Library
Pag-aampon


Larawan
pamilya

Pag-aaral ng Doktrina

Pag-aampon

Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo sa atin na mahal ng Diyos ang maliliit na bata. Bawat bata ay nakararanas ng kakaibang sitwasyon kapag ipinaampon. Sa pagpapasiyang mag-ampon, tandaan na ikaw at ang iyong anak ay mahal ng Ama sa Langit, at hindi Niya kayo kailanman pababayaan (tingnan sa 1 Cronica 28:20). Mahal Niya ang batang ito at hangad na tulungan ka habang nagpaplano ka para sa kinabukasan ng batang ito.

Buod

Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo sa atin na mahal ng Diyos ang maliliit na bata. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak” (Mateo 18:14). Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak at nagpapakita ng awa sa bawat isa anuman ang kanilang mga kalagayan (tingnan sa Exodo 20:6). Siya ay “mayaman sa awa” at tutulungan sila sa kanilang mga pagsubok, suliranin, at paghihirap (tingnan sa Efeso 2:4; Alma 36:3). Bawat bata ay nakararanas ng kakaibang sitwasyon kapag ipinaampon. Sa pagpapasiyang mag-ampon, tandaan na ikaw at ang iyong anak ay mahal ng Ama sa Langit, at hindi Niya kayo kailanman pababayaan (tingnan sa 1 Cronica 28:20). Mahal Niya ang batang ito at hangad na tulungan ka habang nagpaplano ka para sa kinabukasan ng batang ito.

Kung nais mo at ng iyong asawa na mag-ampon, tiyaking alam ninyo ang lahat ng hinihingi ng batas ng bansa at ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman dito. Maaari kayong sumangguni sa isang adoption agency [ahensya na nag-aasikaso sa pag-aampon] o adoption attorney [abogado na eksperto sa proseso ng pag-aampon]. Kung nakatira kayo sa Estados Unidos, maaari kayong i-refer ng bishop ninyo sa Family Services kung saan kayo maaaring sumangguni.

Pinaaalalahanan ni Pangulong Henry B. Eyring ang bawat magulang na “ang ating pinakamahalaga at mabigat na mga tungkulin ay sa pamilya. Mahalaga ang pamilya dahil sa simula pa lang ng buhay ng isang bata ay may pagkakataon na siya na mailagay nang matatag ang kanyang mga paa sa landas pabalik sa Ama” (“Tulungan Sila na Makabalik,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2010).

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Gusto naming mag-ampon, saan nga ba kami magsisimula?

Maraming iba’t ibang motibasyon kung bakit nais ng mga tao na mag-ampon ng bata, at ang motibasyong iyan ay may napakahalagang papel sa karanasan ng tao sa pag-aampon. Isang mahalagang payo, gayunman, ang nananatiling angkop anuman ang motibasyon: ang pag-aampon ay dapat laging maging pagpapala sa buhay ng isang bata. Ang payong ito ay kinapapalooban ng mahigpit na pagtupad sa mga hinihingi ng batas ukol sa pag-aampon sa inyong bansa at lokal na pamahalaan. Mas maraming regulasyon ang sumasakop sa pag-aampon na mula sa ibang bansa kaysa sa mga pag-aampon na nagaganap sa loob ng bansa. Ang pakikipagtulungan sa mga lisensyado at awtorisadong nag-aasikaso ng pag-aampon (mga adoption agency, adoption attorney, at iba pa) ay lubos na hinihikayat. Mangyaring tingnan sa Hanbuk 2: Pangangasiwa sa Simbahan, 21.1.4.

Ang pag-aampon sa isang bata ay magiging isa sa mga pinakamahalagang desisyon ninyo sa buhay, at posibleng ito ang isang pinakamalaking desisyon sa buhay ng bata. Pag-aralan ninyo ito sa inyong isipan, at hingin ang patunay ng Espiritu sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:7–8). Buong pusong makipagsanggunian sa Panginoon (tingnan sa Alma 37:35–37).

Para maihanda ang inyong sarili, hanapin ang mga sagot sa maraming tanong na may kinalaman sa pag-aampon, tulad ng:

  • Paano makakaapekto sa pagsasama naming mag-asawa ang pag-aampon?

  • Ano ang kailangan naming gawin para maging matagumpay na mga magulang na nag-ampon?

  • Ano ang mga gantimpala at mga hamon na kaakibat ng pag-aampon ng isang bata?

Saan pa kami makakakuha ng karagdagang kaalaman tungkol sa pag-aampon?

Kontakin ang isang propesyonal sa proseso ng pag-aampon (adoption agency, adoption attorney, lisensyadong adoption provider) upang malaman ang kinakailangang gawin para maging isang magulang na nag-ampon [adoptive parent]. Kung may Family Services sa inyong lugar, maaari ninyo silang kontakin para makahingi ng referral. Sa Estados Unidos, may mga ahensya rin mula sa gobyerno.

Maraming regulasyon ang sumasakop sa pag-aampon at iba’t iba ang mga kinakailangang gawin. Kailangan ninyong malaman ang mga kinakailangang gawin para sa inyong lugar at sundin ang mga ito.

Kapag naihanda na ninyo ang inyong isipan at damdamin, at natugunan ang lahat ng kinakailangang gawin upang maging karapat-dapat na mag-ampon ng isang bata, maaari na ninyong simulan ang proseso ng paghahanap ng isang batang aampunin.

Paano kami makakahanap ng batang aampunin?

Ang paghahanap ng batang aampunin ay maaaring maging mahirap. Kapag mas partikular kayo sa edad ng bata, kasarian, at emosyonal at pisikal na kalusugan ng bata, maaaring maging mas mahirap ang proseso. Maging matalino at mapagsuri sa paghahanap ng batang makakaakmang mabuti sa inyong pamilya. Tandaan na isamo sa Panginoon na tulungan kayo sa paghahanap ng bata na nais Niyang kalingain ninyo at ibuklod sa inyo. Ang mga mapagkukunan ng impormasyon ay maaaring kabilangan ng:

  • Mga propesyonal sa proseso ng pag-aampon

  • Iba pang mga magulang na nag-ampon

  • Ang internet

  • Pampublikong aklatan sa inyong lugar

Ano ang gagawin namin kapag nakahanap na kami ng batang aampunin?

Kakailanganin ninyong muli ang tulong ng propesyonal sa proseso ng pag-aampon (adoption agency, adoption attorney, lisensyadong adoption provider) upang matiyak na matutugunan ninyo ang mga kinakailangang gawin para lubusang mapahintulutan ang pag-ampon ninyo sa bata. Ipapaliwanag nila ang mga papeles at legal na hakbang na kailangan upang makumpleto ang pag-aampon.

Kapag natugunan ninyo ang lahat ng hinihingi ng batas at lubusan nang napahintulutan sa mga hukuman, maaari na kayong makipagtulungan sa inyong bishop para maibuklod sa inyo ang bata.

“Nawa’y pagpalain ng ating Ama sa Langit ang mga kaluluwang ito, ang mga natatanging kaibigan ng Panginoon” (Thomas S. Monson, “Precious Children—A Gift from God,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 1991).

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan