2018
Ang Payo na Hindi Ko Gustong Marinig
Hulyo 2018


Ang Payo na Hindi Ko Gustong Marinig

Hindi ibinigay ang pangalan

Porto Alegre, Brazil

Larawan
couple holding hourglass

Mga larawan mula sa Getty Images

Nang magsimula kami ng asawa ko ng sarili naming negosyo, naging mahirap ang unang tatlong taon. Hindi kami kumikita at nagkakautang kami. Nagtrabaho kami nang maigi, ngunit ang panahong iyon ay naging pinakamahirap sa buhay namin dahil sa mga hindi mailarawang problema.

Lumala pa ito nang pumanaw ang aking biyenan sa araw pagkatapos ng Pasko at pagkalipas ng isang linggo, sa Bisperas ng Bagong Taon, nagkaroon ako ng malubhang karamdaman. Sa panahong iyon, walang wala kami, wala na kaming kotse, at ang pinakamalala, nawalan na kami ng health insurance.

Sa huli, nasuri na may kanser ako na mabilis kumalat, na hindi bababa sa limang taon nang nasa katawan ko. Ito ay malubha at kailangang operahan kaagad. Nauubos na ang aking oras at wala na kaming perang gagastusin para sa pangangalagang medikal na kailangan ko.

Nakipagkita kami ng asawa ko sa aming bishop at humingi ng tulong. Ipinaliwanag namin na ito ay isang emegency. Nag-alala ang bishop, ngunit sinabi niya sa amin na nararamdaman niya na maghintay pa bago magbigay ng tulong para makita kung may iba pang paraan. Tiniyak niya sa amin na kung sapat ang aming pananampalataya, magbibigay ang Panginoon ng paraan para makuha ko ang kailangang tulong.

Noong una ay ikinagalit at dinamdam ko ang sagot ng bishop. Sa aking pakiramdam ay pinabayaan niya ako at ng Panginoon. Ngunit may patotoo ako sa ebanghelyo, at naniniwala ako na ang aming bishop ay tinawag ng Diyos. Sa kabila ng aking dalamhati, nagdasal ako na tulungan ako ng Ama sa Langit na patuloy na mahalin, irespeto, at suportahan ang aking bishop. Nang ipagdasal ko ito, lumuwag ang aking pakiramdam at naramdaman ko na tutulungan ako ng Panginoon sa ibang paraan.

Sumulong kami ng aking asawa nang may pananampalataya, at natanggap ko ang mga kinailangang medical test at naoperahan ako sa tamang oras, sa kabila ng kakulangan namin sa pera. Sa araw bago ako operahan, ibinenta namin ang aming negosyo sa magandang halaga, kaya nabayaran namin ang lahat ng aking mga medical bill.

Malinaw na ngayon kung bakit nag-atubiling tumulong ang aking bishop. Sinunod niya ang inspirasyon sa kanya upang magkaroon ako ng mahalagang karanasang espirituwal. Tinuruan ako ng karanasang iyon na magtiwala sa Tagapagligtas, kahit na ang daan ay tila hindi nakasisiya at nakakatakot. Nagpapasalamat ako sa payo na hindi ko gustong marinig mula sa aking bishop. Alam ko na ang Diyos ay isang Diyos ng mga himala at kailanman ay hindi Niya tayo pinababayaan.