Kasaysayan ng Simbahan
Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo


“Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Mga Pagbabago sa Gawain sa Templo

Ang pag-unawa sa mga ordenansa ng templo ay inihayag kay Joseph Smith “ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin.”1 Kumikilos nang may banal na patnubay, ipinaalam niya ang lahat ng ordenansang nauugnay sa mga templo ngayon: mga pagbibinyag para sa mga patay, initiatory at seremonya ng endowment, at mga pagbubuklod sa templo. Nang magkaroon siya ng mas maraming paghahayag at karanasan, gumawa si Joseph ng mga pagbabago sa pangangasiwa ng mga ordenansang ito upang mas maturuan ang mga Banal.

Ang sumunod na mga propeta ay patuloy na gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng pangangasiwa ng mga ordenansa at tipan sa templo. Ang mga pagbabagong ito ay ginawa bilang tugon sa paghahayag, sa nagbabagong mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan, at sa mga praktikal na alalahanin. Bagama’t maraming pagbabago ang naganap sa paglipas ng panahon, ang pangunahing doktrina at mga pangunahing tipan ng mga ordenansa sa templo ay nanatiling hindi nagbabago. Noong 1959, itinuro ni Elder Harold B. Lee ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alituntuning ito sa mga ordinance worker sa Salt Lake Temple: “Mayroon tayong mga bagong pamamaraan,” sabi niya, “ngunit ang mga katotohanan ay magkakapareho paano man ilahad ang mga ito. Maaari nating asahan na magkakaroon ng mas maraming bagong pamamaraan—ngunit hindi mababago ang mga pangunahing alituntunin.”2

Tinatalakay ng iba pang mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan ang mga pagbabago sa mga pagbibinyag para sa mga patay at pagbubuklod sa templo at tinatalakay ang pambungad at inspiradong pagbabago sa endowment sa panahon ni Joseph Smith. Bago ang kanyang kamatayan, iniatas ni Joseph Smith kay Brigham Young na “organisahin at ayusin” at gawing sistematiko ang endowment upang mapangasiwaan ang mga ito sa loob ng templo.3 Alinsunod dito, ipinaalam ni Brigham Young ang mga pagbabago noong huling bahagi ng 1845 upang magtatag ng “mas mainam na kaayusan sa pagsasagawa ng endowment” habang ito ay pinangangasiwaan sa templo sa unang pagkakataon.4

Sa mga naunang templo, ang endowment kung minsan ay tumatagal nang maraming oras at nagbibigay ng mahabang tagubilin. Sa paglipas ng panahon, naghangad ng banal na patunubay ang mga lider ng Simbahan upang gawing posible na makapagsagawa ang mga miyembro ng mas maraming endowment para sa mga patay. Dahil dito, binago nila nang bahagya ang mga sinasabi sa seremonya at binawasan at ginawa ring sistematiko ang tagubilin na ibinibigay sa oras ng ordenansa. Noong huling bahagi ng ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo, ang endowment sa templo ay karaniwang pinangangasiwaan sa mga grupo ng mga miyembro ng Simbahan na inorganisa ng mga ward, stake, o korum. Noong dekada ng 1920, itinigil ng Simbahan ang mga basbas ng pagpapagaling na isinasagawa sa mga templo, at dahil dito mas nabigyan ng pansin ang dumaraming bilang ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagpupunta sa mga templo upang magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Ang mga lider ng Simbahan ay naglagay ng mas maraming upuan sa templo, nagdagdag ng bilang ng mga daily endowment session, at tumawag ng superintendent para mag-organisa at mamahala sa mga temple worker. Nagtakda rin sila ng mga regular na sesyon ng endowment na bukas sa indibiduwal na Banal sa mga Huling Araw at gayon din sa mga grupong magkakasamang naglakbay patungo sa templo.5

Sa mga unang dekada ng ika-20 siglo nagkaroon din ng mga pagbabago sa estilo ng pananamit at kasuotan sa Europa at sa Estados Unidos. Nawala sa uso ang kasuotan ng kababaihan na may mahahabang manggas at palda na hanggang talampakan ang haba. Ang mga pagbabagong ito sa estilo ng pananamit ay hindi lamang tungkol sa uso; kinunsidera din ang mas maginhawang pagkilos na mas nagpapaganda ng kalusugan. Nalaman ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Heber J. Grant, ang mga pagbabagong ito at nais tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na matupad ang kanilang mga tipan sa templo. Noong 1923, ipinakilala nila ang isang bagong pamantayan, na nagmumungkahi na ang temple garment ay maaaring iklian hanggang tuhod at siko, tanggalin ang kuwelyo, at mga butones na ang gamitin sa halip na mga panali.6

Noong mga unang taon ng dekada ng 1950, inaprubahan ng Unang Panguluhan ang isang bagong disenyo ng templo kung saan ang endowment ay gagawin sa isang silid sa halip na hilingin sa mga temple patron na lumipat sa magkakasunod na mga silid. Dahil sa pagbabagong ito, makapagpapatayo na ng mas maliliit na templo na nangangailangan ng mas kaunting temple worker.7 Upang mapadali ang pangangasiwa ng endowment sa mas maliliit na templong ito, tinanggap ni Pangulong David O. McKay ang isang mungkahi mula kay Gordon B. Hinckley na isang pelikula ang gagamitin sa paglalahad ng ilang bahagi ng endowment. Ginawa ang pelikula sa ikalimang palapag ng Salt Lake Temple, at handa na ang pelikula para sa paglalaan ng templo sa Switzerland noong Setyembre 1955.

Nagpatuloy ang paminsan-minsang mga pagbabago sa mga pamamaraan at kasuotan sa templo sa mga nakaraang dekada. Noong 1979, halimbawa, pinasimulan ang paggamit ng two-piece garment sa halip na ang dating one-piece style.8 Isa pang mahalagang pagbabago ang nangyari noong 2019, nang bigyan ng awtoridad ng Unang Panguluhan ang kababaihan na gumanap bilang mga saksi para sa mga ordenansa ng binyag at pagbubuklod sa templo.9

Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff na sina Joseph Smith at Brigham Young ay “hindi tinanggap ang lahat ng paghahayag na nabibilang sa gawain [sa templo], gayundin si Pangulong Taylor, pati na si Wilford Woodruff. Walang katapusan ang gawaing ito hanggang sa ito ay maperpekto.”10 Sa bawat pagkakataon, ang mga pagbabago ay awtorisado ng Pangulo ng Simbahan, na mayhawak ng lahat ng kinakailangang susi para sa mga ordenansa ng priesthood. Noong 2021, itinuro ni Pangulong Russsel M. Nelson na, “ang mga pagbabago sa mga pamamaraan ng templo, at ang iba pang susunod, ay patuloy na katibayan na aktibong pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan.”11

Mga Kaugnay na Paksa: Binyag para sa mga Patay, Hinirang na Korum (“Banal na Orden”), Endowment House, Nauvoo Temple, Salt Lake Temple, Pagbubuklod, Temple Endowment, Pagtatayo ng Templo, Pagpapagaling, Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan

  1. 2 Nephi 28:30.

  2. Harold B. Lee, Remarks, 9 Ago. 1959, Salt Lake Temple Historical Record, Book B, p. N, Church History Library, Salt Lake City.

  3. L. John Nuttall, Diary, 7 Feb. 1877, typescript, Church History Library, Salt Lake City.

  4. Heber C. Kimball, Journal, 13 Dec. 1845, Church History Library, Salt Lake City.

  5. Matthew S. McBride, A House for the Most High: The Story of the Original Nauvoo Temple (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2007), 271–73; Lorenzo Snow, Instructions to Brethren and Sisters of the Salt Lake Temple District, 23 Hunyo 1893, ni-reproduce sa The Church News, Dis 5, 1964, 15; Dale C. Mouritsen, “A Symbol of New Directions: George Franklin Richards and the Mormon Church, 1861–1950” (PhD diss., Brigham Young University, 1982), 196–226; Report of Regular Meeting of First Presidency and Council of the Twelve Apostles, Feb. 13, 1913, 11–13, Historical Department Journal History of the Church, 1830–2008, 1910–1919, CR 100 137, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Halimbawa, tingnan sa “Temple Garments Greatly Modified: Church Presidency Gives Permission,” Salt Lake Tribune, Hunyo 4, 1923, 12.

  7. Richard O. Cowan, “The Pivotal Swiss Temple,” sa Donald Q. Cannon at Brent L. Top, mga pat., Regional Studies in Latter-day Saint Church History: Europe (Provo, Utah: Religious Studies Center, 2003), 129–45.

  8. Spencer W. Kimball, N. Eldon Tanner, and Marion G. Romney, Letter to Executive Administrators, Regional Representatives, Stake, Mission, and District Presidents, Bishops, Branch Presidents and Temple Presidents, 15 Dec. 1979, Historical Department Journal History of the Church, 1830–2008, 1970–1979, 1979 November–1980 January, CR 100 137, Church History Library, Salt Lake City.

  9. Sarah Jane Weaver, “Women Can Serve as Witnesses for Baptisms, Temple Sealings, President Nelson Announces in Historic Policy Change,” Church News, Okt. 2, 2019, https://www.thechurchnews.com/members/2019-10-02/women-can-serve-as-witnesses-for-baptisms-temple-sealings-first-presidency-announces-in-historic-policy-change-162319.

  10. Wilford Woodruff, “Discourse,” The Latter-day Saints’ Millennial Star, tomo 56, blg. 21 (Mayo 21, 1894), 321–25, https://catalog.churchofjesuschrist.org/assets/181beee9-55b6-45c5-881e-bac8482e915b/0/0.

  11. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 95, https://www.churchofjesuschrist.org/study/general-conference/2021/10/47nelson.