Kasaysayan ng Simbahan
Paglalaan at Pangangasiwa


“Paglalaan at Pangangasiwa,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Paglalaan at Pangangasiwa”

Paglalaan at Pangangasiwa

Sa mga siglo magmula noong magsimula ang Kristiyanismo, maraming grupo ang nagsikap tularan ang mga Kristiyano ng Bagong Tipan na binanggit sa aklat ng Mga Gawa na ang “lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.”1 Natutunan ni Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag na ang paraang ito ng pamumuhay ay may mas maagang mga pinagmulan. Habang nagtatrabaho sa kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia noong tag-init ng 1830, idinikta ni Joseph ang isang paghahayag tungkol sa sinaunang lunsod ni Enoc, na ang mga tao ay may “may isang puso at isang isipan” at “walang maralita sa kanila.”2

Noong sumunod na Enero, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag sa New York na nag-aatas sa mga Banal sa mga Huling Araw na naroroon na lumipat sa Ohio, kung saan ibibigay ng Panginoon ang Kanyang batas.3 Samantala sa Ohio, isang grupo ng mga bagong binyag na kilala bilang “ang pamilya” ang nakatira sa bukirin nina Isaac at Lucy Morley at sinisikap ipamuhay ang nauunawaan nila bilang huwaran ng Bagong Tipan kung saan ang lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.4 Sa pagdating nila sa Ohio, kapwa napansin nina Joseph Smith at John Whitmer na ang pagsasagawa ng pamilya Morley ng communitarianism, bagamat kahanga-hanga, ay hindi mapapanatili.5 Noong Pebrero 9, sina Joseph at iba pa ay nanalangin at nakatanggap ng paghahayag na nagbabalangkas ng mga batas ng Panginoon.6 Sa pagkakahayag ng patnubay na ito, ang mga plano sa “common stock” o gamit na pinaghahatian ng lahat, na isinagawa sa bukirin ng mga Morley “ay walang alinlangang inihinto para sa iba pang mas perpektong batas ng Panginoon.”7

Larawan
Makasaysayang bahay sa bukid ni Isaac Morley

Makasaysayang bahay sa bukid ni Isaac Morley malapit sa Kirtland, Ohio.

Minsang tinatawag na “batas ng paglalaan at pangangasiwa,” itinuro ng paghahayag na ito sa mga Banal kung paano pagsisikapan ang pagkakapantay-pantay sa ekonomiya nang hindi kinaliligtaan ang kusang pagpili at pananagutan. Nagawa ito hindi sa pamamagitan ng pag-mamayari ng komunidad sa lahat ng bagay, kundi sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga Banal na ilaan ang kanilang mga ari-arian, o gawin itong sagrado sa pamamagitan ng paggamit ng mga ito upang isulong ang gawain ng Panginoon. Sa pagkilala na lahat ng kanilang mga ari-arian ay tunay na pag-aari ng Diyos, inilipat ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang ari-arian sa Panginoon sa pamamagitan ng bishop subalit pinanatili ang pangangasiwa para sa—at aktuwal na pagmamay-ari ng—lupain at suplay na kailangan nila para sa kanilang mga sarili. Anuman ang kanilang itinuturing na sobra ay kanilang ibinigay sa Simbahan upang maibsan ang kahirapan at maitayo ang Sion.8 Ang pangunahing tungkulin ng tanggapan ng bishop sa naunang Simbahan ay ipatupad ang batas ng paglalaan.9

Naging mahirap ang pagpapatupad ng batas ng paglalaan, dahil sa tila laging higit pa ang mga pangangailangan kaysa sa mga mapagkukunan. Maraming Banal na dumating sa Ohio at Missouri ang nasa hikahos na kalagayan, kailangan din ng Simbahan na bumili ng mga lupain sa Sion at magtayo ng mga gusali, at dumaranas rin ang mga Banal ng pagkapoot mula sa kanilang mga kapitbahay. Ang mga miyembro ng United Firm—ang kapulungang inatasan noong 1832 na mangasiwa ng pananalapi ng Simbahan—ay hindi magkasundo sa kung ano ang uunahin sa mga gastusin.10 Ilang mga Banal ang mapagbigay sa kanilang itinuturing na sobra at nagbigay sa bishop; ang iba naman ay mahigpit na pinanghawakan ang mga sobrang lupain at ari-arian.11

Dalawang paghahayag noong 1838 ang nagpakilala sa batas ng ikapu bilang bahagi ng batas ng paglalaan.12 Itinuro ng mga paghahayag na ito na matapos ang paglalaan ng kanilang labis na ari-arian, nararapat ibigay ng mga Banal ang “ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon.”13 Muling binigyang-diin ng mga sumunod na propeta na ang ikapu ay isang paraan upang isabuhay ng mga miyembro ng Simbahan ang batas ng paglalaan.14

Bagamat ang mga alituntunin na batayan ng batas ng paglalaan ay nanatiling hindi nagbabago, ang mga paraan ng mga Banal sa pagpapatupad ng batas ay nagbago sa ilalim ng tagubilin ng propeta at bilang tugon sa mga nagbabagong kalagayan. Halimbawa, hinikayat ni Brigham Young ang pagbubuo ng mga kooperatiba sa buong Utah at sa mga nakapalibot na lugar upang umalalay sa mga malalayong pamayanan at iayon ang gawaing pang-ekonomiya ng mga Banal sa mga paghahayag ni Joseph Smith sa halip na sa makasariling ekonomiya ng Amerika. Ang mga kooperatibang ito, kung minsan ay tinatawag na “nagkakaisang orden,” ay ipinatupad sa iba’t ibang anyo ng iba’t ibang komunidad sa buong rehiyon ng Great Basin noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.15

Larawan
Isang drowing ng Orderville, Utah noong 1875

Isang drowing ng Orderville, Utah noong 1875, isa sa mga komunidad na naglayong ipatupad ang mga alituntunin ng paglalaan sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young.

Bilang karagdagan sa pagbabayad ng ikapu, ang mga Banal ay may marami ring paraan upang ilaan ang kanilang oras, mga talento, at mga pamamaraan upang isagawa ang gawain ng Panginoon. Simula sa Kirtland, nagbigay ang mga Banal ng mga handog-ayuno para sa mga maralita. Sa Nauvoo at kalaunan sa Utah, ang kababaihan ng Relief Society ay nakipag-ugnayan sa mga lokal at pangkalahatang lider ng Simbahan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nangangailangan.16 Naghandog ang mga miyembro ng Simbahan ng mga mapagkukunan para sa Perpetual Emigration Fund upang mabayaran ang gastos sa pagbiyahe ng mga miyembro na nais makipagtipon sa mga Banal sa Utah.17 Ang Welfare program ng Simbahan ay itinatag noong dekada ng 1930 upang tulungan ang mga nahihirapan sa nakapanlulumong kondisyon sa ekonomiya noong Great Depression.18 Noong 2001, pinasimulan ng Pangulo ng Simbahan na si Gordon B. Hinckley ang Perpetual Education Fund upang mabigayang-tulong ang mahihirap na miyembro ng Simbahan sa buong mundo upang makakuha ng edukasyon.19 Bawat isa sa mga programang ito ay tumutugon sa mga layunin ng batas ng paglalaan ayon sa paghahayag: pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan, mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, iwasan ang katamaran, at suportahan ang paglago ng Simbahan.

Mga Kaugnay na Paksa: Bishop, United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”), Ikapu, Ang Female Relief Society ng Nauvoo

Mga Tala

  1. Mga Gawa 2:44–45. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman din ng isang ulat ng mga sinaunang Kristiyano sa Amerika na mayroong “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila” kaya “walang mayaman at mahirap” (4 Nephi 1:3).

  2. Old Testament Revision 1,” 16, josephsmithpapers.org.

  3. Revelation, 2 January 1831 [DC 38],” sa Revelation Book 1, 52, josephsmithpapers.org.

  4. Tingnan sa Mga Gawa 2:44.

  5. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 93, josephsmithpapers.org; “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 11, 17, josephsmithpapers.org.

  6. Revelation, 9 February 1831 [DC 42:1–72],” josephsmithpapers.org.

  7. History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 93, josephsmithpapers.org.

  8. Revelation, 9 February 1831 [DC 42:1–72],” 3, josephsmithpapers.org; Steven C. Harper, “The Law: DC 42,” sa Matthew McBride at James Goldberg, mga pat., Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2016), 93–98.

  9. Sherilyn Farnes, “‘A Bishop unto the Church’: DC 41, 42, 51, 54, 57,” sa McBride at Goldberg, Revelations in Context, 77–83. Nasa mga bishop pa rin ang responsibilidad para sa temporal na kapakanan ng mga miyembro sa kanilang mga kongregasyon ngayon.

  10. Tingnan sa Paksa: United Firm o Nagkakaisang Samahan (“Nagkakaisang Orden”).

  11. Isang miyembro mula sa Ohio na nagngangalang Leman Copley, halimbawa, ay nangako ng malalaking sakahan sa Ohio para sa mga Banal sa New York; nagbago ang kanyang isip, marahil dahil wala siyang tunay na mga legal na karapatan sa lupain. Tingnan sa Historical Introduction to “Revelation, May 20, 1831 [DC 51],” josephsmithpapers.org; tingnan din sa “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 17, josephsmithpapers.org. Ang pagsasagawa ng paglilipat ng titulo sa ari-arian sa bishop ay nagpatuloy sa Nauvoo (Sherilyn Farnes at Mitchell K. Schaefer, “‘Myself … I Consecrate to the God of Heaven’: Twenty Affidavits of Consecration in Nauvoo, June–July 1842,” BYU Studies, tomo 50, blg. 3 [2011], 101–32).

  12. Tingnan sa Paksa: Ikapu.

  13. Revelation, 8 July 1838–C [DC 119],” sa Joseph Smith, Journal, March–September 1838, 56, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay.

  14. Tingnan sa Lorenzo Snow, “The Spirit and Principles of the United Order,” sa Journal of Discourses, 26 tomo (London: Latter-Day Saints’ Book Depot, 1854–86), 20:368–369; Gordon B. Hinckley, Teachings of Gordon B. Hinckley (Salt Lake City: Deseret Book, 1997), 139, 640.

  15. Leonard J. Arrington, Great Basin Kingdom: Economic History of the Latter-day Saints, 1830–1900 (Lincoln: University of Nebraska Press, 1958), 323–37. Ang “united orders” ni Brigham Young ay naiiba mula sa “United Order” o “United Firm” na binanggit sa Doktrina at mga Tipan. Tingnan sa Matthew C. Godfrey, “Newel K. Whitney and the United Firm: DC 70, 78, 82, 92, 96, 104,” sa McBride at Goldberg, Revelations in Context, 142–47; Dwight L. Israelson, “United Orders,” sa Daniel H. Ludlow, pat., Encyclopedia of Mormonism (New York: MacMillan, 1992), 4:1493–95.

  16. Jull Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, mga pat., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 7–9, 240–42, 358–64.

  17. Arrington, Great Basin Kingdom, 77–79.

  18. Leonard J. Arrington at Wayne K. Hinton, “Origin of the Welfare Plan of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” BYU Studies, tomo 5, blg. 2 (Taglamig 1964), 67–85.

  19. The Perpetual Education Fund,” Self-Reliance Services, lds.org/topics/pef-self-reliance.