng mga taong ito, at ipaglalaban Niya ang karapatan ng Kanyang mga Banal, at sasalagin ang bawat sandatang kakalaban sa Sion.10

Dapat nating ipaisip sa ating mga anak ang masamang kahihinatnan ng pagkakasala o paglabag sa alinman sa mga batas ng Diyos. Dapat na ipaunawa sa kanila na sa paggawa ng mali makararanas sila ng lungkot at hirap na madali nilang matatakasan sa paggawa ng tama, at dapat nilang matutuhan ang alituntuning ito sa pamamagitan ng paggabay nang hindi nakararanas ng lungkot at hirap sa paggawa ng mali.11

Bawat kasalanang nagawa ko sa Simbahang ito at kaharian ay nagdulot sa akin ng libong beses na pasakit na higit sa nagawa. Hindi tayo maaaring magkasala nang walang kaparusahan; hindi maaaring balewalain ang anumang payo nang hindi magdurusa.12

Mga kapatid, hanapin ang Diyos; manalangin sa Kanya sa inyong mga lihim na lugar at huwag tumalikod sa kabutihan at katotohanan; walang mapapala sa paggawa niyan, kundi pulos kawalan.13

Di magtatagal, ang mga taong di namumuhay nang ayon sa katotohanang taglay nila ay daranas ng matinding pagdurusa; wala silang galak at kaligayahan at kaligtasan na taglay ng taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at laging ginagawa ang tama. Ang masama ay laging takot. Hindi katuksu-tukso para sa isang lalaki o babae ang gumawa ng kasalanan, wala itong gantimpala. Mas mabuti para sa ating paglingkuran ang Panginoon, sapagkat ang naglilingkod sa Panginoon nang umaga, tanghali, at gabi ay masasaya mayaman man sila o mahirap.14

Tanungin ninyo ang sinumang tao, bansa, kaharian, o mga henerasyon, at sasabihin nila sa inyo na naghahanap sila ng kaligayahan, pero paano nila hinahanap iyon? Gawin ninyong halimbawa ang nakakaraming tao, paano sila naghahanap ng kaligayahan? Sa pamamagitan ng paglilingkod sa diyablo hanggang sa magawa nila agad ito, at ang halos pinakahuling nilalang o bagay na dapat sambahin ng mga anak ng tao, ngunit ang huling nilalang na gusto nilang sundin ay ang mga batas ng Diyos ng kalangitan. Hindi nila sasambahin ang Diyos ni igagalang ang kanyang pangalan, ni susundin ang kanyang mga batas, kundi lalapastanganin ang kanyang pangalan, sa araw-araw, at halos lahat sa daigdig [ay] naghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan, paglabag sa batas ng Diyos, at paglapastangan sa kanyang pangalan at pagtanggi sa tanging pinagmumulan ng kaligayahan.

Kung talagang nauunawaan natin na hindi tayo makatatamo ng kaligayahan sa paglalakad sa landas ng kasalanan at paglabag sa mga batas ng Diyos, makikita natin ang kahangalan nito. Malalaman ng bawat lalaki at babae na upang makatamo ng kaligayahan dapat tayong kumilos at gawin ang tama, at gawin ang kagustuhan ng ating Ama sa Langit, dahil matatanggap natin sa kanyang kamay ang ganap na kaligayahan, biyaya, kaluwalhatian, kaligtasan, kadakilaan, at buhay na walang hanggan, na matatanggap natin dito o sa kawalang-hanggan.15

Tayo nang maging tapat at pagbutihin ang ating sarili sa mga kagandahan ng ebanghelyo. Walang mapapala sa paggawa ng mali. Ang pagsisinungaling, pagnanakaw, paglalapastangan, paglalasing, pagtatraydor at pagtatwa sa Panginoong Jesucristo ay nagdudulot ng lungkot at dusa; hinahamak nito ang tao na ginawa sa larawan ng Diyos; ngunit ang paggawa ng tama, pagsunod sa mga utos ng Diyos, pagiging mapagkawanggawa at mabait, ay nagdudulot ng galak at kapayapaan at ng Espiritu Santo, at sa huli’y kadakilaan sa kaharian ng ating Ama.16

Tayo ay gagantimpalaan nang walang hanggan ayon sa batas na pinili nating sundin sa maikling panahong inilagi natin sa mundo.

Pagpalain nawa ang inyong kaluluwa, ang ating buhay dito ay maikli lamang, ngunit sa kabila ay mabubuhay tayo nang walang hanggan. Mabubuhay tayo at iiral hangga’t buhay ang ating Tagapaglikha, at ang ating walang hanggang tadhana ay nakasalalay sa kung paano tayo namuhay sa maikling sandaling ito sa mundo.17

Kapag talagang nauunawaan natin ang ating tadhana sa hinaharap— hinaharap na kaligayahan, kadakilaan at kaluwalhatian, o ang ating hinaharap na kalungkutan, pagkahamak at dusa na nakasalalay lahat sa maikling panahong ginugol natin sa mundong ito, masasabi ko na hindi makabubuti sa sinumang nasa mundo na gugulin ang buhay niya sa paggawa ng mali. … Kung tatanggap man ng biyaya ang tao, dapat na matamo niya ito mula sa Panginoon, dahil ang diyablo ay walang kakayahang magbigay ng biyaya, at hindi bibiyayaan ang mga anak ng tao. Sa halip, sinisikap niyang iligaw sila mula sa landas ng kabutihan at katotohanan.18

Ang Diyos ng langit, na lumikha sa daigdig na ito at inilagay ang kanyang mga anak dito, ay nagbigay sa kanila ng batas kung saan sila maaaring madakila at maligtas sa maluwalhating kaharian. Sapagkat may isang batas na ibinibigay sa lahat ng kaharian, at ang lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng batas sa buong sansinukob. Anumang batas ang sinusunod ng isang tao, pinoprotektahan siya ng batas na iyon, at tatanggapin niya ang bawat gantimpala na ipinangangako sa kanya ng batas na iyon [tingnan sa D at T 130:20–21]. Kagustuhan ng Diyos na sundin ng lahat ng kanyang anak ang pinakamataas na batas, upang matanggap nila ang pinakamataas na kaluwalhatian na inorden para sa lahat ng imortal na nilalang. Ngunit binigyan ng Diyos ang lahat ng kanyang anak ng kalayaang piliin ang batas na gusto nilang sundin.19

Walang makatatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian maliban kung susundin niya ang selestiyal na batas. Walang taong tatanggap ng terestriyal na kaluwalhatian maliban kung susundin niya ang terestiyal na batas. At walang taong tatanggap ng telestiyal na kaluwalhatian maliban kung susundin niya ang telestiyal na batas [tingnan sa D at T 88:19–33]. Malaki ang kaibahan ng sikat ng araw sa tanghali at ng kislap ng mga bituin sa gabi, ngunit hindi mahihigitan ng kaibahang iyon ang kaibahan sa kaluwalhatian ng ilang bahagi ng kaharian ng Diyos.20

Inihayag sa atin ng Panginoon ang selestiyal na batas nang ibigay niya sa atin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, at binigyan tayo ng kaalaman tungkol sa mga alituntunin ng buhay na walang hanggan. …

Kung pupunta tayo sa selestiyal na daigdig mahihikayat tayo ng diwang nangingibabaw doon, at patuloy nating tataglayin ang mga alituntuning iyon na dapat gumabay sa atin. Dapat nating angkinin ang gayunding diwa at mga alituntunin sa daigdig na ito, at dapat tayong sumunod sa selestiyal na batas dito, at makiisa sa mga alituntuning nagbubuklod sa mga tao ng Diyos na nasa piling niya, upang tayo man ay makatanggap ng kaluwalhatiang kanilang tinatamasa.

May mga alituntuning itinuturo sa atin araw-araw, at dapat nating matutuhang isagawa ang mga ito, at dapat nating isantabi ang ating kasakiman at lahat ng maling alituntunin.21

Gagantimpalaan ang mga taong gumagawa ng tama, at magdurusa at magsisisi ang mga tao sa henerasyong ito o sa iba pa na kumakalaban sa Diyos. … Kung gagawa ng tama ang tao, matatag sa patotoo kay Jesucristo, sinusunod ang ebanghelyo, at tinutupad ang kanyang mga tipan, kapag siya’y namatay na, makapapasok siya sa piling ng Diyos at ng Kordero. Dahil sinunod niya ang selestiyal na batas makapapasok siya sa selestiyal na kaluwalhatian, pangangalagaan siya ng batas na iyon, at makikibahagi siya sa kaluwalhatiang iyon nang walang hanggan. Makabubuti para sa isang tao ang sumunod at maging tapat sa batas ng Diyos sa maikling panahong ilalagi niya sa mundo.22

Dapat nating suriin ang ating sariling damdamin, at magdesisyon kaagad na gawin ang mabuti, igalang ang Ama sa Langit, gawin ang tungkulin sa Diyos at mga tao, at tanggapin at sumapi sa kaharian ng Diyos at itatag ito. Sa gayon ay mauunawaan natin na upang magtamo ng kaligayahan at bigyang-kasiyahan ang imortal na kaluluwa sa ganap na kaluwalhatian kailangang sundin ng tao ang selestiyal na batas at makatanggap ng bahagi ng selestiyal na Espiritu ng Diyos. Mauunawaan din natin na ang paggawa ng kasalanan, paglabag sa batas ng Diyos at paglapastangan sa kanyang pangalan, ay magdudulot ng dusa at lungkot at temporal at espirituwal na kamatayan. Kung tayo ay lalakad sa landas ng kasamaan, pinalulungkot natin ang Espiritu Santo at ang mga kapatid at ipinapahamak ang ating sarili.23

Itinuro na ang daan ng buhay at kung tumanggi tayong lumakad doon, kamatayan lamang ang sasalubong sa atin. Huminto tayo sandali at mag-isip—alamin natin kung lubos na makabubuti sa atin ang makatanggap ng buhay o kamatayan. … Narinig na ninyo ang malinaw na mga katotohanan, at ang mga ito ay ibinigay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at ng patotoo kay Jesucristo, at ngayon ang panahon para magdesisyon kayo kung sino ang inyong paglilingkuran.24

Ang inyong hinaharap na mga biyaya, hinaharap na kadakilaan at kaluwalhatian, mga daigdig na walang katapusan, ay nakasalalay sa landas na tatahakin ninyo rito. Malinaw na sa inyo ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. … Nasa inyo na kung tatahakin ninyo ito.25

Inilalapit sa atin ng Diyos ang kaligtasan, at nagbibigay ng mga simpleng alituntunin ng pagkilos at ng lakas upang maisagawa ang mga ito.

Abot-kamay lamang ninyo ang kaligtasan, buhay na walang hanggan at bahagi ng simula ng pagkabuhay na muli; sa katunayan, lahat ng biyayang ipinangako ng Diyos sa sinumang tao na nabuhay, ay ibinibigay sa inyo at abot-kamay lang kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin.26

Nasa mga Banal sa mga Huling Araw ang bawat paghihikayat; malinaw ang kanilang daan at nag-aanyaya sa kanila.27

Mayroon lang iisang daan, at napakatuwid nito; at ang mga alituntunin at patakaran na nakasasakop sa daang iyon ay simple at madaling maunawaan. Ito ang daang dapat nating lakaran, at itinuturing kong tunay tayong pinagpala dahil alam natin ang tunay na daan.28

Ngayon anuman ang ipagawa sa atin ng Panginoon, hindi niya ipagagawa sa atin ang hindi natin kayang gawin. Masusunod natin ang kanyang mga utos depende sa katayuan natin at pamamaraang taglay. Gaano man kahirap ang isang lalaki o babae masusunod pa rin nila ang ebanghelyo; makahahayo sila at makapagpapabinyag para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at kung susundin nila ang mga utos ng Panginoon sila ay bibigyan niya ng kapangyarihan at paraan upang maisagawa ang hinihingi sa kanila.29

Dalangin ko na ipagpatuloy natin ang gawaing ito upang kung tayo ay mamatay na, masisiyahan tayo sa ating talaan. Makikita natin ang ating kasaysayan at talaan sa malaking aklatan ng selestiyal na kaharian ng Diyos, at malalaman natin ang ating ginawa sa lupa. Kapag nakagawa tayo ng anumang mali ikalulungkot natin ito. Dapat tayong magsisi at sikaping magbago. Dalangin ko na mapasaatin ang Espiritu ng Diyos upang gabayan at turuan tayo sa ating mga ginagawa hanggang sa matapos tayo rito, at kapag tayo’y namatay na ay matanggap tayo sa kaharian ng Diyos. Magagalak tayo kung gagawin natin ang tama; sapagkat ang ating mga mata ay hindi nakakita, ang ating mga tainga ay hindi nakarinig, at hindi kailanman pumasok sa mga puso ng mga anak ng tao ang kaluwalhatiang ibinibigay sa mga anak na lalaki at babae ni Adan. Itinatago ito sa ating mga paningin ngayon, at mananatiling nakatago hanggang sa makapasok tayo sa kinaroroonan ng Diyos at ng Kordero.30

Walang lalaki o babae na nabuhay sa mundo at sumunod sa mga utos ng Diyos ang mahihiya, o malulungkot dahil dito, kapag sila ay nakapasok na sa kinaroroonan ng Diyos.31

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata at naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Rebyuhin ang kuwento sa mga pahina 225–27. Anong mga alituntunin ang gumabay sa desisyon ni Elder Woodruff sa isinagot niya kay Brother Benbow?

  • Basahin ang buong ikaapat na talata sa pahina 227–28. Bakit salungat sa likas na katangian ng Diyos na “pilitin ang sinuman sa langit” o “pilitin ang isipan”? Ano ang ginawa ng ating Ama sa Langit upang hikayatin tayo na piliin ang landas na patungo sa buhay na walang hanggan?

  • Sinabi ni Pangulong Woodruff, “Kakamtin ng lahat ang kanilang pinaghirapan” (pahina 228). Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Paano maiimpluwensiyahan ng pahayag na ito ang mga desisyong ginagawa natin?

  • Ayon kay Pangulong Woodruff, ano ang ilan sa mga biyayang dumarating sa buhay na ito kapag sinusunod natin ang mga utos? Ano ang ilan sa mga nagiging resulta sa buhay na ito kapag pinipili nating suwayin ang mga utos? (Tingnan sa mga pahina 228–29.)

  • Rebyuhin ang ikalima at ikaanim na talata sa pahina 228. Ano ang mga kabayaran ng kasalanan?

  • Paano naaapektuhan ng pang-araw-araw nating pagdedesisyon ang ating walang hanggang tadhana? (Tingnan sa mga pahina 231–32, 232–33.) Bakit mahalagang tandaan na maikli ang buhay na ito kung ihahambing sa kawalang-hanggan?

  • Ano ang sasabihin ninyo sa isang kapamilya o kaibigan na naghahanap ng kaligayahan pero hindi sinusunod ang mga utos? Anong mga karanasan ang maibabahagi ninyo upang matulungan ang taong iyon?

  • Sa palagay ninyo bakit kung minsan ay iniisip ng ilang tao na hindi nila makakamtan ang kaligtasan? Sa pag-aaral ninyo ng mga turo ni Pangulong Woodruff sa mga pahina 233–34, aling mga pahayag ang sa palagay ninyo ay mas makapagbibigay-katiyakan sa mga taong nakararamdam nang ganito?

  • Ano ang magagawa ng mga magulang upang maigalang ang kalayaang pumili ng kanilang mga anak ngunit tinutulungan pa rin silang gumawa ng mga tamang desisyon?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Josue 24:15; Isaias 64:4; Mga Taga Colosas 3:24–25; 1 Nephi 3:7; 2 Nephi 2:25–30; Alma 7:14–25; 41:10; Helaman 14:30–31; D at T 130:20–21

Mga Tala

  1. Deseret News: Semi-Weekly, Hunyo 13, 1882, 1.

  2. “Sayings and Writings of President Woodruff.”Contributor, Hulyo 1894, 538.

  3. Deseret Weekly, October 26, 1889, 561.

  4. The Discourses of Wilford Woodruff, pinili ni G. Homer Durham (1946), 278–79.

  5. Millennial Star, November 28, 1895, 754–55.

  6. The Discourses of Wilford Woodruff, 8–9.

  7. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 9, 1882, 1.

  8. Millennial Star, September 2, 1889, 548.

  9. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  10. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 26, 1881, 1.

  11. The Discourses of Wilford Woodruff, 105.

  12. Deseret News: Semi-Weekly, Disyembre 14, 1880, 1.

  13. The Discourses of Wilford Woodruff, 262.

  14. Deseret News, Pebrero 22, 1865, 162.

  15. The Discourses of Wilford Woodruff, 259–60.

  16. The Discourses of Wilford Woodruff, 23.

  17. The Discourses of Wilford Woodruff, 244.

  18. Deseret News, Pebrero 22, 1865, 162.

  19. The Discourses of Wilford Woodruff, 10.

  20. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 12, 1875, 1.

  21. Deseret News, Enero 6, 1858, 350.

  22. Deseret News, Disyembre 23, 1874, 741.

  23. Deseret News, Pebrero 4, 1857, 879.

  24. Sa Journal of Discourses, 9:222.

  25. “Y. M. M. I. A. Annual Conference,” Contributor, August 1895, 638.

  26. Contributor, August 1895, 638.

  27. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 26, 1881, 1.

  28. The Discourses of Wilford Woodruff, 307.

  29. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 2, 1876, 4.

  30. Millennial Star, May 14, 1896, 311.

  31. Deseret News: Semi-Weekly, Mayo 20, 1873, 1.

Larawan
John Benbow

John Benbow

Larawan
farmhouse owned by John Benbow

Larawan ng kubong minsang naging pag-aari ni John Benbow.

Larawan
woman
Larawan
man
Larawan
girl
Larawan
man
Larawan
young woman
Larawan
woman
Larawan
woman
Larawan
young man
Larawan
girl

“Ang mga naglilingkod sa Panginoon sa umaga, tanghali at gabi ay masasaya mayaman man sila o mahirap.”