Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 21: Tapat na Pagtitiis sa mga Pagsubok at Pagsalungat


Kabanata 21

Tapat na Pagtitiis sa mga Pagsubok at Pagsalungat

Kung tayo ay matapat at masunurin sa mga panahon ng pagsubok, palalakasin at susubukan tayo ng Panginoon upang tulungan tayong maghanda para sa selestiyal na kaluwalhatian.

Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff

“Tayo ay ligtas hangga’t ginagawa natin ang ating tungkulin,” ang turo ni Pangulong Wilford Woodruff.” Anumang pagsubok o paghihirap ang maaaring iparanas sa atin, mapapasaatin ang Diyos at palalakasin tayo.”1 Sa pagtuturo ng alituntuning ito, nagkuwento si Pangulong Woodruff ng kanyang karanasan. Dumanas siya ng pag-uusig sa relihiyon at pulitika, karahasan ng mga mandurumog, pagsalungat sa gawaing misyonero, karamdaman, kamatayan ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, at ng pang-araw-araw na pagsubok sa buhay. Sa halip na malungkot, hinarap niya ang pagsubok na iyon nang may pananampalataya, nagtitiwala sa mga pangako ng Panginoon at naghahanap ng lakas sa kanyang sariling patotoo ng ebanghelyo.

Noong Nobyembre 1835, nang nagmimisyon si Wilford Woodruff sa katimugang bahagi ng Estados Unidos, natanggap niya at ng kanyang kasamang mga misyonero ang patnubay ng Panginoon sa panahon ng pagsubok. Isinulat niya: “Habang naglalakbay nang gabing iyon, … inabutan kami ng napakalakas na bagyo. Napapunta kami sa ilog na umapaw dahil sa lakas ng ulan, kung kaya hindi kami makatawid nang hindi nakasakay sa aming mga kabayo. … Ipinasiya naming dumaan sa bungad ng ilog para matawid ito; ngunit nang tangkain naming gawin ito, sa gitna ng dilim at rumaragasang hangin at ulan, naligaw kami sa masukal na kakahuyan, sa gitna ng ulan, hangin at ilog at nagbagsakang mga puno. Tumawid kami ng ilog nang halos dalawampung beses. … Ngunit kinaawaan kami ng Panginoon sa problemang ito, dahil nang nangangapa na kami sa dilim, na nanganganib na mapatay ang aming sarili at [aming] mga hayop, sa pagtahak sa matatarik na dalisdis biglang-biglang may liwanag na tumutok sa amin at nakita naming mapapahamak na kami, dahil nasa gilid na kami ng malalim na gulpo. Patuloy na tumutok sa amin ang liwanag hanggang sa makakita kami ng bahay, at natunton ang daan.”2

Tinutukoy ang karanasang ito, sinabi ni Pangulong Woodruff, “Pagkatapos ay nagagalak kaming nagpatuloy, bagama’t dumilim na muli at nagpatuloy ang ulan.”3 Makikita sa sinabi niyang ito kung paano niya hinarap ang mga pagsubok sa buhay. Lagi siyang nagpapatuloy, nagagalak sa mga biyaya ng Panginoon kahit na patuloy ang mga pagsubok.

Mga Turo ni Wilford Woodruff

Ang mga pagsubok at pagsalungat ay nagbibigay sa atin ng karanasan at tinutulungan tayong maghanda para sa selestiyal na kaluwalhatian.

Walang alinlangan na sa maraming pagkakataon, nagtataka ang kalalakihan at kababaihan, kung bakit sila inilagay ng Diyos sa daigdig na tulad nito, kung bakit hinahayaan niyang maranasan ng kanyang mga anak ang lungkot at pagsubok sa buhay na ito. May ipinahayag sa atin ang Panginoon tungkol sa bagay na ito, at sapat na ang natutuhan natin para malaman kung bakit kailangan ang bagay na ito.4

Malinaw na layunin ng Diyos na hayaang masubok nang lubos ang Kanyang mga Banal, upang mapatunayan nila ang kanilang integridad at malaman ang katangian ng pundasyong kanilang kinatatayuan.5

Bagamat kung minsan ay nadarama at nadama natin sa mga nakalipas na araw, ang dumaing dahil sa mga nakakaharap na pangaapi, pag-uusig, at paghihirap, ay nais ko pa ring sabihin sa aking mga kapatid na ang mga bagay na ito ay kaakibat na ng mga banal ng Diyos. … Hindi pa ako nakabasa ng tungkol sa mga tao ng Diyos sa alinmang dispensasyon, tulad ng sinasabi ng mga taga-ibang relihiyon, na nabuhay sa ginhawa, nang walang anumang balakid. … Ipinaranas sa atin ang mga pagsubok sa maraming pagkakataon, at sa palagay ko hindi tayo dapat dumaing, dahil kung wala tayong mga pagsubok, di tayo mapapalagay sa kabilang buhay sa piling ng mga Propeta at Apostol na nilagare, pinako sa krus, atbp., para sa salita ng Diyos at patotoo kay Jesucristo.6

Hindi maaari … para sa mga Banal ng Diyos na magtamo ng selestiyal na kaharian nang hindi nasubukan kung sila ba ay mananatiling masunurin sa mga tipan ng Panginoon o hindi.7

Si Jesus … ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay upang siya ay mangibabaw sa lahat ng bagay at maunawaan ang lahat ng ito. Walang tao na mas nagpakababa kaysa sa Tagapagligtas ng daigdig. Isinilang sa kulungan ng mga hayop, inihiga sa sabsaban, nagmula Siya roon patungo sa krus sa pamamagitan ng pagdurusang hinaluan ng dugo patungong luklukan ng biyaya; at sa buong buhay Niya wala Siyang inangking yaman sa mundo. Buong buhay Siyang dumanas ng hirap, dusa, sakit, karamdaman, panalangin, dalamhati, at lungkot hanggang sa Siya’y namatay sa krus. Nanatili Siya bilang Panganay na Anak ng Diyos at Manunubos ng daigdig. Maaaring itanong kung bakit hinayaan ng Panginoon ang Kanyang Anak na maparito at mamuhay at mamatay nang tulad niya. Kapag nakarating na tayo sa daigdig ng mga espiritu, at nahawi ang tabing marahil ay mauunawaan na natin ang mga dahilan ng lahat ng bagay na ito.

Sa mga pagbibigay at paglalaan ng Diyos sa tao tila isinilang tayo para dumanas ng sakit, hirap, kalungkutan, at pagsubok; ito ang itinakda ng Diyos na pagdaanan ng pamilya ng tao; at kung ginamit natin nang tama ang pagsubok na ito, ang karanasang idudulot nito ay magbibigay ng malaking biyaya sa atin sa huli. At kapag natanggap natin ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, kadakilaan, mga kaharian, luklukan, mga pamunuan, kapangyarihan, kasama ang lahat ng biyaya ng kabuuan ng ebanghelyo ni Cristo, maiintindihan at mauunawaan natin kung bakit ipinadanas sa atin ang walang tigil na pagsubok sa iilang taon na ginugol natin sa mundo.8

Ano ba ang maaari nating gawin o ipagpapakasakit, na maihahambing sa napakaraming kaharian, luklukan, at pamunuang ipinahayag ng Diyos sa atin?9

Sa labanan sa pagitan ng kadiliman at liwanag, magtatagumpay ang Panginoon at Kanyang mga tao.

Ang pagsalungat sa Diyos at Kanyang Cristo, pagsalungat sa liwanag at katotohanan ay umiiral na noon pa man hanggang ngayon. Ito ang digmaang nagsimula sa langit, na umiral sa lahat ng panahon, at magpapatuloy hanggang sa katapusan, hanggang sa maghari Siya na may karapatang maghari, kapag Siya’y dumating sa alapaap ng kaluwalhatian upang gantimpalaan ang bawat tao ayon sa mga ginawa nila sa mundo.10

Ang diwa ng labanang ito na makikita sa mga araw na ito ay nangyayari sa lahat ng panahon nang nasa mundo pa ang priesthood. Lagi nang may digmaan sa pagitan ng liwanag at kadiliman, ng Diyos at ng diyablo, ng banal at makasalanan, ng tama at maling mga alituntunin. Tayo mismo ay nakikipaglaban sa ating likas na kahinaang gumawa ng kamalian.11

May dalawang kapangyarihan sa mundo at sa gitna ng mga nilalang sa mundo—ang kapangyarihan ng Diyos, at ang kapangyarihan ng diyablo. Sa ating kasaysayan nagkaroon tayo ng ilang kakaibang karanasan. Kapag ang Diyos ay may mga tao sa mundo, sa alinmang panahon, si Lucifer, ang anak ng umaga, at ang milyun-milyong nahulog na espiritu na itinaboy mula sa langit, ay nakipaglaban sa Diyos, laban kay Cristo, laban sa gawain ng Diyos, at laban sa mga tao ng Diyos. At hindi sila mag-aatubiling gawin iyon sa ating panahon at henerasyon. Sa tuwing pakikilusin ng Diyos ang Kanyang kamay upang magsagawa ng anumang gawain, nagpupunyagi ang mga puwersang ito upang lupigin ito.12

Hindi lamang kapangyarihan ng kadiliman, ang di nakikitang lakas na nakapalibot sa atin ang dapat nating labanan, kundi pati ang napakaraming sitwasyong nagaganap sa daigdig at ang mga problemang kailangan nating harapin. At kapag marami tayong nakakaharap na ganito mas dapat tayong mahikayat na kumilos at gawin ang lahat ng makakaya natin sa harap ng Panginoon para sa pagtatatag ng kabutihan at katotohanan at pagbuo ng gawain ng Diyos, at tiyaking pararangalan ang kanyang pangalan sa mundo.13

Alam ng diyablo na noong ihatid ng anghel [ang Aklat ni Mormon] kay Joseph Smith iyon ang pundasyon ng sistemang gagapi sa kanyang kaharian. Ang pagtaboy, atbp., na naranasan ng mga taong ito ay hindi dahil lumabag sila sa batas—hindi dahil sila ay mas masama kaysa iba, kundi dahil sila ay naglalatag ng pundasyon ng kaharian ng Diyos na lalago at uunlad, … at maghahanda para sa pagdating ng Panginoong Jesucristo na Hari ng mga hari at Panginoon ng mga Panginoon, na darating at maghahari sa buong mundo, at ang lahat ng iba pang kaharian, at pangulo at gobernador, at kanilang nasasakupan ay kinakailangang kilalanin na si Jesus ang Cristo. Gagapiin ng gawaing ating kinakatawan sa mga huling araw ang kapangyarihan ng diyablo na naghari sa mga anak ng tao. … Kung gayon hindi nakapagtatakang mapoot ang diyablo, at udyukan ang masasama na kalabanin ito. Bibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod at bibigyan sila ng kakayahang panatilihin ang kahariang ito sa mundo. Siya ang namamahala. Hindi ako mananampalataya nang lubos sa gawaing ito kung hindi ang Diyos ang nagtatag nito—hindi ako makapagtitiis nang wala Siya laban sa matinding kapangyarihang kumakalaban sa gawaing ito.14

Kailangan nating alamin ang ating tungkulin, at mapagpakumbabang manalangin sa Panginoon, at mamuhay nang malapit sa Kanya. Sa gayon ay mabubuksan ang ating mga mata, tulad ng nangyari sa binatilyong tagapaglingkod noon na si Propetang si Eliseo, at malalaman natin na mas marami ang kumakampi sa atin kaysa kumakalaban [tingnan sa II Mga Hari 6:8–17], at na ang tindi ng pagsalungat ay magpapabilis lamang ng katuparan ng mga layunin ng Diyos. Magtiwala sa Diyos at umasa sa Kanyang mga pangako, namumuhay nang marapat sa liwanag at kaalamang taglay ninyo; magiging maayos ang lahat sa inyo sa buhay man o kamatayan.15

Tayo ay pinangangalagaan ng Panginoon sa mga panahon ng pagsubok. Pinalalakas Niya tayo ayon sa ating pananampalataya, kapakumbabaan, at pagsunod.

Walang alinlangang di natin kailanman mararanasan ang higit pa sa naranasan ng Tagapagligtas. Nanatili Siyang totoo at tapat sa Kanyang Ama at sa Kanyang tungkulin bilang Tagapagligtas ng daigdig sa buong buhay Niya. Nanalangin Siya nang lubos, at nanangis Siya sa harap ng Panginoon dahil sa kasalanan ng sanglibutan. Ngayon Siya’y nasa gitna natin. Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. [Tingnan sa D at T 29:5.] Tayo ay pinangangalagaan Niya, at gagawin Niya ang lahat para sa ating kaligtasan.16

Inusig tayo, pinahirapan tayo, at dumanas tayo ng mabibigat na pagsubok sa ating panahon ngunit tinulungan tayo ng Panginoon sa lahat ng mga bagay na ito.17

Nadaragdagan ang mga kalamidad at kaguluhan sa mundo, at may kahulugan sa lahat ng ito. Tandaan at pag-isipan ang mga bagay na ito. Kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin, at gagawin ko ang sa akin, mapangangalagaan tayo, at malalampasan natin ang mga paghihirap nang payapa at ligtas.18

Kailangan ng malayang pag-iisip, tapat na puso, pananampalataya sa Diyos at katatagan, upang makapamuhay bilang Banal sa mga Huling Araw, sa harap ng sumasalungat na mundo, at sa gitna ng mga pagsubok at problema at pag-uusig.19

Naghanda si Daniel nang pumasok siya sa kulungan ng mga leon; ang tatlong anak ng Hebreo [sina Sadrac, Mesach, at Abed-nego] ay hindi natakot sa kapalarang naghihintay sa kanila; ang mga Apostol ay magiting sa katotohanan at hindi takot mamatay, at bakit nanindigan sa kanilang pinaniniwalaan ang kalalakihang iyon at ang iba na nasa gayong kalagayan? Dahil una sa lahat, nasa kanila ang katotohanan at alam nila ito mismo sa kanilang sarili; at ikalawa, pinalakas sila ng Espiritu Santo, ng Mang-aaliw, sa lahat ng mahihirap na pagsubok na ipinaranas sa mga tao ng Diyos. At ito’y ganoon din sa ngayon.20

Madalas kong naiisip na hindi ko pa nakita kailanman na mas masaya ang mga taong ito kaysa sa panahon ng kanilang matinding kahirapan, pagkataboy at pagdurusa para sa salita ng Diyos, at sa patotoo kay Jesucristo. Laging nasa kanila ang Espiritu ng Diyos, at sa kanilang kapakumbabaan at paghihirap, ang Espiritu Santo, ang Mang-aliw ay laging sumasakanila, at sila’y napuspos ng galak at kaaliwan, at nagalak sa harapan ng Panginoon para sa lahat ng bagay na ito. Hindi nila sana nadama iyon kung hindi nila sinikap na sundin ang mga utos ng Panginoon.21

Kailangan nating magsisi at magpakumbaba sa harap ng ating Panginoong Diyos, upang mapasaatin ang Espiritu Santo at higit na mapagpala nito upang maihanda tayo sa mga kakaharapin natin.22

Nais kong magpatotoo sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang Diyos ay nasa mga taong ito. Hinuhubog Niya ang ating landas, at patuloy na gagawin ito kung makikinig tayo sa Kanyang tinig, at tayo ay patuloy Niyang bibigyan ng sapat na biyaya upang makayanan ang panahon ng pagsubok at suliranin. Maawain ang Panginoon sa Kanyang mga tao sa bawat panahon sa mundong ito; ngunit tulad ni Cristo na nagdusa, tulad ng mga Apostol na nagdusa—na ang ilan ay humantong pa sa kamatayan—para sa patotoo kay Jesus, nagdusa rin ang mga Banal sa mga Huling Araw, at ang ilan sa kanila ay tinatatakan din ng kanilang dugo ang kanilang patotoo. Sila ay pinaranas din ng matinding paghihirap alang-alang sa Ebanghelyo, ngunit kailanman ay hindi hiningi sa ating tiisin ang higit pa sa makakayanan natin, at hindi kailanman hangga’t sumusunod tayo sa mga payo ng langit.23

Ang kapangyarihan ng Diyos ay ipinakita para sa kaligtasan ng mga taong ito. Gaano man kasama ang situwasyon; gaano man kalakas ang pag-uusig, pagpapahirap at oposisyon sa gawaing ito, ang Panginoon, mula sa pagsisimula nito, hanggang sa ngayon ay pinangangalagaan ang kapakanan nito. Tinutulungan at iniingatan Niya ito, at patuloy itong gagawin hanggang sa huli; hanggang sa ang Sion ay bumangon at magsuot ng kanyang magagarang damit, at naisagawa ang lahat ng mga dakilang pangyayari sa mga huling araw.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.

  • Basahin ang kuwento sa mga pahina 237–39. Ano ang natutuhan ninyo mula sa kuwentong ito?

  • Maraming tao ang nagtataka kung bakit hinahayaan ng Diyos na “dumanas ng lungkot at paghihirap” ang Kanyang mga anak (pahina 239–40). Paano sinagot ni Pangulong Woodruff ang tanong na ito? (Tingnan sa mga pahina 239–40.)

  • Bakit kinailangang magdusa si Jesus? (Tingnan sa pahina 240; tingnan din sa Alma 7:11–12; D at T 88:6.) Paano Niya hinarap ang pag-uusig? (Tingnan sa mga pahina 243–45). Paano natin masusunod ang Kanyang halimbawa?

  • Itinuro ni Pangulong Woodruff na ang digmaan sa pagitan ng liwanag at kadiliman “ay umiiral sa lahat ng panahon” (pahina 241). Sa paanong paraan ninyo nakikitang nagpapatuloy ang digmaang ito? Ano ang magagawa natin upang ipagtanggol ang ating sarili at pamilya sa digmaang ito? (Tingnan sa mga pahina 241–43.)

  • Sa anong mga paraan kayo “nahikayat na kumilos” (pahina 241–42) bilang resulta ng mga pagsubok?

  • Pag-aralan ang II Mga Hari 6:8–17. Ano ang nadama ninyo sa kuwentong ito? Ano ang itinuro ni Pangulong Woodruff nang banggitin niya ang talang ito? (Tingnan sa pahina 243.)

  • Sa anong mga paraan tayo tinutulungan ng Panginoon sa pagharap sa ating mga pagsubok? (Tingnan sa mga pahina 243–45; tingnan din sa Mosias 24:13–16.) Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang aliw at lakas na ibinibigay ng Panginoon? Paano kayo natulungan ng Panginoon na tiisin ang inyong paghihirap?

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: 2 Nephi 2:11–24; Alma 36:3; D at T 58:2–5; 10:1–5; 101:1–5; 121:7–8, 29; 122:5–9

Mga Tala

  1. The Discourses of Wilford Woodruff, seleksyon ni G. Homer Durham (1946), 212.

  2. “History of Wilford Woodruff (From His Own Pen, “Millennial Star, Abril 15, 1865.

  3. “My First Mission Continued, “Juvenile Instructor, Hunyo 15, 1867, 91.

  4. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1888, 174.

  5. “Epistle,” Woman’s Exponent, Abril 15, 1888, 174.

  6. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 15, 1883, 1.

  7. The Discourses of Wilford Woodruff, 263.

  8. Deseret News: Semi-Weekly, Hulyo 20, 1875, 1.

  9. The Discourses of Wilford Woodruff, 85.

  10. Deseret Weekly, September 21, 1889, 394.

  11. Deseret News, Setyembre 26, 1860, 234.

  12. Deseret Evening News, Oktubre 17, 1896, 9.

  13. Deseret News, Marso 20, 1883, 1.

  14. Deseret News, Pebrero 22, 2865, 163.

  15. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 20, 1883, 1.

  16. Millennial Star, March 5, 1896, 150.

  17. Deseret Weekly, April 25, 1891, 555.

  18. The Discourses of Wilford Woodruff, 230.

  19. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 31, 1882, 2

  20. Deseret News: Semi-Weekly, Hunyo 13, 1882, 1.

  21. Deseret News: Pebrero 22, 1865, 162.

  22. Deseret News: Semi-Weekly, Enero 12, 1875, 1.

  23. Salt Lake Herald Church and Farm, June 15, 1895, 386.

  24. Deseret News: Semi-Weekly, Marso 4, 1873, 3.

Larawan
covered wagons

Tulad ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw, lahat tayo ay may pagsubok. Itinuro ni Pangulong Woodruff na hinahayaan ng Diyos na subukin ang Kanyang mga banal “upang mapatunayan nila ang kanilang integridad at malaman ang katangian ng pundasyong kinatatayuan nila.”

Larawan
Mary, Joseph and baby Jesus

“Isinilang sa kulungan ng mga hayop, inihiga sa sabsaban, [si Jesucristo] ay naglakbay mula roon sa pamamagitan ng pagdurusa na may kahalong pagbubuwis ng dugo patungong luklukan ng biyaya.”