2018
Ang Mabubuting Tao ng St. George
Hulyo 2018


Ang Mabubuting Tao ng St. George

Claudio Gonzalez, Antofagasta, Chile

Larawan
man thinking of st. george

Paglalarawan ni Allen Garns

Noong ako ay 12 taong gulang, napanood ko ang isang pelikula ng Simbahan na nagpapakitang nagdarasal si Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901) para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa St. George, Utah, USA, na dumaranas ng matinding tagtuyot.

“Panginoon,” dasal ni Pangulong Snow, “pagpalain Ninyo ang mabubuting tao ng St. George.”

Ang mga salitang iyon, “ang mabubuting tao ng St. George,” ay tumatak sa aking murang isipan. Dahil sa ako ay nakatira sa Chile, sinubukan kong isipin kung anong klaseng tapat na mga Banal ang “mabubuting tao ng St. George.” Nais ko silang makilala.

Pagkalipas ng mahigit sa 30 taon, noong 2005, hinatid namin ng aking pamilya ang pangalawa naming anak na lalaki sa Provo, Utah, upang makasama ang kanyang kapatid na lalaki, na nag-aaral sa Brigham Young University. Sa gabi pagdating namin, sinabi ko na, “Gusto kong makita ang mabubuting tao ng St. George.”

“Pero, Papá,” pagtutol ng panganay kong anak na lalaki, “napakalayo ng St. George.”

“Tingnan mo,” sagot ko, “binayaran ni Papá ang mga plane ticket. Si Papá ang magbabayad para sa pagkain. Si Papá ang magbabayad para sa gasolina. Isa lang ang gusto ni Papá para sa kanyang sarili. Gusto niyang makilala ang mabubuting tao ng St. George!”

“Okey,” sagot ng aking anak pagtapos niyang mapagtanto na seryoso ako.

Kinabukasan ay nagbiyahe kami nang 260 milya (418 km). Pagdating namin sa St. George, pumunta kami sa visitors’ center sa may templo at nag-tour sa winter home ni Pangulong Brigham Young (1801–77). Pinuntahan din namin ang tabernakulo, kung saan inimbitahan ako at binigyan ng oras upang magsalita sa aking pamilya mula sa pulpito kung saan nagsalita si Pangulong Snow sa “mabubuting tao ng St. George.” Naglakad-lakad kami sa lungsod, pinagmamasdan at kinakausap ang mga tao. Para silang karaniwan at tapat na mga Banal sa mga Huling Araw.

Masaya akong nagpunta kami. Ngunit nang bumalik kami sa Chile, may napagtanto ako: Nakita ko na dati “ang mabubuting tao ng St. George.”

Dahil sa aking trabaho at mga calling sa Simbahan, nalibot ko na ang Chile. Sa Calama, nakakita ako ng mga young adult na nagsisikap na sundin ang mga kautusan. Sa La Serena, nakakita ako ang mga dedikadong magulang na maagang dumarating kasama ang kanilang mga anak sa mga miting sa Simbahan. Sa Antofagasta, nakakita ako ng mga Banal sa mga Huling Araw na ipinaglalaban ang tama sa bawat araw. Sa Vallenar, Copiapó, Caldera, Tocopilla, at iba pang mga lungsod, nakakita ako ng mga miyembro na nagdarasal at pagkatapos ay sumusulong kahit na hindi madali ang mga bagay-bagay.

Kapag nakakakita ako ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw na sumusunod at nagtitiis—saan man sila nakatira o ano man ang mga pagsubok na kinakaharap nila—sinasabi ko sa aking sarili, “Ito ang mabubuting tao ng St. George.”