2018
Paano Kami Nagtagumpay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Hulyo 2018


Paano Kami Nagtagumpay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Bilang mga bagong convert, hindi namin gaanong alam ng asawa ko kung paano maging mga missionary. Ngunit minithi naming magbahagi sa 100 tao.

Larawan
Never and Everjoyce Chikunguwo

Never at Everjoyce Chikunguwo

Ang asawa ko, si Everjoyce, at ako ay galing sa maliit na bayan ng Mutare, sa silangang hangganan ng Zimbabwe. Matapos kaming mabinyagan at makumpirma, nasabik kami sa paggawa ng gawaing misyonero. Nabasa namin na “ang bukid ay puti na upang anihin” (D at T 33:7), at kahit na wala kaming gaanong alam kung paano maging mga missionary, napagpasiyahan namin na kinakailangan namin na “humawak sa [aming] panggapas, at maggapas nang buo [naming] kakayahan, pag-iisip, at lakas.”

Kami ay mga miyembro ng bagong tatag na Dangamvura Branch sa bayan ng Mutarte. Noong panahong iyon, ang branch ay may 25 miyembro. Di nagtagal, kami ay natawag na mga branch missionary. Marami kaming natutuhan sa senior missionary couple na nagsisilbi sa aming lugar. Isa sa mga mungkahi nila ay magtakda kami ng mga mithiin.

Nais naming ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao, kaya minithi naming ibahagi ito sa 100 tao sa unang taon namin bilang mga branch missionary. Siguro ay wala pa kaming muwang noon, ngunit makatotohanan sa amin ang layuning ito. Nanalig kami na tutulungan kami ng Panginoon.

Sa pamamagitan ng pagkanta ng mga himno sa mga miting sa Simbahan, napag-alaman namin na may nakatago kaming talento sa musika. Nagpasiya kaming gamitin ang aming mga talento, kaya nagsimula kaming kumanta para sa—at kasama ang—mga taong nagpakita ng interes sa ebanghelyo habang tinuturuan namin sila. Sinamahan kami ng Espiritu sa pagkanta namin ng mga sagradong musika, at pinalambot Niya ang puso ng mga tinuturuan namin. Gayundin ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Hinikayat namin ang lahat na sumali sa aming branch choir, at marami ang sumali, mga Banal sa mga Huling Araw man sila o hindi. Habang mas maraming tao ang natututo tungkol sa ebanghelyo, marami ang nagpabinyag.

Larawan
choir singing

Larawang guhit ni Oriol Vidal

Sa pagpapatuloy namin sa aming gawaing misyonero, patuloy kaming nag-ayuno at nanalangin para sa mga pamilya na sumapi sa Simbahan. Naramdaman namin na nakikita ng mga tao sa aming komunidad ang matuwid na halimbawa ng mga pamilyang ito. Nakatanggap kami ng mas marami pang paanyaya na turuan ang mga pamilya, at ang aming listahan ng tinuturuan ay napuno ng mga prospective member.

Bilang resulta ng pagkatuto at pagsasabuhay ng ebanghelyo, ang mga bagong binyag na mag-asawa ay mas napalapit sa isa’t isa at naging mapagmahal. Nagawa ng mga magulang na iwanan ang mga tradisyon na hindi tugma sa kultura ng ebanghelyo. Iniwasan nila ang alkohol at tabako. Tinuruan nila ang kanilang mga anak ng mga tamang prinsipyo. Marami sa mga nalulong sa mga makamundong bagay noon ang tumanggap ng mga calling sa Simbahan. Naging pagpapala sila sa kanilang branch at sa kanilang komunidad. Ang kamay ng Diyos ay nagdala ng malaking pagbabago sa kanilang buhay.

Kahit na maraming pagmamalupit ang nangyari sa Mutare noong panahong iyon, hindi nito napigilan ang paglago ng Simbahan. Tila habang mas lumalaki ang oposisyon, gayundin ang bilang ng mga taong nais matuto tungkol sa Simbahan. Halimbawa, nang ang mga lalaki mula sa hukbong sandatahan ay nagpapanggap na dumating upang imbestigahan ang mga pagkakamali ng Simbahan, naramdaman nila ang Espiritu. Marami ang nabinyagan at naordenan sa priesthood kalaunan.

Sa tulong ng Panginoon, nagawa naming magbahagi ng ebanghelyo nang higit pa sa orihinal na layunin namin. Dahil handa kaming maghanap ng mga paraan upang mapalapit sa iba, nasaksihan namin ang malaking pagbabago sa buhay ng maraming tao sa aming buong komunidad.